Actions

Work Header

Adriel

Summary:

Sana naalala mo pa siya, Adriel.

Notes:

Hi! This is just a chapter from the book Haviel. If you haven't read the main story yet, please go to my Twitter (@sunwonheart) to find it! Please take the time to read the notes and watch the prologue. Thank you so matz! ♡

Thanks also to my friend, u know who u are, ily ♡

(See the end of the work for more notes.)

Work Text:

Adriel,

Naalala mo pa ba?

Naalala mo pa ba noong unang beses mo siyang nakita? Naliligaw ka noon sa isang baryong hindi pamilyar sa’yo. Takot na takot ka noon habang nakasakay sa tricycle dahil pakiramdam mo ay tingin nang tingin sa sa’yo ang driver. Halos isang oras na yatang umiikot ang tricycle sa mga daanan pero hindi pa rin kayo nakakarating sa lugar kung saan ka dapat bababa. Akala mo ay inililigaw ka na niya, kinabisado mo na nga ang plate number ng tricycle kahit mabilis ang kabog ng dibdib mo, natatakot ka na rin sa pasimpleng pagtingin-tingin niya sa’yo kahit tanghaling tapat naman, sabi niya malapit na daw kayo, pero hindi na maganda ang kutob mo dahil mukhang malapit na kayo sa dulo.

Marami ka nang nakikitang mga puno at halaman, dumadalang na rin ang mga bahay na nakikita mo.

Kaya’t nilakasan mo na ang loob mo.

Nakiusap ka sa tricycle driver na itigil ang sasakyan noong may nakita kang isang lalaki.

Hindi mo alam kung bakit noong nakita mo ang lalaki na ‘yun ay para bang safe ka na, hindi mo naman siya kilala, naramdaman mo lang. May pagkakataon ka namang pahintuin ang tricycle sa ibang taong nakita mo sa kalsada pero noong nakita mo siya, noon mo lang naramdaman na safe ka.

Walang nagawa ang tricycle driver kundi pahintuin ang tricycle dahil nakita niyang napalingon ang ilang mga alpha na bumibili sa lalaking nakita mo noon.

Inihinto ng driver ang tricycle sa harap ng isang ihawan stall, hindi mo pa alam ang tawag doon noon, pero bumaba ka sa tricycle para magtanong sa lalaking nagtitinda, pero tumingin-tingin ka pa nga muna sa paligid mo bago ka tumawid ng kalsada, baka kasi mamaya ay nandoon ka na pala sa tamang lugar, hindi mo lang alam.

Natatandaan ko noon, mukha kang clueless at inosente, at kahit maraming alpha na ang nagtatanong sa’yo kung anong problema ay sa kanya ka pa rin nagtanong.

Hindi mo nga inaasahan nang maglapat agad ang paningin niyong dalawa nang harapin mo siya, kanina pa pala siya nakatingin sa’yo.

Ilang segundo siyang natulala bago niya sinabing lumagpas ka na, sabi niya ay malapit na kayo sa talahiban kung kumaliwa ka pa dahil mga lupain na lang ng mga mayayaman ang nandoon at mga palayan, kaya’t tinuro ng lalaki sa’yo ang daan patungo sa bagong bahay mo, medyo tanaw pa rin naman ‘yun mula sa pwesto ng ihawan niya.

Tinanong ka pa nga niya kung ayos ka lang kasi mukha ka na yatang nakakita ng multo. Napatingin siya at ang mga tambay na alpha sa tricycle driver na mukhang bata pa, agad namang nagpaliwanag ang driver na hindi siya taga-roon at bago lang din siya nang mapansin niyang sumama ang tingin sa kanya ng mga tao, inamin din nito na nahihiya siyang sabihin na hindi niya alam ang daanan, mukhang naniwala naman ang mga tao dahil iba nga ang toda nito sa toda ng lugar niyo.

Doon mo napagtanto na nag-ooverthink ka lang.

Mukhang wala namang balak na masama sa’yo ‘yung driver, talaga lang takot ka na.

Natatakot ka na. Sobra.

Kaya’t tumingin ka na lang ulit sa lalaking kausap mo bago ka nagpasalamat at dumiretso sa lugar na tinuro niya. Nag-offer ang mga alpha na nakatambay na ihatid ka pero agad mo silang tinanggihan, nang magpumilit pa sila ay tsaka biglang nagsalita ang lalaking nagbebenta na huwag ka raw kulitin.

Pagkatapos ng araw na ‘yon…

Hindi mo na siya makalimutan.

Siya at ang scent niya.

Hindi na mawala sa isip mo kung bakit ganoon. Bakit ganoon ang scent niya? Hindi ba masyado namang matamis ‘yon para sa isang alpha?

Napuno na agad ang isipan mo ng mukha niya kahit halos isang minuto mo lang naman siyang nakita.

Simula nang lumipat ka ay nadistract ng alpha na ‘yon ang utak mo sa mga bagay na palagi mong iniisip. Nung una ay ayos lang sa’yo, masaya ka pa nga na distracted ka, pero kalaunan ay hindi ka na masaya dahil masyado ka nang distracted, sinubukan mong kalimutan siya ngunit akala mo ay matatakasan mo na ang sarili mo sa pag-iisip sa kanya pagkalipas ng ilang araw.

Pero hindi.

Hindi, kasi nang pumunta ka sa barangay hall pagkatapos kang ipatawag ni Omega Sol, ang omega na binayaran ng mga magulang mo para ilayo ka sa Maynila na siya ‘ring mother leader ng baryo niyo, ay tumambad agad sa’yo ang pamilyar na mukha ng lalaking nag-iihaw malapit sa bahay mo.

Wala siya doon physically, pero nakita mo siya sa isang tarpaulin sa labas ng barangay hall, medyo luma na ang tarpaulin, kumukupas na rin ang kulay nito, at mukhang ginagamit na lang ‘tong tarapal para hindi maulanan ang basag na bintana sa may barangay hall, ngunit kahit gaano na kaluma ang tarpaulin ay hindi mo pa rin maalis ang tingin mo sa imahe niya.

Malawak ang ngiti niya sa kanyang litrato kaya’t ang una mong napansin ay ang shade ng lipstick na nakalagay sa labi niya na hindi bumagay sa moreno niyang balat, sunod ay ang hindi pantay na foundation nito sa mukha, kitang kita ang kaibahan ng kulay ng kanyang mukha sa kanyang leeg, powdery din ang foundation na ginamit sa kanya kaya’t kitang kita na namumuo iyon, ngunit kahit na ganoon ang kanyang makeup ay sobrang gwapo pa rin niya.

May hawak siyang trophy na mukhang plastic, at may nakasuot sa kanyang korona at apat na sash na may iba’t ibang title, medyo malaki rin ang suit na suot niya sa kanyang katawan ngunit dahil matangkad siya ay hindi ‘yon masyadong pansinin, kung hindi naman susuriin ng sobra ang litrato niya sa tarpaulin ay hindi naman mapapansin ‘yon, talaga lang inabot ng ilang minuto ang pagtingin mo sa tarpaulin niya noon.

Kaya’t ayaw na namang mawala sa isip mo ang ngiti niya… pati ang pangalan niya.

Owen Magdayao.

Nakasulat iyon sa tarpaulin, naka-bold at italicize, sobrang laki ng pagkakasulat sa pangalan niya, para bang lahat ng taong dumaan doon ay matatandaan ang pangalan niya, katulad mo.

Tandang-tanda mo agad ang pangalan niya.

Hindi naman masyadong common ang pangalan niya, hindi rin naman ito kakaiba, kaya’t hindi mo alam kung bakit hindi mo makalimutan ang pangalan niya. Hindi mo na nga masyadong pinansin ang iba pang-text na nakasulat sa tarpaulin, hindi mo pinansin ang pangalan ng Mayor sa gilid na halos kasing laki na rin ng pangalan niya, ‘di mo na rin pinansin ang larawan ng mga politiko sa gilid na halos matabunan na ang magandang ngiti niya, at hindi mo na rin nga matandaan kung anong taon nanalo ng Mr. Baryo si Owen.

Mukhang medyo bata pa siya doon, siguro mga limang taon na ang nakalipas simula noong lumipat ka sa bagong baryo noong nanalo siya.

Kahit gusto mo pang mag-isip nang mag-isip noon kung anong klaseng pageant ang napanalunan niya ay bumalik ka rin agad sa reyalidad ng tanungin ka ni Omega Sol kung kumusta ka na sa bagong baryo. Napatalon ka pa nga ng bahagya dahil sa gulat, pero agad kang ngumiti sa kanya nang mapansin mong nakita ka niyang nakatitig sa tarpaulin ni Owen.

Nagsinungaling ka na lang noon at sinabi mong ayos lang ang lahat, tumango lang siya noon sa’yo at ngumiti bago niya inabot ang mga papeles para maging official member ka na ng pack.

Sabi niya ay isulat mo lang daw ang pangalan mo tapos pirmahan mo ang mga papeles pero nung tinanong ni Omega Sol kung anong pangalan mo ay bigla kang natigilan.

Kahit pala si Omega Sol ay hindi alam ang pangalan mo, mukhang tagong-tago nga ang baryong kinuha ng mga magulang mo, mukhang balak ka nga talaga nilang ilayo sa mga taong nakakaalam ng nakaraan mo.

Nang hindi ka sumagot ay inulit ni Omega Sol ang pagkakatanong niya.

Adriel Beaufort.

Iyon ang pangalan mo.

What a weird name, right, Adi?

Para bang nanggaling sa isang fiction na libro, galing sa hindi makatotohanang mundo, masyadong kakaiba, masyadong magara, at masyadong agaw pansin, para bang hindi normal na pangalan.

Kaya’t napabuntong hininga ka noon ay napatingin sa buong paligid mo bago mo sinabi ang pangalang Haviel.

Hindi mo ‘yan totoong pangalan, hindi mo alam kung saan mo ‘yan nakuha, gusto mo ngang murahin ang sarili mo noong mga oras na ‘yon dahil medyo katunog pa rin ng totoong pangalan mo, at kahit binago mo na ay medyo kakaiba pa rin.

Inulit ni Omega Sol ang pangalan na ‘yon, hindi niya kasi masyadong narinig ang pagkakasabi mo ng Haviel dahil sa sobrang hina ng boses mo noong binanggit mo ‘yon. Tumango ka na lang sa kanya noong naitama siya ng pagkakasabi niya.

Tinanong niya rin ang apelyido mo at agad mong inilibot ulit ang paningin mo, nakita mo ang isang larawan ng magsasaka katabi ng mayor, picture ‘yon na nagpapakita na binigyan ng award ang mga magsasaka sa baryo niyo, sa ilalim noon ay nakasulat ang pangalan ng magsasaka, kaya’t agad mong sinabi na Alonzo ang apelyido mo.

Ginaya mo lang ang apelyido ng magsasaka sa larawan.

Itinuro ni Omega Sol kung saan mo isusulat ang pangalan mo sa papeles.

Hindi ka na nagdalawang isip na pirmahan ‘yon dahil ganoon lang din naman, hindi ka rin naman uuwi na ulit sa Maynila.

Ipinaliwanag pa niya sa’yo lahat ng mga tradisyon na hindi nawala sa pack nila sa baryo, noong una ay parang medyo nagsisi ka pa dahil masyado silang tradisyonal, masyadong makaluma ang mga paniniwala nila sa probinsyang nilipatan mo.

Nalaman mo kasing nagsi-celebrate pa rin sila ng moon festival kung saan doon din ginaganap ang paghahanap ng potential mate dahil saktong mate season ito. Nalaman mo rin na required lahat ng mga single na omega na pumunta doon at tumanggap ng manliligaw, iniisip mo pa lang ito ay nai-stress ka na.

Ayaw mo ng mga ganoong tradisyon, ayaw mo ng parang ginagawang mamahaling bagay ang mga omega na bini-bid sa mga mayayamang alpha, at kung sino ang may pinakamataas na offer ay sa kanya ka mapupunta.

Pero ano bang magagawa mo noon?

Wala.

Wala kang magagawa dahil bago ka lang sa baryo, bagong sali ka lang sa pack, at wala kang choice kundi ang respetuhin ang mga tradisyon nila.

Kahit bored na bored ka na sa bahay dahil bawal din ang TV, radyo, at dyaryo, ay wala kang magawa kundi ang respetuhin sila, dahil ikaw lang naman ang nakikisali sa pack nila.

Bawal din ang cellphone, tanging telepono lang ang pwede kaya’t iyon lang ang nag-iisang mode of communication mo sa pamilya mo.

Nang minsan ngang tumawag sa’yo ang Mommy mo ay agad kang nagtatakbo patungo sa telepono upang sagutin ‘yon, kinamusta ka niya kung maayos ka daw ba sa bagong baryong tinutuluyan mo, nagsinungaling ka ulit at sinabi mong maayos ka dito.

Bakas sa boses ng Mommy mo na masaya siya na komportable ka sa bagong bahay mo, masaya rin siyang malaman na malayo ka na sa mga mapanghusgang tao, at sa mga taong nanakit sa’yo, masaya siya kahit malayo ka na sa kanila.

Kumirot ang puso mo pero anong magagawa mo?

Wala.

Wala na naman.

Wala kang magagawa kundi ang tanggapin nang tanggapin dahil kapag hindi mo tatanggapin ang sitwasyon mo ay mas lalo lang lala.

Nakiusap ka sa Mommy mo na damihan ang pagpapadala ng mga instant na pagkain sa’yo, ayaw mong lumabas ng bahay para bumili ng pagkain simula noong may alpha na kumuha ng larawan mo habang bumibili ka ng pagkain sa isang sari-sari store malapit sa bahay niyo.

Sobrang bilis ng kabog ng puso mo noon, takot na takot ka kahit alam mo namang imposibleng kumalat ang picture mo dahil wala namang TV, o cellphone sa lugar niyo, halos magmakaawa ka pa nga sa alpha na i-delete ang picture mo noon, at hindi ka na makahinga habang binibura niya sa harapan mo ang larawan mo, para bang nanginginig na ang buong katawan mo pero agad ka lang nagpasalamat nang makita mong wala na ‘yon, sobrang thankful mo noong sinunod niya ang sinabi mong burahin ito, na para bang kasalanan mo pa na kinuhanan ka ng litrato ng walang paalam sa’yo.

Hindi mo sinabi ‘yon sa Mommy mo, ang sinabi mo lang sa kanya ay hindi mo alam kung paano magluto, na totoo rin naman, kaya’t sumang ayon siya na magpadala ng maraming instant noodles, pero nakiusap pa rin ito na sana ay kumain ka ng mga healthy foods, um-oo ka kahit alam mong hindi mo ‘yon susundin.

Nakiusap ka rin na sana ay i-advance ang pagpapadala sa’yo ng suppressants. Sabi mo rin na magpadala ng extra para incase of emergency, kahit ang totoo niyan ay nararamdaman mo lang talaga na medyo lumalala na kasi ang kalagayan mo noon sa hindi malamang dahilan, para bang gustong kumawala ng omega sa loob ng katawan mo na matagal mo nang pilit itinatago.

Halos mabaliw ka na rin dahil para bang lagi kang nasa bingit ng paghi-heat kahit hindi naman dapat.

Hindi mo alam kung anong nangyayari sa katawan mo.

Malapit ka naman na sanang maging okay noon, kaya’t nagtataka ka kung bakit parang bigla nalang bumabalik ang omega mo. Wala ka namang nakakalapit na alpha dahil nakatago ka lang sa loob ng bahay mo buong araw kaya’t hindi mo alam, hindi mo alam bakit parang may nagtutulak sa’yo na maghanap ng mate.

Iniisip mo kung kailan ang huling interaction mo sa mga alpha, bukod sa lalaking kumuha ng litrato mo ng walang consent ay wala ka ng maisip na iba pa.

Hanggang sa bigla kang bumalik sa huwisyo nang makita mo ulit ang alpha na inaabangan mo tuwing umaga.

Alas singko pa lang ng umaga ay naglalakad na ito patungo sa palengke, tapos bago mag alas sais ng umaga ay bumabalik na ito na may bitbit ng mga plastic bag. Araw-araw ‘yon, kaya’t hindi mo alam kung bakit araw-araw ka ring gumigising ng maaga para magdilig ng halaman mong saktong nakapwesto sa may bintana.

Ano ‘yon? Dalawang beses mong dinidiligan ang halaman mo? Alas singko ng umaga at alas sais ng umaga rin?

You’re so stupid, Adi.

Sobrang stupid mo.

Ano bang ginagawa mo noon? Bakit lagi mo siyang inaabangan? Bakit lagi mong tinatanaw ‘yung leeg niya? Bakit ang saya mo noong nakita mong wala siyang marka? Bakit gustong-gusto mo siyang nakikita? Tapos kapag lumilingon siya sa bintana mo ay nagtatago ka rin naman agad, para bang ayaw mong makita ka niya?

Sa ilang linggo mong pagsulyap-sulyap at pag-abang sa kanya tuwing umaga ay isang beses lang nagtama ang paningin niyo pero hindi mo na siya agad makalimutan.

Nababaliw ka na yata.

Kasalanan na naman siguro ng suppressed heat mo ‘yan.

Ilang taon ka na bang hindi naghi-heat noon? Isa? Dalawa?

Kaya tama lang, kasalanan ‘yan ng suppressed heat mo.

Kasalanan ng suppressed heart mo kung bakit ka biglang lumabas ng bahay para maglakad ng tanghaling tapat at silipin siya sa pagtitinda niya, kasalanan ng suppressed heat mo kung bakit doon ka pa sa may karinderya malapit sa bahay nila bumili ng ulam para lang matanaw mo siya habang binabalot ng tindera ang sa plastic mangilo ang lutong ulam, ‘di ba?

Kasalanan ‘yon noon, kasi bakit mo naman gagawin ‘yon?

Bakit mo naman siya sisilipin na para bang pinaglilihian mo siya dahil hindi mo makaya ang isang araw na hindi siya makita?

Hindi mo naman gawain ‘yan Adi, hindi mo alam kung bakit ka nagkakaganiyan sa kanya, kahit kailan ay hindi ka naman naging ganyan sa isang alpha. Naiilang ka nga sa kanila ‘di ba? Naiilang ka sa mga alpha, natatakot ka rin sa kanila, kaya’t bakit ka nagkakaganiyan sa kanya?

Siguro nga epekto lang ng suppressed heat mo, epekto lang ng mga gamot na itinuturok at iniinom mo.

Wala ka namang dahilan para magkaganyan ka sa isang alpha.

O kaya baka ka lang nagkakaganiyan ay dahil parang hindi siya alpha? O baka hindi iniisip ng omega mo na alpha siya dahil sobrang tamis ng scent niya? O baka naman dahil itinatago mo ‘yung omega mo kaya siya nagki-crave na lang bigla sa isang alpha at saktong siya ang biglang napagdiskitahan nito?

Kasi hindi ka naman ganyan, Adi.

Kaya bakit?

Bakit pumunta ka ng moon festival?

Bakit ka nakaupo sa isang bench habang tumatango at nagkukunwaring nakikinig sa mahigit apatnapung tao? Bakit hinayaan mong pilahan ka na para bang isa kang palamuti? At bakit hinayaan mo ang sarili mong magmukhang pagkaing pinag-aagawan?

Ayaw mo naman talaga.

Pero wala ka namang magagawa ‘di ba?

‘Yon ang dahilan mo kung bakit nandoon ka noong moon festival, wala ka lang magawa dahil tradisyon na nila ‘yan, hindi dahil hinihintay mo siya.

Hindi dahil umaasa ka na pipila rin siya sa’yo, hindi dahil gusto mo siyang makita man lang o makausap ulit.

Kaya bakit Adi?

Bakit nagpunta ka doon, at bakit parang umaasa kang kakausapin ka niya? Bakit umaasa kang mapapabilang siya sa higit apatnapung taong gustong kausapin ka?

Anong tingin mo sa sarili mo?

You’re so funny, Adi… so stupid.

Nakakahiya ‘yung mga ginawa mo noon sa tuwing naalala ko.

Baka nga hindi ka niya kilala, baka hindi ka niya natatandaan.

Kaya bakit umasa ka noong nakita mo siyang naglalakad na may hawak na bulaklak?

Hindi mo na nga pinapansin ang alphang panay ang salita sa harapan mo, nakatitig ka lang sa kanya kasi aminin mo man o hindi, umaasa kang pipila siya sa likod, kasi nandoon naman na siya eh, nakatingin siya sa pila, at may hawak siyang bulaklak.

Sobrang bilis ng kabog ng puso mo noon, tiningnan mo ang alpha na kausap mo at nagmamadali kang tumanggi sa kanya, alin mo na lang ay sumigaw ka na hindi mo tinatanggap silang lahat para lang mawala ang mga alphang nakapila sa’yo na hindi mo naman alam kung paano ka nila nakilala.

Hindi mo alam kung bakit sila nandiyan. Nakigaya lang ba sila? Kung sino lang makita nilang omega na may mahabang pila ay nakikisali na lang sila? Para ano? Para pagnakuha ka nila ay may maipagyabang sila?

Hindi mo alam, basta ang alam mo lang ay gusto mo na lang silang patigilin lahat, hindi mo alam kung genuine ba ang iba sa kanila, hindi mo alam kung trip-trip lang pero alam mo sa sarili mong hindi mo maibabalik ang pagtingin nila sa’yo.

Noong bumilis ang pagkaka-reject mo sa kanila ay napansin mong medyo umuunti na ang pila, may ilang mga dumagdag pa siguro pero hindi mo kasi tanaw ang dulo ng pila, kaya’t halos malaglag ang puso mo noong makita mong lima na lang ang tao sa pila pero wala siya.

Napakagat ka sa labi mo dahil naramdaman mong kumirot ng bahagya ang puso mo bago mo pasimpleng inilibot ang paningin mo sa buong lugar, nakita mo siyang naglalakad sa malayo, hawak pa rin niya ang bulaklak na mukhang hindi naman para sa’yo.

Kinagabihan ng araw na ‘yon ay hindi ka makatulog, nakailang palit ka ng pwesto sa kama, nakailang ikot ka at nakailang bago ng pwesto ng unan mo, pero hindi ka pa rin makatulog. Malamig naman sa kwarto mo dahil naka-aircon ito, malambot naman ang kama mo at bagong palit lang din ng bed sheet mo, pero bakit hindi ka makatulog?

Ang dami mong tanong sa sarili mo noon,

Para kanino ba kasi ‘yung bulaklak na ‘yon?

Siguro ay may gusto siyang omega pero hindi dumalo ng moon festival, kaya siguro pinuntahan na lang niya sa bahay ‘yung omega.

Tinanggap kaya siya nito?

Ang gwapo naman kasi niya, kaya’t parang imposibleng wala pa siyang omega, o beta, o kung ano mang gusto niya.

Napaisip ka na nga rin noon kung ilang taon na siya, baka kasi bata pa ‘yon kaya’t wala pa siyang mate, pero imposible din ‘yon, kasi parang mas matanda nga siya ng kaunti sa’yo.

Mukhang nasa tradisyon pa naman ng baryo ang pagmi-mate sa tamang edad, kaya’t nagtataka ka talaga kung bakit wala pa siyang mate.

Kaya ang naiisip mo na lang na dahilan noon ay dahil may gusto siya sa isang tao, baka may nililigawan na ‘yon, pero hindi pa handa ‘yung nililigawan niya, kaya siguro siya may bulaklak na hawak noon.

Hindi ka na nakatulog kakaisip, naabutan mo na nga ang pagliwanag sa labas, wala ka pa nga sa sarili mo noong naglakad ka patungo sa tapat ng bintana mo ng alas sais ng umaga, tinamad ka kasing bumangon ng alas singko dahil pinipilit mo pa ring pumikit noon, pero bumalik ka bigla sa katinuan nang makita mo siyang naglalakad pauwi na may hawak na maraming plastic sa kanang kamay niya, at sa kaliwang kamay naman niya ay hawak niya ang kamay ng isang babaeng mas maliit sa kanya.

Agad mong isinarado ang bintana ng nararamdaman mong naninikip ang dibdib mo. Ilang segundo kang nakatulala bago mo mabilis na hinanap ang gamot mo, kinuha mo agad ang tatlong capsule at tsaka mo ‘yon hinagis sa bibig mo at nilunok kahit walang tubig.

Hindi ka kumikibo ng ilang segundo, nakahawak ka lang sa bibig mo at hindi mo alam kung anong nangyayari sa sarili mo. Para bang may kumakalahig sa loob ng katawan mo, parang may sumisigaw, malamang ‘yung omegang pinapatay mo, kaya’t agad kang napahawak sa tenga mo at napapikit ng mariin para ikalma ang sarili mo habang hinihintay mong umepekto ang gamot na ininom mo.

Nang kumalma ka ng araw na ‘yon ay nakita mo na lang ang sarili mong bumibili ulit sa karinderya malapit sa bahay nila para makita siya, nakita mo ulit ‘yung babae, kasama niya itong nagtitinda, mukhang mas bata ‘yon sa’yo at mukhang mas masiyahin. Mukha ring sobrang close nilang dalawa.

Baka wala nga siyang mate, pero baka may nobya na siya?

Hindi mo alam kung bakit bawat subo mo sa pininyahang manok ay parang pumapait iyon.

Doon ka na nga rin kumain sa may karinderya para lang mas mapanood mo sila, binabagalan mo ang bawat subo mo para mas tumagal ka, medyo naiilang ka nga lang din sa dami ng taong nakatingin sa’yo habang kumakain ka, hindi mo alam kung bakit panay ang tingin nila sa’yo, siguro ay naninibago lang sila sa bagong mukha sa baryo, pero natatakot ka sa kung paano ka tingnan ng mga alpha, kaso kahit na ganoon ay tiniis mo ‘yun para lang magkaroon ka ng dahilan na makita siya.

Sa sobrang distracted mo dahil sa mga nakatingin sa’yo ay nagulat ka na lang nang makita mo ang babaeng kasama niya kanina, nagkatama pa nga ang paningin niyo ng batang babae bago ka nag-iwas ng tingin at bago niya hinila ang babaeng beta na kasama niya.

Maingay sila ng kaibigan niya, panay ang kwentuhan nila, hindi mo alam kung bakit nakikinig ka sa usapan nila pero tungkol lang ‘yon sa assignment sa school, halos mapakunot ang noo mo nang marinig mong high school subject lang ‘yung pinag-uusapan nila.

Bakit naman magnonobya siya ng high school student pa lang?

Naguguluhan ka na pero biglang may tumawag sa babae, kaya’t nalaman mong Mutya ang pangalan niya, tinanong ng Aleng tumawag sa kanya kung pwede nitong sabihin sa Kuya Owen niya na gawin ang tubo nilang nasira.

Para bang may nabunot na kung ano sa dibdib mo noong narinig mo ‘yun.

Sinabi ni Mutya na gabi o bukas pa ng umaga pupwede si Owen dahil magtitinda pa ito hanggang hapon. Mas lalo tuloy bumagal ang bawat pagsubo mo ng pagkain noon. Alam mong mali ang makinig sa usapan ng iba pero hindi mo mapigilan ang sarili mong makinig.

Kung ganoon, kapatid niya ‘yung batang babae?

Hindi mo alam kung bakit naging masaya ka sa impormasyon na ‘yon, sa sobrang saya mo ay nawala ka na naman sa sarili mo at nagulat ka na lang nang makita mo ang kapatid ni Owen na nakatayo sa harapan mo, nagtatanong kung pwedeng makiupo sa table mo dahil wala ng bakanteng upuan.

Wala ka sa sariling tumango noon, at agad naman silang umupo sa harapan mo, pinag-uusapan nilang dalawa ang bulaklak na ibinigay sa kanya ng kuya niya kahapon. Bumagal na naman ang pagsubo mo ng pagkain noon, kahit ang soup ay unti-unti mo lang hinihigop para marinig mo ng maayos ang usapan nila.

Nalaman mong umuwi agad ang kuya niya galing sa moon festival noon, nalaman mo rin na wala itong niligawan dahil umurong ito at ibinigay na lang sa kapatid niya ang bulaklak, pero nalaman mo rin sa kaibigan ni Mutya na maraming nagkakagusto kay Owen.

Nalaman mong may gusto ang ate ng kaibigan ni Mutya sa kanya, nalaman mo rin na pati ‘yung dalawang anak na babae ng Ale na nagsabing magpapa-ayos ng tubo ay may gusto rin sa kanya, at gusto rin naman ng Ale para sa mga anak niya si Owen dahil mabait ito, nalaman mo rin na gusto na siyang pag-asawahin na ng mga magulang niya dahil nga lagpas na ito sa tamang edad ng pagmi-mate sa kanila, pero ayaw pa rin nitong mag-asawa.

Ayaw lang niya talaga.

Para bang nahihilo ka sa dami ng impormasyong nalalaman mo noon, gusto mo pa nga sanang makinig nang makinig sa usapan nila, pero nang may magtanong sa’yo noon na alpha kung pwedeng umupo sa table mo ay hindi ka nakagalaw, hindi ka tumango pero naupo na agad ito sa tabi mo.

Naramdaman mong unti-unting nanginig ang mga kamay mo noon dahil sa sobrang lapit ng alpha sa’yo, hindi napapansin ni Mutya at ng kaibigan niya na naglalabas ng pheromones ang alpha na katabi mo, kakaiba at malagkit din ang tingin nito sa’yo lalo na sa hita mo, kaya’t agad kang tumayo kahit hindi mo pa nauubos ang pagkain mo.

Napatingin sa’yo ang mga tao sa karinderya dahil sa biglang pagtayo mo, pati si Mutya at ang kaibigan niya ay nagulat sa ginawa mo. Mabilis kang umalis sa lugar na ‘yon dahil pakiramdam mo ay masusuka ka dahil sa pheromones na naamoy mo, halos takbuhin mo na nga simula karinderya makauwi ka lang ng bahay mo.

Hindi mo alam kung bakit ginagawa ng ibang alpha ‘yon, bakit komportable silang mag-release ng pheromones nila sa mga omega na hindi naman nila kilala, buong gabi ay sinisisi mo ang sarili mo noon dahil pakiramdam mo ay kasalanan mo kung bakit niya ginawa ‘yon sa’yo.

Baka masyadong maiksi ang suot mong shorts noon? Baka masyadong mabait ka tumingin sa kanya kaya naisip niyang interesado ka sa kanya? Puro ganoon ang tumatakbo sa isipan mo noon.

Kung maibabalik ko lang ang panahon, gusto kong sabihin sa’yo Adi na hindi mo kasalanan ‘yon.

Isang buwan simula noong araw na ‘yon, hindi ka ulit lumabas ng bahay niyo.

Hanggang sa isang umaga nakita mo ulit si Owen na naglalakad galing palengke, nakasuot ito ng puting sando at kulay dilaw na jersey shorts, hindi pa masyadong maliwanag sa labas pero kitang kita mo na agad ang moreno niyang balat na bagay na bagay sa kanya, at kahit moreno siya ay kitang kita pa rin ang mapulang pisngi at labi niya, bagay rin sa kanya ang buhok niyang parang laging hinagin nang malakas.

Napasandal ang ulo mo sa bintana habang pinagmamasdan mong mabuti ang mukha niya. Hindi mo alam kung saan mo nakuha ang lakas ng loob na hindi magtago noong mapatingin siya sa bintana mo, halos tumigil ang paghinga mo noong nagtama ang mga mata niyong dalawa pero biglang napakunot ang noo niya at mabilis siyang nagtatakbo paalis sa harap ng bahay mo.

Nagulat ka sa naging reaksyon niya kaya’t agad kang napatingin sa salamin at napatanong sa sarili mo kung may problema ba sa mukha mo?

Hindi ka na naman mapakali dahil sa nangyari.

Naalala mo pa ba noon, Adi?

Sa sobrang pag-o-overthink mo ay napalabas ka na naman niya ng bahay, sinasadya mong salubungin siya sa tuwing naglalakad siya para lang makita kung sa mukha mo ba talaga siya may problema, kasi hindi mo alam kung bakit pakiramdam mo ay iniiwasan ka niya, kahit paniguradong hindi ka naman niya kilala.

Sinasakto mo na pabalik na siya galing palengke kapag lumalabas ka sa umaga para bumili ng pandesal sa panaderya. Noong una ay hindi ka niya napapansin pero nang minsang magkasalubong kayo mismo sa may kalsada ay bigla na lang siyang huminto at pumikit.

Nakakunot ang noo mo habang pinagmamasdan siyang nakapikit dahil hindi mo rin alam kung anong ginagawa niya sa gitna ng kalsada. Hindi talaga siya umaalis doon hanggang sa makadaan at makalagpas ka sa kanya.

Kahit nagtataka ka sa ginawa niya ay mabilis pa rin ang kabog ng dibdib mo noong mga oras na ‘yon dahil noon ka lang ulit nakalapit sa kanya, amoy na amoy mo ang pamilyar na scent niya kahit saglit lang ‘yon dahil diretso lang ang lakad mo.

Noong medyo nakalayo ka na sa kanya ay nakita mong bigla na lang siyang nagtatakbo na naman palayo sa’yo.

Buong gabi ay hindi ka na naman makatulog dahil sa nangyari, nakaupo ka sa sofa sa salas habang nakatingala ka sa kisame, iniisip mo kung bakit ganoon siya umasta.

Iniisip mo rin kung kilala ka ba niya? Iniiwasan ka ba niya? Ayaw ba niya sa’yo? Pero bukod sa mga tanong na ‘yan ay iniisip mo rin ang mukha niya, iniisip mo rin kung gaano kalambot tingnan ang mga labi niya sa malapitan, pati kung gaano kahaba ang pilik mata niya noong nakapikit siya, tsaka ‘yung scent niya…

Fuck, Adi.

‘Yung scent niya.

Ayaw mawala sa isip mo.

It was different from other alpha. Really different.

Marami namang alpha na may sandalwood na scent pero iba talaga ang kanya. May kung ano sa scent niya na hindi mo maalis sa isipan mo. Parang matamis, parang may mint din, mas nakakaadik pa kaysa sa amoy ng kape sa umaga, o sa bagong libro, at gasolina ng sasakyan.

Ipinikit mo ang mga mata mo noon habang inaalala mo ang scent niya, at napakagat ka na lang sa labi mo nang maramdaman mo na naman ang pamilyar na pakiramdam.

Your omega wants him, Adi.

He wants him so bad.

Kaya naalala mo pa ba ang katangahang ginawa mo noon, Adi?

Kung hindi mo naalala, pwes ipapaalala ko sa’yo.

Pinuntahan mo siya sa bahay nila kinabukasan noon, wala ka namang ibang intensyon, gusto mo lang siyang makita, gusto mo lang siyang makausap, may kung ano sa loob mo na nagtutulak sa’yo na makita siya, na kausapin siya, at lumapit ka sa kanya, at wala ka ng lakas para pigilan pa ‘yon.

Siya ang nagbukas ng pinto noon, mabilis ang tibok ng puso mo pero umarte ka ng normal, akala mo ay ikaw ang hindi makakapagsalita sa inyong dalawa pero siya ang unang natulala.

Umarte ka na hindi mo siya kilala, tinanong mo sa kanya kung doon ba nakatira si Owen Magdayao kahit siya mismo ang kausap mo. Hindi siya kumibo, nakatitig lang siya sa’yo, kaya’t nagsimula ka nang mag-alala, tinanong mo kung ayos lang ba siya pero hindi talaga siya nagsalita.

Mabuti na lang at lumapit ang tatay niya sa’yo at tinanong ka kung anong pinunta mo. Mabilis kang umisip ng dahilan, mabuti na lang at naalala mo ang Ale na nagpapagawa ng tubo sa kanya, naalala mo na sira din ang tubo sa bahay mo pero hindi mo naman ginagamit kasi ang lababo mo sa kusina dahil may dishwasher ka naman at sa banyo ka nag-to-toothbrush.

Agad naman siyang inutasan ng tatay niya na sumama sa’yo kahit noon ka lang nito nakilala, napansin mong nakatulala lang ito sa’yo pero sumunod siya sa inutos ng tatay niya. Mabilis ang kabog ng dibdib mo habang naglalakad kayo patungo sa bahay mo, pasimple mo siyang tinitingnan sa likuran mo dahil nakasunod lang ito sa’yo, mukhang wala sa sarili si Owen noong mga oras na ‘yon kaya’t hindi mo alam kung tama bang pag trabahuhin siya noong mga oras na ‘yon.

Nang makarating kayong dalawa sa loob ng bahay mo ay una mong napansin ang paglibot ng paningin niya sa buong bahay mo. Unti-unting kumalat din ang scent niya nang hindi niya sinasadya, halos matabunan na nga nito ang scent mo kaya’t mas lalo kang kinabahan kung tama ba ang ginawa mong papuntahin siya sa bahay mo.

Pansin mo rin kasi na medyo hindi siya komportable habang inaayos niya ang tubo sa kusina mo, para bang may pinipigilan siya, medyo nawawala rin ang scent niya, hindi mo alam kung bakit. Nakaupo ka lang sa high stool chair sa mini bar ng kusina mo habang nakapangalumbaba ka at pinagmamasdan mo siyang mabuti.

Seryosong seryoso siya habang inaayos niya ang tubo.

Nang medyo nalilibang na siya sa ginagawa niya ay unti-unti na namang kumalat ang scent niya sa buong bahay, mukhang pinipigilan pala niya ang pagkalat ng scent niya, kaya’t napabuntong hininga ka na lang habang pinagmamasdan mo siyang mabuti.

Nagsimulang dumapo ang mga mata mo sa buhok niyang magulo patungo sa noo niyang bahagyang nakakunot at pinagpapawisan, hanggang sa bumaba ang paningin mo sa labi niya, kagat-kagat niya ito at paminsan-minsan ay dinidilaan niya para mabasa iyon, sunod ay bumaba ang paningin mo sa leeg niya, pinagpapawisan din iyon kaya’t dumidikit ang kwintas niya sa kanyang balat, pero gumagalaw ang ilalim na parte noon dahil sa lakas ng pwersa niya sa pag-aayos ng tubo, kaya’t napalunok ka na lang nang gumapang ang paningin mo sa kanyang braso patungo sa kanyang kamay, lumalabas ang mga ugat noon dahil sa tindi ng pagkakapit niya.

Hindi mo alam kung nakailang buntong hininga ka nung mga oras na ‘yon.

Gusto mo siyang hawakan pero alam mong hindi pwede.

Napapikit ka na lang bago mo unti-unting isinarado ang hita mo, umayos ka nang pagkakaupo at nag-iwas ka na lang ng tingin sa kanya, sapat na sa’yo na naaamoy mo ang scent niya at nararamdaman mo ang presensya niya malapit sa’yo.

Pinagbibigyan mo ang omega mo na mangarap kahit alam mong katangahan ‘yung ginagawa mo dahil hinahayaan mong kilalanin niyang mate ang alphang nasa harapan mo, pero sabagay, alam mo rin kasing mamaya lang ay mawawala na naman ang omega mo sa oras na magturok ka ng gamot.

Nang matapos gawin ni Owen ang tubo sa kusina mo ay agad kang napatayo sa kinauupuan mo, hindi mo na namalayan ang oras dahil masyado kang nalibang sa pag-iisip ng mga bagay-bagay, gusto mo siyang pigilan, ayaw mo pang umuwi siya noon, gusto mo pang makasama siya kahit saglit lang.

Kaya’t nag-panic ka at nag-isip agad ng ibang dahilan, may sira pa ba sa bahay mo? Ano pa bang sira noon? Sira ‘yung butones ng isang polo shirt mo, ipagawa mo rin kaya sa kanya? Kaso alam mong mapapahiya ka lang kapag pinagawa mo sa kanya ‘yon kaya’t agad kang umisip ng ibang paraan.

Pagkain! Tama. Pagkain nga.

Inalok mo siyang kumain muna, ngumiti naman siya sa’yo at pumayag, sobrang saya mo noon dahil humaba na naman ang oras niyo ng magkasama pero biglang napalitan ng pag-pa-panic ang saya mo dahil naalala mong hindi ka marunong magluto.

Anong ipapakain mo sa kanya? May mga stock ka naman noon na pwedeng lutuin dahil pinaplano mo ngang magluto pero hindi mo lang ginagawa.

Siya naman ang umupo sa may mini bar, titig na titig siya sa’yo habang pinapanuod kang mag-attempt na magluto, kitang kita mo sa gilid ng mata mo na paminsan-minsan ay napapangiti siya, hindi mo alam kung dahil ba pinagtatawanan niya ang ginagawa mo o ano? Kaya’t mas lalo ka lang kinabahan dahil pinapahiya mo ang sarili mo sa alpha na kinikilalang mate ng omega mo.

Masyado kang na-focus sa pag-iisip sa kanya kaya’t hindi mo namalayan na umaapoy na pala ang niluluto mo, mabuti na lang ay mabilis siyang nakakuha ng basahan na basa na ipinangtaklob niya sa apoy upang tumigil ito.

Naalala mo pa ba ‘yon, Adi?

Hiyang hiya ka dahil sa huli ay siya ang nagluto ng pagkain niyong dalawa.

Unang subo mo pa lang sa niluto niya ay alam mong mas lalo mo na siyang hindi makakalimutan. Hindi mo alam kung kailan ka huling nakakain ng masarap na pagkain simula noong lumipat ka sa baryo, pati kasi ang tinda sa karinderya malapit sa bahay nila ay halatang tinipid sa sangkap pero etong luto niya, hindi rin naman marami ang sangkap pero hindi mo alam kung paano niya napasarap.

Hindi mo mapigilan ang sarili mo sa pagkain, gustong gusto mo ‘yung niluto niya kaya’t hindi mo na namalayan ang nakakatunaw niyang tingin sa’yo. Nakangiti siya habang pinagmamasdan ka kaya’t unti-unting uminit ang pisngi mo nang mapansin mo siya bago ka umarte ng normal na para bang hindi ka sarap na sarap sa pagkaing niluto niya, pero kahit anong pagpapanggap mo ay hindi mo pa rin mapigilan ang paggalaw ng mga paa mo sa ilalim ng lamesa.

Kinagabihan ng araw na ‘yon ay hindi siya mawala sa isip mo, pati na rin ‘yung pagkaing niluto niya para sa’yo.

Hindi mo alam kung bakit nalulungkot ka tuwing iniisip mo na hindi mo na ulit makakain ang niluto niya, hindi mo rin naman pwedeng ipagawa sa kanya ‘yung tubo mo sa kusina araw-araw para lang bumisita siya sa bahay mo at para ipagluto ka niya ng pagkain.

Ang daming tumatakbo sa isip mo noon.

Iniisip mong kunin siyang personal chef mo, kaso hindi mo alam kung paano mo ipapaliwanag sa magulang mo kapag nanghingi ka pa ng dagdag na pera sa kanila, paniguradong aalamin nila kung saan mo dinadala ‘yung pera na ‘yon, at alam mong hindi maganda ang kakalabasan kapag nalaman nilang nakikipag-usap ka ulit sa alpha, at pinapapasok mo pa talaga ito sa loob ng bahay mo.

Alam mong wala ka nang magagawa, imposible ang gusto mo na makita siya araw-araw.

Hindi mo rin maintindihan ang sarili mo kung bakit parang nalulungkot ka sa ideya na ‘yon. Bakit sa kakaunting interaction na mayroon kayo ay para bang matagal mo na siyang kakilala.

Para bang mababaliw ka kapag hindi mo siya nakita.

Adi, ano ‘yon? Bakit ka nagkakaganoon?

Araw-araw ay nakikita mo siyang dumadaan pa rin sa harap ng bahay mo para mamalengke, minsan ay nagkakatama ang mga paningin niyo, at hindi ka na umiiwas o nagtatago, ngumingiti siya sa’yo tuwing nakikita ka niya, tapos para ka namang bata na hindi mapakali sa tuwing nakakalagpas na siya.

Patuloy ka sa pag-inom ng gamot mo, pero patuloy ka rin naman sa pagsulyap sa kanya.

Hindi ba dapat ay umiwas ka sa mga alpha, Adi?

Tama nga yata ang sabi ng mommy mo, makulit ka nga.

Napakakulit mo.

Araw-araw ay umiisip ka ng paraan para makausap ulit siya, pero araw-araw ay kinokontra mo rin ang sarili mo dahil alam mong hindi tama na lumapit ka sa kanya.

Alam mong mali pero ano nga bang masama sa pagpapantasya?

Ano bang masama sa tuwing nagwawalis ka sa loob ng bahay mo ay iniisip mo kung paano kayo magkakasalubong sa kalsada, tapos kukumustahin ka niya, mag-uusap kayo, at hindi niyo mamamalayang matagal na pala kayong nag-uusap, mabibitin siya sa usapan niyo kaya’t aayain ka niyang magkita kayo kinabukasan para kumain sa labas, tapos papayag ka, isusuot mo ‘yung paborito mong damit na dinala mo pa galing Maynila, gagamitin mo rin ‘yung paborito mong pabango, at halos isang oras mong aayusan ang sarili mo, tapos habang kumakain kayo ay hindi mawala ang tingin niya sa’yo, tapos magkakatama ang mga mata niyo, at…

At alam mong dapat mo nang tigilan ang pag-iisip mo ng mga ganoong scenario dahil hindi pwede.

Hindi pwede, Adi.

Hindi ka dapat maging malapit sa mga alpha kung ayaw mong maulit ang mga nangyari sa’yo dati. Masyado kang nagtiwala sa kanila at ginamit nila ang tiwala mo sa kanila. Kaya’t iniisip mo noon na dapat ay iwasan mo na sila, dapat mag-ingat ka na sa mga alpha…

Pero hindi mo alam kung bakit parang iba kasi siya…

Kahit ano namang pagpipigil ang gawin mo sa sarili mo ay hindi mo magawa.

Kaya’t nang minsang may kumatok sa pinto ng bahay mo at bumungad sa’yo ang pamilyar na mukha na ayaw mawala sa isipan mo ay agad nawala lahat ng ipinangako mo sa sarili mo na hindi mo na siya ulit papapasukin sa bahay mo.

Dahil nakita mo pa lang ang ngiti niya at ang tupperware na hawak niya ay inimbitahan mo agad siya na pumasok sa loob, hindi rin mawala ang ngiti sa mga labi mo habang excited mong kinukuha ang mga bagong pinggan sa kabinet mo.

Paano naman kasi ay kasama na rin ang scenario na ‘yun sa mga naisip mo habang nagwawalis ka kaya’t handa ka na. Alam mo na ang mga pinggan na gagamitin mo. Medyo nanghihinayang ka lang dahil hindi masyadong maganda ang suot mong damit nung pumunta siya, nakapangtulog ka pa, wala ring nakalagay na kahit anong make up sa mukha mo at magulo pa ang iyong buhok dahil kakagising mo lang.

Hindi mo alam kung bakit ang bagal nang pagpasok niya sa loob ng bahay mo, habang nag-aayos ka ay nakita mo ang maangas niyang ngisi sa mga alpha sa labas ng bahay mo, medyo napakunot ang noo mo dahil hindi mo alam kung sinong inaangasan niya, at bakit niya ginagawa ‘yon?

Dahil ba katulad din siya ng mga dati mong kaibigan?

Ganoon agad ang mga tumakbo sa isip mo noon, Adi.

Agad mo rin namang inalis iyon sa isipan mo dahil hindi naman siguro?

Aminin mo man o hindi, nabahala ka noon dahil sa inasta niya, medyo nawalan ka ng ganang kumain pero nang makita mong nasa iyo lang ang buong atensyon niya habang kumakain kayong dalawa ay unti-unting nawawala ang pangamba mo. Hindi mo alam kung anong mayroon sa presensya niya na nagpapakalma sa’yo.

Kaya’t kahit ang dami mong naiisip ay nawawala ‘yon sa tuwing kinakausap ka niya.

Sobrang lambing ng boses niya, sobrang galang niya ring makipag-usap, napakabait niya sa’yo, hindi ka niya hinahawakan, hindi ka rin niya nilalapitan ng sobra, para bang ingat na ingat siya. Hindi mo alam kung bakit pero thankful ka na hindi niya ginagawa ang ginagawa ng ibang alpha sa’yo.

Kahit normal lang naman dapat ang ganoong pagtrato, hindi na dapat pinagpapasalamatan ‘yon ng mga omega kapag ginagalang sila ng mga alpha, kasi iyon naman ang dapat, pero sa sobrang dalang na may gumagawa noon sa’yo ay hindi mo maiwasang hindi magpasalamat.

Naalala mo pa ba, Adi?

Nagsimula ka na namang matakot noon.

Medyo natatakot ka lang siguro ng kaunti dahil aminin mo man o hindi, napapansin mong tumatagal talaga ang mata niya sa labi mo, naamoy mo rin paminsan minsan sa scent niya ang pagiging interesado niya sa’yo. Gusto mo man maging masaya sa impormasyon na ‘yon ay hindi mo pa rin maiwasan na matakot.

Kasi kahit bali-baligtarin ang mundo, alpha pa rin siya.

Pero bakit ganoon Adi? Kahit natatakot ka ay patuloy ka pa rin? Pinapapasok mo pa rin siya sa bahay mo… pati sa buhay mo…

Sa kanya ka ba talaga natatakot? O sa sarili mo?

Natatakot ka ba kasi alam mo…

Alam mo, Adi…

Alam mong interesado ka rin sa kanya.

Kaya’t kahit araw-araw siyang bumabalik sa bahay mo na may dalang pagkain para sa iyo ay patuloy ka pa rin sa pag-imbita sa kanya sa loob ng bahay mo kahit alam mong hindi tama.

Patuloy ka pa rin sa pagkain kasama niya, patuloy ka pa rin sa pakikinig sa mga kwento niya, patuloy ka pa rin sa pagtawa sa tuwing nagbibiro siya, patuloy ka pa rin sa pagtingin sa mga mata niya pababa sa labi niya, patuloy ka pa rin sa pagbibigay ng pag-asa sa sarili mo na baka pwede naman?

Baka pwede naman, ‘di ba? Hindi naman malalaman ng magulang mo.

Hindi naman niya siguro gagawin sa’yo ‘yung ginawa ng mga kaibigan mo?

Mukhang mabait naman siya, nakikipag kaibigan nga siya sa’yo eh.

Palagi ka niyang kinukumusta, palagi niyang sinisiguradong kumakain ka sa tamang oras, o natutulog ka ng maaga, sinisigurado niya ring walang sira ang lahat ng gamit mo sa bahay. Paminsan minsan ay bigla na lang niyang aayusin ang mga napunding ilaw, o minsan naman ay bigla na lang siyang magdidilig ng mga halaman sa labas ng bahay mo. Mukha namang may pakialam siya sa’yo, mukhang hindi ka naman niya pagsasamantalahan.

Kaya bakit hindi mo pagbigyan ang sarili mo?

Kahit saglit lang, kahit minsan lang.

Ngayon mo lang naman ‘to naramdaman sa isang lalaki.

Ngayon mo lang naranasan ‘tong mga bagay na ipinagkait sa’yong maranasan mo nung bata ka pa.

Kaya anong mawawala sa’yo kung pagbibigyan mo ang sarili mong makita siya, makausap, at makasama araw-araw?

Anong mawawala sa’yo?

Wala.

Walang mawawala sa’yo, Adi.

Pero sa kanya marami.

Kaya nang bigla na lang siyang magtapat sa’yo na gusto ka niya at gusto niyang ligawan ka ay hindi mo lubos akalain na magagawa mo siyang ipagtabuyan.

Natakot ka kasi, Adi.

Natakot ka sa lahat ng posibleng mangyari, kaya’t nakiusap ka sa kanya na huwag na siyang babalik, nakiusap kang tigilan ka niya, nakiusap kang kalimutan na niya ang nararamdaman niya pero may mas makulit pa pala sa’yo…

At si Owen ‘yon.

Nakiusap din siya sa’yo na huwag mo siyang patigilin, na kahit hindi mo siya tanggapin basta hayaan mo lang siyang manligaw sa’yo ay ayos lang sa kanya, kahit hindi mo siya kausapin o paninsin, ay okay lang, wala siyang pakialam kahit araw-araw mo siyang i-reject, ayos lang din sa kanya kahit araw-araw masayang ang effort niya.

Wala kang magawa dahil hindi mo rin siya matiis, hindi mo siya kayang hindi makita araw-araw, hindi mo kayang hindi marinig ang boses niya, maamoy ang scent niya, at makalapit man lang kahit nasa labas lang siya ng pinto ng bahay mo habang ikaw ay nasa loob.

Wala kang magawa Adi kasi alam mong nahuhulog ka na.

Kahit sa araw-araw na pagbisita niya ay araw-araw ka ring nagtutusok ng suppressants sa braso mo, kahit dumadami na ang pasa sa balat mo dahil sa dami ng tinutusok mo sa katawan mo, at kahit isuka mo na lahat ng gamot na nilulunok mo, ay ayos lang kasi ang mahalaga sa’yo ay nakikita mo pa rin siya.

At kahit alam mong masama para sa’yo na lumapit sa alpha ay ayos lang.

Kahit sa tuwing malungkot siyang naglalakad paalis ng bahay mo at mabilis mong sinasarado ang pinto sa tuwing nakakalayo na siya para kunin ang suppressant sa loob ng kabinet mo upang itusok ‘yun sa braso mo nang mapakalma mo ang nagwawalang omega sa loob ng katawan mo dahil alam niya…

Alam niyang gusto rin siya ng alpha niya, pero pinipigilan mo pa rin.

Kahit sobrang sakit, kahit halos mamatay ka na sa sakit.

Ayos lang sa’yo, Adi.

Kahit unti-unting bumabagsak ang katawan mo sa sahig, kasabay ng pagbagsak ng luha mo habang hinahabol mo ang paghinga mo ay ayos lang.

Ayos lang talaga.

Kasi sa tuwing mawawala na ang sakit ay dahan-dahan kang napapangiti dahil maalala mo siya, maaalala mo na ang cute niya sa tuwing dahan-dahang bumibilog ang mga mata niya kapag nakikita ka niyang binubuksan mo ang pinto ng bahay mo, na para bang araw-araw siyang nag-e-expect na hindi mo bubuksan iyon.

Isang taon.

Lagpas isang taon.

Halos wala ka na sa sarili mo sa dami ng gamot na tinusok mo, halos manhid ka na nga sa sakit ng pisikal na nararamdaman mo dahil unti-unti mo nang pinapatay ang omega sa loob ng katawan mo, kaya akala mo ay sanay ka na sa sakit.

Pero noong napansin mong dumadalang na siya sa pagpunta ng bahay mo, at noong napansin mong malungkot na siya sa tuwing kumakatok siya sa pinto ng bahay mo ay ikaw pa ang may ganang masaktan.

Ang selfish mo sa part na ‘yon, Adi.

Sobrang makasarili mo noon.

Iniisip ko nga kung akala mo ba ikaw lang ang nasasaktan?

Hindi mo ba naisip na araw-araw mo siyang sinasaktan? Kasi raw-araw mong ni-re-reject ang alpha niya, paniguradong nasasaktan din ‘yon.

Hindi lang ikaw, Adi.

Hindi lang ikaw ang nasasaktan.

Dapat una pa lang ay pinutol mo na agad ang koneksyon mo sa kanya, dapat una pa lang ay hindi mo na siya pinagbubuksan ng pinto, dapat una pa lang itinigil mo na lahat pero selfish ka.

Selfish ka noon, Adi.

Hindi mo kayang hindi siya makita kahit parang pinapatay mo kayong dalawa sa tuwing binubuksan mo ang pinto at ni-re-reject mo siya imbis na tumakbo ka para yakapin siya nang mahigpit.

Napaka-selfish mo noon.

Alam mong malapit na siyang sumuko, ‘di ba ‘yon naman ‘yung gusto mo nung una? ‘Yung tigilan ka na niya para hindi mo na kailangan pigilan ang sarili mo, gusto mong siya na ang lumayo sa’yo para hindi mo na kailangan lumayo sa kanya.

Pero bakit ngayon ay ikaw naman ang naghahabol?

Bakit hindi mo matanggap na unti-unti na siyang napapagod? Bakit pumunta ka sa bahay nila para hanapin siya nang minsan siyang hindi dumalaw sa bahay mo? Bakit mo sinira ang aircon mo sa kwarto para magkaroon ka lang ng dahilan para papuntahin siya sa bahay mo?

Kasi selfish ka nga.

Selfish ka, Adi. Selfish ka pero hindi mo pa alam ‘yon noon pero ngayon iniisip mo na kung anong karapatan mong sumaya noong nakita mo siyang hinihingal dahil nagtatakbo siya patungo sa bahay mo para gawin ‘yung aircon mo? Anong karapatan mong maging masaya noong nagawa niyo ulit kumain ng magkasabay? Noong kinuwentuhan ka niya ulit? Noong nagbibiro na siya ulit? Kahit iniiwasan niya ang pagbanggit sa nararamdaman niya sa’yo, iniisip mo na kung anong karapatan mong sumaya pagkatapos mong manakit nang paulit-ulit, Adi?

Totoo nga yata ang karma.

Kasi pagkalabas niya ng bahay mo pagkatapos ng araw na ‘yon ay hindi mo napansing paubos na ang suppressant mo.

May naitusok ka pang isa sa braso mo, pero isa na lang ‘yon, kailangan mo ng dalawa, o tatlo, pero hindi isa, lalo na’t punong puno na naman ng scent niya ang buong bahay mo, lalo na ang kwarto mo.

Halos mabaliw ka habang hinahaluglog mo ang mga box na pinadala sa’yo ng mommy mo para maghanap pa ng gamot, pero wala…

Wala na talaga.

Napamura ka nang unti-unti mong naramdamang nag-iinit ang buong katawan mo, agad mong sinarado ang mga bintana mo, dinouble lock mo pa ang lahat ng pinto sa bahay mo, halos magkanda-sugat sugat ka na nga dahil ilang beses kang nadapa at tumama sa mga gamit dahil sa pagmamadali mo.

Pagkapasok mo pa lang sa kwarto mo ay agad kang bumagsak sa sahig, nanginginig ang mga tuhod mo at halos wala ka na sa sarili mo, para kang nalalasing sa hindi malamang dahilan, idagdag mo pa na amoy na amoy mo pa rin ang matamis at mabango niyang scent sa buong kwarto mo.

Hindi mo alam kung saan nanggagaling ‘yung scent niya, para kang mababaliw dahil hindi mo makita kung saan nanggagaling ‘yon.

Hanggang sa natanaw mo ang puting bimpo sa may lagayan ng maruming damit sa kwarto mo, halos maglaway ka nang makita mo kung saan nanggagaling ang matapang na scent niya, kahit nanginginig ang tuhod mo ay para kang asong ulol na gumapang sa sahig para kunin ‘yon.

Nang makuha mo ‘yon ay agad mong inilapit ‘yon sa’yo, unti-unti mong naalala na pinahiram mo sa kanya ‘yon dahil pawis na pawis siya habang nag-aayos ng aircon kaya’t amoy na amoy doon ang scent niya.

Hindi mo na maipaliwanag ng maayos ang mga sumunod na nangyari dahil sobrang maulap na ng utak mo, ang sunod mo nang naalala ay tanggal na ang pang-ibabang damit mo kaya’t kitang kita ang maputi mong mga hita na magkahiwalay na, nakahiga ka sa malamig na sahig ng kwarto mo habang kagat-kagat mo ang bimpong puti at paulit-ulit mong nilalabas pasok ang daliri mo sa loob ng butas mo habang hindi mo alam kung saan mo ikakapit ang isang kamay mo.

Unti-unti lang nagsisink in sa’yo ang nangyayari nang malapit ka nang labasan, unti-unti rin bumagsak ang luha mo habang pinipigilan mo ang sarili mong umungol sa pamamagitan ng pagkagat nang mariin sa bimpo at pagliyad ng mga paa mo.

Ang bilis ng tibok ng puso mo dahil kahit pumikit ka man o dumilat ay nakikita mo ang mukha niya, nakikita mo ang mukha ni Owen, nakikita mo siya kahit wala naman siya, hindi mo lubos akalain na magha-hallucinate ka na ginagawa niya ‘yon sa’yo.

Hinabol mo ang hininga mo nang maramdaman mong kumalat ang basa sa sahig ng kwarto mo, bumagsak rin ang bimpo sa gilid ng mukha mo nang dahan-dahang lumuwag ang pagkakakagat mo doon kasabay nang pagbagsak ng katawan mo, para bang naubos ang lahat ng lakas na mayroon ka, ilang segundo kang nakatulala lang sa kisame ng kwarto mo, pinagmamasdan mo ang mga alikabok na lumulutang sa hangin na nakikita mo dahil sa liwanag na nanggagaling sa ilaw.

Ang nanunuyong luha sa gilid ng mga mata mo ay napalitan ng bago, wala kang reaksyon, nararamdaman mo lang na gumagapang ang luha mo pabagsak sa sahig ng kwarto mo.

Hindi mo alam kung papaano mo naibangon ang sarili mo noon, wala ka sa sariling naglakad patungo sa banyo, napa-upo ka na lang sa malamig na tiles habang binibuhasan mo ang sarili mo, nakasuot ka pa rin ng pang itaas mong damit, kaya’t kumakapit ‘yon sa balat mo, noong una ay kalmado ka lang noong sinasabon mo ang sarili mo, hanggang bigla mo na lang binilisan ang pagsabon mo na para bang kating kati kang tanggalin lahat ng dumi mo sa katawan, hindi mo namamalayang umiiyak ka na pala.

Umiiyak ka na nang malakas hanggang binalibag mo na lang ang sabon, napayakap ka nang mahigpit sa tuhod mo at hinayaan mo na lang bumagsak ang tubig mula sa shower habang patuloy ka lang sa paghagulgol.

Umaasang mawawala lahat ng emosyong nararamdaman mo kinabukasan pagkagising mo.

Kaya’t laking pasasalamat mo nang may kumatok sa pinto mo kinabukasan, ngunit agad nabawi ‘yon nang makita mong hindi si Omega Sol ang nag-deliver sa’yo ng package na inaasahan mo kundi si Carlos, ang anak ng pack leader niyo na nanliligaw din sa’yo kahit ilang beses mo na siyang ni-reject.

Agad nabalot ng kaba ang puso mo, napakunot din ang noo mo nang makita mong mukhang nabuksan na ang package mo, kahit kasi si Omega Sol ay hindi alam ang laman noon, kaya’t hindi mo maipagkaila ang takot mo sa posibilidad na alam niya ang laman noon.

Ngumiti siya sa’yo at inabot ang package na hawak niya, may inabot din siyang bulaklak at strawberry jam na galing Baguio, bumisita daw kasi siya doon at naalala ka niya.

Agad na nagpintig ang tenga mo nang marinig mo ang sinabi niya.

Bumisita siya ng Baguio.

Sa Baguio kung saan kayo nag-retreat ng mga dating kaibigan mo, sa Baguio kung saan pamilyar na ang pangalan mo sa mga tao.

Nabanggit din niya na isang linggo siya sa Maynila dahil sa pina-asikaso ng tatay niya sa kanya.

Maynila.

Doon ka dati nakatira.

Nakikinig ka sa lahat ng sinasabi niya kahit hindi ka naman interesado sa kanya, hindi ka kumikibo hanggang sa nagtanong siya kung pwede daw ba siyang pumasok sa loob ng bahay mo.

Ayaw mo.

Gusto mong tumanggi.

Ngunit nang inulit niya ang tanong niya na kasama na ang tunay na pangalan mo sa dulo ng kanyang pangungusap ay agad kang naestatwa sa kinatatayuan mo.

Kilala ka niya.

Kilala ka niya, Adriel.

Hindi mo na alam kung kailan mo huling narinig sa ibang tao ang totoo pangalan mo, at hindi mo rin akalain na ganoon ang magiging reaksyon nang marinig mo itong muli, halos manikip ang paghinga mo habang binubuksan mo nang malaki ang pinto ng bahay mo dahil wala ka nang magawa.

Alam mong hindi mo kayang tumanggi dahil natatakot ka.

Natatakot kang ipagkalat niya ang mga nalaman niya tungkol sa’yo, natatakot ka na lumipat na naman ng bahay na titirahan mo, dahil ayaw mo nang magpalipat-lipat ng bahay, ayaw mo nang umalis sa lugar na ‘yon at isa lang ang dahilan.

Agad nag-flash sa utak mo noon ang mukha ni Owen.

Kaya’t kahit labag sa loob mo ay pinapasok mo si Carlos sa loob ng bahay mo, nagdarasal na wala siyang gawing masama sa’yo.

Mabuti na lang at wala siyang ginawang masama, nakipag-usap lang siya sa’yo at pinipilit mo ang sarili mo na kausapin siya, kahit hindi ka interesado, kahit natatakot ka, pero nagpapanggap ka pa rin na nakikinig sa kanya.

Nang umalis siya sa loob ng bahay mo, noon mo lang naramdaman ang matinding takot, halos mapabagsak ka sa sahig sa sobrang panghihina ng tuhod mo.

Umaasa ka na lang na wala siyang pagsabihan na ibang tao.

Ilang araw kang tulala pagkatapos ng araw na ‘yon, mabuti na lang nagagawa mo pang ngumiti dahil binibisita ka ni Owen paminsan minsan. Nahihiya ka nga lang sa tuwing nakikita mo siya, pakiramdam mo ay alam niya ang mga ginawa mo nung gabing ‘yon, para bang nilalamon ng konsensya ang buong pagkatao mo, dahil wala siyang kaalam-alam sa ginawa mo.

Gusto mong bumawi sa kasalanang ginawa mo sa kanya, mabuti na lang ay inaya ka niya sa moon festival, kaya’t agad kang pumayag. Hindi man halata pero sobrang saya mo noon, parang may kung anong gumugulo sa tiyan mo sa tuwing iniisip mong pupunta kayo ng moon festival na magkasama, mamasyal kayo roon, maglalaro, kakain, at manonood ng mga palabas.

Kaso naisip mo na baka may pumila na naman sa’yo, kaya’t nang pumunta si Omega Sol sa bahay mo para maghatid ng package ay agad mong sinabi na may kasama ka na sa moon festival noong tinanong ka niya kung pupunta ka para maghanap ng mata. Bakas ang gulat sa mukha niya pero hinayaan ka niya, ngumiti siya sa’yo at sinabing masaya siya na nakahanap ka na ng potential mate mo. Sigurado ka na kasing hindi naghahatid ng balita si Omega Sol sa pamilya mo dahil minsan ka nang tinanong ng daddy mo nang tumawag ito sa’yo tungkol sa mga nangyayari sa baryo, at doon mo napagtantong wala silang alam.

Pumunta ka sa moon festival, napaaga yata ang pagpunta mo dahil wala pa siya. Halos kalahating oras din kasi ang pasobra mo sa oras, ang aga mo kasing naghanda, ang aga mong nag-ayos, kaya’t ayan tuloy. Nauna ka sa tagpuan niyo.

Hindi naman halatang excited ka…

Nakaupo ka sa isang bench at sa tuwing may nag-aaya sa’yong kumain ay agad kang tumatanggi, sinasabi mo agad na may kakatagpuin ka. Bakas sa mga mata nila ang lungkot at panghihinayang, pero wala ka namang magawa dahil alam mong hindi mo kayang ibalik ang nararamdaman nila sa’yo dahil mayroon nang nakakuha noon.

Hindi ka mapakali habang paminsan-minsan mong inililibot ang paningin mo, natutuyo na ang labi mo kaya’t panay ang apply mo ng panibagong lip gloss, iniisip mo na baka kasi pagkatapos ng araw na ‘yun ay halikan ka niya kaya’t walang tigil ka sa paglalagay nito.

Iniisip mo pa lang ‘yun ay halos magwala na ang mga paro-paro sa loob ng tiyan mo, at halatang masaya rin ang omega sa loob ng katawan mo.

Ngunit namatay lahat ng ‘yon nang biglang dumilim ang harapan mo nang tabingan ng isang alpha ang liwanag mula sa malaking ilaw nang humarang ito, napatigil ka sa paglagay ng lip gloss at inangat mo ang paningin mo, doon mo siya ulit nakita.

Si Carlos. May hawak itong bulaklak para sa’yo, ngumiti ito sa’yo nang matamis pero hindi mo magawang sumaya. Naramdaman mong nagtaasan ang mga balahibo mo sa iyong batok, wala kang nagawa kundi ang sumama sa kanya at pakitunguhan siya ng maayos. Natatakot ka na baka may gawin siyang hindi mo magugustuhan sa oras na i-reject mo ulit siya.

Pumayag ka nang inaya ka niyang kumain pero hindi mo inuubos ang pagkain dahil kakain pa kayo mamaya ni Owen. Kailangan konti lang ang makain mo kasama si Carlos para marami kang makain kasama si Owen.

Pinipilit mo nalang tumawa sa mga biro ni Carlos, umaarte ka na para bang interesado ka sa mga sinasabi niya kahit ang totoo niyan ay hindi mo naman naiintindihan ang mga ito, mabuti na lang at magaling kang magpanggap.

Kahit gaano kaganda ang bulaklak at kahit gaano kasarap ang pagkain ay hindi mo naman magawang mag-enjoy dahil natatakot ka lang sa kanya.

Kalahating oras na ulit ang nakalipas, pasimple mong inililibot ang paningin mo para hanapin si Owen.

Hindi ka ba niya sinipot? Baka nakalimutan lang? O hindi kaya ay may nangyaring masama, huwag naman sana, mas matatanggap mo pang nakalimutan niya kaysa sa may nangyaring masama sa kanya.

Nang inabot ng isang oras at wala pa rin si Owen ay nabalot ka na ng lungkot at pag-aalala. Kung nakalimutan man niya ay ayos lang naman sa’yo, pero hindi mo maitatanggi na kumirot ang puso mo, sobrang pinaghandaan mo ang araw na ‘yun, hinanap mo pa ang paboritong damit mo para maisuot mo ‘yun sa araw na ‘yun dahil gusto mong maging maganda sa paningin niya.

Mukhang sumuko na nga siya sa’yo.

Kasalanan mo rin naman kasi isang taon mo siyang pinagtabuyan, kahit naman siguro sino ay panghihinaan ng loob kapag ganoon ang ginawa sa’yo ng taong gusto mo.

Baka ginagantihan ka niya?

Hindi naman siguro, mabuting tao si Owen, ‘di ka naman siguro niya gagantihan sa pang-re-reject mo sa kanya. Hindi niya kayang gawin ‘yon.

Pilit mo nalang nilabang ang sarili mo sa pakikipag-usap kay Carlos habang naghihintay kay Owen para mawala ang mga negatibong pumapasok sa isipan mo. Kaya’t nang mag-aya si Carlos na maglibot sa buong lugar ay agad kang pumayag dahil baka makita mo na sa wakas si Owen, wala pang limang minuto sa paglalakad mo ay natanaw mo na agad siya.

Nablangko bigla ang utak mo, hindi mo alam kung anong sumapi sa’yo at bigla ka na lang naglakad patungo sa kanya, mabilis at malalaki ang bawat hakbang mo, halos mabungo mo na rin ang lahat ng taong nasa harapan mo, hindi mo pinansin si Carlos na bigla na lang napatigil sa pagsasalita niya nang makita ka niyang umalis sa tabi niya.

Habang papalapit nang papalapit ka kay Owen ay hindi ka niya napapansin dahil abala siya sa pakikipag-usap niya sa kasama niya, kaya’t bakas sa mukha niya ang gulat nang inangat niya ang paningin niya at nakita ka niya. Tinanong mo agad kung kanina pa ba siya nandoon, umaasang sasabihin niya na oo at hinihintay ka lang din niya, pero agad siyang ngumiti sa’yo at sinabing kakarating lang niya, hindi siya nagpaliwanag, hindi siya nagsabi ng kung ano pa.

Unti-unting dumapo ang paningin mo sa katabi niya.

May katabi siyang babae, magandang babae, paniguradong isang omega.

Wala itong suot na kahit anong makeup pero napakaganda nito, simple lang din siyang manamit pero effortless ang ganda niya, may hawak din itong bulaklak, isang piraso lang ng sunflower na mukhang pinutol lang.

Agad nanikip ang dibdib mo nang maalala mong may kinukwento si Owen sa’yong sunflower na inaalagaan niya sa likod ng bahay nila.

Unti-unting nanuyo ang lalamunan mo.

Mukhang hindi ka niya sinipot kasi may iba na siyang gusto. Baka nakalimutan na niyang inaya ka niya kasi may bago na siyang kasama… parang may pumunit bigla sa puso mo, parang may pumiga doon at tinusok ng karayom.

Hindi ka agad nakakibo.

Iba na ‘yung gusto niya at hindi na ikaw.

Naramdaman mong humapdi ang mga mata mo habang tinititigan mo ‘yung babae at ang bulaklak na hawak nito, napalunok ka kahit wala ka nang malunok. Biglang sumulpot sa gilid mo si Carlos at inaya kang manood ng live band na malapit nang mag-perform, kahit nakatitig ka pa rin sa babae ay wala ka nang nagawa kundi ang magpahila na lang kay Carlos papalayo sa kanila.

Sobrang sakit ng puso mo, hindi mo maintindihan kung bakit, sinubukan mo pang sumulyap ulit kay Owen sa huling pagkakataon pero mas lalo lang nadurog ang puso mo nang makita mong nakatuon na agad ang atensyon niya sa babaeng kasama niya.

Hindi na sa’yo.

Kaya’t hindi mo na lang siya ulit nilingon, hindi dahil ayaw mo siyang makita, kundi dahil habang nanonood ka ng banda ay unti-unti nang bumabagsak ang mga luha sa mata mo, ayaw mo namang makita niyang umiiyak ka.

Nakakahiya.

Nahihiya ka sa ginawa mo, nahihiya ka kasi kasalanan mo naman.

Kasalanan mo kung bakit hindi na ikaw ang gusto niya, kasalanan mo kung bakit ibang omega na ang kasama niya.

Kaya’t hindi mo maintindihan kung bakit ayaw tumigil nang pagbagsak ng mga luha mo.

Nang makita ka ni Carlos na umiiyak ay nagulat siya, pero inaya ka niyang umuwi na. Napaisip ka ng ilang segundo, nanlalata ka na at nanghihina na ang mga tuhod mo, sobrang hapdi na rin ng mga mata mo, kasing hapdi ng nararamdaman mo sa dibdib mo na ayaw maalis. Ayaw mo nang makita pa ulit sila, baka kung ano pa kasing mangyari, baka bumalik ka sa kanila, baka hilahin mo si Owen papalayo sa babaeng kasama niya, baka magmakaawa ka sa kanya na sana ikaw na lang ulit ang gusto niya, kaya’t bago ka pa makagawa ng mga bagay na pagsisisihan mo ay pumayag ka nang ihatid ni Carlos pauwi sa bahay mo.

Buong byahe ay tingin nang tingin sa’yo si Carlos, nakatulala ka lang at nakatingin sa labas ng kotse niya, namumuo pa rin ang mga luha sa gilid ng mata mo at hindi ka makapagsalita. Naramdaman mong sinubukan ka niyang i-comfort gamit ang paghawak sa binti mo pero agad mong iniwas ‘yon.

Napabuntong hininga na lang siya at hindi na lang din nagsalita hanggang sa makauwi ka ng bahay.

Akala mo pag-uwi mo ng bahay ay mawawala na lahat ng sakit na nararamdaman mo, pero pagkatapos mong isarado ang pinto ng bahay mo ay agad kang nagtatakbo patungo sa loob ng kwarto mo, mabilis kang nahiga sa kama mo para yakapin ang unan mo nang mahigpit, tsaka ka umiyak nang umiyak na para bang hindi ikaw ang nagtaboy kay Owen nang paulit-ulit.

Bakit ganoon, Adi? Parang ikaw pa ‘tong aping-api?

Sa tuwing nakikita mo silang magkasama galing palengke, nagtatawanan at nagkukwentuhan, ay parang kasalanan pa nilang masaya sila kasi kung maka-emote ka diyan parang sila pa ang mali. Nagtatago ka sa gilid ng bintana mo, pinagmamasdan mo sila kahit alam mong masasaktan ka lang, tapos iiyak-iyak ka ulit sa loob ng kwarto mo kapag nakalagpas na sila ng bahay mo. Eh hindi ba kasalanan mo naman? Kasalanan mo ‘yun kaya’t hindi na ikaw ang gusto, kung hindi mo siya tinataboy, kung hindi mo siya pinagtulakan, kung hindi mo siya iniwasan, edi sana ikaw ang kasama niya ngayon.

Kaya anong iniiyak-iyak mo noon, Adi?

Tanga ka rin eh.

Halos wala ka na naman sa sarili mo, kaya sa tuwing bumibisita sa bahay mo si Carlos, namamaga palagi ang mga mata mo at nangingitim ang ilalim noon, palagi ka rin niyang tinatanong kung anong nangyari sa’yo pero hindi mo siya sinasagot dahil ano nga namang sasabihin mo sa kanya? Umiiyak kasi may kasamang ibang omega ‘yung alpha mo na hindi naman sa’yo talaga kasi nga pinagtabuyan mo?

Ewan ko sa’yo, Adi.

Gulong gulo ako sa’yo noon.

Pinuntahan mo pa talaga siya sa ihawan stall niya tsaka ka nag-inarte doon. Akala mo naman may karapatan ka kung makapag-damot ka kay Owen. Selos na selos ka pa nung nakita mong sobrang lapit ng Mary Joy na ‘yon sa kanya, akala mo naman ay ikaw pa rin ang gusto ni Owen.

Nakakahiya ‘yung ginawa mo noon.

Ano bang balak mong gawin at pumunta ka pa doon para manggulo? Ano? Aagawin mo si Owen kay Mary Joy? Pagkatapos mong makitang mukhang masaya na ‘yung tao tsaka ka babalik at magpaparamdam? Nakakahiya talaga.

Halos mamatay ka pa sa selos nung inabutan ni Mary Joy si Owen ng bimpo.

Bakit? Ikaw lang ba may karapatan mag-abot ng bimpo kay Owen? Ikaw lang ba dapat nagpupunas ng pawis niya kaya mo ginawa lahat ng ‘yon? Sa harap pa talaga ng maraming tao mo siya pinunasan ng pawis? Tuwing naalala ko ‘yun, nahihiya ako sa ginawa mo…

Akala mo ba doon lang natapos ang kahihiyang ginawa mo? Hindi Adriel, pumunta ka pa ulit sa bahay nila, balak mo pang ulitin ‘yung ginawa mo, balak mo ulit siyang bakuran sa harapan ni Mary Joy at ng maraming tao, kaso wala kang naabutan dahil hindi siya nagtitinda nung araw na ‘yun. Sumilip-silip ka pa sa loob ng bahay nila dahil nagtataka ka kung bakit wala siyang tinda.

Aalis ka na sana pero bigla mo siyang nakita, mukhang kakauwi niya lang at may hawak siyang tupperware. Pamilyar sa’yo ‘yung tupperware na hawak niya dahil lagi niyang ginagamit ‘yon sa tuwing dinadalhan ka niya ng pagkain, naramdaman mong may kumirot na naman sa dibdib mo, nakalasa ka pa ng mapait sa dulo ng dila mo habang nakatitig ka doon.

Kaya pala hindi na siya pumupunta sa bahay mo kasi may dinadalhan na siyang iba ng pagkain.

Hindi ka kumikibo pero unti-unting nangingilid ang luha mo, naiinis ka sa ideyang ginagawa niya rin sa iba ‘yung mga ginagawa niya sa’yo noon. Gusto mong umiyak at pagsabihan siya na huwag niyang gawin sa iba ‘yon, dapat sa’yo lang. Kaso anong karapatan mo, Adi?

Uulitin ko. Kasalanan mo naman ‘yun.

Gusto mo nang mag-walk out pero bigla ka niyang tinanong kung gusto mo daw bang pumasok sa loob ng bahay nila, birthday daw kasi ni Mutya. Gusto mong tumanggi dahil gusto mong magmukmok na lang sa loob ng bahay mo pero napagtanto mong iyon na lang ulit ang pagkakataon mo para makasama siya. Kaya kahit masama ang loob mo ay pumayag kang sumama sa loob ng bahay nila.

Noon mo lang ulit naranasan kumain ng may kasamang ibang tao bukod kay Owen. Hindi mo alam kung bakit kahit medyo naiilang ka sa masamang tingin sa’yo ng nanay niya ay naging maganda naman ang pakitungo nila sa’yo, naging magkaibigan din kayo ni Mutya nang minake-upan mo siya, kahit nagtalo kayo ni Owen noong araw na ‘yon dahil sa ginawa mo, pero naging masaya ka pa rin dahil pakiramdam mo ay napalapit ka ulit sa kanya.

Hindi mo alam kung ano sila ni Mary Joy noon, pero sigurado kang wala pa silang relasyon dahil nagawa kang dalhin ni Owen sa loob ng bahay niya, sigurado ka namang mabuting mga tao ang pamilya ni Owen kaya’t hindi nila ito kukunsintihin na magdala ng omega sa loob ng bahay kung may karelasyon itong iba.

Kaya’t nang ihatid ka nito sa bahay mo pauwi ay halos hindi ka bumitaw dito, nakayakap ka sa braso niya at dinadantay mo ang ulo mo sa balikat niya habang naglalakad kayo.

Ang bango talaga niya, ang bango-bango ni Owen, hindi siya nagpapabango pero ‘yung natural scent niya ang gustong gusto mo, para ka ngang linta noon sa sobrang dikit mo, ramdam mo rin tuloy ang pagiging stiff niya sa sobrang kaba niya dahil sa pagkabigla sa inaasta mo nung gabi na ‘yon, at hindi mo rin maipagkailang gustong-gusto mo sa tuwing nakikita mo ang epekto mo sa kanya.

Noong gabi rin na ‘yon ay nakita mo kung paano magalit si Owen.

Para sa isang alpha ay sobrang kalmado pa rin nitong magalit dahil nagagawa pa rin nitong pigilan ang sarili niya, isang salita mo lang ay napapasunod mo siya kahit halos mamula na ito sa galit.

Hindi ka natuwa sa pangbabastos sa’yo ng mga alpha sa kanto, natakot ka rin, pero sa sobrang sanay mo na sa sobrang dalas mangyari sa’yo ay parang wala na lang sa iyo ‘yon.

Pero hindi kay Owen, hindi para kay Owen.

Hindi lang ‘yon wala lang sa kanya.

Nang makarating kayo sa loob ng bahay mo ay halos hindi siya mapakali, kumalat nang kumalat ang scent niya sa loob ng bahay mo sa sobrang galit niya, hindi mo siya mapakalma kahit napainom mo na siya ng tubig at tinapatan ng electric fan.

Napakalma mo lang siya nang i-scent mo siya.

Naalala mo pa ba ‘yon, Adriel?

Nang umuwi siya noong araw na ‘yon ay napatulala ka na lang habang nakahiga ka sa kama mo, para kang lantang gulay na nakabulagta at namumula ang mga mata, may nakatusok pa rin na suppressant sa braso mo, nakalimutan mong tanggalin ‘yon dahil nakangiti ka sa kawalan. Inaalala mo kung papaano ka niya yakapin at kung papaano siya manghina dahil sa’yo.

Stupid…

Stupid, stupid, stupid…

Stupid, Adi.

Alam mo namang masama siya para sa’yo pero hindi mo magawang pigilan ang pagbilis ng tibok ng puso mo para sa kanya.

Kinabukasan noon ay sobrang excited mong gumising, maaga pa lang ay nag-aayos ka na, maaga pa lang ay naligo ka na, nag-e-expect ka na dadalaw siya pagkatapos ng nangyari kagabi, pero sinigurado mo munang natakpan ng concealer ang namumula mong braso dahil sa gamot, sinigurado mong labi mo lang at pisngi mo ang tanging namumula na maaari niyang makita sa katawan mo.

Kaya’t nang may kumatok sa pinto mo ay nagmamadali kang nagtatakbo patungo doon, pero bago mo tuluyang buksan ang pinto ay sumilip ka ulit sa malaking vase sa gilid mo para matanaw ang repleksyon mo doon, tiningnan mo kung maayos pa ba ang itsura mo bago mo at nang masigurado mong maayos pa ito ay tsaka mo pa lang binuksan ang pinto.

Agad nawala ang ngiti sa mga labi mo nang hindi sa Owen ang bumungad sa’yo, kundi si Carlos.

May hawak na naman itong bulaklak na mukhang mamahalin, kahit nagulat ka sa biglang pagbisita niya dahil ilang linggo ulit itong nawala ay pinilit mo ang sarili mong maging handa para makaisip ng sasabihin sa kanya upang i-reject ulit siya.

Ngunit mas lalong naglaho ang bakas ng lahat ng saya sa mukha mo nang banggitin na naman niya ang tunay mong pangalan, aniya’y kaya siya nawala ulit ng ilang araw ay dahil bumalik siya ng Maynila.

May uwi daw siya sa’yong buko pie. Binili niya sa tindahan tatlong liko malapit sa building na pagmamay-ari ng pamilya mo.

Parang may malamig na tubig na bumuhos sa’yo dahil sa sinabi niya, hindi mo alam kung bakit pakiramdam mo ay tinatakot ka niya, nakangiti siya ng matamis sa’yo pero hindi mo makuhang maging kalmado dahil sa kanya. May nararamdaman ka sa kanyang kakaiba na katulad ng nararamdaman mo noon sa mga dating kaibigan mo.

‘Yung unsettled feeling na hindi mo maipaliwanag.

Nanginginig ang mga kamay mo nang inabot niya sa’yo ang bulaklak, wala kang nagawa kundi tanggapin iyon, napako ka na sa pwesto mo pero naramdaman mong bumeso pa siya sa’yo bago siya pumasok sa loob ng bahay mo kahit hindi mo siya iniimbitahan.

Doon mo napagtanto na delikado siyang tao.

Napalunok ka na lang sa sobrang takot, sumunod ka sa kanya tsaka niya inilibot ang paningin niya sa loob ng bahay mo, para bang alam niya ang ginawa niyo ni Owen noon. Sabagay, imposibleng hindi niya alam na may alphang pumasok sa loob ng bahay mo noon dahil naiwan ang scent ni Owen.

Ilang segundo siyang nakatahimik lang bago ka niya hinarap, may malambing pa rin siyang ngiti sa labi niya pero alam mong hindi iyon totoo, inaya ka niyang pumunta sa bahay nila.

Hindi ka kumibo, hindi ka sumagot.

Sabi niya ay ipapakilala ka lang niya sa mga magulang niya, kilala mo naman kung sino ang mga ‘to. Paanong hindi mo makikilala eh pack leader niyo ang tatay ni Carlos. Ilang beses mo na rin silang nakita, at paniguradong kilala ka rin nila, hindi ka na niya kailangan pang ipakilala.

Tatanggi ka na sana pero bigla niyang sinabi na siya na lang daw ang magpapakilala sa mga magulang mo kung ayaw mong mapakilala sa magulang niya, nang makita niyang halos manlaki ang mga mata mo dahil sa sinabi niya ay bigla siyang tumawa at sinabing biro lang, tsaka niya sinabi sa’yo kung anong oras ka niya susunduin kinabukasan.

Hindi ka kumibo, napatulala ka na lang noon, wala kang reaksyon kahit nang lumabas na siya ng bahay mo. Nakatayo ka pa rin kung saan ka niya iniwanan.

Ilang segundo pagkatapos mong marinig na sumarado ang pinto ng bahay mo ay tsaka mo lang napagtanto ang mga nangyari, unti-unting nanghina ang tuhod mo, para bang noon mo lang naramdaman ang hininga mo na ilang minuto mong pinigil dahil sa mga sinabi ni Carlos, napabagsak ka nalang sa sahig kahit nakatulala ka pa rin, nang mapatingin ka sa bulaklak na hawak mo ay mabilis mong ibinalibag iyon, nakita mo kung papaano ‘yon kumalat sa sahig ng bahay mo, halos magkaputol-putol ‘yon sa sobrang lakas nang pagkakabalibag mo, napahawak ka na lang sa tenga mo at napasigaw nang malakas, naiiyak sa sobrang sakit nang nararamdaman mo sa loob ng katawan mo, para bang may kumakamot sa mga balat mo, at sumusuntok sa tiyan mo, paniguradong nagwawala na naman siya loob mo dahil sa sobrang takot.

Kinabukasan nang sinundo ka niya ay nakabihis ka ng maganda, damit na alam mong nababagay sa okasyon nila, nagawa mo pang ngumiti sa kanya ng tipid nang pumasok sa loob ng sasakyan niya, mukhang na-satisfied naman siya nang makita niya ang itsura mo. Hindi mawala ang ngiti sa labi ni Carlos habang nagmamaneho siya patungo sa bahay nila, kabaligtaran mo dahil nakatanaw ka lang sa bintana, kinakabisado mo ang daanan patungo sa bahay nila, para kung sakali na may mangyaring masama ay alam mo pa rin kung paano ka makakauwi.

Wala kang nararamdamang takot, namamanhid ka na nga sa dami ng gamot na itinurok mo sa’yo bago ka umalis ng bahay. Wala ka rin sa sarili mo, para ngang nakalutang ka lang sa ere habang pinapakilala ka niya sa buong pamilya niya, tuwang-tuwa sila sa’yo, gandang-ganda, para bang proud na proud pa sila kay Carlos dahil kasama ka niya, pero kahit gaano ka kasabaw nung mga oras na ‘yon ay nagagawa mo pa ring ngumiti sa kanila, nagagawa mo pa rin makipag-usap at makipag-plastikan, at kahit halos may kumalahig na naman sa mga loob ng katawan mo sa tuwing hinahawakan ka ni Carlos ay nagagawa mo pa ring ngumiti, kahit nakailang beses mong hinawi ang kamay niya ay nagagawa mo pa ring kausapin siya, kahit naiinis ka na sa tuwing binabalik niya ang kamay niya sa balat mo ay wala kang magawa kundi ang ipakitang okay ka lang at nag-e-enjoy ka sa birthday ng tatay niyang pack leader.

Nang hinatid ka niya sa bahay mo pagkatapos ng araw na ‘yon ay akmang baba ka na sa kotse niya pero napatigil ka nang bigla siyang lumapit sa’yo, hinawakan niya ang seatbelt para tanggalin ‘yon pero tumagal siya sa pagkakalapit sa’yo kaya’t naramdaman mong inamoy niya ang leeg mo, bumaba rin ang tingin niya sa leeg mo patungo sa dibdib mo pababa sa binti mo. Amoy na amoy mo sa loob ng maliit na kotse niya ang pheromones niyang nagkalat sa paligid pero hindi ka kumibo. Bababa ka na sana ulit pero bigla ka niyang hinila pabalik sa pwesto mo.

Binulong niya sa’yo kung gaano ka kaganda, kung gaano niya kagusto ‘yung mukha mo, sabi niya na iyon na daw yata ang pinakamagandang mukhang nakita niya sa tanang buhay niya, halos sambahin na niya ang mukha mo base pa lang sa kung papaano niya ito purihin. Hinahawakan pa niya ang pisngi mo, pero kahit iniiwas mo ‘yon ay patuloy pa rin siya sa paghawak, sobrang wala ka na talaga sa sarili mo noon, pumipintig na ang ulo mo, may naririnig kang matinis na tunog sa tenga mo, at lumalabo na ang gilid ng mga mata mo, at para pa ring nakalutang ang utak mo kaya’t nagawa mong kunin ang dulo ng seatbelt at tsaka mo itinapat ‘yon sa pisngi mo.

Unti-unting nawala ang ngiti sa labi ni Carlos habang nakatingin siya sa’yo, noong una ay hindi pa niya naiintindihan ang bigla mong paglapit ng dulo ng seatbelt sa mukha mo, nakangisi pa siya pero nang mapagtanto niya ang ang ginagawa mo ay unti-unti niyang inalis ang kamay niya sa mukha mo lalo na nang diinan mo ‘yon.

Hindi naman sobrang talim ng dulo ng seatbelt para magsugat sa mukha mo, pero nang diinin nang diinin mo ‘yon ay tsaka palang dumugo iyon, mabilis niyang hinampas ang kamay mo para alisin ang ginagawa mo, nagsugat lang ‘yon ng maliit pero kita mo agad ang pagpa-panic sa mga mata niya nang masira ang mukha mo.

Tinanong ka niya kung nababaliw ka na daw ba, hindi ka nakasagot, nakatitig ka lang sa kanya. Gaano ba kahalaga ang mukha mo at nagkakaganoon siya? Napabuntong hininga ka na lang at tsaka ka lumabas na ng kotse niya, hindi ka niya hinabol dahil mukhang gulat pa rin siya dahil sa ginawa mo sa harapan niya, pumasok ka sa loob ng bahay mo nang hindi mo na siya muling binalikan ng tingin.

Hindi na ulit nagparamdam sa’yo si Carlos, naging masaya ka kahit panandalian lamang dahil alam mong babalik pa siya. Ang mga ganoong klase ng tao, hindi basta-basta tumitigil.

Alam mo ‘yun, marami kang kilalang ganoon.

Pero kung anong ikinasaya mo dahil sa hindi pagpapakita ni Carlos sa’yo ay siya namang ikinalungkot mo dahil sa hindi pagbabalik ni Owen sa bahay mo.

Tulala ka na naman habang iniisip mo kung bakit hindi na muling nagparamdam si Owen pagkatapos ng gabing ‘yon.

Iniisip mo pa noon na siguro ay binalikan na nito si Mary Joy dahil baka napagtanto na niyang hindi ka niya gusto.

Tinitigan mo pa nga ang sarili mo noon sa salamin, bakas pa rin ang maliit na sugat sa pisngi mo, namamaga ang mga mata mo dahil sa pag-iyak mo, at nangingitim pa rin ang ilalim ng mga mata mo dahil sa hindi mo pagtulog, nanunuyo na rin ang labi mo dahil hindi ka na nakakapaglagay ng kung anong pampalambot dito, hindi ka rin umiinom ng tubig, kaya’t pati ang balat mo ay kitang kitang napapabayaan na rin.

Halos hindi mo na makilala ang sarili mo habang nakatitig ka sa salamin, gusto mong sirain pa lalo ang mukha mo dahil sa totoo lang… iyon naman talaga ang may kasalanan ng lahat. Kung hindi siguro ganyan ang mukha mo, paniguradong hindi rin ganyan ang buhay mo.

Nakakatawa, Adi.

Tandang-tanda ko pa rin ang galit mo sa mukha mo noon, pati ‘yung kagustuhan mong sirain ito, pero alam mo ba? Na imbes na sirain mo ang mukha mo ng gabi na ‘yon ay nagawa mo pang kunin ang mga make up mo tsaka ka nag-ayos.

Pilit mong pinaganda ang mukha mo sa paningin mo at nang makontento ka na sa dami ng kolorete na ipinahid mo ay tsaka mo pinagmasdan ulit ang sarili mo sa harap ng salamin, ilang minuto kang nakatulala at nakatitig lamang sa repleksyon mo, iniisip mo kung anong mayroon doon at kung bakit gustong gusto nila ‘yon.

Muli mong binuksan ang drawer sa tukador mo, kumuha ka ng panibagong suppressant dahil naramdaman mong umiiyak na naman ang omega mo. Itinusok mo ‘yun sa sarili mo habang pinagmamasdan mo ang maganda mong mukha.

Kung gustong gusto ‘yon ng mga alpha… ibig sabihin pati si Owen?

Unti-unti kang napangiti habang pinagmamasdan mo ang sarili mo.

Alpha rin si Owen, kaya siguro magugustuhan din niya ‘yon.

Kaya’t kinabukasan ay muli kang nag-ayos, paglabas mo pa lang ng bahay ay ramdam mo na agad ang titig sa’yo ng mga tao. Sanay ka naman na, wala na ngang bago sa’yo, naka-make up ka man o hindi ay napapatingin sila sa’yo, pero hindi ibig sabihin noon ay komportable ka pa rin sa mga pagtingin nila, lalo na sa mga malagkit na tingin nila, pero tiniis mo ‘yon dahil inaabangan mong dumaan si Owen.

Tatlong oras kang naghintay, pero hindi siya dumaan.

Inulit mo ang pag-aayos sa loob ng ilang araw at tsaka ka lumalabas ng bahay para abangan siya tuwing umaga, ngunit hindi mo na siya muling nakita, nagtataka ka kung hindi na ba ‘to namimili sa palengke o iniiwasan ka lang ba niya talaga, kaya’t ng ika apat na araw ay hindi ka na nag-abang sa labas ng bahay niyo, dumiretso ka na agad sa pelengke, doon ay nakita mo siya, kasama niya si Mary Joy at nagtatawanan na naman sila habang namimili ng gulay.

Hindi siya tumigil sa pamamalengke, tumigil lang siya sa pagdaan sa harap ng bahay mo, paniguradong umiikot pa ito sa mahabang daanan maiwasan lang ang bahay mo. Naramdaman mong pumait na naman ang panlasa mo kahit wala ka namang kinakain, parang may kung anong sumuntok na naman sa tiyan mo nang mapagtanto mo ‘yon.

Akala mo ay wala nang mas sasakit pa doon, dahil nang magtama naman ang paningin niyong dalawa ay nginitian ka naman niya, ‘yon nga lang ay mabilis niyang hinahawakan si Mary Joy sa kamay at tsaka niya ito hinila papalayo na para bang alin na lang niya ay makaalis sa harapan mo.

Halos mabaliw ka na noon, Adi.

Natatandaan ko, malapit ka na ngang mabaliw noon.

Halos sundan mo na siya sa lahat ng pinupuntahan niya, hindi niya nga yata napapansin ang pagpapaganda mo dahil abala siya masyado sa pag-iwas sa’yo, ikaw ba naman kasi! Bibili na lang siya ng softdrinks ay sinasabayan mo pa, sinusubukan mong gumawa ulit ng conversation sa pagitan niyong dalawa pero bago ka pa magsalita ay umaalis na siya na para bang nandidiri na siya sa’yo sa sobrang pag-iwas niya.

Kung dati ay parang may kumakalahig lang sa balat mo, nung mga panahon naman na ‘yon ikaw na mismo ang kumakalahig sa balat mo habang nakatulala ka sa salamin at nakatitig sa mukha mo, naging mannerism mo pa nung mga panahon na ‘yon ay pagkamot sa balat mo hanggang sa magsugat ‘yon habang nag-iisip ka kung papaano mo ulit makukuha ang atensyon ni Owen.

Hindi mo akalain na mababaliw ka ng ganoon.

Ano bang mayroon kay Owen at nagkakaganyan ka sa kanya?

Nakakatawa pa rin isipin na pinagtabuyan mo siya tapos ngayon ay hahabol-habol ka.

Sorry, paulit-ulit ba ako? Totoo naman kasi, nababaliw ka na noon.

Paano naman kasi ay nagawa mo pang basagin ang pihitan ng shower mo, kinuha mo ang malaking bato sa labas ng bahay mo at tsaka mo ‘yon ibinalibag sa pihitan, sumirit ang tubig nang masira iyon pero wala kang reaksyon habang nakatitig doon, tila ba hindi ka nanghihinayang sa mga natatapong tubig.

Wala kang emosyon nang lumabas ng bahay mo pagkatapos noon, dumiretso ka agad sa ihawan ni Owen at tsaka ka tumayo sa harapan nito, agad ding sumibangot ang mukha mo nang makita mo si Mary Joy sa tabi niya, umarte kang bibili ka ng ihaw-ihaw pero hindi mo magawang kumalma dahil panay ang punas ni Mary Joy sa pawis ni Owen, para bang nanadya pa. Panay ang galaw ng tuhod mo habang pinapagmasdan mo sila, halos dumugo na nga rin ang labi mo sa tindi nang pagkagat mo doon, pakiramdam mo ay anumang oras ay magiging para kang isang ligaw na pusang kakalmutin siya… madiin, mabagal, ‘yung paniguradong babaon sa balat niya at magmamarka…

Pero pinigilan mo, pinigilan mo ang sarili mo dahil alam mong hindi tama, alam mong omega mo lang ‘yon na nagsasalita sa loob ng katawan mo dahil pinipilit niyang kanya ‘yung alphang nasa harapan niya.

Kaya’t bago ka pa makagawa ng mali ay mabilis kang nag-walk out.

Umalis ka na doon kasi natatakot ka na sa sarili mo, hindi ka naman ganoon karahas mag-isip noon, hindi mo nga masikmurang umisip ng masasamang bagay sa kapwa mo noon pero… pero bakit naiisip mo na ‘yon?

Gusto mong umiyak sa sobrang guilt na nararamdaman mo, hindi mo lubos maisip na kaya mong gawin ‘yon sa ibang tao… na kaya mong manakit para lang makuha mo ulit si Owen.

Nang makauwi ka sa bahay mo noon ay pilit mong ikinalma ang sarili mo, nakatayo ka lang sa likod ng pinto habang nag-re-reflect ka sa masasamang naisip mo, nagdarasal sa lahat ng Diyos na sana ay huwag ka nang muling mag-isip ng ganoon.

Nang may kumatok sa pinto mo ay napatigil ka sa pagdarasal, binuksan mo ang pinto dahil kahit hindi pa ito nagsalita ay alam mong siya iyon dahil sa scent nitong nakapasok agad sa butas ng pinto.

Inabot niya sa’yo ang mga binili mo sa kanya, kahit papaano ay inaasahan mong pupuntahan ka niya kaya’t inaya mo siyang pumasok ngunit tumanggi siya dahil iniwan niya daw si Mary Joy sa ihawan, halos maubos na ang natitirang moralidad mo sa katawan noong mga panahon na ‘yon kaya’t wala kang pakialam kahit masunog pa si Mary Joy sa pag-iihaw noon.

Ayaw mo siyang umalis, kaya’t sinabi mo na nasira ang shower mo, may pag-aalinlangan man sa mukha niya ay pumasok pa rin siya upang tingnan iyon, bakas sa mukha ni Owen na napansin agad niyang sinasadya ang pagkasira noon, kaya’t wala ng saysay kung itago mo pa ang tunay na intensyon mo.

Hindi ka umalis sa tabi niya kahit noong ginagawa na niya ang shower mo, pinagmamasdan mo lang siyang mabuti, pinapanuod mo ulit ang bawat paggalaw niya, at nang tumayo siya para umayos ng pwesto niya ay nagkaroon ka bigla ng pagkakataon para gawin ang kanina mo pa gustong gawin.

Niyakap mo ng mahigpit ang likuran niya na para bang ayaw mo siyang pakawalan.

Ayaw mo na.

Kasi pakiramdam mo ay malapit ka nang mawala sa ulirat sa oras na mawala na naman siya sa’yo.

Noong araw na ‘yun ay balak mo nang ibigay ang sarili mo sa kanya, wala ka nang pakialam sa mga susunod na mangyayari, hindi ka na nakakapag-isip ng ayos dahil binabalot ka na ng selos, ang gusto mo na lang ng mga oras na ‘yun ay ang makasama siya.

Sana ay naalala mo pa ang araw na ‘yun.

Ang araw kung kailan unang beses dumapi ang labi niya sa labi mo.

Sa unang pagkakataon ay naghalikan kayo ni Owen, sobrang bilis ang kabog ng dibdib mo noon pero pilit mong sinasabayan ang bawat hagod ng labi at ng dila niya, pakiramdam mo ay tuluyan ka nang nabaliw pero sa mga halik niya.

Malumanay man ang mga mata mo sa sobrang pagkalasing mo sa labi niya ay hindi maipagkakailang sobrang saya mo.

Dati ay pinapangarap mo lang ‘yun, iniisip-isip mo lang sa tuwing nagwawalis ka at natutulala ka, kaya’t nang maranasan mo na ay halos sumabog at magwala ang mga kalamnan mo.

Doon mo napagtantong mas maganda ang reyalidad kaysa sa mga hallucinations mo.

Masaya ka na nung mga oras na ‘yun, ayaw mo nang tumigil. Ayos na eh, ayun na, kaso may nakalimutan ka pa pala.

Kumatok si Carlos sa pinto ng bahay mo noon, hindi pa man ito nagsasalita ay alam mong siya ‘yun dahil bukod kay Owen, si Carlos lang ang bumibisita sa’yo at si Carlos lang naman ang nag-iisang taong kayang kumatok nang napakalakas sa pintuan mo, na para bang laging nag uutos na pagbuksan mo. Maaaring si Omega Sol, ngunit kakapadala lang nito ng package mo isang araw bago ang araw na ‘yun, at hindi naman ito malakas kung kumatok. Kaya’t sigurado ka na si Carlos nga iyon.

Tila lasing ka pa sa halikan niyo ni Owen noon, naghahabol ka pa ng hininga habang nakatitig sa mga mata niya, basang basa pa rin ang labi mo ng mga laway niya at ayaw mo pa sanang magising ka sa totoohanan pero wala kang nagawa kundi pilitin ang sarili mong bumalik sa katinuan.

Ayoko na sanang ipaalala sa’yo ang araw na ‘yun, pero siguro kailangan mo pa ring matandaan ang mga kasalanang ginawa mo kay Owen noon.

Sa sobrang takot mong sabihin ni Carlos ang tungkol sa inyo ni Owen noon sa mga magulang mo ay gumawa ka ng paraan para mapagtakpan ang nararamdaman mo para sa kanya sa harap ni Carlos, paano naman kasi ay hinahawakan nitong pilit ang mga kamay mo nang bumalik ulit si Owen sa loob ng banyo, para bang pasimpleng binabanggit ni Carlos ang mga magulang mo, halatang nananakot, hindi ka makapalag dahil alam mong kaya niyang gawin, mapera sila, halatang makapangayarihan dahil anak ng pack leader, at kahit maliit na probinsya lang ‘yon ay halatang sila ang pinakamayaman doon.

Nang lumabas si Owen ay doon mo na ginawa ang katangahan mo, nanginginig man ang tuhod mo at sumisikip ang dibdib mo ay ginawa mo pa rin.

Inabutan mo ng pera si Owen, hindi para bayaran siya sa paggawa ng shower mo kundi para pagmukhain siyang binayaran mo lang para makipagtalik sa’yo.

Walang nangyari sa inyo noon ni Owen, pero paniguradong ganoon ang tumatakbo sa utak ni Carlos noon dahil sa kumakalat na pheromones niyong dalawa ni Owen sa loob ng bahay mo.

Alam mo namang may ideya si Carlos sa nakaraan mo, at alam mong alam ni Carlos ang mga laman ng package sa loob ng bahay mo, kaya’t iyon na lamang ang natatanging paraan na naiisip mo para mailayo mo si Owen sa gulo.

Nakonsensya ka man at nasaktan lalo na nang makita mo ang pagkadismaya, lungkot, at galit sa mukha ni Owen ay wala kang nagawa.

Natatakot ka na malaman ng magulang ko ang tungkol sa inyo ni Owen, pero mas natatakot ka sa magiging reaksyon ni Owen kapag nalaman niya kung sino ka dati bago ka napunta sa baryo nila.

Natatakot kang mabago ang tingin niya sa’yo…

Pero pinagsisihan mo ang ginawa mo nung araw na ‘yun, ‘di pa siya nakakaalis ng bahay mo ay nagsisi ka na agad, kaya’t tulala ka na lang hanggang sa makaalis siya.

Nilapitan ka ni Carlos noon nang makita niyang hindi ka gumagalaw sa pwesto mo, naramdaman mo agad ang palad niyang dumulas sa baywang mo, mabilis mo siyang iniwasan, napaluhod ka na lang sa sahig at wala ka nang pakialam kung makita man ni Carlos na umiiyak ka ng dahil kay Owen.

Hindi nito pinansin ang pag-iyak mo, hindi mo rin siya pinansin, umiiyak ka na lang noon dahil sobra kang nasaktan sa ginawa mo.

Baliw.

Nakakatawa ka talaga noon, Adi ‘no? Para bang ikaw na naman ang sinaktan kung makaiyak ka, para bang hindi ikaw ‘tong nambastos kay Owen.

Naiinis na sa’yo si Carlos dahil hindi mo siya pinapansin kahit nasa loob siya ng bahay mo, patuloy ka lang sa pag-iyak na para bang walang ibang tao doon. Hindi mo alam kung anong ginagawa niya at kung kailan siya umalis dahil wala ka na sa sarili mo. Basta narinig mo na lang siyang nagsabi sa’yo na babalik siya sa mga susunod na araw noon dahil babalik muna siya ulit ng Maynila at gusto ka niyang makasama ka bago siya umalis.

Sa mga sumunod na araw noon ay nagpakita nga siya sa’yo, hindi mo siya pinapansin kahit hinahayaan mo siyang pumasok sa bahay mo, minsan ay nagpapanggap kang nakikinig sa kanya kahit ang totoo niyan ay pinipilit mo na lang ang sarili mo dahil natatakot kang may banggitin na naman siya tungkol sa nakaraan mo.

Sa totoo lang ay pwede mo siyang ipagtabuyan, pwede mo ring isumbong siya sa mga magulang mo, paniguradong gagawa agad ng aksyon ang pamilya mo dahil halata namang mas mayaman ang pamilya mo kaysa sa kanila, kahit anak siya ng pack leader ay hindi mo maipagkakailang mas makapangyarihan pa rin ang tatay mo, kayang kaya niyang patahimikin si Carlos.

Kaso…

Si Owen.

Iniisip mo si Owen.

Paniguradong madadamay siya, paniguradong babanggitin siya ni Carlos sa mga magulang mo, pack leader ni Owen ang tatay ni Carlos, imposibleng hindi siya madamay, imposibleng hindi siya kayan-kayanin ng mga ito sa oras na alisin ka ng mga magulang mo sa baryo nila.

Sigurado kang kaya kang protektahan ng mga magulang mo, pero sigurado ka ring hindi nila poprotektahan si Owen.

Kaya hindi.

Kahit anong mangyari ay hindi ka magsusumbong sa mga magulang mo.

Titiisin mo na lang lahat, makakaisip ka rin ng paraan, siguradong may maiisip kang paraan para makalayo kay Carlos nang hindi madadamay si Owen, pero sa mga oras na ‘yon ay titiisin mo muna lahat.

Kaso tarantado pala talaga ‘yung Carlos na ‘yon.

Isang gabi ay nagpaalam siya ulit sa’yo na babalikan ka niya kinabukasan. Tumango ka na lang sa kanya dahil ayaw mo nang makipag-usap, tsaka kailangan mo nang uminom ng gamot. Noong makaalis na siya ay ini-lock mo na ulit ang pinto mo, pati ang mga bintana ay isinarado mo na ulit.

Pumasok ka sa kwarto mo para kunin ang gamot sa loob ng kabinet, ilang segundo kang napatitig sa bakanteng pwesto nito, hindi pa nag-sink in agad sa’yo na nawawala ito. Nang tuluyang pumasok sa isip mo ‘yon ay agad mong hinanap ‘yon sa loob ng kabinet, hinalughog mo ang buong kwarto mo at tsaka ka nagtatakbo patungo sa banyo, nagbabaka sakaling makita mo iyon doon.

Ngunit kahit saang sulok ng bahay mo ay hindi mo makita ‘yon, unti-unting nabalot ng kaba ang dibdib mo, para bang bumibilis na ang paghinga mo at halos umikot na ang paningin mo. Nakakarinig ka na naman ng matinis na linya sa tenga mo, para ka na namang nalalasing.

Alam mong sa oras na hindi mo mainom ang maintenance mo ay may mangyayaring masama sa’yo. Hindi ka na pwedeng tumigil sa gamot mo dahil paniguradong maghi-heat ka, sa loob ng ilang taon mong pagpipigil ay alam mong isang araw ka lang hindi makainom ng gamot ay paniguradong lalabas ‘yon.

Hindi pwede, hindi pwedeng mag-heat ka ulit.

Ayaw mo na. Hindi mo na kaya.

Halos mabaliw ka na kakahanap ng mga suppressants mo, nararamdaman mo na ang pag-akyat ng init sa katawan mo, sumasakit na rin ang tiyan mo, at paniguradong nag-aapoy ka na sa lagnat, nagawa mo pang tumingin sa orasan nang maramdaman mong nababasa na ang pang-ibabang damit mo, alas onse pa lang ng gabi.

Pre-heat pa lang naman, kaya mo pa sigurong tiisin.

Kaso anong mangyayari sa’yo pagkatapos ng pre-heat mo…

Paano kung puntahan ka ni Carlos? Paano kung may mangyaring masama? At paano kung ‘di mo na naman makilala ang sarili mo?

Napaupo ka na naman sa sahig, hawak-hawak mo ang tiyan mo dahil sobrang sakit noon, nagkalat na rin ang scent mo sa buong bahay mo kaya’t mas lalo ka lang na-ti-trigger. Unti-unting bumagsak ang luha sa mga mata mo, nagdarasal ka na sa lahat ng santo, kasama si Moon Goddess na sana ay patigilin niya, kahit saglit lang. Sana patigilin niya.

Hindi ka naniniwala sa kahit anong Diyos pero nung mga oras na ‘yon ay bigla mo silang nakilalang lahat.

Punong puno ng scent ni Carlos ang bahay mo, hindi mo alam kung bakit at kung kailan siya nagkalat ng scent. Alam mong nakakadagdag ‘yon sa pag-trigger ng heat mo, pero nung mga oras na ‘yon ay hindi mo naisip na maaaring plinano ni Carlos lahat ng ‘yon dahil masyado ka pang mabait sa mga tao noon, masyado ka pang mapagtiwala sa kanila, hindi mo pa rin naiisip na may mga tao talagang kayang gumawa ng masasamang bagay.

Pero hindi mo kasalanan ‘yon, Adriel.

Ngayon, alam ko na, na hindi mo kasalanan na ganoon ang mga tao sa’yo, kaya sana sa mga oras na ‘to ay hindi mo sinisisi ang sarili mo.

Kung binabasa mo man ‘to ngayon, Adriel. Gusto kong tumigil ka muna saglit para huminga ng malalim bago mo ituloy ang sunod na babasahin mo.

Hindi ko alam kung naalala mo pa pero kinabukasan noon…

May nangyari sa inyo ni Owen.

Pinuntahan mo siya sa bahay nila, medyo wala ka na sa huwisyo noon, alam mong kailangan na siya ng katawan mo, hindi mo na rin alam ang mga nangyayari, hindi ka na nahihiya sa pamilya ni Owen kahit nagmamakaawa ka na sa kanila na ibigay nila sa iyo si Owen.

Dinala ka niya sa loob ng isang maliit na kubo sa likod ng bahay nila, doon niyo ginawa ‘yon.

Ilang araw kayo doon, apat yata? Kung tatanungin mo ako kung pinagsisihan mo ba ‘yung ginawa mo na ‘yun.

Hindi, hindi mo pinagsisihan ‘yon.

Kahit nasa isang maliit na kubo lang kayo noon, kahit masikip, kahit madumi, at kahit hindi ka komportable sa pwesto mo sa tuwing binabayo ka niya ay hindi… hindi mo pinagsisihan ‘yon.

Dahil sa unang pagkakataon, sa tanang buhay mo, noon mo lang naramdaman na buhay ka… na para bang hindi lang isang malaking bangungot ang buhay mo, parang noon mo lang ulit naramdamang tumibok ang puso mo, na dumaloy ang mga dugo mo… buhay ka Adriel. Hindi paniginip lang ang buhay mo.

Natatandaan mo pa ba noong natapos ang heat mo at nakahiga kayong dalawa sa may kubo? Nakayakap siya sa’yo at hinahalik-halikan niya ang labi mo… parang sasabog ang puso mo noon, hindi mo alam kung na-overwhelm ka lang ba dahil noon mo lang ulit naranasan na maging in-touch sa omega mo o baka dahil…

Alam mo sa sarili mong mahal mo na siya?

Pinagmamasdan mong mabuti ang mukha niya na para bang natatakot kang makalimutan mo ‘yun balang araw, hinahawi mo ang buhok niyang dumidikit sa noo niya dahil sa pawis, dahil ayaw mong may malagpasang kahit isang detalye sa mukha niya.

Walang humpay ang kabog ng dibdib mo, sa bawat tama ng labi niya sa labi mo ay para bang lumulutang ka ulit sa ere, at para bang kinikiliti ng mahinang tawa niya ang tenga mo, ayaw mo nang mawala siya sa’yo.

Mahal mo na, Adi.

Mahal mo na siya.

Kaya bakit? Bakit takot na takot kang markahan ka niya?

Hindi ka pumayag na markahan ka niya noon, inilalayo mo ang leeg mo sa tuwing dumidiin ang paghalik niya doon, hindi mo alam kung bakit pero natatakot ka, natatakot kang maging mate mo siya.

Pakiramdam mo ay hindi ka karapat-dapat sa kanya. Masyadong magulo ang nakaraan mo para idamay siya.

Hindi mo kaya… hindi mo kayang saktan siya…

Kasi mahal mo siya, Adi.

Mahal na mahal mo siya.

Pinaramdam niya sa’yo lahat ng pakiramdam na kahit kailan ay hindi mo naramdaman sa kahit na sino, pinaramdam niya lahat ng bagay na gusto mong maramdaman simula noon, kahit ang pamilya niya ay naging mabuting tao sa’yo, minahal ka nila na para bang anak ka rin nila, kahit nga ang kaibigan ni Owen na pinagseselosan mo ay naging kaibigan mo rin dahil napagtanto mong mabuti rin itong tao, tsaka may girlfriend pala siya, kaya ayos na siya ulit sa paningin mo.

Pakiramdam mo sa saglit na panahon na ‘yon ay naging normal ang lahat sa buhay mo.

Naranasan mong magkaroon ng pamilya… magkaroon ng nanay na hindi ka lang basta kinukumusta kung okay ka lang dahil sinisigurado talaga niyang okay ka lang, inaalagaan ka niya, pinagtatanggol ka niya, tinuturuan ka rin niya ng mga gawaing bahay kahit hindi mo magawa-gawa, hindi ka niya sinusukuan.

Nagkaroon ka rin ng tatay na may pakialam sa’yo, ‘yung hindi ka niya hinihusgahan o pinagbubuhatan ng kamay sa tuwing nagkakamali ka, ilang beses mo ngang nasunog ang sinaing sa bahay nila Owen pero natatawa lang ‘to at kinakain pa niya ang nasunog mong kanin.

Tapos si Mutya…

Si Mutya na ayaw na tinatawag siya totoong pangalan niya na Maria Theresa Magdayao.

Wala kang kapatid, Adriel. Solong anak ka lang kaya’t kahit kailan ay hindi mo naranasan magkaroon ng kasama at kakulitan, pero pinaramdam sa’yo ni Mutya kung gaano kahirap magkaroon ng bunsong kapatid dahil sunod ito nang sunod sa’yo kahit saan ka magpunta, panay ang tanong niya at panay ang pangungulit niya para lang magkasama ulit kayong dalawa. Gustong gusto ka pa nga niyang inaagaw kay Owen dahil minsan ay nagseselos siya kapag mas mahaba ang oras mo kay Owen, pero kahit kailan ay hindi ka nainis sa kanya. Natutuwa ka pa nga dahil pakiramdam mo ay nagkaroon ka rin ng bunsong kapatid.

At kahit kailan ay hindi mo in-expect na mararanasan mo ang pakiramdam na magkaroon ng kaibigan…

‘Yung totoong kaibigan… ‘yung kasama mo sa kwentuhan, sa chismisan, sa pagkain ng isaw habang nanlalait ng mga kapitbahay. Naranasan mo lang ‘yun kasi naging kaibigan mo rin ang kaibigan ni Owen na si Mary Joy, panay ang tanong nito kung ayos lang ba ang liptint niya, o kung pantay ang polbos niya, panay din ang lait nito sa harapan mo sa mga kapitbahay nila Owen, tapos titingnan ka niya na para bang naghihintay din siya sa’yo na magsalita ka ng hindi maganda.

Kaya’t nang isang beses kang nagmura at sinabihan mong mukhang aso ‘yung gagong alpha na nagsabi ng hindi maganda kay Owen ay para bang nanalo siya sa lotto kung makatawa at makapalakpak siya. Napagtanto mo lang ang sinabi mo nung hinampas ka niya habang tumatawa, bigla kang nahiya dahil hindi mo nakontrol ang sarili mo sa pagsabi ng hindi maganda sa ibang tao pero hindi mo maipagkailang natawa ka rin noong araw na ‘yon dahil sa wakas… nagawa mo rin magsabi ng gusto mong sabihin.

Naalala mo pa ba lahat ng ‘yon, Adriel?

Kasi ako naalala ko pa…

Sobrang saya mo noon, para bang bawat araw ay excited kang gumising, wala namang kakaiba kayong ginagawa noon, kasama mo lang si Owen tsaka ‘yung pamilya niya at ang kaibigan niya.

Minsan ay sumasama ka kay Owen para tulungan siya sa pagtitinda niya ng ihaw-ihaw, tumutulong ka sa pagsusukli, at pagpupunas ng pawis niya, pero mas madalas na nakatambay ka lang at nakikipagkwentuhan kina Joyjoy at Mutya sa gilid, tapos titingin lang sa’yo si Owen para kindatan ka tapos eto namang dalawang kasama mo ay sisigaw sa pandidiri sa tuwing nahuhuli nila si Owen na kumikindat sa’yo, habang ikaw naman ay natatawa na lang at pasimple mong binabalik ang kindat sa kanya habang abala ang dalawang kasama mo sa pang-aasar sa kanya. Hindi na mawawala ang ngiti sa labi niyong dalawa ni Owen kahit nakabalik na ang atensyon niya sa pagtitinda.

Paminsan-minsan ay binubuksan ni Mutya ang lumang cd-player nila sa bahay para magpatugtog kapag pumupunta ang mga kaibigan niya, naglalaro sila sa labas ng bahay malapit sa taniman ng nanay ni Owen, natutuwa ka pa nga kasi kahit dalaga na si Mutya at nakikipaglaro pa rin ito sa mga bata, ‘di mo tuloy sila maiwasang panuorin sa tuwing nagsasayawan sila sa labas na nauuwi rin sa asaran at habulan. Nararamdaman mo na lang si Owen na nakayakap sa likod mo at unti-unti kang isasayaw habang nasa harap kayo ng bintana sa tuwing pinapanuod mo sila Mutya. Matatawa ka na lang nang mahina dahil malungkot man o masigla ang kantang pinatugtog ni Mutya, paniguradong isasayaw ka pa rin niya.

Mapapatigil na lang kayong dalawa kapag narinig niyo nang nagtitilian sila Mutya sa labas ng bahay kapag nahuhuli nila kayo.

Minsan naman ay tinuturuan kang mag-bingo ni Mary Joy, tapos nakaupo kayo sa malawak na kawayang papag sa gilid ng bahay nila Owen, kasama niyo si Mutya na laging napipikon kapag natatalo siya, at nakayakap naman si Owen sa likod mo habang pinapaypayan ka niya at paminsan-minsang hinahalikan sa tuwing nakakatantos ka sa bingo, minsan kasama niyo rin ang girlfriend ni Mary Joy kapag day off nito sa trabaho niya sa bakery, pero madalas ay kayong apat lang.

Dinadalhan pa kayo ng magulang ni Owen ng meryenda habang naglalaro kayo, madalas ay mga kakanin na gawa ng nanay niya, kagaya ng kalamay, biko, at iba pa na hindi mo matandaan ang tawag, minsan naman ay mga prutas inani ng tatay niya, tapos minsan pa ay nanunuod sila at nakikisali sa pang-aasar kay Mutya, pero madalas ay abala sila sa pagtatrabaho.

Hindi ko alam kung bakit ‘yung mga simpleng pangyayari na ‘yon ang natatandaan ko, ikaw ba? Natatandaan mo pa ba ‘yon?

Sana natatandaan mo pa kasi sa sobrang saya mo nung mga panahon na ‘yon.

Kaya nga itinigil mo ang pag-inom mo ng gamot, kasi pakiramdam mo ay okay ka na, okay na rin ‘yung omega sa loob ng katawan mo. Hindi mo na ulit siya pinatay, hinayaan mo na rin siyang mabuhay… kagaya mo…

Unti-unti mong nararamdamang parang nagiging isa na lang ulit kayo, nagiging kampante na rin ang katawan mo, sumakit man ang tiyan mo ay nandyan naman si Owen sa tabi mo… halos araw-araw ay may nangyayari sa inyo.

Natatandaan mo ba?

Natatandaan mo ba ‘yung namumula palagi ang mga pisngi niya sa tuwing nakikita niyang nakahubad ka? Kahit ilang beses na niyang nakita ang katawan mo ay para bang palagi pa rin siyang nahihiya, minsan ay hindi pa siya makatingin sa mga mata mo sa tuwing naghuhubad ka pero kapag ginagawa niyo naman ‘yon ay ayaw na niyang alisin ang paningin niya sa mga mata mo.

Kahit sarap na sarap na siya, kahit na malapit na siyang labasan, hindi pa rin niya ipipikit ang mga mata niya at ibabaling sa iba, gusto niyang nakatingin lang siya sa mga mata mo at nakahawak sa mga kamay mo, para bang lagi siyang natatakot na sa isang iglap ay mawawala ka sa paningin niya.

Minsan nag-aalala ka kasi para bang lagi siyang nangangamba sa tuwing ginagawa niyo ‘yon, sobrang ingat niya rin sa’yo, hindi ka niya hinahayaang mapagod kahit ayos lang naman sa’yo na mapagod, maingat din siya sa ibang bagay, sinisigurado niyang hindi ka niya mamamarkahan o mabubuntis, gumagamit kayo palagi ng proteksyon, tsaka hindi rin niya hinahayaang sa loob ka niya maputukan, kahit minsan ay gusto mo sa loob ay pinipigilan mo ang sarili mo dahil alam mo namang iniisip ka lang niya.

Alam mo namang kaya ka lang niya ayaw kagatin ay dahil nararamdaman niyang ayaw mo, alam mo rin na nag-iingat siya kasi alam niyang hindi pa kayo handa para doon.

Hindi mo alam kung paano mo maalis ang pangamba sa kanya noon…

Gusto mong alisin ‘yon pero paano?

Paano kung ang bagay na iniiwasan niyong dalawa ay biglang nangyari?

Hindi ko alam kung naalala mo pa pero nabuntis ka niya, Adi.

Noong una ay hindi mo pa pinapansin ang pagsusuka mo dahil iniisip mo na naninibago lang ang katawan mo dahil bigla mo nalang itinigil ang pag-inom ng gamot, baka nag-aadjust lang, bigla na lang din kasing tumigil ang paghi-heat mo, iniisip mo na baka dahil nga madalas niyong gawin ni Owen ‘yon kaya’t hindi ka na ulit naghi-heat nang madalas dahil umaayos na ulit ang katawan mo, nakakarecover na ulit sa dami ng gamot na ininom mo para itago ‘yon, pero hindi…

Nag-aalala na sa’yo noon si Owen kaya’t pinilit ka niyang magpatingin sa doctor, bumyahe pa kayo patungo sa bayan para lang magpatingin sa doctor dahil ayaw ka talagang tigilan ni Owen hangga’t hindi niya nasisiguradong okay ka lang.

Noon niyo nalamang may namumuo ng bata sa tiyan mo.

Halos umikot ang paningin mo nang marinig mo ang sinabi ng doctor, para bang mas lalo kang nahilo, hindi mo alam ang gagawin mo, wala ka sa sarili mo hanggang sa makauwi ka ng bahay.

Nakasakay pa lang kayo sa tricycle ay gusto mo nang umiyak, ang daming pumapasok sa isip mo, natatakot ka, na-o-overwhelm ka, gusto mong maging masaya dahil aminin mo man o hindi, sumagi na sa isip mo ‘yon, sumagi na sa isip mo na magkaroon ng anak kasama si Owen lalo na sa tuwing pinagmamasdan niyo ni Owen ang mga batang naglalaro sa harapan nila habang nakayakap siya sa likuran mo, sumagi na ‘yon lahat sa isip mo… at pinangarap mo na ‘yon sa tuwing hinahayaan mo ang sarili mong mangarap, pero mas nangingibabaw ang takot mo, natatakot ka sa lahat ng pwedeng mangyari…

Natatakot ka na baka malaman ng pamilya mo, natatakot ka na ilayo ka nila kay Owen at sa anak mo, natatakot ka rin na baka hindi matanggap ng pamilya ni Owen, paano kung magalit sila? Paano kung magalit sila sa’yo? Ayaw mong mangyari ‘yon dahil masaya ka na sa kanila, tsaka natatakot ka rin… kasi paano kung ayaw ni Owen? Paano kung magalit din siya sa’yo? Baka iwan ka niya…

Pagkauwi niyo ng bahay ay agad kang nagtatakbo patungo sa loob ng kwarto mo, doon bumuhos ang mga luha mo na sa ospital pa lang ay pinipigilan mo, kasi…

Paano kung iwan ka niya, paano kung iwan ka ni Owen?

Paano kung ayaw niya sa bata tapos nabuhay pa rin ‘yon sa tiyan mo? O paano kung gusto niya pala tapos… tapos may nangyaring masama?

Lahat ng iniisip mo noon ay tungkol lang lahat kay Owen at sa ibang tao, kung anong gusto niya, kung anong gusto nila… hindi mo iniisip noon kung anong gusto mo. Hindi mo man lang kinonsider kung ano bang gusto mo nung mga oras na ‘yon, wala kang pakialam sa sarili mo.

Natatakot ka lang, natatakot ka sa lahat ng bagay.

Paano kung malaman niya kung sino ka? Tapos mandiri siya, mandiri siya na ikaw ang nagdadala ng anak niya? Paano kung hindi niya matanggap na ikaw ang isa pang ama ng anak niya kapag nalaman niya?

Kaya’t natakot ka, mas lalo kang natakot, hindi mo alam ang gagawin mo, ayaw mong iwan ka niya.

Masaya ka na eh… masaya ka na noon, Adi.

Para bang buo na ang buhay mo noon, kontento ka na sa kung anong mayroon ka, kung anong mayroon sa inyo ni Owen… nakalimutan mo na lahat ng sakit na naramdaman mo noon, kontento ka na sa lahat ng nangyayari sa buhay mo, kaya’t takot na takot ka.

Ayaw mo… ayaw mong mawala siya, ayaw mong iwan ka niya…

Iniisip mo pa lang kung anong mangyayari sa’yo kapag nawala siya ay parang mamamatay ka na.

Alam mong mamatay ka kapag nawala siya.

Mamatay ka, Adi.

Alam mong mamatay ka.

Sa kanya mo na lang idinedepende ang paghinga mo, siya na lang ang dahilan mo kung bakit ipinagpatuloy mo pa ‘yung buhay mo, siya na lang ang dahilan, siya lang, siya lang talaga, wala ka ng ibang dahilan, kaya hindi mo na alam ang gagawin mo kasi mamatay ka, sigurado kang mamatay ka.

Kaya hindi pwede…

Hindi pwedeng mawala pa siya sa’yo, hindi ka papayag.

Handa mong gawin ang lahat noon para lang manatili siya sa’yo.

Kaya’t halos desperado ka nung gabi na ‘yon na may mangyari sa inyo, kaya’t kahit umiiyak ka at hindi pa tuluyang pumapasok sa isip mo ang balitang nalaman mo ay desperado kang nagmakaawa sa kanya, nagmakaawa ka na may mangyari sa inyo, balak mong ipakita sa kanya na kaya mong ibigay sa kanya lahat, hindi siya magsisisi kapag nanatili siya sa’yo, gagalingan mo, bibigay mo lahat-lahat ng pangangailangan niya bilang alpha, kasi ‘yon lang ang kaya mo… ‘yon lang ang kaya mong ibigay, doon ka lang magaling.

Pero tumanggi siya…

Nagawa ka niyang tanggihan, kaya’t naisip mo agad na hindi ka niya ganoon ka-gusto dahil nagawa niyang tanggihan ka.

Hindi ko alam kung bakit naging ganoon ang basehan mo noon, Adi.

Kung maibabalik ko lang ang panahon, gusto kitang yakapin at sabihin sa’yo na hindi ‘yon ang basehan, alam kong ‘yon ang tumatak sa’yo dahil sa mga nangyari sa’yo noon bago dumating si Owen sa buhay mo pero hindi, Adi. Hindi ‘yon ang basehan.

Naging mailap ka sa kanya, naging mailap ka kay Owen.

Hindi dahil gusto mong lumayo sa kanya kundi dahil nahihiya ka sa kanya, nahihiya ka sa ginawa mo at nahihiya ka kasi ikaw ang isa pang ama ng anak niya.

Nahihiya ka na ikaw ang nagdadala ng anak niya.

Iniisip mo noon na hindi mo deserve na maging tatay ng anak niya…

Anong mararamdaman ni Owen kapag nalaman niya ‘yung nakaraan mo? Anong mararamdaman ng anak mo kapag lumaki na siya at nalaman niya? Ikakahiya ka nila, mandidiri sila sa’yo, hindi ka nila matatanggap.

‘Yun ang mga tumatakbo sa isip mo noon.

Kaya’t hindi mo magawang harapin si Owen, nahihiya ka, nandidiri ka sa sarili mo.

Mas lalo kang natakot sa multo ng nakaraan mo, ang tagal mo nang tinatago noon, ang tagal mo nang tinatakasan, pero sinusundan ka pa rin. Hindi mo alam kung paano mo siya maibabaon sa limot at maitatago kay Owen.

Natatakot kang malaman niya…

Hindi nga siguro natatakasan ang nakaraan, kasi dumating ang araw na pinakakinatatakutan mo.

‘Yung nalaman ni Owen kung bakit ka nagtatago.

Pakiramdam mo ay halos hindi na pumipintig ang puso mo habang nakatitig ka sa mga larawan mo na ipinadala ni Carlos sa bahay mo, hindi mo mabasa ang reaksyon sa mukha ni Owen, hindi mo alam kung takot, galit, lungkot, pandidiri ba ‘yon? Basta alam mo lang ay nanginginig ang mga kamay niya at hindi siya makapagsalita sa mga nakikita niya.

Unti-unting bumagsak ang luha mo dahil alam mo na, alam mo nang mawawala na siya noon sa’yo.

Tinatanong ka niya kung alam mo kung kanino galing ‘yon pero hindi mo alam, hindi mo na alam ang mga nangyayari, hindi mo na alam ang lahat, ang alam mo na lang noon ay mawawala na siya, iiwan ka na niya.

Ayaw mong malaman ang magiging reaksyon niya, natatakot kang makita na kinakasuklaman ka niya, pero ayaw mo ring iwan ka niya.

Nang bigla siyang lumabas ng bahay ay agad mo siyang sinundan, panay ang tawag mo sa pangalan niya dahil desperado ka nang bumalik siya sa’yo, halos magmakaawa na ang boses mo habang umiiyak ka at sinusundan siya sa paglalakad niya nang mabilis, alam mong naririnig na ng mga kapitbahay mo ang pagmamakaawa mo pero wala kang pakialam.

Noong nakita mong lumagpas siya sa bahay nila ay bigla kang natigilan, nagtataka ka habang inililibot mo ang paningin mo, patuloy pa rin siya sa paglalakad nang mabilis hanggang sa mapagtanto mo kung saan siya patungo, doon mas naging desperado ang boses mo, tinawag mo ang mga magulang niya, nagsisigaw ka sa harap nila dahil alam mo na ang dahilan, hindi ka niya iiwan.

Pero may iba siyang dahilan.

Nang lumabas ang pamilya ni Owen ay agad niyo siyang sinundan, habang papalapit nang papalapit ay mas lalong bumibilis ang kabog ng dibdib mo dahil natatanaw mo na ang bahay nila Carlos, nandoon na si Owen at kausap na niya ito.

Halos maputol ang hininga mo nang makita mong sinuntok niya ito, hindi mo na naisip na buntis ka nung tumatakbo ka para lang maabutan mo sila, natatakot kang makapatay si Owen dahil sa sobrang galit nito.

Hindi mo hahayaang magkaganoon siya dahil lang sa kagagawan mo.

Madaming nanunuod pero walang pumipigil, nang makalapit ka na sa kanila ay para bang bumaliktad ang sikmura mo, hindi mo na makilala si Carlos dahil sabog na mukha nito, marami na ring dugo ang nawala sa kanya at halos mukhang malapit na siyang mamatay.

Kaya’t mabilis mong hinila si Owen papalayo kay Carlos, agad nanlambot ang mga mata nito nang makita ka niya, sumama siya agad sa’yo at aalis na sana kayo pero biglang nagsalita pa si Carlos.

Sinabihan ka nito ng hindi maganda, ‘yung salitang kinatatakutan mo.

Narinig ng lahat ng tao ‘yon kaya’t parang nahulog ang puso mo, narinig nila… narinig iyon ni Mutya at ni Jojyoy, narinig din ng magulang ni Owen.

Alam na nila, wala na…

Sira na ang buhay na pinangarap mo, alam mong lalayo na silang lahat sa’yo. Mawawala na naman ang lahat sa’yo, mawawala na sila…

Unti-unti mong naramdaman ang pagbagsak ng mundo mo, para kang nakarinig ng isang matinis na linya sa tenga mo, unti-unting pumapasok sa isip mo na alam na ng lahat ang itinatago mo.

Napatahimik ang lahat dahil sa nalaman nila, pero muli silang napasigaw nang makita naming lahat kung paano nagdilim ang paningin ni Owen.

‘Yung mga mata ni Owen na punong puno ng pagmamahal palagi sa tuwing tinitingnan ka niya, napalitan ‘yon ng galit, purong galit lang ang nas mga mata ni Owen nung mga oras na ‘yon.

Kaya’t alam mong determinado siyang patayin si Carlos. Balak talaga niyang patayin si Carlos.

Hindi mo kaya… hindi mo kayang makapatay si Owen para lang sa’yo.

Naramdaman mong unti-unting sumakit ang tiyan mo noon dahil sa stress at takot, agad namang dumalo sa’yo sina Mutya at Joyjoy nang makita nilang muntik ka nang bumagsak, halos himatayin ka na noon mabuti na lang at nasapo ka nilang dalawa.

Pakiramdamo mo ay nagblack out na ang paningin mo nung mga oras na ‘yon, ang huli mo na lang nakita ay napatigil si Owen sa pagsuntok kay Carlos dahil pinuntahan ka niya, kitang kita mo ang pag-aalala sa mukha niya.

Nang bumalik ka sa sarili mo ay nasa loob ka na ng bahay mo, nakita mo si Owen na nagmamadaling kumuha ng mga gamit niyo, agad kang nagtaka, sobrang bilis nang mga nangyayari, wala kang maintindihan. Nakatayo ka lang at nakahawak sa tyan mo dahil sumasakit pa rin ‘yon, tinanong mo siya kung saan kayo pupunta pero hindi niya alam pero alam mo…

Alam mong aalis na kayo sa lugar na ‘yon.

Nagdadalawang isip ka kasi bakit?

Bakit handa siyang iwan ang masaya, tahimik, at magandang buhay na mayroon siya kasama ang pamilya niya para lang sa’yo? Alam naman na niya ‘yung nakaraan mo pero bakit parang hindi nagbago ang paningin niya sa’yo?

Bakit ganoon?

Nagtataka ka noon, bakit niya ginagawa ‘yon?

Nang tinatanong ka ni Owen kung gusto mong maiwan sa lugar na ‘yon ay hindi ka nakapagsalita, doon mo unti-unting napagtanto na mahal ka niya.

Mahal ka niya, Adi.

Mahal na mahal.

Handa siyang iwan ang lahat para sa’yo kasi mahal ka niya.

Hindi mo alam kung deserving ka ba sa pagmamahal na binibigay niya, kaya’t hindi ka nakapagsalita. Nahihiya ka, nahihiya ka kasi nangyayari lahat ng ‘yon sa kanya dahil lang mahal ka niya, nawala lahat ng mayroon siya dahil lang sa pagmamahal niya sa’yo.

Nang makita mo ang lungkot sa mga mata niya habang nakatitig siya sa’yo noong hindi ka nagsasalita ay naramdaman mong hindi mo kaya na mawala rin siya sa’yo, kahit iniisip mong hindi ka deserving sa pagmamahal na ‘yon, nagtiwala ka na lang sa gusto niya.

Sumama ka sa kanya, sumama ka na umalis sa lugar na ‘yon kasama siya.

Noong araw na ‘yon ay nakita mo kung papaano niya ipagpalit ang lahat para sa’yo…

‘Yung pamilya niya, ‘yung buhay na mayroon siya bago ka dumating sa buhay niya, nawala ‘yon lahat dahil sa’yo. Alam mong nahihirapan siya, at alam mong nasaktan siya, kasi kahit ikaw na saglit mo lang nakasama ang pamilya niya ay sobrang nahirapan sa pag-alis niyo sa lugar na ‘yon, hindi mo maatim pakinggan ang iyak nila, pero sigurado kang mas lalong hindi kaya ni Owen na mapakinggan ‘yon, kaya’t kahit halos mabasag ka na sa sakit ng nararamdaman mo ay nagawa mo pang yakapin si Owen at halikan nang paulit-ulit upang hindi niya marinig ang unti-unting pagkawala ng pamilya niya.

Tangina, Adi.

Nakita mo lahat…

Nakita mo lahat ng kaya niyang gawin makasama ka lang niya.

Umalis kayo sa baryong sinilangan niya na tanging kakaunting gamit at mga memorya sa lugar na ‘yon lang ang tanging dala niyo. Hindi umiiyak si Owen nung mga oras na ‘yon pero nararamdaman mong unti-unti siyang nababasag nung mga oras na ‘yon, kaya’t kahit mahina ang loob mo ay pilit mong nilakasan dahil alam mong kailangan ka niya noong mga oras na ‘yon.

Desidido ka na sa oras na makaalis kayo sa lugar na ‘yon ay hindi mo hahayaang magsisisi si Owen sa lahat ng sakripisyong ginawa niya para sa’yo. Hindi mo hahayaang masayang lahat ng ginawa niya para lang sa’yo.

Kaya’t pagkalipat na pagkalipat niyo pa lang sa apartment kung saan kayo pinatuloy saglit ng tatay ni Mary Joy ay agad kang nag-aral kung paano magluto, maglaba, at maghugas ng pinggan, lahat ng gawaing bahay ay inaral mo agad dahil natatakot kang kapag hindi mo natutunan ‘yon ay mapagod si Owen sa’yo.

Baka magsawa siya… baka mapagtanto na niyang wala kang kayang gawin, na wala kang alam…

Kaya’t pinilit mo ang sarili mo, kahit magkasugat-sugat ka na, at kahit halos magkakalyo na ang kamay mo sa paglalaba, kahit ilang beses kang nagkamali, kahit ilang beses kang umulit, ginagawa mo ang lahat.

Gusto mong patunayan kay Owen na kaya mo, ayaw mong magsisi siya, ayaw mong… maisip niyang hindi ka deserving… at iwan ka niya.

Para kang pinapatay sa tuwing nakikita mo siyang umuuwi nang pagod na pagod dahil sa paghahanap ng trabaho, mas lalo kang nilalamon ng konsesnya mo dahil hindi naman mangyayari sa kanya ‘yon kung hindi dahil sa’yo.

Noon mo lang naranasan kung paano ang pakiramdam na walang-wala ka na pero wala kang magawa, kahit ibinenta niyo na lahat ng alahas na mayroon kayo para maipang-bayad sa bagong nilipatan niyo ay wala, walang wala pa rin kayo.

Gabi-gabi ay napu-frustrate ka sa sarili mo dahil wala kang magawa, wala kang magawa para tulungan siya, hindi ka makapaghanap ng trabaho dahil wala kang alam, kahit sa gawaing bahay ay wala kang alam.

Naiinis ka palagi sa sarili mo nung mga panahon na ‘yon, araw-araw ay sinisisi mo ang sarili mo dahil hindi deserve ni Owen ang mga nangyayari sa kanya nung mga oras na ‘yon. Palagi siyang pagod, palagi siyang hapo, hindi na niya halos maigalaw ang katawan niya tuwing umaga dahil sa sobrang pagod niya sa paghahanap ng trabaho pero pinipilit pa rin niyang gumising ng maaga para makabangon at makapag simula ulit sa paghahanap ng trabaho.

Tuwing umaalis na siya ng bahay ay hindi mo maiwasang hindi umiiyak, buong araw ay umiiyak ka lang sa maliit na apartment na tinitirahan niyo panandalian, habang pinipilit mo ang sarili mong gumawa ng mga gawaing bahay na hanggang huli ay hindi mo magawa nang maayos.

Mas lalo lang sumakit ang puso mo nang unti-unti mong mapansin ang pag-iwas niya sa’yo, para bang palagi siyang hindi makatingin sa’yo, para bang napapagod na siya, ni hindi niya magawang yakapin ka sa gabi, palagi siyang nauunang makatulog sa sobrang pagod niya, habang ikaw naman ay impit na umiiyak sa tabi niya, pinipilit na hindi ka makagawa ng kahit anong ingay dahil sa takot na baka marinig ka niya.

Naiisip mo noon na siguro ay nagsasawa na siya sa’yo? Siguro ay nagsisisi na siya na iniwan niya ang pamilya niya para lang sa’yo, siguro ay naiinis na siya sa’yo kasi wala ka man lang alam ibang gawin… pero alam mo sa sarili mo na hindi ka dapat sumuko, kahit frustrate na frustrate ka na sa sarili mo noon, pinipilit mong magawa ng maayos lahat ng gawaing bahay.

Lalo na ang pagluluto, hindi na magawang magluto ni Owen dahil sa sobrang pagod niya sa paghahanap ng trabaho kaya dapat kahit ‘yun man lang ay magawa mo.

Namamaga na ang kamay mo sa dami ng paso mo, nagsusugat-sugat na rin ang mga daliri mo sa dami ng hiwa ng kutsilyo, pero bwisit! Bwisit na bwisit ka na kasi kung hindi sunog at hilaw naman ang tilapia.

Kaya’t nang pumutok ang mantika noon at bigla kang tinamaan sa kamay ay napaupo ka nalang sa sahig habang humagulgol. Ang tagal mong pinigil ng pag-iyak mo noon dahil ayaw mong makita ni Owen na mahina ka, pinipilit mo namang maging malakas kasi kailangan mo pero hindi mo na talaga kaya, nahihirapan ka na, nasasaktan ka na…

Sobrang sakit, ang sakit-sakit na.

Masakit ang mantika na tumama sa balat mo pero mas masakit ang nararamdaman mo sa dibdib mo. Nahihiya ka, sobrang nahihiya ka kay Owen, kasi wala ka nang ginawang tama. Inis na inis ka na rin sa sarili mo noon, halos sabunutan mo na nga ang sarili mo sa sobrang inis kasi simpleng pagprito lang ng isda ay hindi mo pa magawa ng tama.

Sobrang lakas nang pag-iyak mo noon, lahat ng naipong luha mo ay noon mo lang nailabas, sobrang frustrated mo na. Hindi mo na kaya, para bang kapag hindi ka umiyak noon ay mas lalo ka lang mahihirapan.

Naabutan ka ni Owen sa ganoong sitwasyon, hindi mo sinasadya… hindi mo gustong makita ka niyang ganoon, pero nakita ka na niya, wala ka nang nagawa, mas lalo ka lang umiyak kasi mas lalo kang nainis sa sarili mo, hindi niya dapat makita ‘yon. Hindi ka niya dapat makitang umiiyak dahil lang hindi mo maiprito ‘yung isda.

Pagod na pagod na nga siya galing sa paghahanap niya ng trabaho tapos ganoon pa ang maabutan niya sa bahay? Wala ka na ngang nagawa para matulungan siya mas lalo ka pang nakadagdag sa paghihirap niya? Napunta na lang sa pag-iyak ang lahat ng inis mo noon.

Pero mahal ka ni Owen.

Alam mong mahal ka ni Owen.

Nakita mo ‘yung mga mata niya, nakita mo ‘yung mga mata niya habang hinahalikan niya ang mga kamay mo at sinasabi niya sa’yo na siya na ang bahala sa lahat, hindi mo na kailangan mahirapan, hindi mo na kailangan magluto, siya na ang gagawa ng lahat habang nangangako siya na hinding hindi ka niya pababayaan.

Kahit nahihirapan na siya sa lahat ay ikaw pa rin ang inuna niya, inaalis niya agad lahat ng sakit na nararamdaman mo, ginamot niya agad lahat ng paso at sugat mo, ginawa niya lahat para maging okay ka lang ulit, parang mas lalo kang pinapatay kasi kahit alam mong pagod na pagod na siya pero ikaw pa rin ang inuuna niya.

Ang sakit-sakit lang na alam mo sa sarili mo na ikaw ang dahilan kung bakit mas lalo siyang nasasaktan.

Unti-unti kang nilamon nang konsensya mo, hindi mo siya magawang tingnan sa mata niya. Mabilis mong inalis ang pagkakahawak niya sa kamay mo dahil hindi mo kaya, hindi mo na kaya… agad kang nagtatakbo patungo sa banyo at doon ka nagkulong.

Hindi mo alam kung paano mo siya haharapin, wala ka ng mukhang maiharap sa kanya, mas lalo mo lang siyang pinapahirapan, wala ka nang magawa para matulungan siya mas lalo pa siyang nahihirapan dahil sa’yo, wala ka na ngang silbi dumadagdag ka pa sa problema.

Puro siya na nga ang gumagawa ng paraan para sa inyong dalawa tapos sinasaktan mo pa siya, sinasaktan mo siya kasi alam mo naman na mahal ka niya tapos pinapabayaan mo pa ang sarili mo. Syempre masasaktan ‘yon kapag nakita niyang nasasaktan ka kasi nga mahal ka niya.

Baka naman naalala mo pa Adi kung papaano mo takpan ang bibig mo noon sa loob ng banyo para pigilan ang paghikbi mo, pinipilit mong pigilan ang sarili mo sa pag-iyak lalo na nang marinig mo kung paano nabasag ang boses niya habang tinatawag niya ng malambing ang pekeng pangalan mo, nakikiusap sa’yo… nagmamakaawa na pagbuksan siya ng pinto pero hindi mo magawang lumabas, hindi mo magawang magpakita sa kanya kasi nahihiya ka.

Kaso naalala mo, mahal ka niya Adi…

Mahal na mahal ka niya at mas lalo mo lang siyang sinasaktan sa ginagawa mo.

Kahit hirap na hirap ka nang huminga, pinilit mo ang sarili mong tumigil sa pag-iyak, pinilit mong pakalmahin ang sarili mo kahit walang tigil ang pagbagsak ng mga luha mo. Nakayukom nang mariin ang mga kamay mo, nakatingala ka lang para hindi na bumagsak ang luha mo, nakailang lunok ka na nga rin kahit halos nanunuyot na ang lalamunan mo dahil kailangan mong kumalma.

Kailangan mong lumabas nang maayos, kailangan mong ipakita na okay ka lang, hindi pwedeng dumagdag ka pa sa problema niya, hindi pwedeng masaktan siya na makitang nagkakaganyan ka. Kaya’t nang bahagya kang kumalma ay agad kang lumabas ng banyo, kahit sobrang sikip pa rin ng dibdib mo at kahit na pinipilit mo pa ring patigilin ang pagbagsak ng mga luha mo ay umarte ka ng normal.

Inaya mo siyang kumain, kahit pansin mo ang pag-aalala pa rin sa mukha niya ay pilit mong binago ang usapan niyo, binalita niya sa’yo na natanggap na siya sa trabaho, gusto mong maging masaya, masaya ka naman pero biglang kumirot ang puso mo nang marinig mo kung anong klaseng trabaho ang napasukan niya, natigilan ka dahil alam mo ‘yung mga ganoong trabaho eh…

Napuno ka agad ng takot kasi noong mga oras na ‘yon ay iniisip mo na ngang wala kang ibang kayang gawin para tulungan siya, tapos ganoon… ganoon ‘yung trabahong nakuha niya, paano kung makahanap siya ng iba doon? Paano kung mapagtanto niya na wala ka ngang silbi tapos… tapos ipagpalit ka niya, madaming omega sa ganoon, madaming magaganda at gwapo doon.

Kahit wala ka pa sa sarili mo ay tinanong mo siya kung may prostitute doon. Hindi mo alam kung saan mo nakuha ang lakas ng loob para itanong ‘yon, bigla na lang lumabas sa bibig mo, mukhang nagulat siya sa tanong pero agad siyang sumagot sa’yo. Hindi siya nagdalawang isip, sinabi niya agad sa’yo ang totoo at sinabi pa niya sa’yo na handa siyang iwan ang trabaho na ‘yon kung ayaw mong magtrabaho siya sa ganoong lugar.

Parang may tumusok na naman sa puso mo nang marinig mo ang sinabi niya, ang tagal bago siya nakahanap ng trabaho at nung may nahanap na siya ay handa siyang iwan ‘yon sabihin mo lang sa kanya. Gagawin niya agad.

Agad mo siyang pinigilan, hindi pwedeng palaging siya ang mag-adjust para sa’yo. Nakakahiya, siya na nga ‘tong naghahanap ng trabaho tapos mag-iinarte ka pa dahil lang natatakot ka.

Sabi mo sa kanya ay ayos lang…

Pero hindi, hindi ayos sa’yo kasi alam mong mababaliw ka, babaliw ka lang kakaisip palagi na baka ipagpalit ka niya.

Alam mo namang mahal ka ni Owen, nararamdaman mo naman na mahal na mahal ka niya, wala namang araw na hindi niya pinaramdam sa’yo na mahal ka niya pero hindi naman kasi siya ang problema, alam mo sa sarili mong ikaw ang problema, Adi.

Kahit ayaw mong isipin na kaya niyang gawin ‘yon ay pumapasok at pumapasok pa rin sa isip mo.

Alam mong isa sa dahilan kung bakit nagustuhan ka ni Owen ay dahil sa itsura mo, alam mong iyon ang pinakagusto niya sa’yo, katulad ng ibang alpha, iyon din ang unang tiningnan niya sa’yo, kaya’t natatakot ka kasi papaano kung makakita siya ng mas maganda sa’yo sa lugar na ‘yun? Paano kung makakita siya ng mas sexy… tumataba ka pa naman noong mga oras na ‘yon, tumatambok pa lalo ‘yung pisngi mo, lumulobo na rin ‘yung tiyan mo, paano kung ayaw na niya ng ganoon? Paano kung pumapangit ka na sa paningin niya?

Hindi pwede, hindi pwedeng pumangit ka sa paningin niya, kailangan maibigay mo rin ‘yung pangangailangan niya bilang alpha, iniisip mo noon na ‘yon lang ang kaya mong ibigay sa kanya, do’n ka lang magaling… kaya kailangan maibigay mo ‘yun.

Paulit-ulit mong naririnig ‘yon sa isip mo lalo na kapag mag-isa ka lang at nakatulala ka sa loob ng maliit na bahay niyo, para bang um-echo ang boses ng mga dating mong kaibigan na sinasabi sa’yo na doon ka lang magaling at ‘yun lang naman ang silbi mo, kaya’t mas lalo lang tumatak ‘yon sa isipan mo.

Kaya’t desidido ka na…

Kung hindi mo siya kayang tulungan sa gawaing bahay, tutulungan mo na lang siya sa pangangailangan niya bilang alpha, tsaka kapag ginawa mo ‘yun, siguro ay mahihirapan na rin siyang tumingin sa iba. Sobrang saya mo habang iniisip mo ‘yun, para bang plinano mo pa talaga ‘yon noon.

Palagi kang maagang gumigising para makapaghanda ka na, maaga ka palaging naliligo, palagi ka ring nag-aahit ng buhok mo sa lahat ng parte ng katawan mo bukod sa ulo, kilay, at pilikmata. Kinikuskos mo palagi nang maayos ang bawat sulok ng katawan mo, wala ka ring sawa sa paglagay ng sebo de macho sa mga naging sugat at paso mo dahil sa pagluluto. Sinisigurado mong walang maiiwang kahit anong peklat sa katawan mo.

Pagkatapos mong maghanda sa katawan mo ay naghahanda ka naman palagi ng agahan niya, hindi ka marunong magluto kaya’t lumalabas ka pa ng bahay para bumili ng pagkain, balot na balot ka palagi at halos wala nang makita ang mga tao sa mukha mo sa tuwing lumalabas ka.

Alam mong nasa Maynila ka, kahit nasa lugar ka kung saan mas marami ang walang TV kaysa sa mayroon ay natatakot ka pa rin, alam mong mayroon kahit isa sa mga tao sa lugar niyo ang nakakakilala sa’yo. Natatakot kang matunton ng mga magulang mo dahil alam mo, sa mga panahon na ‘yon ay pinaghahanap ka na dahil malamang ay naibalita na ni Omega Sol sa mga magulang mo na wala ka na sa dating baryo mo.

Masyadong makapangyarihan ang tatay mo, kaya’t alam mong kahit hindi kumakalat ang balita ay paniguradong may mga tao na ‘tong nabayaran para hanapin ka ng patago.

Ayaw mong magpakita sa kanila, ayaw mong mawalay ka pa kay Owen.

Alam mong kukunin ka nila, alam mong ilalayo ka ulit ng magulang mo kapag nalaman nila kaya’t ginagawa mo ang lahat ng klase ng pag-iingat para lang walang makakilala sa’yo.

Kilala mo rin ang tatay mo, alam mong idadamay nila si Owen sa oras na malaman nila kaya hindi, hindi ka papayag na may makakilala sa’yo. Kahit mamatay ka sa pagtatago mo, hinding hindi ka magpapakita kahit kanino.

Sa tuwing nakakabalik ka pagkatapos mong bumili ng pagkain ay para bang palagi kang nabubunutan ng tinik, nakakahinga ka na nang maluwag. Muli kang mag-aasikaso ng pagkain ni Owen at maghahanda ng isusuot niya na hindi ikaw ang naglaba at nagplantsa, ikaw lang naglalabas sa kabinet para matulungan mo siyang isuot niya pagkatapos mong magpatira sa kanya sa umaga.

Sinisigurado mo sa tuwing may mangyayari sa inyo bago siya umalis ay hinding hindi niya makakalimutan ang mukha mo sa trabaho o kahut saan man siya magpunta. Kung kailangan mong isubo siya ng buo, madiin, at matagal, ay gagawin mo, makita mo lang na nag-e-enjoy siya, kahit minsan ay nahihirapan ka na sa pagluhod at nagkakapasa ka na sa tuhod, pero ayos lang sa’yo. Ayos lang talaga.

Ano ba naman ‘yung maliit na pasa kung alam mo namang sa tuwing umaalis siya ay ikaw pa rin ang nasa isip niya?

Gusto mo ‘yun, gusto mo ng ganoon, kasi kahit papaano ay nawawala ang pangamba mo sa tuwing umaalis siya, nababawasan ang pag-iisip mo sa tuwing wala siya.

Kaya okay lang sa’yo, okay lang din kahit minsan mukha ka ng puta sa harap niya, okay lang kahit ikaw lang ang walang suot na kahit ano, tapos siya ay bihis na bihis na dahil papasok na siya sa trabaho, okay lang sa’yo kahit nakahawak ka lang sa plastic niyong lamesa na panay ang galaw at langitngit sa tuwing binabayo ka niya nang mabilis dahil malapit na siyang ma-late. Okay lang kahit iwan ka na lang niya pagkatapos ka niyang putukan sa loob kasi gusto mo naman ‘yon. Ikaw naman ang nakiusap pa sa kanya kahit alam mong papasok na siya, ikaw naman ‘tong gumagawa palagi ng first move para mapapayag siya, ikaw ‘tong palaging humahalik at naglalambing para pagbigyan ka niya.

Nasanay ka lang siguro na palagi ka niyang pinupuno ng halik, nililinisan, at binibihisan kapag natatapos niyong gawin ‘yon, kaya’t kumikirot ang puso mo sa tuwing iniiwan ka niyang walang suot at tanging isang mabilis na halik sa labi lang ang binibigay niya bago siya lumabas ng pinto, at kahit hinihingal, nanginginig, at nararamdaman mo pa rin ang tamod niyang gumagapang pababa ng hita mo ay iniisip mo agad kung anong sunod mong gagawin pagkauwi niya galing trabaho.

Kasi gusto mo ring masigurado na mas gugustuhin niyang umuwi ng maaga para makita ka ulit niya. Kaya’t gabi-gabi ka ring nag-aayos at nagpapaganda, naliligo ka ulit at nagpapabango. Hindi ka na nag-hi-heat dahil buntis ka pero parang araw-araw ay ganoon ka pa rin.

Sa tuwing umuuwi siya ay sinasalubong mo agad siya, ikaw na ang naghuhubad ng damit niya para hindi na siya kumilos pa. Iniisip mo kasi noon na siya na nga ‘tong nagtatrabaho at nagbabayad sa lahat, at siya pa rin ang gumagawa ng lahat ng gawaing bahay, ang gagawin mo na lang ay magpaganda at magpagamit sa kanya.

Tutal ‘yon lang naman ang kaya mong ibigay noon.

Ang kaya mo lang ay ang maghubad nang maghubad. Para ka lang display sa maliit na bahay niyo, wala kang ginagawa bukod sa maging maganda lang.

Kasi Adriel, naalala mo ba? Unti-unti nang nagiging maayos ulit ang buhay niyo noon, wala na kayong problema sa mga bayarin dahil malaki ang sweldo niya sa pinagtatrabahuhan, sapat na ‘yon para sa inyong dalawa at nakakapagtabi pa kayo ng mga ipon.

Okay na eh, kaya bakit biglang nagkaganoon?

Noong napapansin mo kasing pinipigilan ka na niya kapag lumuluhod ka sa harap niya at bigla ka nalang niyang pinapatigil kapag nagtataas baba ka sa ibabaw niya ay unti-unti ka na namang nabalot ng pangamba. Iniisip mo na baka nagsasawa na siya sa’yo, madalas kasi ay binibilisan na lang niya, hindi ka na niya pinapagalaw, nakahiga ka na lang kama, nakatulala sa kisame, at iniisip mo kung saan ka nagkulang habang paulit-ulit ka niyang binabayo hanggang sa labasan kayong dalawa, hinahalikan ka pa rin naman niya pagkatapos, ramdam mo namang mahal ka pa rin niya pero bakit ganoon…

Bakit umaayaw na siya?

Napuno ka na ng takot noon. Iniisip mo na baka nakakita na siya ng mas maganda, o mas gwapo kaysa sa’yo doon sa club na pinagtatrabahuhan niya.

Kaya’t nang minsang tumanggi siya sa’yo ay halos mabaliw ka na kakaisip kung bakit siya tumanggi. Kahit hindi ka kumikibo ay nararamdaman mong unti-unting nababasa ang puso mo, kaya’t kinabukasan ng araw na ‘yon ay mas kinapalan mo ang make up mo, nagsuot ka na rin ng damit na hindi mo naman palaging sinusuot dahil lagi ka lang namang nasa bahay.

Naramdaman mong iniiwasan ka pa rin ni Owen nang halikan mo siya agad pagkauwi niya galing trabaho, kita mong ayaw pa rin niya kaya’t mas lalo kang gumawa ng paraan para makuha mo ulit ang atensyon niya. Sa tagal niyong magkasama ni Owen ay alam mo na ang mga kahinaan niya, kaya’t noong umiwas siya ay hindi ka na agad nagdalawang isip na maghubad ng damit, kaya’t kitang kita mo kung paano napatigil ang paghinga niya nang makita ka niya, ramdam na ramdam mo sa katawan mo ang paglibot ng paningin niya sa buong katawan mo.

Kaya’t habang nakatitig pa siya ay agad kang ngumiti nang malambing sa kanya habang pinapalupot mo ang kamay mo sa leeg niya, alam mong wala na siyang kawala. Nakuha mo na ulit siya, at noong oras na dinilaan mo ang labi niya, alam mong nanghina na siya.

Sobrang bilis ng kabog ng dibdib mo noon, hindi mo alam kung bakit parang nanghihina ka na rin habang marahan ka niyang hinahalikan pabalik. Kahit ilang beses mo siyang sinubukang halikan nang malalim at madiin ay sinusuklian niya lang ‘yon nang marahan at maingat na halik.

Dahan-dahan ka lang din niyang binuhat patungo sa manipis na kama niyo noon, mas lalong bumibilis ang tibok nang puso mo kasi kahit anong pilit mong pabilisin ang halikan niyo ay binabagalan niyang pilit iyon. Unti-unti kang nabalot ng pagtataka nang pinanuod mo siyang maingat kang hinuhubaran, pagkatapos ay maingat ka rin niyang hinahalikan sa bawat parte ng katawan mo habang dahan-dahan niyang pinapasok ang dalawang daliri niya sa’yo, sobrang tagal niya doon. Hindi mo alam kung bakit dahan-dahan lang ang paggalaw ng daliri niya sa loob mo, para bang sinisigurado niyang hindi sasakit ‘yon hanggang sa tuluyan niyang mapaluwag, at nang maghubad siya sa harapan mo ay pinanuod mo lang siya, bakas pa rin ang pagtataka sa mukha mo noon nang ngumiti siya sa’yo nang matamis bago ka niya hinalikan sa noo.

Unti-unting nablangko ang utak mo nang itinutok niya ang kanya sa butas mo, hindi mo na mabilang kung ilang beses niyang tinanong kung masakit ba habang dahan-dahan niyang pinapasok iyon. Pinupuno ka pa niya ng halik para hindi mo lalo maramdaman ang sakit… kaya doon mo na napagtanto ang lahat.

Hindi siya umiiwas dahil may iba na siyang gusto, Adi.

Umiiwas siya dahil ayaw niyang mapagod ka…

Ayaw niyang masaktan ka, ayaw niyang mahirapan ka.

Unti-unting bumagsak ang luha mo, hindi dahil sa sakit dahil sa pagpasok niya kundi dahil sa sakit na nararamdaman mo sa loob ng dibdib mo. Hindi mo napigilang umiyak na naman sa harapan niya, kitang kita mo ang pagpa-panic sa mga mata niya nang makita niyang umiiyak ka, kaya’t mas lalo siyang natakot. Hindi niya alam ang gagawin niya habang patuloy ko sa pag-iyak mo.

Hindi mo lubos akalain noon na nagawa mong pag-isipan ng ganoon si Owen.

Kung anu-anong iniisip mo… samantalang siya ay puro ikaw lang ang iniisip niya.

Mabilis mong tinakpan ang mukha mo, nahihiya ka… nahihiya kang harapin siya dahil sa lahat ng inisip mo sa kanya. Hindi mo alam kung anong mukhang ihaharap mo sa kanya.

Hindi ko alam kung naalala mo pa ‘yung mga araw na ‘yun, pero palagi mong sinisisi ang sarili mo noon sa tuwing nag-iisip ka ng hindi maganda. Pinilit mo naman maging normal ulit sa harapan ni Owen nung gabing ‘yon, pero napansin mong siya naman ay parang may iniisip na malalim palagi noon sa tuwing tumitingin siya sa’yo.

Hindi mo alam kung anu ‘yon, akala mo nga ay lumalayo na naman ang loob niya sa’yo, pero noong naisip mo ‘yun ay agad mong inalis ulit ‘yon sa isipan mo, ayaw mo nang mag-isip ulit ng hindi maganda kay Owen, ayaw mo na siyang paghinalaan. Hindi tama, lalo na’t alam mong mahal na mahal ka niya.

Kasi kapag tinitingnan mo naman siya ay kitang kita sa mukha niya na mahal ka niya talaga, kitang kita rin sa lahat ng bagay na ginagawa niya para sa’yo, nararamdaman mo ‘yun kahit sa mga simpleng bagay… kasi naalala mo pa ba Adi noong minsan kang magpa-check up sa doctor, syempre kasama ulit siya dahil ayaw niyang hindi ka sinasamahan magpa-check up, at kahit natatakot kang lumabas ng bahay dahil nangangamba kang may makakilala sa’yo ay alam mong kailangan mong umalis para magpa-check up, hindi ka rin masyadong nagsasalita dahil kabang-kaba ka na kahit ang boses mo ay baka makilala nila, pansin mo na nga rin ang pagtataka ni Owen sa’yo noon kaya’t pilit mong iniiwasan na magtanong siya sa’yo.

Nabanggit ko lang ‘yon kasi naalala mo ba noong araw din na ‘yon ay nakita niya kung paano ka tumingin sa isang fast food chain na madalas mong kainan noong estudyante ka palang? Hindi mo naman sinasadya pero hindi mo rin kasi mapigilan ang sarili mo noon, para bang may kung ano sa amoy ng pagkaing binebenta nila noon na nag-uutos sa’yo na kainin mo sila. Umamoy pa lang ‘yon noong nadaanan niyo patungo sa pila nang tricycle ay parang nagtubig agad ang gilid ng labi mo, para bang naglalaway ka na sa amoy nito at nalalasahan mo na ito sa dila mo, pero pilit mong tiniis ‘yon dahil alam mo namang wala kayong pera. Hindi rin naman biro na ang presyo noon dahil ilang taon ka sa probinsya, hindi mo alam na nagtaas na pala ang presyo ng mga pagkain doon.

Kaya’t kahit gustong gusto mo ‘yon ay pilit mong pinigilan ang sarili mo, hindi niyo naman kailangan bumili noon, titiisin mo nalang ang cravings mo, at tsaka nahihiya ka rin naman magsabi kay Owen, wala ka namang ginagawa sa bahay tapos magpapabili ka pa ng ganoon pagkain? Tsaka ayaw mo na rin magtagal pa sa labas, kailangan niyo nang magmadali umuwi bago pa may makakilala sa inyo.

Kaso mukhang napansin ni Owen ang pagtitig mo sa mga pagkain sa loob noon, agad ka niyang inaya na kumain pero mabilis kang tumanggi. Natatandaan mo pa ba? Nagpilitan pa kayong dalawa sa harap ng fast food chain na ‘yon, natatakot ka pa ngang gumawa ng eksena dahil kahit naka-face mask ka, cap, at shades ay maraming napapatingin sa inyo dahil sa pamimilit ni Owen sa’yo na kumain sa loob noon.

Halos mapamura ka pa noon nang bigla na lang siyang pumasok sa loob para umorder ng pagkain, mabilis kang tumalikod at nagtago sa likod ng estatwa ng kulay pulang bubuyog na ‘yon sa labas ng fast food restaurant na ‘yon dahil sa dami pa rin ng nakatingin sa inyo.

Nang lumabas siya doon ay malawak ang ngiti niya habang hawak-hawak niya ang mga supot ng mga binili niyang pagkain sa loob. Nahihiya ka sa kanya noon kasi hindi mo alam kung anong ginawa mo para maging deserving ka sa mga pagkaing binili niya, pero nang makita mo ang proud at excited na ngiti niya habang pinapakita ‘yon sa’yo ay agad uminit ang dibdib mo, hindi dahil nasasaktan ka kundi dahil natutuwa ka na masaya siya.

Hindi mo alam kung bakit palagi ka nalang nagiging masaya sa tuwing nakikita mo siyang masaya.

At kahit naman pilit mong sinasabing hindi mo gusto ‘yon ay alam mong sa loob-loob mo ay gusto mo rin naman talaga ang pagkain na ‘yon, kahit ang omega sa loob ng katawan mo ay halos pumalakpak na nang makita nito ang pagkaing hawak ni Owen. Kaya’t kahit nasa tricycle pa lang kayo ay halos maubos mo na agad ang pagkain.

Gusto mong umiyak pa nga noon kasi sobrang sarap, kahit normal lang naman para sa’yo dati ang lasa noon, pero nung araw talaga na ‘yon ay hindi mo alam kung bakit sobrang sarap na sarap ka doon, para kang nasa langit, pakiramdam mo pa noon ay mukhang may tatalo na kay Owen.

Masyado kang naging abala sa pagkain noon kaya’t hindi mo agad napansin ang masayang ngiti sa’yo ni Owen habang pinapanuod ka niyang masayang kumakain, nang magkatitigan kayo ay noon mo lang napagtanto na siya rin pala…

Masaya rin siya kapag nakikita ka niyang masaya…

Naramdaman mo na naman ang mahinang kirot sa puso mo. Ilang araw ka nang hindi masaya noon, Adi? Kaya’t simula nang mapagtanto mo ‘yon ay agad mong binago ulit ang sarili mo. Hindi pwedeng maging malungkot ka, kailangan maging masaya ka, Adi.

Para kay Owen…

Palagi mo na siyang sinasalubong nang masaya ka sa tuwing umuuwi siya galing trabaho, kitang kita mo kung papaano rin siya napapangiti ng ngiti mo kaya’t pakiramdam mo ay tama ang ginagawa mo noon, kahit nga takot kang lumabas ng bahay noon ay kinalimutan mo muna saglit ang takot noong inaya ka niyang lumabas ng bahay para kumain sa labas, hindi mo pinag-isipan ng ayos ‘yon dahil pumayag ka agad.

Gusto mo rin naman kasi…

Gusto mo nga rin noong araw na ‘yon na matuloy ang naudlot niyong date ni Owen noon sa baryo noong moon festival, kaya’t noong nag-aya siya ay nag-suggest ka agad na sa perya kayo pumunta tutal ay parang katulad lang ‘yon ng moon festival.

Sobrang saya mo nung araw na ‘yon, Adi.

Hindi mo siguro agad makakalimutan ‘yon kasi sobrang tumatak sa’yo ‘yung araw na ‘yon, iyon kasi ang kauna-unahang beses na nag-date kayo sa labas. Hindi mo alam kung date ba talaga pero ina-assume mong date na nga ‘yon.

Magkahawak pa ang mga kamay niyo noon habang naglalakad kayo, kahit naka-shades, cap, at facemask ka ay hindi naman siya nagreklamo. Kitang kita mo ‘yung saya sa mga mata niya sa tuwing pinapanuod ka niyang sumakay sa mga pambatang sakayan, hindi mo alam kung bakit pero noong gabing ‘yon ay kumakalat ang nararamdaman mong init dibdib noon, para kang natutunaw sa tuwing nahuhuli mo siyang nakatitig habang nakangiti sa’yo na para bang kahit sobrang daming tao sa lugar na ‘yon ay ikaw lang ang tanging nakikita niya at nagpapaikot sa mundo niya.

Sobrang expressive ng mga mata ni Owen, Adi.

Alam kong tanda mo pa ‘yun kasi mahirap kalimutan ang mga mata niya.

Iyon nga yata ang isa sa pinaka paborito mong parte sa mukha niya, sobrang ganda kasi noon, malaki at bilugan, kaya’t gustong gusto mong pinagmamasdan ‘yon kasi sa tuwing nakikita mo ang mga mata niya, alam mong ikaw lang mahal niya.

Tapos noong araw pa na ‘yon, siguro ay naalala mo pa kasi noon ka lang ulit tumawa ng totoo. ‘Yung totoong tawa na hindi napipilitan. Simula kasi noong umalis kayo sa baryo ay hindi mo na alam kung kailan ka huling nakatawa noon. Kaya’t hindi mo akalain na mag-iihit ka ng tawa noong pinapanuod mo si Owen na maglaro ng color game.

Nadiskubre mo pa ang talent niya doon, hindi mo alam kung swerte lang ba siya o may daya siya, kasi paano niya nakukuha palagi ang tamang kulay?

Dati ay ayaw mo sa mga mayayabang at maangas na alpha, pero hindi mo alam kung bakit tuwang tuwa ka pa noong inaangasan ni Owen ang mga nanunuod sa tuwing tumatama ang taya niya. Ang lawak pa ng ngiti niya noong naiuwi niyo ang grand prize, agad niyang ibinigay sa’yo ‘yon at sinabing para sa’yo. Hindi mo alam kung bakit parang bumalik ka sa pagkabata noon, para bang noon mo lang ulit naranasan ‘yung tinatawag nilang kilig lalo na nung kinindatan ka pa niya habang inaabot ‘yon sa’yo, bigla mo tuloy naalala ‘yung mga pasimpleng kindat niya noong nasa baryo pa kayo.

Kahit naka-facemask ka ay hindi mawala ang ngiti mo sa loob noon, kahit pauwi na kayo ay ngiting ngiti ka pa rin habang yakap-yakap mo ang sewing machine na ibinigay niya sa’yo.

Sabi pa niya ay dadalhin niya doon ang anak niyo paglaki nito, naramdaman mong bahagyang tumalon ang puso mo dahil sa sinabi niya. Hindi mo alam kung bakit parang may kumikiliti sa’yo noong napagtanto mong pinaplano na niya ang future niyo.

Doon mo rin napagtantong tanggap at gusto niya ang batang dinadala mo.

May ideya ka naman na gusto niya kasi hindi naman niya gagawin ang lahat ng sakripisyong ginawa niya para sa’yo kung hindi niya rin gusto ang batang dinadala mo, pero hindi mo alam kung bakit matagal mo nang hinihintay na manggaling mismo sa bibig niya ‘yon. Gusto mong marinig mismo sa kanya pero natatakot kang magtanong.

Natatakot ka na baka malaman mong ayaw pala niya sa batang dinadala mo, kaya’t naghihintay kang banggitin niya ‘yon sa’yo. Hindi mo alam kung bakit ang tagal mong iniwasan ‘yon, punong puno ka lang siguro ng takot noon kahit sa mga bagay na hindi mo alam kung bakit kinakatakot mo pa. Palagi rin kasi talgang may takot diyan sa puso mo, Adi.

Pinilit mong alisin lahat ng takot na ‘yon, hindi mo rin alam kung bakit biglang laki ng tiyan mo noong nabanggit mo na ‘yung anak mo, hindi mo alam kung bakit parang nararamdaman mo na siya sa tuwing naiiwan ka sa bahay at kinakausap mo siya sa loob ng tiyan mo. Nakangiti ka habang tinatanong mo kung okay lang ba siya doon, walang sumasagot sa’yo pero pakiramdam mo ay magkakilala na kayo.

Hindi mo rin alam kung bakit namumula ang pisngi mo noon sa tuwing umuuwi si Owen kahit may iba na siyang hinahalikan, bukod kasi sa labi mo ay yumuyuko na rin ito para halikan ang tiyan mo. Pinipigilan mo palagi ang luha mo kasi hindi mo alam kung bakit palaging para bang gusto mong umiyak sa tuwing nakikita mo siyang pinagmamasdan ang tiyan mo, pagkatapos
ay papanik ang tingin niya sa mukha mo na may kontentong ngiti sa labi niya, hindi ka naman malungkot pero gusto mong umiyak dahil sa nararamdaman mo.

Baka tanda mo pa, Adriel?

Baka tanda mo pa ‘yung pakiramdam na parang kumpleto ka na ulit? Buo ka na at nabubuhay ka na ulit?

Katulad noong nasa baryo kayo noon, kontento ka na at masaya.

Lalo na kapag gabi at nakayakap siya sa’yo, kahit minsan ay mainit at masakit sa likod ang papag niyo dahil manipis lang ang kutson, ay kuntento ka pa rin.

Kahit kulang-kulang ang mga gamit niyo sa bahay ay hindi mo naman naramdamang may kulang sa buhay mo.

Noong napagtanto mong wala pang kahit anong gamit ang anak mo ay agad kang nagbasa ng mga libro kung anong mga kailangan ng bata, gusto mo rin kasing maramdaman din sana ng anak mo na kompleto siya, katulad nung nararamdaman mo noon.

Kaya’t kahit ilang beses kang natusok ng karayom ay gumawa ka pa rin ng mga maliliit na damit at laruan gamit ang sewing machine na napalanunan ni Owen sa color game, hindi mo alam kung bakit noon mo lang nadiskubre ang talento mo doon, nagulat ka rin nga sa sarili mo na kaya mo palang gumawa noon. Palagi ka pang excited na ipakita ‘yon noon kay Owen sa tuwing umuuwi siya sa bahay, nakikita mo ngang kasing excited mo rin siyang makita ang mga gamit na ginagawa mo noon.

Palagi ka niyang pinupuri at kahit ilang beses na niyang sinabi ‘yon sa’yo ay namumula pa rin ang pisngi mo sa tuwing hinahalikan niya ang labi mo pagkatapos ka niyang paulanan ng mga papuri.

Inuuwian ka pa niya ng paborito mong pagkain, na hindi mo naman talaga paborito dati, mukhang pinaglilihihan mo lang talaga, at tsaka ng mga gamit sa pananahi dahil daw magaling kang manahi, dati ay nahihiya ka pang tanggapin ‘yon pero nakita mo kasing nalulungkot siya tuwing sinasabi mo sa kanya na huwag na siyang magbigay ng mga regalo sa’yo, at tsaka gusto mo rin naman talaga ‘yung mga binibigay niya sa’yo, kaya’t tinatanggap mo na lang dahil na-a-appreciate mo lahat ng ginagawa niya para sa’yo, pati ang mga binibigay niya sa’yo.

Gusto mo ng iwasan ang kaisipan mong kailangan may kapalit lahat ng binibigay niya sa’yo noon, pero alam mo naman sa sarili mo noon na hindi na negatibo ang naiisip mo na ‘yon, gusto mo lang talagang magpasalamat sa kanya at mapasaya rin siya kung paano ka niya napapasaya, kaya’t agad kayong nagtutungo sa kama noon. Medyo nahihiya ka na nga sa kanya kasi tumataba ka na pero kita mong wala siyang pakialam sa timbang mo, hindi mo alam kung bakit pero sobrang halaga sa’yo noon.

Para kang maiiyak na naman sa saya kasi tanggap niya kahit hindi katulad ng dati ‘yung itsura mo noon, kasi kahit nagbago na ang itsura mo ay hindi naman nagbago ang nararamdaman niya sa’yo.

Naaalala mo ba, Adi?

Tuwing niyayakap ka niya sa gabi at nagkukwentuhan kayo? Pinag-uusapan niyo ‘yung future niyo na para bang siguradong sigurado kayo, na para bang alam niyong mangyayari talaga ang mga ‘yon?

Naaalala mo ba na pinagtatalunan niyo palagi ang magiging pangalan ng anak niyo? Hindi naman pagtatalo na nag-aaway kayo, nagtatawanan pa nga kayo palagi tuwing kinukulit ka niya na Paolo na lang ang ipangalan niyo sa anak niyo, gumagawa pa siya ng listahan kung bakit mas better ang pangalang Paolo kaysa sa Christian, inaasar mo lang naman talaga siya noon pero sang ayon ka naman talaga sa Paolo, kaso sa huli ay napansin mong na-attached na rin siya sa pangalang Christian kasi minsan niyang natawag na Christian ang anak niyo habang kinakausap niya ito sa tiyan mo.

Alam mo ba, Adi? Tinanong ka niya kung anong gusto mo, palagi niyang tinatanong kung anong gusto mo, medyo nahiya ka pa kasi kahit sarili mo ay hindi mo naman tinatanong kung anong gusto mo, kaya’t tuwing tinanong ka niya ay hindi ka agad palagi nakakapagsalita, ano nga ba gusto mo, Adi?

Ang natatandaan kong mga sinabi mo noong nagtanong siya ay gusto mong huwag ng sundan si Paopao, okay na sa’yo ang isang anak dahil takot ka noon eh, takot kang hindi mabigyan ng magandang buhay ang anak mo, pakiramdam mo kapag nagdagdag pa kayo ng bata ay mahihirapan na kayong maka-survive sa buhay, ‘yung isa pa nga lang ay mahirap na, dalawa o tatlo pa kaya? Pero natatandaan ko ay sinabi mo ring gusto mong mag-alaga ng aso’t pusa, at dapat black and white sila, tsaka dapat tig isa lang din dahil kapag dumami ‘yon ay dadami rin ang gastusin. Balak mo pa nga silang ipangalan sa dalawang paboritong instant coffee ni Owen.

Si Kopiko Black at Greatest White.

Naku! Sobrang adik kasi ni Owen doon kung naalala mo lang, parang ginagawa na niyang tubig ‘yung dalawang kape na ‘yon. Minsan kapag pinagsabihan mo na huwag nang uminom kasi nag-aalala ka na sa pagpapalpitate niya ay tumatakas pa ‘yon ng hating gabi para uminom ng kape, kapag nahuhuli mo naman ay parang batang nakakagalitan kung makayuko at sorry sa’yo, niyayakap ka pa nito at hinahalikan habang humihingi ng tawad, parang batang nakakapit sa’yo kasi ‘yun pala ay gusto pa niyang ubusin dahil kalahati pa lang ang naiinom niya. Napapabuntong hininga ka na lang at hinahayaan siya, makakatanggi ka ba naman kasi kung sobrang cute niya?

Hindi mo alam pero sa tuwing tinutuloy mo na ang pagsasalita ay natural na lang na lumalabas ang mga gusto mo sa bibig mo. Palagi niyang inuuna kung anong gusto mo, kahit simpleng bagay… Anong gusto mong ulam? Anong gusto mong isuot niya sa trabaho? Anong gusto mong kulay ng electric fan na ipapalit niya sa luma at maingay niyong electric fan? Anong gusto mong gawin niyo sa day off niya? Anong gusto mo? Sa loob o sa labas niya iputok? At kung anong gusto mo iyon ang masusunod.

Noon mo lang naranasan tanungin palagi kung anong gusto mo, buong buhay mo kasi ay may nagdidikta palagi sa’yo ng mga gagawin mo kaya’t medyo naninibago ka na gusto mo ang palaging nasusunod.

Isang beses lang yata siyang nagpumilit ng gusto niya, pinipilit niyang tawagin mo siyang mahal.

Noong narinig mo ‘yun ay agad kumabog ang dibdib mo, hindi mo alam kung paano siya tatawaging ganoon eh nahihiya ka nga sa kanya, agad kang tumanggi sa gusto niya pero hindi siya sumuko, pinipilit ka talaga niya.

Gusto mo naman din, pero nahihiya ka kasi.

Noong una ay akala mo i-le-let go na niya agad ‘yun pero hindi, pursigido talaga siyang mapapayag ka. Kaya’t sa tuwing pumapasok siya sa trabaho ay pinapractice mo ‘yun sa bahay, para kang tanga na nakatingin sa salamin at paulit-ulit na sinasabi ang salitang mahal, tapos maiinis ka kasi nagki-cringe ka sa sarili mo, minsan nga iniisip mo pa kung deserving ka ba na tawagin mong mahal si Owen.

Naalala mo pa ba kung papaano mo plinano noong tinawag mo siyang mahal? Iniisip mo noon na sasabihin mo sa kanya na mahal na mahal mo siya, at tsaka mo sisimulan na ang pagtawag sa kanya ng mahal, pero hindi ganoon ang nangyari…

Dahil sa kaka-practice mo ay naging bukambibig mo tuloy, aksidente mo siyang natawag na mahal noong nakisuyo ka sa kanya na patayin niya ang ilaw bago kayo matulog, mukhang pareho kayong nagulat ni Owen noon, pinaulit niya sa’yo kasi hindi daw niya narinig nang maayos, pero kung makangiti siya ng malawak ay alam mong narinig niya ‘yon ng malinaw. Hiyang hiya ka kaya’t nagtalukbong ka agad ng kumot, hindi niya tinigilan ang pang-aasar sa’yo pagkagising niyo ng umaga, simula noon ay nagkaroon ka na ng lakas ng loob na tawagin siyang mahal.

Mahal…

Cute.

Cute na cute ka sa tawagan niyo na ‘yon.

Kaya sana ay naalala mo ‘yun, Adi.

Kasi nakakahinayang naman kung hindi mo natatandaan ‘yung pakiramdam na sa tuwing naririnig mo ang malambing na boses niya, ay nararamdaman mo ‘yung parang ‘di mo alam kung bakit may kumakalat na namang init sa dibdib mo sa tuwing tinatawag ka niyang mahal, araw-araw mo namang naririnig ‘yon pero hindi nagsasawa ‘yung puso mo sa pagtalon dahil lang sa isang salita na ‘yon.

Kung naalala mo pa, siguro matutuwa ka kasi madalas ka niyang tawaging mahal noon, minsan ay wala naman siyang sasabihin pero bigla ka nalang niyang tatawaging mahal.

Halimbawa na lang tuwing day off niya sa trabaho, minsan kapag hindi kayo umaalis na dalawa para kumain sa labas ay naglalaba siya kahit umaga pa lang, nandoon siya sa maliit na banyo niyo naglalaba, palagi siyang walang suot na pang-itaas, tanging jersey shorts lang at ang paborito niyang kwintas na may cross na pendant suot-suot niya.

Minsan kapag pinagpapawisan siya at dumidikit na ang buhok niya sa kanyang noo ay makikisuyo siya sa’yo para itali ang buhok niya, kaya’t tumatayo ka pa para puntahan siya upang i-ponytail ang bangs niya, mapapangiti ka na lang pagkatapos mong itali ‘yon kasi para siyang unicorn na may sungay sa gitna, at bago ka tuluyang umalis sa banyo ay ngunguso pa ito sa’yo para manghingi ng halik, hinding hindi niya aalisin ‘yon hangga’t hindi mo nilalapat ang labi mo sa labi niya, hihintayin niya ‘yon kahit gaano katagal bago niya ituloy ulit ang paglalaba niya. Kapag na-bo-bored na siya ay bigla ka na lang nitong tatawaging mahal, paglingon mo sa kanya ay ngingiti lang siya sa’yo habang pinaghihiwalay niya ang mga de color sa puti.

Hindi mo alam kung anong trip niya sa tuwing ginagawa niya ‘yon. Nakabukas kasi ang pinto sa banyo sa tuwing maglalaba siya dahil masyadong masikip doon, kasya naman siya sa loob pero mas pinipili niyang buksan ang pinto para magpapansin sa’yo, tsaka siguro para na rin mailagay niya ang ibang timba sa labas para hindi sumikip sa loob, kaya’t napapanuod mo siya habang nakaupo ka sa kahoy na sofa sa may salas niyo sa tuwing nagbabasa ka ng mga libro tungkol sa pagpapalaki ng bata.

Hindi mo maipagkakaila na kahit may maliit na ponytail siya sa buhok niya at palagi siyang may pilyong ngiti habang naglalaba ay sobrang gwapo pa rin niya, madalas ka ngang hindi makapag-focus sa binabasa mo dahil maya’t maya ay sumusulyap ka sa katawan niya na kadalasan ay nababasa dahil sa paglalaba niya, para ngang dinadahilan mo na lang minsan ang pagbabasa mo dahil mas madalas mo pang sundan siya ng tingin sa tuwing tumatayo siya sa banyo upang buhatin ang mga timbang may lamang labahin patungo sa labas ng apartment niyo para isampay ang mga iyon, pero syempre ay dadaan muna siya sa’yo para tawagin kang mahal, at kapag naagaw na niya ang atensyon mo ay hahalikan ka nito ng isang mabilis bago niya tuluyang ilalabas ang mga isasampay.

Mabuti na lang talaga at puro matatanda ang kapitbahay niyo, kung hindi ay malamang ang sama ng loob mo sa tuwing lumalabas itong walang suot na pang-itaas.

Alam mo ba, Adriel?

Isa lang ‘yon sa mga pangungulit niya sa’yo, pero hindi ka naman naaasar sa kanya.

Paano ka naman kasi maaasar? Eh mahal mo ‘yon.

Lahat yata ng gawin niya ay cute sa paningin mo. Lalo na kapag bigla na lang siyang yumayakap sa’yo, o hindi naman kaya ay sumisiksik siya sa papag na hindi naman kayo kasyang dalawa para lang isiksik ang mukha niya sa leeg mo, hindi siguro niya napapansin pero ikaw… napapansin mo na noon na napapadalas na ang paghalik niya sa leeg mo.

Instinct siguro, lalo na’t alam niya ring anak niya ang batang nasa loob ng tiyan mo.

Minsan nga ay hindi na lang basta halik ‘yon, hindi na nga sapat yata sa kanya na sinisipsip lang ang balat mo dahil madalas ay tumatagal na at dumidiin na ang bawat paglapat ng labi niya sa leeg mo, minsan ay kinakagat niya na rin ito nang mahina, ramdam na ramdam mo ang pagpipigil niya sa sarili niya sa tuwing ginagawa niya ‘yon, bigla na lang kasi siyang lalayo at yayakap na lang siya sa’yo sa tuwing namamalayan niyang kagat-kagat na niya ‘yon.

Hindi mo naman siya pinipigilan, pero minsan ay natatakot ka kaya’t hindi ka kumikibo. Hindi ka natatakot sa kanya, natatakot ka para sa kanya.

Hindi kasi malabong pagsisihan niya kapag tuluyan ka na niyang inangkin, ganoon kasi ang mga iniisip mo noon, bukod sa matagal mo na rin naman na talagang pinag-iisipan ang kasal, masaya naman kasi kayo, kaso sapat ba na masaya lang kayo? Okay na rin naman na kahit papaano ‘yung buhay niyo, lumalaki na rin sa tiyan mo noon si Paopao, nakatira na rin kayo sa iisang bahay at mukhang wala na rin naman kayong balak na umalis doon, kaya’t wala ka nang maisip na ibang dahilan para hindi kayo maging mate.

Oo, minsan naiisip mo pa rin noong mga panahon na ‘yon na hindi mo deserve na maging mate ni Owen, pero kasi…

Masama bang maging selfish?

Siguro oo, masama nga ‘yon pero iniisip mo lang naman ‘yung sarili mo noon kasi mahal mo siya, mahal na mahal mo siya at alam mong sa kanya na lang naka-depende ang buhay mo, siya na lang ang dahilan mo at ‘yung anak mo kung bakit nabubuhay ka pa sa mundo, kaya’t masama ba kung gusto mong pakasalan siya?

Hindi naman kailangan sa simbahan, o sa garden, o kahit sa harap ng altar ni Moon Goddess, okay lang sa’yo kahit diyan lang sa loob ng maliit na apartment niyo, kahit kayong dalawa lang ang nakakaalam, ang mahalaga lang naman sa’yo ay ang maging mate mo siya, pwede namang tsaka niyo na lang asikasuhin ang mga papeles niyo para maging mate din kayo ng legal, pwede niyo namang isabay ‘yon sa ibang papeles kapag pinanganak mo na si Paopao.

Nakikita mo rin namang gusto niya ‘yon, kita mo sa mga mata niya, at kitang kita mo sa tuwing nakayakap ka sa kanya dahil pinapaypayan ka niya kasi wala na namang kuryente habang pinapatulog ka niya sa pamamagitan ng pagkwento niya ng mga plano niyong dalawa sa future.

Kitang kita mo ang excitement sa mga mata niya, para bang sa tuwing nagsasabi siya sa’yo ay siguradong sigurado siya na mangyayari lahat ng ‘yon.

‘Yung kakain kayong tatlo nila Paopao sa labas pagkatapos niyong magsimba, pero dahil pareho kayong walang religion ay iba-iba na lang simbahan ang pupuntahan niyo kada linggo, para more chances of winning daw kayo sa after life, kung totoo man ‘yon.

Pati ‘yung bibili daw siya ng tricycle kapag naka-ipon na siya, para may panghatid sundo daw siya kay Paopao kapag nag-aaral na ‘to, tsaka para na rin daw maisakay ka niya sa loob, gusto daw kasi niya na kasama ka niyang sumundo sa anak niyo, ayaw daw niya ng motor kasi parang ang delikado daw noon lalo na kung tatlo kayo.

Sinabi rin niya na tuwing Pasko daw kailangan mayroon kayong bagong damit, tapos dapat daw laging magkakamukha ‘yon, pinaplano na nga niya agad kung anong ihahanda niyo sa unang pasko na magkakasama kayo, gusto daw niyang magluto man lang kahit ng isang kilong menudo, tinanong ka niya kung kumakain ka daw ba noon, nang tumango ka ay agad siyang ngumiti sa’yo at sinabi niyang magaling daw siyang magluto noon, syempre naniniwala ka sa sinabi niya dahil alam mo namang magaling talaga siyang magluto.

Lahat ay pinaplano na niya, kung anu anong lugar ang mga sinasabi niya sa’yo na maaari niyong puntahan, gusto mo ‘yun…

Kahit ang totoo niyan ay kumikirot ang dibdib mo sa tuwing sinasabi niya ‘yun dahil alam mong hindi ka makakapunta sa mga lugar na sinasabi niya dahil masyadong maraming tao doon, pero hindi mo kayang putulin ang pagkukwento niya lalo na kung sobrang lawak ng ngiti niya sa tuwing sinasabi niya ‘yon, hindi mo kayang sirain yung mga pangarap niya para sa inyo.

Gusto mo ‘yun, gusto mo rin maranasan lahat ng sinasabi niya sa’yo, hindi mo nga rin maiwasan na hindi mangarap sa tuwing sinasabi niya ‘yun, iniimagine mo na agad kayong tatlo sa mga lugar na sinasabi niya, at kung pwedeng dalhin ang aso’t pusa niyo ay dadalhin nyo rin sila.

Hindi mo rin kayang sirain ‘yun, kasi pangarap mo rin ‘yun.

Siguro ay masyado ka nang nalulong sa pagpapantasya na posibleng mangyari lahat ng pangarap niyong dalawa, hindi mo na nga mapaghiwalay ang pantasya sa hindi, kaya’t nang minsang nagkwento si Owen tungkol sa katrabaho niyang kinasal sa garden ng amo nila ay wala ka sa sarili mo nang tinanong mo sa kanya kung gusto niya rin ba na doon kayo ikasal na dalawa.

Nakayakap sa kanya habang nakahiga kayong dalawa sa kama, kaya’t ramdam mo ang pagtigil ng kanyang hininga dahil naka-unan ang ulo mo sa dibdib niya. Nang inangat mo ang paningin mo sa kanya ay kitang kita mo ang panlalaki ng mga mata niya, doon ay unti-unti mong napagtanto ang sinabi mo.

Bago ka pa muling makapagsalita ay naramdaman mo na ang labi mo sa kanya, ramdam na ramdam mo sa kung papaano ka niya halikan ‘yung sayang nararamdaman niya.

Kaya paano, Adriel?

Paano mo magagawang sirain ‘yung saya niya nung gabing ‘yon kapag sinabi mo sa kanyang hindi posibleng mangyari lahat ng pangarap niya kapag ikaw ang pinakasalan niya?

Hindi mo kaya…

Wala kang puso na sabihin ‘yon sa kanya.

Pero pinilit mo, pipilitin mo.

Siguro naman ay balang araw ay huhupa ang mga balita tungkol sa’yo. Baka balang araw ay makakalimutan din ng mga tao ang pangalan mo, baka balang araw ay wala nang nakakaalala ng mukha mo.

Kaya sige, pipilitin mo.

Para kay Owen.

Para kay Paopao.

Pipilitin mong mangyari lahat ng ‘yon, kahit parang ang labo, kahit parang ang imposible.

Araw-araw ay takot na takot ka kasi hindi mo alam kung paano mo gagawing posible ang mga bagay na ‘yon, idagdag mo pa na nung mga panahon na ‘yon ay palaging busy si Owen sa trabaho, napapadalas ang pag-oovertime niya, hindi mo alam kung bakit pero para bang lagi siyang abala noon.

Hanggang sa isang gabi, noong niyakap mo siya sa pagtulog niya ay natigilan ka nang may maamoy ka sa kanya.

Noong una ay hindi mo ‘yun pinapansin dahil alam mo namang madaming tao sa pinagtatrabahuhan niya, alam mo rin na hindi niya kayang gawin ‘yon sa’yo, alam mong mahal na mahal ka niya, pero nung mga sumunod na araw ay nandoon pa rin ang amoy na ‘yun, hindi na nga nawawala, mas lalo pang tumatapang.

Alam mong galing sa iisang tao lang ‘yun, sa dalas mo ba namang naamoy ‘yon ay naging pamilyar na ‘yon sa’yo, minsan kahit hindi mo yakapin nang mahigpit si Owen ay amoy na amoy mo na agad ang scent ng isang omega sa kanya.

Para bang lagi niyang kasama ‘yon, para bang lagi niyang katabi.

Ayaw mong mag-isip ng kung anu ano pero nagsimula ka nang maging paranoid.

Pinipilit mo naman ang sarili mo na huwag mag-isip ng mga ganoon bagay kasi alam mong mahal ka ni Owen, nararamdaman mong mahal ka ni Owen, pero naalala mo ‘yung sinabi ng mga kaibigan mo noon sa’yo…

Sabi nila, silang mga alpha daw, may mga pangangailangan sila na dapat ibinibigay ng mga omegang katulad mo, dahil ‘yun naman daw talaga ang purpose niyo, ang ibigay ‘yon sa kanila.

Nagsimula ka na namang mag-isip ng mga bagay-bagay, bigla mo kasing naalala na hindi niyo na ginagawa ni Owen ‘yon simula nung lumaki na ang tiyan mo.

Naramdaman mong nanikip ang dibdib mo dahil sa naisip mo, kaya’t panay ang iling mo sa sarili mo kahit mag-isa ka lang sa bahay para lang maialis mo sa isipan ‘yun. Hindi mo kayang pag-isipan ng ganoon si Owen pero hindi mo rin maialis ang pagtitig mo sa salamin, pinagmamasdan mo kung ano bang problema sa’yo.

Parang unti-unting nilalason ang isipan mo ng mga salitang narinig mo noon sa ibang tao.

Naiinis ka sa sarili mo, bakit ganoon ka mag-isip?

Dumating pa nga sa punto na dahil sobra ka nang nababahala sa mga iniisip mo ay hindi mo na namalayan ang sarili mo na lumabas ka na ng bahay para pumunta sa kompanyang pinagtatrabahuhan ni Owen.

Gusto mo lang namang matahimik ka na, gusto mong patunayan sa sarili mo na mali lahat ang iniisip mo noon.

Kaya’t agad kang nabihis, sinigurado mong walang makakakilala sa’yo kaya’t nagsuot ka ng facemask, shades, at cap… ‘yung tipong kahit si Owen ay hindi ka na makikilala.

Ngunit pagdating mo doon, imbes na mapatunayan mong mali ka ay mas lalo lang lumala ang paghihinala mo nang makita mo siyang may kasamang babae sa labas ng club, magkatabi sila sa gilid, para bang nagtatago sila…

Kahit malayo ay kitang kita mo ang babaeng kasama niya, maganda ‘to, maganda rin ang katawan, kitang kita mo dahil labas na labas na labas ang buong katawan nito dahil bralette at napaka-ikling denim shorts ang suot nito, at base pa lang sa postura ng katawan niya ay alam mong confident siyang tao, may hawak-hawak itong sigarilyo at paminsan niyang ibinubuga habang magkausap sila ni Owen, sobrang lapit nila sa isa’t isa pero hindi lumalayo si Owen na para bang sanay na sanay na siya.

Naramdaman mo na lang unti-unting nababasag ang puso mo noon, naririnig mo na namang bumubulong sa’yo ang omegang akala mo ay nagtago na simula nung nabuntis ka, unti unti mong naramdaman ang paglamig ng mga kamay mo, ramdam na ramdam mo rin ang galit ng omega mo dahil tang ina, sa’yo ‘yon eh!

Sa’yo si Owen, sa’yo lang!

Hindi sa babaeng ‘yon, kundi sa’yo!

Hindi mo alam kung ilang beses mong narinig ang salitang akin ‘yan sa loob ng utak mo habang pinagmamasdan mo silang dalawa habang bumabaon ang matutulis mong kuko sa balat ng braso mo, pero may ginawa ka ba?

Wala.

Wala kang ginawa, Adriel.

Tumayo ka lang sa kabilang kalsada at pinagmasdan mo silang dalawa habang magkausap.

Kahit parang pinapatay ka na ng omega mo.

At nang mapansin mo si Owen na napalingon sa gawin mo ay agad kang nagtago sa likod ng basurahan nang may dumaang truck sa harapan mo. Mabilis kang umuwi sa bahay niyo noong gabi na ‘yon upang maligo dahil kumapit sa’yo ang amoy ng mga basura.

Hindi mo alam kung bakit iyak ka nang iyak habang inaalis mo ang amoy ng basura sa katawan mo, halos magasgas na ang balat mo sa tindi ng pagkakakuskos mo sa sarili mo noon, takot na takot kang hindi mawala ‘yung amoy ng basura sa katawan mo.

Natatakot kang hindi rin mawala sa isip mo ‘yun, natatakot kang tumatak sa isip mo na isa kang ganoon.

Basura.

Pagkatapos mong maligo ng araw na ‘yon, kahit basa pa ang buhok mo, ay wala ka sa sarili habang naglalakad pa tungo sa kwarto niyo, nahiga ka sa kama at pinilit mong matulog, inaalis mo sa utak mo ang imahe ni Owen kasama ang hindi mo kilalang babae, pero kahit dumilat ka man o pumikit ay nakikita mo ‘yun nang mabuti.

Walang sawa ang pagbagsak ng mga luha mo noon, pero agad mong iwinakli ang mga luha sa mata mo nang marinig mong bumukas ang pinto ng bahay niyo, pilit mo ring inayos ang paghinga mo na kanina ay halos malagutan na dahil sa paghikbi mo, kaya’t nang pumasok si Owen sa kwarto at agad nagtungo sa’yo ay halos pigilan mo na ang paghinga mo upang hindi niya mahalata ang pag-iyak mo.

Naramdaman mong lumapit siya sa’yo kaya’t bumungad na naman sa’yo ang pamilyar na amoy ng babaeng omega, pati na rin ang bahagyang pagkapit ng amoy ng sigarilyo sa damit ni Owen kaya’t sigurado ka na, sigurado ka nang ang babaeng ‘yun ang palaging nakakaiwan ng scent sa katawan ni Owen, kaya’t sunod mong naramdaman ang pagkabasag ng puso mo, pilit mong pinigilan na muli kang umiyak, ang pinakahuli mong naramdaman ay ang malambot niyang labi sa noo mo, hinalikan ka niya habang natutulog ka bago niya hinawakan ang pisngi mo at lumabas na ng kwarto para siguro makaligo na siya.

Kaya’t litong lito ka noon kung mahal ka ba talaga niya, kasi kung hindi? Bakit pakiramdam mo ay mahal ka naman niya.

Hindi nawala sa isipan mo ang tanong na ‘yon hanggang sa makita mo siyang umuwi sa bahay niyo na kasama ang babaeng omega na ‘yon.

Ate Rica kung tawagin siya ni Owen.

Tinulungan pa siya nitong magbaba ng mga gamit na napanalunan ni Owen sa party nilang magkakatrabaho, sobrang close nila kasi kitang kita mong nagtatawanan silang dalawa hanggang sa maibaba na nila ‘yon.

Nakasilip ka lang noon sa bintana ng apartment niyo, nagtatago ka dahil baka makita ka nilang dalawa na pinapanuod mo sila, para kang masusuka sa mga nangyayari, hindi mo maintindihan ang nararamdaman mo, para bang hindi na mawawasak ang puso mo dahil matagal nang pira-piraso na lang ‘yon.

Nagulat pa siya nang makita ka niya sa likod ng pinto, kahit ikaw ay nagulat dahil hindi mo napansin na nakapasok na pala siya.

Noong gabi na ‘yon, hindi mo masikmura sa tuwing yumayakap siya sa’yo.

Amoy na amoy ang scent ni Rica sa kanya kaya’t halos bumaligtad ang sikmura mo kahit lumalapit lang siya, para ka talagang masusuka dahil hindi mo talaga gusto ang amoy nito, bukod pa don ay sumasakit ang dibdib mo.

Hindi mo tuloy napigilan na sabihin na maligo muna siya, kasi kahit anong pilit mong hindi pansinin ‘yon ay hindi mo talaga magagawang umarte ng normal sa harap ni Owen kung amoy na amoy mo ang ibang omega sa kanya.

Ramdam mong hindi lang ikaw ang nababaliw noon kundi pati ang omega mo, hindi mo nga alam kung anong pumasok sa isip mo noon para pakialaman ang gamit ni Owen, alam mong masamang makialam ng gamit pero para bang nangangati ang kamay mo na halungkatin lahat ng ‘yon, na para bang inaasahan mo na may makikita ka doon na magpapatunay na may relasyon sila ni Rica, alam mong masasaktan ka kung totoo man ‘yun pero gusto mo lang naman ng kumpirmasyon dahil pakiramdam mo ay mababaliw ka na.

Wala kang ibang nakita doon bukod sa mga napanalunan ni Owen, uwing ulam, at isang polaroid camera.

Tandang tanda mo pa kung kailan ka huling nakakita ng polaroid camera, pero hindi mo alam na magiging ganoon pa rin ang reaksyon mo ngayong nakakita ka ulit noon, para kang naging estatwa noong oras na mahawakan mo ‘yun, ang daming pumapasok sa isip mo noon.

Bakit may ganoon si Owen?

Naramdaman mo ang panginginig ng kamay mo, hindi naman siguro magagawa ni Owen sa’yo ‘yon? Alam mo na hindi niya magagawang gawin ‘yon pero masyadong magulo ang isipan mo noon kaya’t parang halos lahat ng mga bagay ay iniisipan mo na agad ng ibang kwentong nabuo lang naman sa isip mo.

Masyado kang napuno ng mga memoryang matagal mo nang gustong kalimutan kaya’t hindi mo na napansin ang paglabas ni Owen sa banyo. Hindi mo na rin namalayan sa sarili mo na tinanong mo siya kung bakit siya may ganoon, gusto mo lang malaman para saan ‘yon kasi pakiramdam mo ay mababaliw ka na talaga, malapit na.

Agad niyang pinaliwanag sa’yo na nakuha niya ‘yon bilang papremyo, para bang naguguluhan siya sa mga inaasta mo. Pinaniwalaan mo siya agad, alam mo naman kasing ‘di niya talaga magagawa sa’yo ‘yon, gusto mo lang talaga ng kumpirmasyon kaya’t kahit nanginginig pa ang mga kamay mo ay inabot mo agad ka sa kaniya ang camera bago ka nagtungo sa kusina.

Naramdaman mong sumunod siya sa’yo, niyakap ka niya mula sa likuran habang inaayos mo ang hapagkainan, halos matunaw ka agad sa yakap niya, wala ka nang naamoy na ibang omega sa kanya kaya’t kampante ka na ulit sa mga yakap niya.

Gusto mo ‘yon, gusto mo ng ganoon, ‘yung tanging scent mo lang ang mahahalo sa scent ni Owen. Ayaw mo ng iba, hindi pwedeng may iba.

Mas lalong humigpit ang yakap niya sa’yo nang mapansin niyang hindi mo siya pinapansin, halos mapapikit ka na at mapakagat sa labi mo nang mas idinikit pa niya ang katawan niya sa’yo, para ka na lang nanghina nang isinandal mo ang ulo mo balikat niya.

Hindi mo namalayang binibigyan mo na siya ng access sa leeg mo.

Gusto mong sa’yo lang siya.

Hindi mo na pinigilan ang sarili mo na maglabas ng pheromones, nakalutang na lang kasi lahat ng mga tumatakbo noon sa isipan mo, blangko na, ang tanging gusto mo na lang ay ang kagatin niya ang leeg mo para sigurado ka nang sa’yo lang siya at kanya ka lang.

Nawala lahat ng natitirang pagpipigil mo noon, kaya’t mas lalo mong idiniin ang sarili mo sa kanya lalo na nang maramdaman mong kinagat na niya ang tenga mo. Halos mapaungol ka nang maramdaman mo ‘yon pero bigla ka niyang tinaong kung ano bang bumabagabag sa’yo.

Hindi ka sumagot, wala kang balak sumagot.

Gusto mo lang na kagatin ka niya, kaya’t nang bumaba ang labi niya sa leeg mo para halikan ka ay halos manlambot na ang tuhod mo, mahina kang napa-ungol dahil bukod sa basa niyang labi ay nararamdaman mo rin ang mainit na hininga niya.

Halos kumabog ang dibdib mo noon dahil nasa leeg mo na ang labi niya, konti na lang ay maaari ka na niyang kagatin, kaya’t mas lalo kang naglabas ng pheromones para ipaalam sa kanya na gusto mong gawin na niya ‘yon sa’yo pero imbes na kagatin ka niya ay bigla na lang siyang lumayo.

Tinanong ka ulit niya kung anong bumabagabag sa’yo kaya’t napangiti ka na lang, walang halong kasiyahan ‘yung ngiti mo na ‘yon, pinilit mo lang para magpanggap na okay ka lang at hindi ka umasang kakagatin ka niya.

Hinalikan mo na lang siya saglit sa labi bago mo siyang inayang kumain na, ang dami niyang tanong at kwento sa’yo noong gabi na ‘yon pero ngumingiti ka lang sa kanya at nagpapanggap na okay ka lang kahit pakiramdam mo ay unti-unti ka nang nadudurog.

Nang mahiga kayo sa kama noong gabi na ‘yon ay nakayakap siya sa’yo habang paulit ulit ka niyang binubulungan na huwag kang matakot na magsabi sa kanya, hindi mo alam kung anong gusto mong sabihin sa kanya noon dahil maski ikaw ay naguguluhan sa mga nararamdaman mo.

Isa lang naman ang sigurado ka nung mga oras na ‘yun, kaya’t hinalikan mo siya agad sa labi at tsaka mo sinabi sa kanya na mahal mo siya.

Mahal mo si Owen.

Mahal na mahal mo siya.

Gagawin mo ang lahat para hindi siya mawala sa’yo dahil mahal mo siya. Wala kang pakialam kung hindi ka na niya na mahal o kung may iba na siya, basta ang mahalaga sa’yo ay mahal mo siya at sa’yo siya umuuwi.

Ikaw ang katabi niya sa kama, ikaw ang yakap niya sa pagtulog, at ikaw ang unang taong nakikita niya paggising niya sa umaga kaya’t ayos na sa’yo kung makahanap man siya ng iba basta huwag ka lang niyang iwan.

Kaya’t ipapaalam mo sa kanya na ayos lang kasi mahal mo siya.

Pero hindi mo napigilan ang sarili mo noong yumakap ka sa kanya, unti-unting bumagsak ang luha mo habang naglalagay ka ng scent sa leeg niya, kasi kahit ayos lang naman sa’yo ay hindi ibig sabihin noong ay hindi ka na masasaktan.

Ramdam na ramdam mo ang paghigpit ng yakap niya sa’yo, kaya’t mas lalo mong hindi napigilan ang pag-iyak dahil gusto mong maramdaman ‘yung yakap niya sa’yo habang buhay, pakiramdam mo ay hindi mo kakayanin kapag bumitaw siya sa’yo kaya’t nakiusap ka sa kanya na huwag ka niyang iwan.

Nagmakaawa ka na, iniyak mo na lahat, hindi siya bumitaw sa’yo at paulit-ulit niyang sinabi sa’yo na hindi ka niya magagawang iwan, wala siyang ibang ginawa noong gabi na ‘yun kundi siguraduhin sa’yo na hindi niya kayang iwan ka hanggang sa unti-unti ka nang makatulog sa bisig niya.

Nakatulog ka na kahit puno ka ng pangamba ay ayos lang dahil alam mong hindi ka niya iiwan.

Hanggang sa isang araw ay nagising ka dahil sa liwanag ng flash, naramdaman mo agad ang pagkabog ng dibdib mo, halos bumuhos sa’yo ang mga alaala na hindi mo makalimutan, napalayo ka agad kay Owen nang makita mo siya, hingal na hingal ka dahil halos mapigil na ang paghinga mo, hindi ka makagalaw noon habang nakatitig ka sa camera na hawak-hawak ni Owen, mukhang pati siya ay nagulat sa nangyari.

Hindi mo mapigilan ang panginginig ng katawan mo noon kahit anong gawin mo, alam mong hindi gagawin ni Owen ‘yon kaya’t bakit natatakot ka pa rin? Panay ang hingi niya ng tawad sa’yo pero parang may matinis na linya kang naririnig kaya’t hindi mo maintindihan ang mga sinasabi ni Owen dahil naka-focus ka lang sa litratong nahulog sa kama mo.

Mabilis mong kinuha ‘yon at tiningnan ang larawang nandoon, hindi ka naman nakahubad, wala namang wala sa suot mo kaya bakit nangangamba ka pa rin noon?

Unti-unti mong naaninaw ang sarili mo sa larawan, picture mo lang ‘yon habang natutulog ng mahimbing at habang nakatitig ka sa sarili mo ay biglang lumuhod si Owen sa harapan mo at paulit-ulit na humihingi ng tawad sa ginawa niyang pag-picture sa’yo, kitang kita mo sa mukha niya na nakokonsensya siya sa ginawa niya, mukhang hindi niya talaga sinasadya na takutin ka, wala rin namang kakaiba sa picture niya sa’yo kaya’t ikaw naman ‘tong nakonsensya dahil sa naging reaksyon mo.

Unti-unti kang napangiti ng malambing nang mapagtanto mong may pakialam siya sa nararamdaman mo. Agad mo siyang pinigilan sa pag-sorry niya, hindi mo mapigilang mapatawa ng mahina nang makita mo ang naguguluhang reaksyon niya dahil sa ngiti mo, hinila mo siya nang marahan patungo sa kama upang makaupo siya sa tabi mo at tsaka mo sinabi sa kanya nag picture-ran ka niya ulit.

Noong una ay hindi sya kumibo agad dahil bakas ang pagkalito sa mukha niya ngunit nang humiga ka na at ngumiti sa harap ng camera ay ginawa rin niya ang sinabi mo.

Sa unang pagkakataon simula noong nangyari sa’yo ang mga nangyari sa nakaraan, nawala ang takot mo sa camera.

Akala mo ay magiging okay na ulit ang lahat, akala mo ay babalik ka na rin sa normal, akala mo ay mawawala na ang pag-iisip mo ng mga kung anu-anong bagay pero may isang araw na umuwi si Owen na amoy na amoy na naman ang scent ni Rica sa kanya.

Nang niyakap mo siya pagkauwi niya ay mas nauna pang sumalubong sa’yo ang scent ni Rica kaysa sa kanya, kahit gusto mo pa sanang yakapin si Owen ay bumaliktad na naman ang sikmura mo. Sinabihan mo siyang maligo na bago ka lumayo, kasi hindi mo talaga maatim ang scent ng ibang omega at ang ideya na may ibang taong nakadikit kay Owen sa tuwing hindi ka niya kasama.

Nang magtungo si Owen noon sa banyo ay mabilis ka pang pumunta sa lagayan ng maduming damit para kunin ang damit na suot ni Owen balak mo pang alamin kung may iba kang maamoy doon.

Akala ko ba ay babaguhin mo na ang sarili mo noon, Adi? Akala ko ba ay hindi mo na paghihinalaan si Owen? Akala ko ba ay ayos lang sa’yo kung may iba siyang omega pero bakit nakaluhod ka noon sa harap ng maduming damit habang inaamoy ito?

Takot ka.

Iyon ang totoo.

Takot ka na baka hindi ka na mahal ng nag-iisang tao na nagparamdam sa’yo na mahal ka niya.

‘Yung totoong pagmamahal, hindi katulad ng sa magulang mo, hindi katulad ng sa mga dating kaibigan mo, ‘yung pagmamahal na si Owen lang ang nagparamdam sa’yo.

Natatakot kang mawala ‘yon sa’yo dahil baka nakahanap na siya ng iba na mas kamahal-mahal kaysa sa’yo. Kaya’t nang lumabas siya sa banyo ay mabilis mo siyang hinalikan sa labi.

Mabilis, madiin, mapusok.

Habang siya ay nakahinto lang at hawak-hawak niya ang baywang mo para hindi ka bumagsak.

Desperado ka na ng mga oras na ‘yun, gusto mo na lang na kunin ka niya at angkinin siya. Hindi mo na kailangan ng kasal noo, kahit mate na lang para lang mapatunayan mo sa sarili mo na kanya siya at kahit maghanap siya ng iba ay sa’yo lang ang bagsak niya.

Alam mong pangit at hindi maganda ang ganoong mentalidad pero desperado ka na.

Noon mo lang naramdaman na mahalin ng totoo, kaya’t hindi mo kayang mawala ang pagmamahal na ‘yon sa’yo.

Kung mayayakap lang kita noon, Adriel. Yayakapin kita. Hindi ko hahayaan na mag-isip ka ng mga ganoong bagay, at kung kaya ko lang din sabihin sa’yo noon na mahal ka ni Owen, ibabalik ko ang panahon para masabi lang sa’yo na mahal ka talaga niya.

Mahal na mahal ka niya.

Ikaw ang pinakamahalaga sa kanya, Adriel.

Kaya’t noong nalaman niya ang dahilan kung bakit ka ilang buwan ka nang tuliro ay hindi siya nagdalawang isip.

Handa siyang iwan ang trabaho niyang pinaghirapan ng napakatagal na panahon para lang maging kampante ka, wala siyang pakialam kahit iwasan niya ang pinakamatalik na kaibigan niya noon para lang hindi ka na mangamba, wala siyang pakialam kahit mawala lahat sa kanya dahil mahal ka niya.

Unti-unti kang binalot ng konsensya mo noong napansin mong hindi na siya pumapasok, hindi mo naman gusto na umalis siya doon dahil alam mong nag-e-enjoy siya sa trabaho niya, malaki rin ang sweldo niya doon kaya nakakaipon siya para sa future niyo, kaya naman hindi ka masaya na iniwan niya ‘yon dahil lang sa lintek na pangamba mo.

Hindi mo gusto, ayaw mo ngang malaman niya na nababaliw ka na sa takot dahil ayaw mong madagdagan ang isipin niya, ayaw mong sabihin sa kanya dahil wala ka na ngang ginagawa para tulungan siya nakakadagdag ka pa sa problema niya.

Hiyang hiya ka noon, kaya’t panay ang tanong mo sa kanya kung bakit hind siya pumapasok, kinukulit mo siya dahil alam mo, nararamdaman mong ayaw niyang bumalik sa trabaho niya dahil lang ayaw niyang natatakot ka, sobrang frustrated mo noon sa sarili mo dahil kasalanan mo na naman.

Masaya na siya sa trabaho niya pero eto ka na naman, sinira mo na naman ‘yung saya niya.

Pero may isang araw na may kumatok sa pinto ng apartment niyo, agad kang napatago sa likod ng pinto ng kwarto niyo, hindi mo alam kung sino ang kumakatok, wala namang pumupunta sa inyo dahil wala naman kayong delivery na inaasahan at mas lalong wala naman kayong kaibigan.

Nakita mo si Owen na pumunta sa pinto, bakas ang gulat sa mukha niya nang sinilip mo siya, hindi mo nakikita kung sino ang kausap ni Owen pero napansin mong nakikipagtalo siya, hanggang sa humangin nang malakas at naamoy mo ang pamilyar na scent niya. Hindi ka makapaniwala na pinuntahan pa talaga niya si Owen sa bahay niyo.

Sa bahay niyong dalawa ni Owen.

Kaya’t nawala lahat ng tamang pag-iisip mo noon dahil sinugod mo siya sa pintuan, bakas ang gulat sa mukha ni Rica nang makita ka niya, pati si Owen na katabi mo ay nagulat na pumunta ka sa pintuan na walang suot na kahit anong magtatabing sa mukha mo.

Hindi mo rin alam kung anong pumasok sa isip mo noon at ginawa mo ‘yun.

Gusto mo lang naman ipakita kay Rica na mayroon ng asawa si Owen, may mahal na siya at hindi siya ‘yun kundi ikaw. Ikaw lang.

Pero pare-pareho kayong naguluhan na tatlo nang magbalik-balik ang tingin niyo sa isa’t isa, bakas ang pagkagulat at paglito sa mukha ni Rica. Kumabog pa ang dibdib mo nang makita mong bakas sa mukha niya na kilala ka niya. Alam mong nakilala ka niya dahil hindi mawala ang tingin niya sa’yo at sa bilog mong tiyan.

Balik-balik ang tingin niya sa inyong dalawa ni Owen na para bang naghahanap siya ng kasagutan, pero hindi siya nagtanong sa halip ay humarap siya kay Owen ay sinabi niyang hindi daw pala ito nagsisinungaling na mapapang-asawa ka niya bago ito umalis at iniwan kayong dalawa.

Pinangunahan ka ng takot, dahil anong ibig sabihin ni Rica doon?

Kilala rin ba ni Owen kung sino ka? Kasi bakit naman sasabihin ni Rica ‘yon kung hindi alam ni Owen kung sino ka.

Akala mo ay hindi totoo ang pakiramdam na parang gumuho ang mundo mo, pero noong oras na ‘yon ay ‘yon ang naramdaman mo, ‘yung parang gumuho ang mundo mo nang malaman mong kilala ka ni Owen, alam ni Owen ang nakaraan mo at maaaring minamanipula ka lang din niya katulad ng mga dating kaibigan mo, katulad ng bestfriend mo.

Tiningnan mo si Owen at nakita mong na-estatwa rin siya sa sinabi ni Rica kaya’t agad kang nagtatakbo patungo sa kwarto, isasarado mo na sana ang pinto ngunit napigilan ka niya, agad kang tumakbo sa kama at nagtalukbong ng kumot para hindi ka niya makausap.

Parang pinipiga ang puso mo sa ideyang niloloko ka lang din niya at sa ideyang kasinungalingan lang lahat ng pagmamahal na pinakita niya sa’yo simula una dahil katulad lang din siya ng mga kaibigang alpha mo noon, na pinakita lang din niya sa’yo na mahal ka niya katulad nila, na pinakita na mahalaga ka sa kanila, na hindi ka nila hahayaang saktan, na tinatakot nila lahat ng mga tao na lumalapit sa’yo para makipagkaibigan dahil pinoprotektahan ka raw nila pero ang totoo niyan ay pinagkakait ka lang nila sa iba, dahil gusto ka nilang masolo, dahil gusto ka nilang ipagyabang, para bang isa kang trophy sa mga mata nila, dahil kapag kasama ka nila ay alam nilang kakainggitan sila ng mga tao dahil ikaw si Adriel.

Ikaw si Adriel Beaufort.

Ang pinakamayaman, ang pinakamaganda, ang pinakasikat, dahil isa kang Beaufort. Ikaw ang nag-iisang anak ng mga Beaufort.

Putang inang pangalan ‘yan.

Ganoon din ba si Owen? Katulad din ba siya nila? Hindi, hindi mo matanggap, alam mong mahal ka ni Owen kaya paano niya magagawa ‘yon? Pero masyado kang pinangunahan ng emosyon mo noon, natatakot kang malaman na lahat ng pinaniwalaan mo ay hindi na naman totoo.

Naramdaman mong marahan nahiga si Owen sa tabi mo habang umiiyak ka, hinihimas niya ang braso mo para pakalmahin ka, tinatanong ka niya kung anong problema.

Hindi ka nakapagsalita dahil ikaw.

Ikaw ang problema.

Ikaw at ang mga iniisip mo ang problema.

Saglit ka niyang niyakap nang mapagtanto niyang wala kang balak sabihin sa kanya ang mga gumugulo sa isipan mo, hinalikan ka pa niya saglit sa ulo mo bago siya tumayo na para bigyan ka ng space pero nang maramdaman mong paalis na siya ay mas lalo kang nasaktan. Ayaw mong iwan ka niya, ayaw mo pero hindi mo siya pinapansin? Hindi talaga kita maintindihan noon, Adriel.

Bigla ka pang nagsalita noong naramdaman mong binuksan na niya ang pinto.

Sabi mo sa kanya, kilala ka niya.

Hindi ka man lang nagtanong, para bang sigurado kang kilala ka nga niya.

At sinabi naman niyang oo, kilala ka nga niya kasi ikaw daw si Haviel, ikaw daw si Haviel na mapapang-asawa niya, si Haviel na tatay din ng anak niya.

Si Haviel na mahal na mahal niya.

Ramdam na ramdam mo kung paano kumirot ang puso mo noong unti-unting nabasag ang boses niya habang sinasabi niya ‘yon.

Kasi hindi ikaw si Haviel.

Hindi totoo si Haviel.

Walang Haviel.

Paulit-ulit kang umiling ka sa kanya habang bumabagsak ang mga luha sa mata mo, hindi mo alam kung paano mo sasabihin sa kanya na hindi totoo si Haviel, walang nag-eexist na Haviel.

Doon mo unti-unting napagtanto na ayaw mong lokohin ka ni Owen pero ikaw ‘tong nangloloko sa kanya.

Tinanong mo siya kung bakit ka kilala ni Rica, para mabawasan ang konsensyang nararamdaman mo ay gusto mo na lang din malaman na niloloko ka na lang din niya pero natahimik ka na lang nang sabihin niya kung papaano ka nakilala ni Rica.

Hindi ka niya niloloko, hindi niya talaga kayang gawin sa’yo ‘yon.

Kaya’t nang siya naman ang magtanong sa’yo ay hindi ka nakapagsalita agad sa kanya, hindi ka na makatingin kasi alam mong ikaw na ang mali, alam mong simula una pa lang ay ikaw na ang problema. Agad mong pinunasan ang walang tigil mong luha bago mo ipaliwanag sa kanya ang lahat.

Kitang kita mo kung papaano napuno ng lungkot, galit, at poot ang nararamdaman niya. Hindi siya nagsasalita dahil pinapakinggan niyang mabuti lahat ng sinasabi mo pero bakas sa pagkuyom ng kamao niya at sa pagbigat ng paghinga niya na hindi niya nagugustuhan ang mga naririnig niya.

Pero kahit na nakikita mo na ang reaksyon niya ay hindi ka tumigil sa kanya sa pagkwento, lahat-lahat sinabi mo, wala kang tinira, lahat ng detalye, lahat ng pangyayari, pati ang ginawa nila sa’yo sa Baguio na noon ay sinisisi mo pa ang sarili mo sa mga nangyari ay sinabi mo rin.

Gusto mong magalit sa’yo si Owen, gusto mong walang matira sa pagmamahal niya sa’yo, para paalisin ka na lang niya kasi hindi mo alam kung kaya mo bang umalis nang hindi ka niya pinapaalis. Alam mong mahihirapan ka kasi mahal mo siya pero handa ka naman na, dahil lahat naman ng taong nakaalam sa past mo ay iniwan ka, kaya’t hinanda mo na ang sarili mo habang sinasabi mo sa kanya lahat ng ‘yon, tatanggapin mo na lang na iiwan ka na rin niya pagkatapos mong sabihin sa kanya lahat.

Alam mo naman na magagalit talaga siya sa’yo, sino ba naman kasing gustong mapang-asawa ka ‘di ba?

Kaya’t nang makita mo siyang galit na galit na lumabas ng kwarto ay napapigil ka na lang sa hininga mo, pinipigilan mong bumagsak ulit ang mga luha mo dahil kailangan mong maging malakas para hindi niya maisip na magpapaawa ka lang sa kanya para huwag ka niyang iwan, kailangan may lakas ka kapag umalis ka na ng bahay niyo.

Napapikit na lang sa gulat nang marinig mong sinuntok niya nang malakas ang pader, pinikit mo ang mga mata mo at huminga nang malalim kahit pakiramdam mo ay sasabog na sa puso mo. Ayaw mong makitang nahihirapan siya, alam mo ring mabait si Owen kaya’t paniguradong hindi ka niya papaalisin. Noong mga oras na ‘yon ay alam mo na ang dapat mong gawin, tumayo ka na kahit nang hihina ang mga tuhod mo, kinuha mo na ang mga gamit mo para mag-impake. Aalis ka na lang para hindi na siya mahirapan na paalisin ka.

Galit na siya sa’yo, katulad ng mga magulang mo, paniguradong hindi ka na rin niya gustong makita ‘pagkatapos niyang malaman ang lahat.

Kaya’t hindi mo inaasahan nang bigla ka niyang pinigilan nang bumalik siya sa kwarto, inagaw niya sa’yo ang bag mo at tinanong ka niya kung anong ginagawa mo, sinabi mo sa kanya ang totoo na aalis ka na para hindi na siya mahirapan na paalisin ka.

Kahit papaano ay tumalon ang puso mo nang makita mong naguguluhan ang reaksyon niya. Kahit papaano ay umasa kang ayaw ka niyang mawala sa kabila ng lahat ng nalaman niya. Alam mong hindi mo deserve, pero umaasa ka.

Kaya’t nang makita mong napaluhod siya sa harapan mo ay nagulat ka, agad kang nag-alala sa kanya dahil hindi mo alam kung anong nangyari, hindi siya umiiyak pero para bang nasasaktan siya. Agad kang lumapit sa kanya dahil sa sobrang pag-aalala mo pero nagulat ka nang bigla ka nalang nitong niyakap nang mahigpit.

Sobrang higpit.

Para bang hindi niya kayang mawala sa kanya, para bang natatakot siyang pakawalan ka, kaya’t sobrang higpit nang yakap niya, halos hindi ka na makahinga, nanginginig din siya, kaya’t ramdam mo ang takot niya ‘yung tipong takot na takot siyang maglaho ka sa harapan niya.

Nakiusap siya sa’yo, nagsumamo, at nagmakaawa na huwag, huwag mo nang uulitin ang ginawa mo, huwag mo nang ulitin na magplanong umalis sa buhay niya dahil hindi niya kaya.

Hindi ka nakapagsalita, nakaupo ka lang sa harap niya habang umiiyak siya, hindi ka makapaniwala na pagkatapos ng lahat ng nalaman niya ay mahal ka pa rin niya.

Pagkatapos nang araw na ‘yon ay pinagpatuloy niyo ang buhay niyo na para bang walang nangyari, hindi niya binabanggit ang lahat nang nalaman niya sa’yo, hindi mo alam kung kinalimutan niya lang o wala lang talaga siyang pakialam sa nakaraan mo.

Wala kang naramdamang pandidiri sa kanya, wala kang naramdamang pagbabago maski sa mga halik niya, kung paano ka niya halikan noon na punong puno ng pagmamahal, ganoon ka pa rin niya halikan kahit nang matapos niyang malaman ang lahat.

Walang nagbago.

Walang nagbago sa kanya, pero sa’yo mayroon.

Lalo na nang pinapabalik mo na siya sa trabaho niya dahil alam mong masaya siya sa trabaho niya na ‘yon, ayaw mo ng ganoong pakiramdam, ‘yung tipong ipagpapalit niya lahat para sa’yo dahil nakokonsensya ka, nilalamot ka ng konsensya mo palagi sa tuwing naiisip mo na umalis siya doon para lang huwag ka nang magselos kay Rica.

Lagi niyang pinapaalala sa’yo na ayos lang, ayos lang talaga sa kanya pero hindi, hindi ayos sa’yo lalo na nang makita mong nahihirapan siya sa pagbebenta ng ulam at pagbabantay sa’yo araw-araw, alam mong namomroblema siya sa pangkakain niyo at ipang-iipon niya, na hindi niyo sana magiging problema kung ‘di ka lang sana nagselos at naghinala noon.

Kaya’t hindi mo kinakaya ang konsensya mo sa tuwing nakikita mong napapagod siya pero wala kang magawa dahil desidido talaga siyang huwag nang bumalik sa trabaho para lang sa’yo.

Nahihiya kang harapin siya, nahihiya kang halikan siya dahil nga nakokonsensya ka, nakokosensya ka sa lahat-lahat, sa nakaraan mo, sa pagsisikretso mo sa kanya ng totoong pangalan mo, at sa pagiging dahilan mo kung bakit hindi siya bumabalik sa trabaho niya, kaya’t di mo man lang siya magawang yakapin pero eto siya, siya na ang gumagawa sa’yo noon palagi simula noong hindi mo na siya magawang halikan.

Sa tuwing gabi ay madalas pa siyang nagkukwento sa’yo, madalas ay niyayakap pa niya ang tiyan mo habang kinakausap niya si Paopao, madalas ay kinakausap ka rin niya para ipagyabang sa’yo na gumalaw si Paopao nang marinig daw nito ang boses niya. Hindi mo mapigilang mapangiti dahil parang natutunaw ang puso mo sa tuwing nakikita mo ang excitement niya dahil sa anak niyo.

Mukhang pati si Paopao ay excited din na makita kayo.

Kaya’t kahit hindi ka pa naman dapat manganganak ay nauna nang lumabas si Paopao, malakas ang ulan noon at malaki ang tubig ng baha sa kalsada. Hindi mo na maramdaman ang takot mo sa kulog at kidlat dahil habang walang kuryente sa bahay niyo ay mas nararamdaman mo pa ang paghilab ng tiyan mo, hindi ka kumikibo dahil ayaw mo namang matakot si Owen at mag-panic kapag nalaman niyang sumasakit ang tiyan mo kaya’t tiniis mo ito.

Ngunit biglang pumutok ang panubigan mo, kahit ikaw ay nagulat kaya’t sinabi mo na kay Owen na manganganak ka na…

Gusto mo siyang pakalmahin pero kahit sobrang dilim sa loob ng bahay niyo dahil tanging isang kandila lang ang nagsisilbing liwanag sa loob noon ay kitang kita mo kung papaano binalot ng takot at pagpa-panic ang mukha ni Owen.

Nakahawak ka lang sa tiyan mo dahil hindi mo alam ang gagawin mo, sobrang sakit noon pero hindi ka makainda dahil mas iniisip mo ang takot kay Owen, gusto mong sumigaw na huwag ka niyang iwan pero nagtatakbo na agad ito palabas, hindi mo alam kung anong gagawin niya dahil hindi mo maitanong kasi nanghihina ka na.

Sobrang bilis ng pangyayari noon sa’yo, hindi mo na halos matandaan ang buong detalye dahil wala ka na sa iyong sarili, pero natatandaan mo pa siguro noon na binuhat ka niya palabas ng bahay at pinipigilan mo siya pero masyado siyang makulit kaya’t kahit sobrang lakas ng ulan at sobrang lalim ng baha ay tinakbo ka niya patungo sa ospital habang sumisigaw ng tulong kahit alam niyo parehong walang makakarinig sa inyo.

Hindi mo siguro malilimutan ‘yung mukha niya noon, alam mong gusto ka niyang madala agad sa ospital, punong puno ng determinasyon ang mukha niya kahit punong puno na rin ng ulan ang mukha niya at basang basa na rin ang buhok niya kaya’t halos hindi na siya makakita sa madilim na kalsadang dinadaanan niyo, kahit alam mong pagod na pagod na siya ay hindi lumuwag kahit saglit ang pagkakahawak niya sa’yo dahil sinisigurado niyang hindi ka niya maibabagsak.

Sa pagkakatanda ko ay ang huli mong natatandaan noon ay nang nakarinig ka ng isang malakas na busina, sumunod ay isang malutong na mura mula sa isang babae, pamilyar sa’yo ang boses kaya’t alam mong kay Rica ‘yon galing. Gusto mo rin sana siyang murahin dahil minura niya si Owen pero masyado ka nang nanghihina noon. Nanginginig ka na rin sa sobrang lamig pero mas iniintindi mo pa ang anak mo at si Owen na paniguradong mas nanginginig na lamig kumpara sa’yo.

Lumiwanag ang paligid mo noong malapit nang magdilim nang tuluyan ang paningin mo kaya’t alam mo pa sigurong isinampa ka nila sa likod ng isang sasakyan, yakap-yakap ka ni Owen at nararamdaman mong tinatapik pa niya ang pisngi mo habang nakikiusap sa’yo na gumising ka, pero wala ka na halos sa sarili noon dahil sa halo-halong nararamdaman mo.

Pinipilit mong gumising noon para hindi ka makadagdag pa sa pag-aalalala ni Owen pero hindi mo na talaga kaya.

Sunod mong namalayan ay tumatakbo na sila patungo sa emergency, naririnig mo ang sigaw nina Owen at Rica na pinapatabi ang mga taong nakaharang habang sumisigaw ng tulong sa mga nurse, pero mas nauna mo pang naisip na baka pinagtitinginan kayo ng mga tao kaysa sa manganganak ka na dahil sa takot mo na baka may makakilala sa’yo.

Nang mapadilat ka saglit ay nagtama ang mata niyo ni Rica, nagulat ka na lang nang mapatingin siya sa paligid at mukhang naisip niya rin ang naiisip mo kaya’t tinakpan niya ang mukha mo gamit ang tuwalya. Iyon ang unang beses na gumaan ang pakiramdam mo sa kanya, dahil alam mong kahit papaano ay may pakialam siya, hindi man sa’yo, pero thankful ka pa rin na baka ginawa niya ‘yon para kay Owen at Paopao.

Sunod kang nagkamalay ay nasa loob ka ng Emergency Room, pagdilat mo ng mga mata mo ay unang tumama ang mata mo sa isang alpha.

Kahit malaki na ang tinanda niya sa huling beses ng pagkikita niyo ay tandang tanda mo pa rin ang mukha niya. Parehong bakas ang gulat sa mga mukha niyong dalawa dahil paniguradong hindi iyon ang inaasahan niyong sunod na pagkikita niyong dalawa.

Hindi pumasok sa isip mo na ang sunod na pagkikita niyo ng matalik mong kaibigan noong bata ka na umalis patungo sa ibang bansa ay makikita mo sa pagkakataong manganganak ka na, habang siya ay doctor na katulad ng pinangarap niya noong mga bata pa kayo.

Binanggit niya ang pangalan mo.

Adriel?

Tinawag ka niyang Adriel pero kahit hinang hina ka na ay umiling ka sa kanya at sinabi mong Haviel.

Haviel ang pangalan mo.

Haviel Alonzo.

Kitang kita mo sa gilid ng mga mata mo na nakatingin sa’yo ang dalawang nurse, alam mong kilala ka nila base pa lang sa klase ng tingin na pinapakita nila sa’yo kaya’t mas lalo mong giniit habang inaasikaso ka nila na ikaw si Haviel.

Hindi Adriel. Hindi ka si Adriel.

Ayaw mong makonekta sa anak mo ang pangalang Adriel Beaufort.

Hindi pwede.

Hindi mo kayang madamay si Paopao sa lahat ng duming nakadikit sa totoong pangalan mo. Hindi mo kayang idamay sila ni Owen, kaya’t halos magmakaawa ka na sa kanila para lang maniwala silang ikaw si Haviel.

Pilit ka nilang pinapakalma, lalo na si Jasper, nang makita ka nilang umiiyak.

Manganganak ka na pero ibang bagay pa rin ang iniisip mo noon, halos mawalan ka na ulit ng malay, hindi nila pinapasok sa loob si Owen kaya’t wala kang kasama. Mas gusto mo sana na nasa tabi mo siya pero wala ka nang magawa at wala
ka rin masabi na sa kanila dahil nararamdaman mo nang palabas na si Paopao.

Nakita mong kakaiba pa rin ang tingin sa’yo ng mga nurse, kaya’t kahit nahihirapan ka na sa pag-iri kay Paopao ay napapatingin ka pa rin sa dalawang nurse.

Biglang inutos ni Jasper na umalis sila, hindi mo alam kung papaano mo pasasalamatan si Jasper nung mga oras na ‘yon pero buti na lang talaga, dahil naiilang ka sa klase ng tingin na binibigay sa’yo ng mga nurse. Alam niyong pareho na bawal ang ginawa niya, buti na lang ay hindi lumabas ng E.R. ang mga nurse, lumabas lang sila sa kurtina na nagseseparate sa mga hospital beds sa Emergency Room.

Nang maiwan kayong dalawa ni Jasper doon ay hindi na siya nagpigil na tawagin kang Adi. Ine-encourage ka pa niya at pinupuno ng comforting words habang nilalabas mo si Paopao, hindi ka rin naman kasi umi-iri nang malakas noon, ayaw mong magwala kahit sobrang sakit na kasi nahihiya kang marinig sa kabilang hospital bed dahil tanging kurtina nga lang ang nag seseparate sa mga ito. Mukhang may pasyente pa naman sa kabila.

Hindi mo na siguro natatandaan ang mga sumunod na nangyari sa’yo noon, ako man kasi, hindi ko na matandaan dahil nag-black out ka na nung mga oras na ‘yon, nagising ka na lang ulit nang marinig mo ang iyak ni Paopao, nasa loob na rin ulit ang dalawang nurse habang may inaayos sila, hawak-hawak naman ni Jasper ang anak mo, pinagmamasdan niya itong mabuti.

Sabi niya, kamukhang kamukha mo raw ang anak mo nung bata ka pa.

Kitang kita mo kahit sa gilid ng mga mata mo na nagkatinginan pa ulit ang dalawa nurse kaya’t agad mong sinabi na gusto mong hawakan si Paopao. Inabot sa’yo ni Jasper ang anak mo at agad mo itong tiningnan.

Sabi mo, nakuha ng anak mo ang mata ng asawa mo.

Napatigil si Jasper sa sinabi mo kaya’t nagkatinginan kayo ng matagal, nakangiti ka sa kanya ngunit bakas ang gulat sa mga mata niya. Sunod ay tinanong mo siya kung pwede mo na bang makita ang asawa mong naghihintay sa labas ng emergency room, ngunit aniya’y kailangan muna kayong mailipat sa kwarto.

Lalabas na sana siya upang kausapin si Owen ngunit may isang doctor ang tumawag sa kanya, may sinabi ito na hindi mo na narinig dahil naka-focus ka na sa anak mong patuloy lamang sa pag-iyak. Pag-angat mo ng tingin ay nakita mong tinatawag na si Jasper ng ibang nurse dahil mukhang may emergency siyang dapat puntahan, mukhang may sinabi ito sa isang doctor kaya’t napatingin ito sa iyo bago niya tinawag ang dalawang nurse upang sabihan si Owen na maaari na kayong makita nito pagkalipat mo sa maayos na kwarto.

Nagkatinginan kayo ng huling beses ni Jasper bago ito tuluyang umalis at sumama sa iba pang mga nurse.

Hindi mo na namalayan ang oras nang mailipat ka na sa kwarto, hindi mo alam kung papaano mo napapayag ang doctor na ipahawak lang sa’yo ang anak mo habang hinihintay niyo si Owen.

Agad napa-angat ang tingin mo sa pinto nang malakas itong bumukas, kitang kita mo kung paano lumiwanag ang mukha ni Owen nang makita niya kayong dalawa ni Paopao, para bang iyon ang pinakamasayang Owen na nakita mo sa tanang buhay mo.

Ipinakita mo si Paopao sa kanya at sinabi mong mukha siyang siopao dahil sa tambok ng pisngi nito. Natawa nang mahina si Owen sa sinabi mo bago siya mabilis na tumabi sa’yo, tinitigan niya ang anak niyo nang hindi nawawala ang masayang ngiti sa labi niya. Hinawakan niya ang kamay ni Paopao at halos matunaw siya dahil kumapit si Paopao sa daliri niya, bakas na bakas sa mukha niya ang pagkagulat dahil sa ginawa ni Paopao, pero ‘yung gulat na alam mong masaya siya, excited siyang tumingin sa’yo para ipakita rin sa’yo ang ginawa ni Paopao kaya’t halos matunaw ka rin nang matama ang mga mata niyong dalawa dahil hindi mo akalain na makikita mong ganoon kasaya si Owen.

Kung maaari ko lang kuhanan ng larawan ang eksaktong pangyayari na ‘yon, gusto kong kuhanan ‘yon ng larawan para maipakita ko sa’yo, para hindi mo makalimutan.

Kung makalimutan mo man ay araw-araw kong ipapaalala sa’yo kung gaano kayo kasaya ni Owen nung araw na ‘yon.

Kung pwede lang, Adi. Gagawin ko ang lahat para maalala mo ang lahat ng ‘yon.

Naging masaya kayo ni Owen nung pagkapanganak ni Paopao, araw-araw ay excited pa siyang gumising para alagaan si Paopao, tinutulungan din kayo ni Rica sa mga bagay-bagay, kahit medyo naiinis ka pa rin sa kanya dahil sa omega mong napakaseloso, ay hindi mo pa rin maipagkakailang kailangan niyo siya, sobrang laki ng naitulong niya sa inyo ni Owen sa pag-aalalaga kay Paopao, pati na rin sa pag-aasikaso ng mga papeles, at gayon na rin sa maliliit at pati sa malalaking bagay, lalo na sa pera sa tuwing kinakapos kayo sa pambayad ng mga vitamins ni Paopao.

Hindi mo rin kasi ma-control ang pagsusungit mo sa kanya, siguro ay dahil masungit talaga ang omega mo, sobrang protective, baka dahil kakapanganak mo lang kaya ganoon pa siya noon, at baka na rin alam ng omega mo na hindi pa kayo kasal ni Owen kaya’t kahit gusto mong maging kampante ay hindi mo magawa dahil walang pinanghahawakan ang omega mo, at nasa dugo niyo na talagang mga omega na maging masungit sa tuwing may lumalapit sa alpha niyo, kaya’t ganoon mo nalang kung ipagdamot si Owen. Pati nga si Paopao ay nadadamay na rin dahil ayaw mong pahawakan sa mga anak ni Rica, natatakot ka kasi na may mangyaring masama kay Paopao kaya’t inilalayo mo siya sa tuwing nagkukulitan ang mga bata sa tuwing bumibisita ang mga ito sa bahay niyo ni Owen.

Kahit sa kabila ng pagsusungit mo ay walang nagbago kay Owen, mukhang napapansin din niya ang pagbabago ng attitude mo noon pero hindi pa rin siya nagbago sa’yo, ina-adjust pa niya ang sarili niya para hindi sabayan ang pagiging masungit mo noon. Kahit pagod na pagod na siya sa pagbebenta at pag-aalaga sa inyong dalawa ni Paopao ay palagi pa rin siyang nakangiti sa’yo, palagi pa rin siyang nakayakap sa tuwing kailangan mo noon.

Kung natatandaan mo pa, walang araw na hindi siya nakayakap sa’yo noon sa tuwing hawak-hawak mo si Paopao, palagi siyang naglalaan ng oras para lang pagmasdan kayo ni Paopao at tsaka siya ngingiti na mag-isa.

Ramdam mo na ang pagod niya noon kaya’t kahit napapagod ka na rin ay ginagawan mo ng paraan para matulungan mo pa rin kahit papaano si Owen, madalas ay ikaw ang nag-aalaga kay Paopao, nasa labas lang naman si Owen ng apartment dahil nagtitinda siya ng lutong ulam kaya’t wala kang pangamba dahil alam mo namang nandyan lang siya.

Pero masakit pa rin ang katawan mo sa pagkakapanganak mo, nakadagdag pa ang pagbabago ng mood mo palagi, para bang lagi kang malungkot kahit ‘di mo naman alam ang dahilan, natatakot ka rin sa tuwing naalala mo na nagkita kayo ni Jasper ngunit hindi na kayo muling nagkausap, kumakabog ang dibdib mo sa tuwing naiisip mo na baka nabanggit na niya sa mga magulang mo na nakita ka niya, kaya’t parang may unti-unting nagbabago sa’yo. Hindi mo alam kung ano ‘yun, pero may nagbabago talaga.

Sabi ni Rica baka daw tinamaan ka ng post partum kaya ka laging malungkot, hindi ka naniwala dahil masaya ka naman sa tuwing nakayakap sa’yo si Owen, masaya ka naman sa tuwing nakikita mo si Paopao kaya umiling ka sa kanya, hindi totoo ‘yon. Nakiusap ka na lang sa kanya na huwag niyang sabihin kay Owen ‘yon dahil una ay hindi naman kamo totoo ‘yon, tsaka ayaw mong makadagdag pa sa isipin ni Owen ‘yon lalo na’t palagi siyang bagsak sa kama tuwing gabi sa sobrang pagod niya sa pagtatrabaho.

Wala nang nagawa si Rica dahil sa sinabi mo, mukhang pati siya ay nag-aalala na rin kasi kay Owen dahil masyado na niyang sinasagad ang sarili niya sa pagluluto at pagtitinda. Sa tuwing halos hindi na nga ito makapagpalit ng damit ay ikaw na ang nagpapalit ng damit niya, minsan ay nakakatulugan na rin nito ang pagligo kaya’t ikaw na ang nagpupunas sa kanya sa gabi para mawala ang pawis niya, minsan ay ginigising mo siya para kumain muna, wala siya sa sarili niya sa tuwing tumatayo siya patungo sa kusina at halos subuan mo na siya para lang makakain pa siya.

Para kang may dalawang anak noon lalo na sa tuwing gabi at nakayakap siya sa’yo, mahimbing ang tulog niya dahil sa sobrang pagod, humihilik pa nga siya minsan at talagang halos wala na siyang malay dahil gumigising siya ng madaling araw para mamili ng mga gulay at karne, sa umaga ay nagluluto, at nagbebenta naman siya buong araw, kaya’t sa gabi ay nagko-compute na lang siya ng pera at nagliligpit pero naglalaan pa rin siya ng oras para sa inyo ni Paopao pati sa mga gawaing bahay gaya ng paglalaba, sa tuwing nagpipresinta ka naman sa kanya na ikaw na ang maglalaba ay tumatanggi siya dahil kakapanganak mo lang daw.

Wala kang magawa kahit mamamatay ka na sa konsensya dahil ayaw niyang pumayag, kaya’t hindi mo maiwasang mag-alala sa kanya sa tuwing bagsak na bagsak na siya at nakaunan na lang sa braso mo habang pinapaypayan mo siya gamit ang karton ng pinagtaklob mo lang para magamit na pamaypay dahil pawis na pawis siya sa init ng panahon lalo na’t nasira na naman ang lumang electric fan niyo na pilit na lang inaayos ni Owen para gumana dahil wala kayong pamalit doon.

Sa tuwing inaayos mo ang pwesto niyong dalawa ay hindi siya nagigising kaya’t napapangiti ka nalang sa tuwing minamasdan mo siya, hindi ka pa rin makapaniwala na may magmamahal sa’yo ng ganoon, ‘yung tipong handa siyang mapagod araw-araw para lang sa’yo, hindi mo tuloy maiwasang hindi halikan ang noo niya noon sa tuwing matatapos kang punasan ang pawis niya sa noo, akala mo ay magigising siya sa tuwing dumadampi ang labi mo sa kanya pero hindi, gumagalaw lang siya para isiksik ang sarili niya sa leeg mo, dahil kahit tulog siya ay gustong gusto niya pa rin ang scent mo.

Kung kaya mo lang at kung papayag lang si Owen ay gusto mo siyang tulungan, hindi lang sa pag-aalaga kay Paopao kundi para na rin kumita ng pera, pero wala kang magawa, kahit ang katawang lupa mo ay sumusuko na rin. Sanay kang wala kang ginagawa palagi, nasanay ang katawan mo na ganoon kaya’t kahit ang pag-aalaga ng buong araw kay Paopao ay hindi mo magawa, para kang laging nahihilo, hindi pa nakakatulong ang kakaibang lungkot na nararamdaman mo nung mga oras na ‘yon.

Minsan hindi mo namamalayan na mas nauuna ka pang nakakatulog kaysa kay Owen, naabutan ka na lang niyang nakaupo sa sofa at wala ng malay habang buhat-buhat mo si Paopao. Magigising ka na lang na binubuhat ka na ni Owen patungo sa kama at natutulog na si Paopao sa kuna.

Sa tuwing nangyayari ‘yon ay mas lalong bumibigat ang nararamdaman mo.

Ayoko man ipaalala na sa’yo ang mga sumunod na nangyari pero kailangan ko pa rin sabihin para maintindihan mo, nalugi ang pagbebenta ni Owen ng ulam kaya’t kailangan niyang magtrabaho ulit, kinakailangan niyang magtrabaho ng tatlong trabaho para lang mapunan lahat ng babayaran niyo, halos hindi mo na siya makita sa araw-araw dahil tulog ka na sa tuwing umuuwi siya, tas wala na siyang tuwing magigising ka, ayos lang naman sa’yo dahil alam mong ginagawa niya ‘yon para sa inyong dalawa ni Paopao pero hindi mo maintindihan ang sarili mo kung bakit ka nalulungkot, parang may lumalason sa utak mo sa tuwing nakikita mo siyang nahahapo sa pagtatrabaho.

Paulit-ulit mong sinisisi ang sarili mo noon.

Wala kang araw na hindi mo sinisi ang sarili mo noon.

Nililibang mo na lang ang sarili mo sa pakikinig ng radyo na binigay ni Rica sa inyo, araw-araw ay nakikinig ka dito sa tuwing pinapatulog mo si Paopao, naalala ko pa na mayroon kang nakabisadong kanta noon dahil iyon palagi ang tumutugtog noon sa radyo kaya’t hindi mo namamalayan na sa tuwing lumalabas ka ng umaga para paarawan si Paopao ay palagi mo na iyong kinakanta.

Naalala mo kasi sina Owen at Paopao sa kantang ‘yon, hindi mo alam kung bakit, ‘di mo rin alam kung bakit sa tuwing kinakanta mo ‘yon kay Paopao ay nakakatulog agad ang anak mo.

Wala ng panahon si Owen para paarawan si Paopao, naiintindihan mo ‘yun at isa pa, hindi naman na siya dapat ang gumagawa noon, kaya’t nawala lahat ng takot mo noon na lumabas ng bahay dahil alam mong kailangan mapaarawan ng anak mo tuwing umaga, kaya’t kahit alam mong malaki ang posibilidad na may makakilala sa’yo sa mga kapitbahay niyo ay hinayaan mo na lang.

Patuloy ka sa pagkanta ng Para Lang Sa’yo ni Aiza Seguerra habang nasa hallway ka ng apartment. Kung naalala mo pa ay minsan kayong nagkatinginan ng matandang kapitbahay niyo, ngumiti ito sa’yo at ngumiti ka rin sa kanya pabalik. Hindi ka siguro niya kilala kaya’t napakabait pa rin niya kahit nakita ka na niya.

Pinagpatuloy mo ang pag-hum sa kanta habang pinagmamasdan mo ang anak mo, kuhang-kuha talaga niya ang mata ni Owen. Nang pinagpatuloy mo ang pagkanta mo ay natigilan ka ng biglang tumawa si Paopao, iniisip mo kung anong nakakatawa at bakit siya nakangiti, parang natunaw ang puso mo dahil kahit ang ngiti niya ay nakuha niya rin kay Owen.

Paniguradong hindi mo alam kung bakit pakiramdam mo ay magiging ayos lang ang lahat sa tuwing pinagmamasdan mo ang anak mo. Kaya’t kahit mabigat na ang pakiramdam mo ay para bang nawawala ‘yon sa tuwing nakikita mo ang ngiti niya.

Kaya naman akala mo ay magiging okay lang ang lahat, akala mo ay magiging maayos din ang buhay niyo, magiging masaya ulit kayo, maaaring pagod lang kayo nung mga araw na ‘yon pero babalik din ang lahat sa normal. Akala mo…

Pero hindi pala.

Baka naalala mo pa, Adi.

May isang umaga, habang pinapaarawan mo ulit si Paopao sa may hallway ng apartment building noo, nakita mong may humintong mamahaling sasakyan sa maduming kalsada sa tapat niyo, para bang hindi dapat nandoon ang ganoong kamahal na sasakyan.

Napakunot ang noo mo at akmang babalik ka na sana sa loob upang magtago ngunit napako ang mga paa mo sa sahig dahil sa sobrang gulat, hindi ka na nakagalaw nang makita mong bumaba ng sasakyan si Jasper.

Nakasuot ito ng puting buttons down shirt na long sleeves at men’s jeans, may suot din itong mamahaling relo at magandang shades sa kanyang mata, may gold necklace din siya leeg at halatang mamahalin ang sapatos na tinatapak niya sa maputik na kalsada.

Agad na inalis ni Jasper ang kanyang shades nang humarap siya ng diretso sa apartment niyo na para bang alam na alam niya kung saan ka nakatira, nagtama agad ang mga mata niyo noon kaya’t alam mong wala ka ng takas sa kanya.

Wala kang nagawa kundi ang papasukin siya sa bahay niyo, agad niyang inilibot ang paningin niya sa buong apartment na tinitirahan mo na para bang may malalim siyang iniisip, hinahawakan pa niya ang ilang nakadisplay sa bahay niyo at tumitigil pa talaga siya sa harap ng salamin kung saan nakadikit ang mga picture niyong dalawa ni Owen.

Inalok mo siya ng kape ngunit tumanggi siya, tinanong ka niya kung kumusta ka na, tinanong niya rin kung maayos lang daw ba si Paopao dahil hindi ka na bumalik sa ospital simula nang manganak ka. Sinabi mong ayos ka lang at tumango naman siya, kitang kita mo kung paano niya pinasadahan ka ng tingin mula ulo hanggang paa, na para bang hinusgahan na niya ang itsura mo.

Alam mo naman noon na medyo namayat ka, at malalim na ang itim sa mga mata mo, alam mo rin na mukha ka ng pagod dahil halos wala ka ng tulog kakabantay kay Paopao pero hindi ka naman niya kailangan tingnan ng ganoon… na para bang naaawa siya sa’yo.

Tinanong ka niya ulit kung kumusta ka na Adriel pero agad mong sinabi na Haviel.

Haviel ang pangalan mo at hindi Adriel.

Napatigil siya at napatitig sa’yo, naguguluhan dahil sa pamimilit mo sa bagong pangalan mo. Kaya’t kahit nalilito ay inulit niya ang tanong sa’yo ngunit sa pangalang Haviel na. Noon mo lang sinagot ang tanong niya, sinabi mo mong ayos ka lang pero natawa siya ng sarkastiko.

Hindi ka raw mukhang ayos lang.

Sinabi niya rin sa’yo na matagal ka nang hinahanap ng mga magulang mo simula noong umalis ka sa dating baryo mo, hindi naman daw kumalat sa balita na nawawala ka, tinatago raw ng mga magulang mo ang balitang ‘yon, sabi nila ay nasa ibang bansa ka at nagbabakasyon kahit ang totoo ay kumuha na sila ng maraming private investigator para ipahanap ka sa kung saan-saan mang lupalop ng mundo. Bukod sa Maynila syempre, dahil paano nila maiisip na nakatira ka ngayon sa mismong lugar na tinatakasan mo.

Ani Jasper na nakarating daw sa magulang mo na lumayas ka sa dati mong pack dahil may isang lalaking nanira sa’yo doon kung saan sinabi nito ang nakaraan mo sa buong baryo kaya’t umalis ka sa lugar na ‘yon ng walang paalam, totoo naman ang lahat ng sinabi ni Jasper ngunit nagtataka ka dahil may kulang sa kwento niya.

Kaya’t tinanong mo siya kung ano pang mga nalalaman niya, kinuwento ni Jasper na kaya niya lang naman daw nalaman ang lahat ng ‘yon ay dahil pinuntahan ka niya pagkauwi niya ng bansa ngunit kinuwento ng mga magulang mo ang lahat sa kaniya, kaya’t alam niya ring patay na si Carlos at ang buong pamilya nito.

Unti-unting bumagsak ang mga luha sa mata mo noon dahil sa takot, napayakap ka nang mahigpit kay Paopao dahil alam mo…

Alam mong mga magulang mo ang may gawa noon.

Alam mong kaya nilang gawin ‘yon.

Kaya’t nang mapahinto ka nang may maalala ka ay para bang binuhusan ka ng malamig na tubig. Nanginginig ang mga kamay mo noong tinanong mo kung may iba pa bang namatay sa baryo na ‘yon pagkaalis mo doon, sobrang bilis ng kabog ng puso mo dahil hindi mo matatanggap kapag nadamay ang pamilya ni Owen at ang pamilya ni Mary Joy.

Umiling si Jasper at sinabing wala ng ibang namatay bukod sa pamilya ng pack leader. Halos mabunutan ka ng tinik sa narinig mo kahit alam mong hindi tama na maging ganoon ang reaksyon mo dahil may isang pamilya ang namatay, lalo na’t alam mong kagagawan ‘yon ng tatay mo, at ikaw ang dahilan noon, pero hindi mo maiwasan dahil gusto mo lang namang malamang ligtas ang pamilya ni Owen.

Ani pa Jasper ay kaya niya alam ang lahat ng ‘yon ay dahil nagpa-imbestiga rin siya tungkol sa’yo, gusto niyang malaman kung ikaw ba talaga ang nakita niya sa ospital kahit na nga ba siguradong sigurado siya na ikaw nga talaga ‘yon.

Hindi mo na siguro masyadong naaalala Adi pero ako kasi ay natatandaan ko pa kung papaano unti-unting bumagsak ang luha ni Jasper noon sa harapan mo nang humingi siya ng tawad sa’yo.

Napahinto ka lang sa harapan niya dahil hindi mo akalain na makikita mong umiiyak si Jasper, lalo na sa ganoong sitwasyon. Humihingi siya ng tawad sa’yo dahil hindi niya natupad ang pangako niya nung mga bata pa kayo.

Naalala mo pa ba Adi ‘yung pangako niya nung musmus pa kayo’t puro pulbos pa ang likod niyo? Kung ‘di mo na naalala, nahulog ka noon sa puno sa likod ng bahay niyo dahil inatake ka ng isang ibon, agad kang dinaluhan ni Jasper noon para itanong kung ayos ka lang ba nang mabilis siyang bumaba sa punong inaakyat niyo, mabuti na lang at hindi masyadong mataas ang kinabagsakan mo dahil hindi ka pa nakakapanik ng tuluyan noon kaya’t konting galos lang ang natamo mo.

Iyak nang iyak si Jasper noon kasi sinisisi niya ang sarili niya sa pagkabagsak mo, kung ‘di ka raw sana niya inayang umakyat sa puno ay hindi ka raw sana nahulog, sa huli ay ikaw pa ang nag-comfort sa kanya dahil siya pa ang umiyak sa inyong dalawa.

Noon, pinangako niya sa’yo na poprotektahan ka niya, hindi na niya hahayaang may ibon na umatake sa’yo, poprotektahan ka raw niya sa lahat. Sinabi rin niya na kapag naging doctor siya ay gagamutin niya lahat ng sugat at peklat mo, tapos libre ka lang daw niyang gagamutin bilang kabayaran sa pagkakahulog mo sa puno, tinawanan mo lang siya noon habang pinupunasan mo ang luha niya dahil mga bata pa kayo noon at alam mong sinasabi niya lang ‘yon out of guilt sa pagkakahulog mo, hindi mo akalain na seseryosohin pala niya ‘yon paglaki niyo.

Kaya’t walang tigil na naman ang luha niya noong mga panahon na nakita ka niyang muli, doon mo napagtanto na katulad pa rin siya ng Jasper na kalaro mo noon, ang kaibahan lang ay Dr. Jasper Guevarra na siya nung mga panahon na pinuntahan ka niya sa bahay mo.

Hindi mo na namamalayan na umiiyak ka na rin noong halos maubusan siya ng paghinga sa pag-iyak dahil sinisisi na naman niya ang sarili niya na wala siya noong panahon na nangyari sa’yo ang lahat ng tinatakasan mo. Bumabagsak lang ang mga luha mo habang pinagmamasdan mo si Jasper na parang batang umiiyak, aniya’y sana raw nandoon siya noong mga panahon na ‘yon dahil hindi niya hahayaang mangyari sa’yo lahat ng ‘yon, sabi niya’y kahit simpleng hawak ay hindi niya hahayaan na dumapo sa’yo, papatayin niya ang lahat ng magtangka, at wala siyang sasantuhin kahit isa.

Doon mo lang din naalala na kinabukasan pagkatapos mong mahulog sa puno ay pumunta si Jasper sa bahay niyo na puno ng dugo, buhat-buhat ang ibong umatake sa’yo na wala ng buhay dahil sa nakatusok na pana dito, nakangiti si Jasper sa’yo na para bang ipinagmamalaki niya na pinatay niya ang ibong umatake sa’yo.

Sa kabila ng matamis niyang ngiti at ng masangsang na amoy ng patay na ibon ay naamoy mo rin ang pag-usbong ng kakaibang amoy mula kay Jasper, hindi mo pa ‘yon alam noon kasi bata ka pa pero noong lumaki ka na ay alam mo na kung ano ang naamoy mo nung mga panahon na ‘yon.

Alpha.

Jasper is a full-blooded Alpha.

Kaya’t alam mo ring hindi siya nagbibiro nang sinabi niyang wala siyang sasantuhin.

Tumanggi ka sa ino-offer niya sa’yong tulong, naiintindihan mo na gusto ka niyang protektahan pero napagtanto mong hindi mo kailangan noon dahil nandyan naman si Owen, hindi mo rin kailangan ng kahit anong awa mula sa kanya dahil masaya ka naman sa buhay mo.

Iyon ang pinapaniwala mo noon sa sarili mo.

Hindi pumayag si Jasper na tanggihan mo ang tulong niya kaya’t araw-araw ay binabalikan ka niya upang pilitin ka na tanggapin ang tulong niya sa’yo, araw-araw din ay nakikiusap ka sa kanya na huwag na siyang babalik dahil ayaw mong makita siya ni Owen, hindi dahil sinesekreto mo siya kundi dahil natatakot kang malaman ni Owen ang kundisyon mo, ayaw mo nang dumagdag pa sa problema niya.

Pero nakikiusap pa rin si Jasper sa’yo na tanggapin mo ang tulong niya kahit hindi na financially, kahit pumayag ka na lang na gamutin ka niya dahil aniya’y kailangan mo ng maayos na medikasyon. Kailangan niyong pareho ni Paopao dahil mahina ang anak mo lalo na’t bunga siya ng first heat mo after mong i-suppressed iyon ng ilang taon simula nang mangyari sa’yo ang nakaraan mo.

Noong una ay tumanggi ka pa rin pero nang may isang gabi na napasigaw ka na lang nang makita mo ang anak mong nagsusuka ay hindi mo na natanggihan ang tulong ni Jasper.

Tandang tanda ko pa na takot na takot ka nang makita mong sumusuka ang anak mo sa taas ng lagnat niya, hindi mo alam ang gagawin mo dahil sa takot na baka kapag hinawakan mo siya ay mas lalo siyang magsuka, nang marinig ni Owen ang malakas na sigaw mo ay agad siyang nagtatakbo patungo sa kwarto kahit naglalaba pa siya sa banyo, mabilis niyang dinampot si Paopao sa kuna niya at sinalat ito, nakatayo ka lang sa gilid at umiiyak dahil hindi mo alam ang gagawin mo.

Mabilis na kinuha ni Owen ang wallet niya at sumigaw sa labas niyo upang tumawag ng tricycle, sinundan mo sila pero nang tumuntong ka sa harap ng pintuan ay napatigil ka, hindi ka makalabas ng bahay dahil nung huling punta mo sa ospital ay maraming nakakilala sa’yo, kung hindi lang sila pinatahimik at binayaran ni Jasper ay paniguradong kalat na kung nasaan ka.

Hindi mo kayang madamay si Owen at ang anak mo kapag may nakaalam, hindi mo kayang isugal ang dalawang mahal mo, kaya’t kahit noong nasa kalsada na si Owen at tumingin siya sa’yo sa harap ng humintong tricycle ay wala kang nagawa kundi ang tingnan lang siya pabalik habang bumabagsak ang mga luha mo.

Nakita mo ang lungkot sa mga mata niya bago siya pumasok sa loob ng tricycle.

Napahawak ka sa dibdib mo pagkatapos mong isarado ang pinto.

Kahit ilang beses mong paulit-ulit na hampasin ang dibdib mo ay hindi mawala-wala noon ang sakit na nararamdaman mo, at kahit anong iyak mo ay hindi mo matanggap sa sarili mo na nagawa mo lang silang panoorin papalayo sa’yo.

Mabuti na lang at dinala ni Owen si Paopao sa ospital nila Jasper. Siguro ay dahil doon pinanganak si Paopao kaya’t doon niya ito dinala. Mabuti na lang dahil kinabukasan ay pumunta ng umaga si Jasper sa bahay niyo para sabihing siya na ang bahala sa lahat ng gastusin ni Paopao sa ospital, kahit ayaw mong tanggapin ay wala kang magawa dahil mahal ang bayad doon at hindi mo alam kung paano niyo mababayaran ni Owen ‘yon. Lalo na’t gusto mong gumaling na si Paopao sa lalong madaling panahon, mas mabuti na si Jasper na ang magbayad para lahat ng treatment ay maibigay sa anak mo. Kailangan mo rin na doon ka dumipende sa sigurado, walang magbabantay kay Paopao, nagtatrabaho si Owen, ‘di mo naman magawang lumabas para puntahan ang anak mo, kapag nasa ospital siya ni Jasper, alam mong hindi siya pababayaan nito, alam mong ang pinakamagagaling na nurse ang kukunin niya para sa anak mo.

Desperado ka na noon, alam mong hindi na kayang akuin ni Owen lahat dahil tatlo na ang trabaho niya pero nagkukulang pa rin ‘yon sa pang araw-araw niyong gastusin tapos madadagdagan pa ang babayaran niya dahil sa mga hospital bills. Ayaw mo na siyang makitang nahihirapan, kaya’t pumayag ka na sa gusto ni Jasper pero sinisigurado mong mababayaran mo siya, kapag okay na ang pakiramdam mo, kapag nakabawi ka na sa lakas mo pagkatapos mong manganak ay hahanap ka agad ng paraan para makapagtrabaho rin, kahit magbenta ka ng mga tinatahi mo, o kahit ano, kahit anong trabaho papatusin mo para makabayad ka sa mga utang mo kay Jasper.

Desidido ka na sa mga plano mo ngunit may isang umaga na naramdaman mong nanghihina na ang mga tuhod mo, napaluhod ka sa sahig habang pinapakiramdaman mo ang sarili mo, isang linggo ng mainit ang katawan mo pero hindi mo lang iniinda dahil nga ayaw mo nang sumabay pa sa sakit ng anak mo, pero wala ka na talagang lakas, hindi mo na siguro naalala pero nagising ka noon na tinatapik ni Jasper ang mukha mo, hinimatay ka sa loob ng bahay mo at agad ka namang ginamot ni Jasper dahil may dala siyang gamit palagi sa tuwing binibisita ka niya.

Nagpaalam siya sa’yo na tutusukan ka niya ng gamot at wala ka nang nagawa kundi ang tumango, ini-upo ka niya sa plastic na upuan niyo noong magkaroon ka na ulit ng kaunting lakas, doon niya sinalat ang noo mo hanggang sa mapamura siya nang malaman niya ang taas ng lagnat mo, aniya’y kaya ka nagkakaganiyan ay dahil nahihirapan ang katawan mo sa panganganak mo, epekto raw iyon ng lahat ng suppressant na tinusok mo at ng mga gamot na ininom mo para mapatay mo ang omega mo noon.

Mas lalo siyang nakiusap sa’yo na pumayag ka nang magpagamot sa kanya, wala ka nang nagawa kundi ang pumayag, pero nakiusap ka rin sa kanya na huwag siyang magpapakita kay Owen, magiging dagdag isipin pa siya ni Owen, ayaw mong mangyari ‘yon, lalo na nung mga panahon na ‘yon dahil nakikita mong napapagod na siya, kaya’t kahit labag sa loob ni Jasper ay pumayag din siya sa gusto mo para lang magamot ka niya, nagdadala rin siya ng pangtanggal ng scent niya sa buong bahay niyo noon para hindi siya maamoy ni Owen.

Alam mong kasing posibleng mahirapan si Owen kapag nalaman niya

Kaya’t nagbalik-balik si Jasper sa bahay mo para painumin ka ng gamot at i-check ang nararamdaman mo habang nasa ospital ang mag-ama mo. Hindi mo alam kung anong nangyayari sa kanila doon dahil wala ka para samahan sila, masakit pa rin sa puso mo na wala kang magawa, pero may isasakit pa pala ‘yon nang minsan kang tinanong ni Jasper kung bakit hindi mo pinupuntahan si Paopao, umamin ka’t sinabi mong natatakot kang makita ng mga tao, napatigil si Jasper ngunit naiintindihan daw niya ang punto mo, kaya’t tinanong ka niya kung bakit hindi mo na lang daw sabihin sa mga magulang mo ang totoong nangyari, mas matutulungan ka raw nila at sigurado naman daw siyang kahit magalit ang mga magulang mo sa’yo ay matatanggap ka pa rin nila at ang anak mo.

Pero ‘yun na nga ang problema.

Matatanggap ka at ang anak mo.

Kayo lang…

Kaya’t kahit anong paliwanag ni Jasper sa’yo ay hindi ka kumikibo.

Hanggang sa isang araw ay napatitig ka sa gamot na hawak mo, ilang segundo mo iyong tinitigan bago ka naglakad patungo sa kabinet niyo sa kwarto, binuksan mo ‘yon at tumambad sa’yo ang eksaktong gamot, kaya’t pagdating ni Jasper ay tinanong mo siya kung anong klaseng gamot ‘yon at bakit may ganoon din si Owen, pinaliwanag ni Jasper sa’yo na gamot lang ‘yon sa trangkaso, halos himatayin ka sa narinig mo mabuti na lang at nasalo ka ni Jasper.

Umiyak ka na naman nung araw na ‘yun.

‘Di mo alam kung ano bang magagawa ng mga luha mo, pero patuloy ka pa rin sa pag-iyak, inaalo ka na lang ni Jasper, pinapakalma ka niya pero hindi mo magawang kumalma dahil ilang araw na palang may sakit din si Owen.

Parehong may sakit ang mag-ama mo pero wala kang ginagawa. Nakaupo ka lang sa bahay niyo at nagdadasal sa lahat ng santo, pati mga Diyos na hindi mo kilala ay dinadasalan mo na para lang magmakaawa na pagalingin ang pamilya mo.

Nagtataka si Jasper kung bakit ka umiiyak, kaya’t sinabi mo sa kanya na ‘di mo alam na may sakit na rin si Owen nung mga oras na ‘yun, walang lumabas sa bibig mo noon kundi ang paninisi lang sa sarili mo, nasasaktan ka nang mapagtanto mo na nung mga oras na tinatanong mo si Owen kung ayos lang ba si Paopao ay hindi mo siya natatanong kung ayos lang din ba siya, kaya’t agad nagsalita si Jasper. Hindi naman daw malala ang sakit ni Owen, mukhang nahawa lang daw ito sa trangkaso mo.

Nahawa sa trangkaso mo?

Kaya’t napatigil ka noon at napatingin kay Jasper, kasi paano niya nalaman na nahawa lang siya sa’yo? Agad mo siyang kinompronta at sinabi niya na nagpapagamot din daw si Owen sa ospital nila, agad kang lumayo kay Jasper pagkatapos mong marinig ang sinabi niya, nagagalit ka sa mga narinig mo, kasi matagal na pala niyang alam pero bakit hindi niya sinasabi sa’yo?

Ngunit napatigil ka rin nang mapagtanto mong hindi rin naman sinabi ni Owen sa’yo, pero nang inalala mo ang mga nangyayari nung ilang araw bago mo malaman na may sakit siya ay nakikita mo rin naman siyang umiinom ng gamot, nakikita mong napapapikit siya at napapahawak sa ulo niya sa tuwing nakaupo siya sa plastic na sofa niyo, ibig sabhin ay hindi niya sinikreto sa’yo, masyado ka lang talagang lutang nung mga araw na ‘yun kaya’t hindi mo napagtanto agad.

At alam mong pagkukulang mo ‘yon pero imbes na imbuntong mo ulit ang galit sa sarili mo ay napunta ‘yon kay Jasper, napunta ang galit mo sa kanya dahil wala kang ibang mapagtapunan ng galit mo noon at si Jasper lang ang nandoon.

Kaya pala nagkakabaon-baon pa rin si Owen sa utang kahit si Jasper ang sumasagot ng mga kailangan ni Paopao ay dahil hindi niya sinasama ang kay Owen, nagulat ka nang malaman mo ‘yun pero ani Jasper ay wala naman daw siyang pakialam sa nobyo mo kaya’t hindi niya pinapakialaman ang mga gamot na kailangan nito, pero nagsimulang tumaas na ang boses mo nang malaman mong na-confine pa pala si Owen pero wala man lang sinabi si Jasper sa’yo, imbes na sisihin mo ulit ang sarili mo noon ay bumaling kay Jasper ang sama ng loob mo dahil hindi man lang niya sinabi sa’yo, para man lang magawan mo ng paraan ang bayarin.

Ngunit natigilan ka dahil anong klaseng paraan naman? Wala kang ibang paraan kundi si Jasper lang, kay Jasper ka lang makakahingi ng tulong, bukod doon ay wala na kaya’t ibinababa mo na ang pride mo sa gitna ng pagtatalo niyo, nakiusap ka sa kanya na idamay muna ang mga bayarin sa pagpapagamot kay Owen, kapag okay ka na ay hahanap ka na rin ng trabaho para mabayaran mo ang mga utak mo sa kanya ngunit agad na umiling si Jasper.

Aniya’y wala siyang balak na tulungan ang nobyo mo dahil siya raw ang dahilan kung bakit ka nagkakaganoon, siya raw ang dahilan kung bakit naghihirap ka, siya ang dahilan kung bakit nasasaktan ka, at siya ang dahilan kung bakit lumalala ang sakit mo.

Kung sana ay hindi ka raw niya binigla, kung sana ay hindi ka niya binuntis sa pagkatapos na pagkatapos mong tumigil sa suppressant, at kung sana man lang daw ay inangkin ka niya nang hindi nagkakaganito ang omega mo.

Lumala ang pagtatalo niyo ni Jasper dahil hindi niya maintindihan, kahit anong paliwanag mo ay hindi niya maintindihan na walang kasalanan si Owen, walang kasalanan ‘yung mahal mo dahil wala siyang alam. Hindi mo siya binigyan ng pagkakataon na malaman niya sa takot na baka makadagdag ka pa sa problema niya.

Noong gabi na ‘yon ay hinawakan ni Jasper ang kamay mo, nakiusap siya sa’yo na bumalik ka na sa mga magulang mo dahil hindi na niya maatim na nakikita kang nagkakaganoon, hindi na niya masikmurang nakatira ka sa maliit na apartment na ‘yon.

Nagalit ka dahil alam mong hindi ka niya maiintindihan.

Kahit kailan ay hindi ka niya maiintindihan.

At kahit anong gawin mo ay hinding hindi niya maiintindihan na mas pipiliin mong tumira sa maliit na apartment na ‘yon kaysa sa malaking mansion ng mga magulang mo.

Sabi niya’y nahihibang ka na.

Baka nga.

Baka nga nahihibang ka na talaga nung mga oras na ‘yon dahil kahit anong mangyari, kahit ulitin ang oras, araw, at panahon, mas pipiliin mo pa ring maulit lahat, gagawin at gagawin mo pa rin ang lahat ng ginawa mo, pipiliin at pipiliin mo pa rin na maranasan ang lahat, kahit maghirap ulit kayo, ayos lang sa’yo, uulit-ulitin mo makasama mo lang ang mag-ama mo.

Pero bakit ganoon, Adi?

Bakit nga ba naging ganoon ang mga desisyon mo noon?

Nang biglang umuwi si Owen ng maaga ay hindi ka nagpaliwanag nang maayos kay Owen, nagulat ka, oo, pero pinauwi mo lang si Jasper na mukhang ayaw pa ring umuwi dahil desidido talaga siyang pabalikin sa mga magulang mo.

Parang may kumirot sa puso mo nang hindi mo mabasa kung anong mas nangingibabaw sa mukha ni Owen nung mga oras na ‘yon, kung galit ba? Lungkot? O sakit?

Noon mo lang siya nakitang nagkaganoon, at kahit alam mong halos sumabog na siya dahil sa naabutan niya ay nanatili siyang kalmado, hindi ka niya pinagtaasan ng boses kahit isang beses, kahit nasasaktan na siya, kahit nagagalit na siya, kahit may diin na ang bawat mga salita niya, alam mong mas pinili niyang huwag kang saktan.

Hindi siya katulad mo, Adi.

Alam niya kung anong mga makakasakit sa’yo kaya’t iniiwasan niya, pero ikaw? Ikaw, Adi? ‘Yung mga iniiwasan mong sabihin sa kanya ang mga mas kinakasakit pa niya lalo. Hindi mo pa alam ‘yon noon, wala ka pang ideya na ‘yung mga bagay na hindi mo sinasabi sa kanya na akala mo magpoprotekta sa kanya ang mas nakakapagpalala sa problema niyo noon.

Ayaw mo lang naman noong makadagdag pa sa mga problema niya, dahil iniisip mo noon na wala kang tinutulong sa kanya tapos dadagdag ka pa sa mga isipin niya?

At isa pa, alam mong wala na kayong kawala noon, para bang lahat ng dulo ng mga daanan niyo noon ay nakasarado na.

Hindi mo kayang magtrabaho dahil bukod sa wala kang alam na trabaho ay hindi pa rin kaya ng katawan mo, dumadalas ang panghihina ng katawan mo at pagsakit ng ulo mo, wala ka nang ganang gumalaw pero pinipilit mo na lang para sa anak mo, masyado ring magulo ang isipan mo noon, para bang wala ka palagi sa sarili mo kaya’t lumilipas ang mga araw nang hindi mo na namamalayan, hindi mo nga alam kung bakit sobrang bilis ng paglipat ng mga araw noon para sa’yo, ‘yung tipong hindi mo na mamalayan ang araw kung hindi nag-iiwan si Owen ng mga sulat sa bahay niyo araw-araw para ipaalala sa’yo ang mga gamot ni Paopao.

Tapos si Owen, nakikita mong hindi na rin niya kaya, pabalik-balik sila ni Paopao sa ospital para sa check up nito, naubos na rin lahat ng ipon niyo para kay Paopao, sa oras na tumigil siya sa trabaho ay hindi na kayo makakain kaya’t hindi niya makayang tumigil sa pagtatrabaho. Hindi naman pwedeng hindi ibalik si Paopao sa ospital dahil ani Jasper ay mahina nga ang anak mo, hindi rin nito kakayanin kapag tumigil sa paggagamot.

Kaya’t wala.

Wala ka nang ibang nakikitang ibang paraan.

Alam mong nasaktan mo si Owen noong gusto niyang ilipat si Paopao sa ibang ospital at hindi ka pumayag.

Si Jasper na lang ang nag-iisang maaari mong takbuhan noon, lahat ng paraan ay sarado na bukod kay Jasper, kaya gusto mong ibaba rin ni Owen ang pride niya katulad ng pagbaba mo ng pride mo nung mga oras na ‘yon para lang maka-survive kayo ng pamilya mo dahil wala na talagang ibang paraan.

Hindi mo mabasa ang nasa mukha ni Owen nung mga oras na ‘yun pero alam mong binabasag mo ang puso niya nung mga oras na ‘yun. Wala ka lang magawa dahil kahit bali-baligtarin ang buhay niyo noon, totoong si Jasper na lang ang pag-asa niyo noon.

Akala mo ay wala nang mas ilalala pa ang sitwasyon noon, akala mo ay wala nang mas makakapagpasakit pa sa damdamin mo nung araw na ‘yun pero hindi.

Nang makita mong nawalan ng malay si Owen sa harapan mo ay naranasan mo kung paano huminto ang mundo noon.

Bumagsak si Owen sa sahig na walang malay, katulad na katulad kung paano ka mawalan ng malay nung mga panahon na ‘yon, kahit nanginginig ang mga kamay mo at hindi tumitigil ang pagbagsak ng mga luha mo ay agad mong hinanap ang cellphone na binigay ni Jasper sa’yo, nakatago pa ‘yon sa pinakailalim ng lumang kabinet niyo, binigay niya lang ‘yon sa’yo para matawagan mo siya kapag may nangyaring masama sa’yo.

Hindi mo ginamit ‘yun kahit kailan, kahit ilang beses ka nang nawalan ng malay at kahit ilang beses nang sumakit ang ulo mo ng sobra, hindi mo ginagamit ‘yon, ginamit mo lang ‘yun nung may nangyaring masama kay Owen.

Agad mong tinawagan si Jasper noon habang tumatakbo ka pabalik kay Owen para salatin ito at pilit gisingin, walang tigil ang paghagulgol mo habang tinatapik mo si Owen dahil hindi ito magising gising. Halos hindi ka na makahinga sa sobrang pag-iyak mo, sobrang bilis ng tibok ng puso mo at halos hindi mo na makita ang mukha ni Owen dahil punong-puno na ng luha ang mga mata mo. Nang sagutin na sa wakas ni Jasper ang tawag mo ay halos mapasigaw ka sa sobrang pag-iyak, hindi mo masabi nang maayos sa kanya ang gusto mong sabihin dahil ayaw lumabas ng mga salita sa bibig mo.

Mabuti na lang at agad inikot ni Jasper pabalik ang sasakyan niya sa bahay niyo. Malakas ang pagkakabukas ni Jasper nang pinto, akala niya nung una ay sa’yo may nangyaring masama, kaya’t nang bumaba ang tingin niya kay Owen ay bahagya pang napabuntong hininga siya, napuno ka nang galit noon pero hindi mo siya magawang suntukin dahil kailangan mo siya, binuhat niya si Owen at agad kang sumunod kay Jasper.

Gabi na noon kaya’t wala masyadong tao sa labas ng kalsada, mabuti na lang dahil siguro ay apat na tao lang ang nakakita noon sa inyo noong pinapasok niyo si Owen sa sasakyan.

Nakaupo kayong dalawa sa likuran, yakap-yakap mo ang walang malay na katawan ni Owen habang patuloy ka sa paghagulgol. Nakailang punas ka sa pawis nito sa noo habang binubulong mo sa kanya na kumapit lang siya kahit alam mong hindi ka niya naririnig, kahit gulong-gulo ka na noon ay nakita mong ilang beses napatingin si Jasper sa front mirror para tanawin kay habang mabilis niyang pinapaandar ang sasakyan.

Nang makarating kayo sa ospital ay agad niyang inutos sa mga nurse na kunin si Owen, akmang sasama ka sa loob ng emergency room pero mabilis kang pinigilan ni Jasper, kung hindi naka-alalay si Jasper sa’yo nung mga oras na ‘yun ay malamang ko ba ay bumagsak ka na sa sahig.

Pinagtitinginan na kayo ng mga tao sa sobrang lakas ng pag-iyak mo, nakalimutan mo na nung mga oras na ‘yun kung sino ka dahil wala nang ibang tumatakbo sa isip mo noon kundi si Owen lang.

Nang mapansin siguro ni Jasper ang mata ng mga tao sa inyo ay agad ka niyang niyakap para itago ang mukha mo. Patuloy ka lang sa pag-iyak noon at hindi mo na namalayan na dinadala ka niya patungo sa kwarto ni Paopao, nang makita mo ang anak mo sa ganoon kalagayan ay mas lalo kang hindi makahinga. Noon lang pumasok sa isip mo ang lahat, walang nagbabantay sa anak mo bukod ang mga nurse, imbes na ikaw ang mag-alaga sa kanya ay ibang tao pa ang gumagawa noon para sa’yo dahil wala kang lakas ng loob na isugal ang sitwasyon niyo.

Medyo kumalma ka na nang makita mong mahimbing ang tulog ni Paopao, hawak-hawak mo ang maliit na kamay ng anak mo habang patuloy lang sa pagbagsak ng mga luha mo, hindi mo na namalayan kung kailan lumabas ng kwarto si Jasper para bigyan kayo ng time ni Paopao sa isa’t isa.

Hindi mo na siguro naalala Adi, pero nung ayaw na ‘yon… ‘yun ang araw na unang beses sumagi sa isipan mo na may iba pang paraan para makaalis kayo ng mag-ama mo sa sitwasyong ‘yon. Hindi mo lang talaga gusto ang paraang sumagi sa isip mo kaya’t pilit mong inalis ‘yon sa isipan mo.

Nakatulog ka habang hawak-hawak ang kamay ng anak mo, nagising ka nalang nang malakas na binuksan ni Jasper ang pinto ng kwarto, nakita mo siyang natatarantang sumiling sa bintana pagkasarado niya ng pinto.

Nagulat ka sa inasta niya kaya’t napatayo ka para itanong sa kanya kung bakit siya nag-pa-panic ngunit imbes na sumagot siya sa’yo ay mabilis at maingat niya lang inalis ang mga nakalagay na paraphernalia kay Paopao, naguguluhan ka kaya’t sinubukan mo siyang pigilan pero aniya’y nakita niyang naglilibot ang isang detective ng tatay mo sa ospital dahil mukhang nabalitaan nila na nagpa-imbestiga rin si Jasper noon.

Tila ba may bumuhos na malamig na tubig sa’yo noong narinig mo ‘yon kaya’t nagsimulang bumilis ang tibok ng puso mo, ayaw mong umalis nang hindi ka nakakasigurado kung maayos na ba ang kalagayan ni Owen pero wala ka nang magawa nang maingat na inabot ni Jasper si Paopao sa’yo. Kinuha niya ang isang facemask sa bulsa niya at isinuot niya ‘yon sa mukha mo bago niya ginulo ang buhok mo at sinuotan iyon ng cap.

Hindi mo alam ang gagawin mo kaya’t tinanong mo siya kung anong dapat mong gawin, kumuha lang siya ng pera sa bulsa niya at inabot niya ‘yon sa’yo. Aniya’y umuwi ka muna hangga’t nag-iikot ang mga detective sa buong ospital, huwag ka raw mag-alala rin dahil hindi nila kilala si Owen. Ginawan niya ng paraan para maibuntong kay Carlos lahat, hindi mo alam kung paano nagawa ni Jasper ‘yon, pero sobrang laki ng pasasalamat mo ng mga oras na ‘yon na may kaibigan ka pa ring katulad ni Jasper.

Umalis ka ng ospital noon kasama si Paopao, hindi mo alam kung paano mag-commute, wala kang ideya kung paano ka makakauwi sa bahay niyo, hindi ka pwedeng ihatid ni Jasper dahil mas lalo lang mahahalata ng mga detective kapag biglang nawala si Jasper sa ospital kaya’t wala kang nagawa kundi ang magtanong-tanong sa mga tao sa kalsada.

Maraming umiiwas sa’yo dahil na rin siguro balot na balot ka at may hawak ka pang bata, bibihira ang mga taong sumasagot sa tanong mo kaya’t hindi mo alam kung paano ka nakasakay sa bus pauwi sa bahay niyo noon, yakap-yakap mo ang anak mo sa upuan habang nakatingin ka sa labas ng bintana, noon mo lang ulit napagmasdan nang maayos ang parte ng syudad na ‘yon. Kitang kita mo ang matataas na building na normal mo lang makita noon pero halos hindi mo na makilala ngayon.

Biglang umiyak si Paopao kaya’t agad nawala ang paningin mo noon sa mga dinadaanan niyo, agad mong pinatahan si Paopao dahil sobrang lakas ng iyak nito at pinagtitinginan na ulit kayo ng mga tao, ngunit hindi mo magawang mapatahan ang anak mo, parang may dumudurog sa puso mo kaya’t hindi mo namalayang umiiyak ka na rin habang inaalo mo ang anak mo.

Buong byahe pauwi ng bahay niyo ay umiiyak lang kayong dalawa ng anak mo.

Hindi ko na matandaan kung paano kayo nakauwi noon, pero ang mahalaga ay nakauwi pa kayo. Sobrang pagod mo dahil sa haba ng byinahe mo noon kaya’t pagkatapos mong mapainom ng gatas si Paopao ay nakatulog ka na lang habang yakap-yakap mo ito sa kama.

Paggising mo ay nakita mo si Owen na naka-hospital gown pa, sobrang bilis ng tibok ng puso mo noon dahil sa sobrang pag-aalala sa kanya kaya’t agad mo siyang nilapitan, laking gulat mo ng niyakap ka na lang nitong bigla, sobrang higpit ng yakap niya sa’yo, kaya’t naramdaman mo na naman ang pamilyar na kirot sa puso mo.

Nakatulog si Owen noon sa bisig mo, ang dami nang pumapasok sa isip mo noon, hindi mo man lang nagawang itanong kay Owen kung anong nangyari at bakit siya umalis ng ospital na naka-hospital gown pa, pero may ideya ka na kung bakit.

Hindi mo maiwasang hindi mag-alala sa kanya, alam mo namang may pagkamakulit siya pero hindi mo akalaing may mas ikukulit pa siya. Gusto mo lang naman siyang gumaling pero tinatanggihan niya ang lahat ng gamot galing kay Jasper.

Punong puno ka ng konsensya nung mga panahon na ‘yon, nahihirapan ka nang magkita siyang nagkakaganoon lalo na’t alam mong ikaw ang dahilan kung bakit nagkakasakit si Owen, alam mong nahahawa lang siya sa trangkaso mo, trangkaso mo na nanggaling sa sakit mo, para ka nang mababaliw sa tuwing nakikita mong nahihirapan siya. Kahit malapit nang gumaling si Paopao ay hindi ka tuluyang naging masaya dahil si Owen naman ang nagkakasakit, kung sana lang ay katulad ni Paopao si Owen na walang choice kundi uminom ng gamot malamang ko ba’y matagal na sanang magaling din si Owen.

Pero ayaw niya talaga kaya’t napu-frustrate ka na nung mga oras na ‘yon, idagdag mo pa na alam mong pinaghahahanap ka na ng magulang mo sa Maynila, alam mong anumang oras ay maaari ka nilang mahanap, hindi mo pa nga nagagawan ng solusyon ang problema niyo sa kalusugan ng mag-ama mo ay may panibago ka na namang problemang kailangang solusyunan.

Wala na yatang araw na hindi ka nababalot ng takot noon, hindi ka na nga halos makatulog, kahit magkatabi kayo ni Owen ay hindi mo siya magawang yakapin dahil natatakot ka na baka mahawa na naman siya sa trangkaso mong hindi mawala-wala. Idagdag mo pa na nakokonsensya ka na sa lahat ng bagay dahil pakiramdam mo ay kasalanan mo ang lahat ng nangyayari.

Araw-araw ay bumabalik si Jasper para tusukan ka ng gamot, sinisigurado niya ring hindi ka na ulit mag-ooverdose katulad nang dati, binabalita niya rin sa’yo kung anong nangyayari na sa paghahanap ng mga magulang mo sa’yo, hindi alam ni Jasper kung paano may nakaalam na nandoon ka sa ospital, pero malaki ang hinala niya na may nakapagsabing may nakakita sa’yo noong sinusugod niyo si Owen noon.

Kaya’t kahit sinabi na ni Owen na ayaw niyang pumupunta si Jasper sa bahay niyo ay wala kang nagawa kundi ang kontrahin na lang siya dahil aminin mo man o hindi, kailangan na kailangan niyo si Jasper noong mga panahon na ‘yon. Hindi mo malalaman ang galaw ng mga magulang mo kung hindi dahil sa kanya, kaya’t hindi mo pwedeng pigilan si Jasper sa pagpunta sa bahay niyo.

Hindi mo na siguro matandaan, Adi ‘no? Hindi mo na siguro matandaan kung kailan nagsimulang magbago si Owen. Ako man kasi, hindi ko na maalala. Basta ang natatandaan ko na lang ay bigla na lang siyang umuuwi ng lasing. Palagi lang din siyang nagkukulong sa kwarto at hindi ka na niya masyadong pinapansin.

Mas lalo rin bumigat ang tensyon sa pagitan nina Owen at Jasper, hindi sila nagpapansinan na dalawa pero alam mong ayaw nila sa isa’t isa. Hindi rin naman nila tinatago sa’yo ‘yon, lalo na si Jasper? Kung naalala mo lang, Adi. Halos araw-araw yata niyang sinasabi sa’yo noon na umuwi ka na lang sa inyo kaysa magtiis ka sa asawa mong laging lasing.

Naiinis ka na nga kay Jasper noon kasi ayaw niyang maniwala sa’yo na hindi naman ganoon si Owen, kahit ilang beses mong ipaliwanag sa kanya na baka nai-stress lang si Owen noon kaya’t dinadaan niya sa alak ang lahat ay ayaw pa rin niyang pakinggan nang maayos ang paliwanag mo, lasinggero na lang talaga ang tingin niya kay Owen kahit ano pang sabihin mo, ginigiit pa niya palagi na hindi siya uuwi hangga’t hindi umuuwi si Owen sa bahay niyo dahil ayaw niyang iwan kayong dalawa ni Paopao ng kayong dalawa lang, lalo na’t may mga humahanap sa’yo.

Hindi lang ang mga magulang mo kundi pati ang mga magulang ng mga dati mong kaibigan ay hinahanap ka upang patigilin mo ang mga kasong isinampa laban sa kanila ng mga magulang mo, nalaman mo lang ‘yun kay Jasper dahil inamin niya sa’yo na siya ang tumulong sa mga magulang mo na magsampa ng kaso.

Sabi pa niya ay hindi lang sa kaso matatapos ‘yon. Hindi mo pa naiintindihan ‘yon nung mga panahon na ‘yon, pero paglipas ng ilang taon ay malalaman mo rin kung bakit sinabi ni Jasper sa’yo ‘yon.

Hindi mo pa alam na ganoon kadelikado ‘yon nung mga panahon na ‘yon kaya’t nauuwi lang ang lahat sa pagtatalo niyo ni Jasper.

Kayo man ni Owen, alam mong may pagtatalo sa pagitan niyo ngunit wala lang talagang nagsasalita sa inyong dalawa noon. Alam mong galit siya sa’yo nung mga oras na ‘yon pero hindi mo magawang humingi ng tawad sa kanya kailangan mo pa talaga ng tulong ni Jasper noon. Kailangan mong malaman para hindi ka mawala sa mag-ama mo kaya’t tiniis mo ang lahat, kahit araw-araw ay para kang pinapatay sa tuwing nakikita mo si Owen na umuuwi ng lasing at halos hindi ka na niya magawang tingnan.

Kahit gusto mo na lang siyang yakapin dahil alam mong ikaw na naman…

Ikaw na naman, Adi.

Ikaw na naman ang dahilan kung bakit nasasaktan si Owen.

Araw-araw, sa tuwing umuuwi na si Jasper ay natutulog ka pa rin sa tabi ni Owen, hindi ka na niya nagagawang halikan o yakapin dahil pag-uwi niya ay halos wala na siyang malay sa sobrang kalasingan niya, wala lang naman sa’yo ‘yon dahil alam mo namang pagod lang siya, ang hindi mo lang matanggap ay para bang sa tuwing humihiga ka sa kama niyo ay para bang sobrang layo na niya.

Halos isang pulgada lang naman ang pagitan niyong dalawa sa tuwing nakahiga na kayo ngunit parang ang layo-layo niyo na sa isa’t isa.

Hindi mo na rin kayang nakikitang nagkakaganoon si Owen, hindi mo kayang nakikitang nasasaktan siya.

Kung noon ay kinakaya mo pang pilit dahil nakikita mo namang masaya siya, masaya pa rin siya dati kahit pagod na pagod na siya sa pagtatrabaho para sa inyo ni Paopao, pero nung mga panahon na ‘yon ay wala na ‘yung dating ngiti sa mga labi niya kaya’t alam mo…

Alam mong nahihirapan na siya.

Gabi-gabi ay impit kang umiiyak sa tabi niya, pinipigilan mong gumawa ng kahit anong ingay sa takot na magising siya, alam mong hindi naman niya malalaman kahit magising siya dahil nga lasing siya pero ayaw mo pa ring makita ka niyang umiiyak. May ilang pagkakataon na magigising siya ng madaling araw para magtatakbo patungo sa banyo, madalas mong maabutan ‘yon na mangyari dahil hindi ka naman na halos nakakatulog, susundan mo siya sa banyo para tulungan siyang sumuka sa toilet. Bumabagsak na lang ang mga luha mo habang hinahagod mo ang likuran niya, suka siya nang suka kahit wala nang lumalabas sa bibig niya, babagsak siya sa banyo, tutulungan mo siyang tumayo, sisipilyohan mo siya, tapos bubuhatin mo siya pabalik sa kama niyo pagkatapos mong palitan ang damit niya, paulit-ulit nangyayari ‘yon, paulit-ulit mong nakikita siya sa ganoong sitwasyon.

Hindi na siguro niya naalala ‘yon dahil lasing na lasing siya palagi sa tuwing nangyayari ‘yon, pero ako Adi? Naalala ko pa ‘yun lahat, malinaw pa sa alaala ko kung paano mo nakitang unti-unting nawasak si Owen…

Kung paano mo siya unti-unting winasak.

Tandang-tanda ko pa, hindi ko alam kung tanda mo pa, pero umuwi si Owen noon na lasing na lasing, alas dos na yata ng umaga noon at nagtatalo na kayo ni Jasper dahil galit na galit siya kay Owen, nagagalit siya kasi bakit raw kayo nagagawang iwan ni Owen ng hanggang alas dos ng umaga na kayong dalawa lang ni Paopao? Halos magsigawan na kayo ni Jasper dahil pinagtatanggol mo si Owen palagi sa kanya, hindi mo lang talaga magawang magtaas ng boses kaya’t dinidiin mo na lang ng pilit sa kanya na pagod lang talaga si Owen nung mga panahon na ‘yon, pero hindi ganoon si Owen, kung anong Owen ang nakikita ni Jasper nung mga oras na ‘yun, hindi ganoon ang totoong Owen.

Kahit pikon na pikon na si Jasper noon kay Owen ay nagawa pa rin niyang buhatin si Owen patungo sa banyo niyo nang makita niyang halos gumapang na lang ito sa bahay niyo sa sobrang kalasingan. Alam mong ginawa lang ni Jasper ‘yon dahil ayaw ka na niyang pagbuhatin pa pero alam mong kahit galit siya kay Owen noon ay unti-unti na siyang nagkakaroon ng pakialam sa kanya.

Binitawan siya ni Jasper sa banyo kaya’t agad mong dinaluhan si Owen para hawakan ito habang sumusuka, kitang kita mo sa gilid ng mga mata mo ang disappointment sa mukha ni Jasper, alam mo namang matagal na siyang disappointed sa naging desisyon mo sa pagpili mo kay Owen, kahit mabait si Jasper ay alam mong may bakas siya ng pagiging matapobre katulad ng mga magulang mo dahil sa tingin niya ay maling desisyon na pinili mo ang isang alpha kaysa sa magandang buhay.

Akala mo nga ay mananahimik na lang siya nung mga oras na ‘yun dahil hindi siya kumikibo habang pinapanuod ka niya kung paano mo punasan at alagaan si Owen noon habang lasing na lasing ito, ngunit bigla na lang siyang nagsalita.

Tinanong ka niya kung sigurado ka daw ba? Sigurado ka daw ba na para sa lalaking ‘yon mo ipagpapalit ang pamilya mo? Ang magandang buhay mo? Ang future mo? Ipagpapalit mo lahat para sa lalaking hindi man lang magawang bumangon sa banyo para painumin ng gamot ang anak niyong sinusumpong na naman ng lagnat noong mga oras na ‘yon?

Unti-unting bumagsak ang luha sa mga mata mo noon, matalim mo siyang tiningnan at sinabihan na tumigil na siya sa mga sinasabi niya dahil hindi niya kilala sa Owen.

Natawa pa si Jasper ng sarkastiko noon bago niya tinuro ang nagpapatay sinding ilaw sa banyo noon, tinanong ka niya kung ‘yon? Gusto mo raw ba noon? Hindi ka sumagot kaya’t nagsimula siyang ituro lahat ng sirang gamit sa bahay niyo, pati ang mga ipis sa loob ng banyo ay tinuro niya at tinanong ka niya ulit kung ‘yan? Iyan daw ba ang gusto mong buhay?

Ganoon klaseng buhay daw ba ang gusto mo, Adi?

Hindi ka nakasagot noon, hindi mo nagawang sumagot kasi ang totoo niyan…

Ayaw mo, Adi.

Ang hipokrito mo kapag sinabi mong oo dahil ang totoo niyan ay hindi, hindi mo gusto ng ganoong buhay, ayaw mo ng ganoon. Ayaw mo ng mahirap kayo. Gusto mo ng mas maayos at mas magandang buhay kasama sila.

Kasama ang mag-ama mo…

Hindi mo naman kailangan ng napakalaking bahay o napakaraming sasakyan, hindi mo kailangan maging sobrang yaman na katulad ng mga magulang mo, hindi mo naman kailangan ng sobra-sobra.

Gusto mo lang ng buhay na maganda, maayos, at hindi kayo namomroblema kung anong ipangbibili niyo ng ulam kinabukasan.

Para hindi ganoon…

Para hindi nagkakaganoon si Owen… para hindi na siya nahihirapan… para hindi siya napapagod… para hindi na siya nasasaktan.

Gusto mo lang ng buhay na malaya kang makasama sila sa labas ng bahay, buhay na pwedeng pwede mo silang hawakan, yakapin, at halikan sa kalsada, ‘yung buhay na sama-sama kayong kumakain na tatlo sa paborito mong kainan at hindi ka matatakot na baka may makakita sa inyo, ‘yung buhay kung saan kaya mong panoorin si Owen kung paano niya turuan maglaro sa perya si Paopao, ‘yung buhay kung saan pwede mong panoorin si Paopao na lumaki kasabay ng alaga niyong aso’t pusa sa maayos na bahay, ‘yung buhay na kasama niyo ‘yung pamilya ni Owen, para matikman din ni Paopao ‘yung mga kakanin ng lola niya, para alam rin ni Paopao kung gaano kagaling manghuli ng isda ang lolo niya, at para maranasan din ni Paopao kung gaano kakulit ang tita niya sa tuwing maglalaro sila, tapos ‘yung ninang niya, ‘yung ninang Joyjoy niya, paniguradong kung anu-anong bibilinin no’n para sa kanya, tsaka siguro sa buhay na ‘yon, papayagan mo na ‘yung mga anak ni Rica na hawakan si Paopao kapag maglalaro sila.

‘Yun lang naman ‘yung gusto mo.

Hindi mo naman gusto ng iba pang bagay, gusto mo lang ng normal na buhay katulad ng ibang pamilya.

Bakit hindi pwede ‘yon? Bakit hindi pwede sa inyo ‘yon? Bakit hindi mo pwedeng maranasan ‘yon?

Putang ina, bakit?

Bakit? Bakit?! BAKIT?!!

Bakit sa inyo hindi pwede?

Bakit sa ibang pamilya pwede nilang maranasan ‘yon? Bakit sa pamilya mo… sa pamilya niyo nina Owen at Paopao… bakit hindi pwede ‘yon?

Natulala ka lang noon at hindi ka nakasagot sa tanong ni Jasper, kaya’t pinaalis mo na lang siya, nakiusap ka sa kanya na umalis na siya kasi ayaw mo nang makarinig ng kung ano pa sa mga sasabihin niya.

Kasi tama siya, ayaw mo noon, ayaw mo ng buhay na mayroon kayo ni Owen nung mga panahon na ‘yon.

Hindi ka na masaya, hindi na kayo masaya.

Pero gusto mo pang lumaban noon, gusto mo pa kasi hindi mo alam kung anong gagawin mo kapag nawala si Owen sa’yo, hindi mo alam kung anong mangyayari kapag hindi mo na ulit nakita ‘yung pamilya mo… si Owen at Paopao, hindi mo alam kaya pinilit mong lumaban.

Nang umalis na si Jasper ay tinutulungan mo pang pilit si Owen noon, pinaliguan mo pa siya at tinulungan na bumangon sa loob ng banyo, kahit alam mong nahihirapan na siya pinipilit mo pa rin siyang tulungan, pero bumagsak kayong pareho.

Basang-basa ka na noon at nakikita mong pagod na talaga si Owen, nakikita mo sa mukha niyang nahihirapan na siya kaya’t unti-unting sumikip ang dibdib mo dahil parang hindi na talaga niya kaya.

Kahit ayaw mo, kahit ayaw mo pang sumuko tinanong mo siya.

Tinanong mo siya kung kaya pa niya.

Kasi kung kaya pa niya, kakayanin mo pa.

Kakayanin mo pa sana…

Pero umiling siya.

Sabi niya hindi na niya kaya, hindi na niya kaya kasi ang sakit-sakit na.

Naramdaman mong unti-unting bumagsak ang luha mo noon pagkatapos niyang sabihin sa’yo ‘yon. Umiling ka sa kanya ng paulit-ulit kasi hindi mo matanggap na hindi na niya kaya. Nagawa mo pang igiit sa kanya na kaya pa niya, pinilit mo siyang ibangon pero bumagsak lang ulit kayong dalawa nang magkasabay.

Alam mo… alam mong hindi na niya talaga kaya.

At alam mo rin… alam mong hindi mo na maisasalba ‘yung mayroon kayo ni Owen nang magkasama.

Kaya’t sa huling pagkakataon, pinunasan mo ang luha mo at pinilit mo siya, nakiusap ka sa kanya, nakiusap kang kayanin pa niya kasi sa oras na bumagsak ulit siya, hindi mo na alam kung kakayanin mo pa ba…

At kung kakayanin mo bang ikaw ang lumaban para sa inyo.

Kaso sa kalagitnaan ng pagtayo mo kay Owen ay biglang umiyak si Paopao, sobrang lakas ng iyak ng anak niyo mula sa kwarto. Unti-unti na namang bumagsak ang luha mo noon kasi kahit gusto mo pa sana siyang itayo ay alam mong may iba ka pang kailangang unahin.

Paulit-ulit kang humingi ng tawad kay Owen noon, gusto mo pa sana siyang punasan ng tuwalya at patuyuin muna pero palakas nang palakas ang iyak ni Paopao kaya’t kahit nanginginig pa ang kamay mo sa pag-iyak ay muli kang humingi ng tawad kay Owen bago mo puntahan si Paopao sa kwarto.

Nung gabi na ‘yon… habang umiiyak ka at pilit mong pinapatahan si Paopao, noon mo napagtanto na hindi mo pwedeng unahin ‘yung gusto mo, kasi hindi mangyayari ‘yon, hindi mangyayari ‘yung lahat ng pangarap mo.

Kailangan mong unahin sila ni Paopao.

Kaya’t inabukasan noon ay buo na ang desisyon mo.

Hindi mo siya pinapansin noon dahil alam mong isang sabi niya lang, isang halik niya lang, o kahit isang yakap niya lang, alam mong babawiin mo lahat ng plinano mo dahil hindi mo na siya magagawang iwan pa, dahil babalik at babalik ka sa kanya.

Kaya’t kahit kumikirot na ang puso mo at bumabagsak na naman ang mga luha mo ay pilit mong hindi pinakita iyon, at kahit pilit ka rin niyang kinakausap noon para humingi ng tawad ay hindi mo siya pinapansin, kahit alam mong nasasaktan na siya, at masasaktan pa siya.

Noong araw na ‘yun ay nakita mo siyang umiinom ulit mag-isa sa bahay niyo, hindi ka niya kinakausap na noon, sunod-sunod lang ang paglagok niya ng alak hanggang sa mawalan na naman siya ng malay. Mas mabuti na rin siguro ‘yon dahil hindi mo kayang umalis sa oras na gising siya. Hindi mo na rin nga siya nagawang lapitan noon at halikan sa huling pagkakataon dahil kilala mo ang sarili mo.

Alam mong ‘di mo na siya magagawang bitawan sa oras na hawakan mo ulit siya.

Kaya’t nang makita mo siyang walang malay na nakahiga sa sahig ay doon ka na nakahanap ng pagkakataon para umalis.

Hindi ko na alam kung naalala mo pa Adi ‘yung araw kung kailan mo sila iniwan, ako kasi, kahit ilang beses ko nang gusto kalimutan, naalala ko pa…

Naalala ko pa kung paano mo nagawang buksan pa ang radyo dahil pakiramdam mo ay mababaliw ka na dahil sa katahimikan, kalmado ang panahon noon at tumutunog pa ang hanging toy ni Paopao na hindi mo nagawang patayin.

Habang kinukuha mo ang mga gamot mong nakatago sa isang kabinet sa sala ay nakita mo ang mga larawan niyong tatlo na nakadikit sa basag na salamin. Idinikit ‘yon ni Owen doon dahil sabi niya gusto niyang nakikita kayo bago siya umalis ng bahay, nung una ay hindi mo naiintindihan ‘yon pero nung araw na ‘yun, alam mo na kung bakit niya doon nilagay ang mga larawan niyo.

Malapit sa pintuan ‘yon at palagi siyang tumitingin sa salamin para tingnan ang itsura niya bago umalis ng bahay, kaya’t nakita mo rin… nakita mo rin ang mga larawan niyong tatlo bago ka umalis.

Napatitig ka lang sa lahat ng larawan niyong nandoon, karamihan doon ay mga picture mo na kinuhanan niya noon, hindi mo alam kung kailan nawala ang takot mo sa camera, napagtanto mo lang kasing wala ka ng takot doon nung araw lang din na ‘yun, dahil nakita mo kung gaano karaming picture na ang mayroon ka. Sobrang daming picture mo ang nakadikit sa salamin, lahat ay kuha lang ni Owen, at halos lahat ng ‘yon ay walang bakas ng takot sa mga mata mo.

Sunod mong napansin ang tatlong picture ni Owen, dalawa doon ay ikaw ang kumuha sa kanya pero may isa doon na kuha pa niya sa baryo, medyo bata pa siya doon, si Mutya yata ang nag-picture sa kanya noon do’n sa bakanteng lupa sa likod ng bahay nila.

Kumirot ang puso mo habang nakatitig ka sa larawan na ‘yon…

Iyon si Owen noong hindi mo pa sinisira ang lahat ng mayroon sa kanya.

Huling dumapo ang paningin mo sa mga larawan ng mag-ama mo, lalo na sa mga solo pictures ng anak mo, pilit mo talagang iniiwasang tingnan ‘yon dahil alam mong ‘yon…

Iyon ang pinakamahihirapan kang iwanan.

Hindi mo kayang gawin ang gusto ni Jasper, hindi mo kayang kunin si Paopao at iwang mag-isa si Owen. Sobrang dami mo nang kinuha sa kanya, hindi mo kayang kunin pa ang nag-iisang mayroon siya kapag nawala ka.

Walang bumabagsak na luha sa mga mata mo noon, hindi mo alam kung naubos na ba sa dami ng luhang binuhos mo bago ang araw na ‘yon, pero ‘yung kirot ng puso mo, parang ayaw nang maalis simula nung araw na ‘yon lalo na nang mapatitig ka sa sinulat ni Owen sa maliit na papel na idinikit niya sa gitna ng mga larawan niyo.

Kaya’t kahit kanina mo pa iniiwisang tingnan ang anak mo ay dahan-dahan kang napatingin sa kanya, nakahiga siya sa maliit na kuna at nakatitig sa’yo, kanina ka pa niya pinapanuod…

Naramdaman mo na lang ang pagbagsak ng luha mo habang nakatingin ka sa anak mong inosenteng pinagmamasdan ka, alam mo namang hindi ka niya matatandaan, alam mong hindi niya maalala lahat ng nakikita niya nung mga oras na ‘yun, pero nasasaktan ka pa rin sa ideyang pinapanuod ka niya habang iniiwan mo sila.

Sa huling pagkakataon ay kinuha mo ang vitamins ni Paopao at tsaka mo pina-inom ang anak mo nito, maingat ka habang pinapainom mo si Paopao, para bang hindi naghuhuramentado ang puso mo sa sobrang sakit noon, nakita mong nabagsakan pa ng luha mo ang kamay ng anak mo kaya’t agad mong pinunasan ‘yon. Bilin ni Owen sa’yo na huwag mong kalimutan painumin ng vitamins si Paopao araw-araw, pero kahit naman maalala mo pa ‘yon, hindi mo na siya mapapainom na ulit noon.

Iniisip mo pa lang na ‘yun na ang huling beses mong magagawa ‘yun ay sumasakit na ang dibdib mo. Kaya’t bago mo pa mapigilan ang sarili mo ay mabilis kang tumayo at naglakad patungo sa kwarto para kunin ang mga gamit mo, inilagay mo ang ilang damit mo sa bag, dahan-dahan lang ‘yon, hindi ka nagmamadali at para bang sinusulit mo lahat ng natitirang oras mo sa loob ng bahay niyo, sinasamantala mo ang huling pagkakataon na makasama mo ang pamilya mo sa iisang lugar.

Kinuha mo pa ang cellphone na binigay ni Jasper sa’yo at sinabi mo sa kanya na huwag na siyang bumalik sa bahay niyo dahil aalis ka na, sinabi mo rin sa kanya na may iniwan kang box sa loob ng kabinet niyo ni Owen para sa oras man na puntahan siya nito sa ospital at magtanong tungkol sa kanya, isang sapatos ‘yon na ginawa mo sana para sa birthday ni Paopao at pera na hiniram mo kay Jasper noon na balak mong palitan agad pagkabalik mo sa mga magulang mo. Nakiusap ka rin sa kanya noon na kahit anong magyari ay huwag niyang babanggitin kay Owen kung nasaan ka, panigurado kasing alam ni Jasper kung saan ka nakatira noon, kaya’t bago pa siya makapag-reply sa’yo ay pinatay mo na ang cellphone tsaka mo inilagay ang cellphone sa loob ng bag mo.

Ngunit hindi mo alam kung paano siya nakarating agad sa bahay niyo, hindi ka pa man din tapos mag-ayos ng mga gamit mo ay kumakatok na siya sa pinto, siguro ay pupunta naman na talaga siya sa bahay mo noon, nagkataon lang na nagka-abot kayo, inulit mo sa kanya ang mga sinabi mo sa text bago mo siya pinauwi, giniit pa niyang ihahatid ka niya pero umiling ka sa kanya at sinabi mong mauna na siya. Kahit hindi siya sang-ayon sa’yo ay wala siyang nagawa kundi ang umalis na lang.

Kailangan mo pa kasi ng oras.

Hindi para pag-isipan ang gagawin mo, kundi para magkaroon ka pa ng oras na makasama sila kahit sandali lang.

Kaya’t nang maimpake mo na ang huling damit mo ay napaluhod ka pa saglit sa harap ng kama niyo ni Owen, pilit mong pinipigilan ang paghagulgol mo kahit hirap na hirap ka nang huminga dahil natatakot kang makagawa ng kahit anong ingay, gusto mo nang tumayo pero hindi ka makagalaw, alam mo sa sarili mong kailangan mo nang umalis bago ka pa magdalawang isip.

Hindi mo alam kung ilang minuto kang nakatulala lang noon, natuyo na nga ang luha sa mga mata mo pero nandoon pa rin ang mabigat na pakiramdam, dapat ay nagmamadali ka na pero hindi ka pa rin kumikibo. Noong nakita mong dumidilim na sa labas ay tsaka mo lang kinuha na ang bag mo, sa huling pagkakataon ay tiningnan mo ang larawan niyong dalawa ni Owen na magkasama, pati ang family picture niyong tatlo.

Naalala ko pang napahawak ka sa dibdib mo noon sa sobrang sakit, hindi ko maipaliwanag sa’yo kung gaano kasakit ‘yon, pero kung naalala mo pa, maiintindihan mo ang sinasabi ko. Kinuha mo ang isang picture ni Owen, isang picture ni Paopao, at ang picture nilang dalawa na magkasama, inilagay mo ‘yon sa loob ng bulsa mo bago mo nilingon si Owen at ang anak mo sa huling pagkakataon.

May isang patak ng luha na namang bumagsak sa mga mata mo at agad mong inalis ‘yon dahil ayaw mong makita ni Paopao na umiiyak ka, kahit alam mong hindi naman niya maalala.

Kaya’t kahit nadudurog na ang puso mo ay ngumiti ka sa anak mo sa huling pagkakataon bago mo binalingan ulit ng tingin si Owen na mahimbing na natutulog.

Gusto mo pa sana silang yakapin, halikan, at hawakan, pero alam mong hindi mo na magagawang bumitaw sa kanila kapag ginawa mo ‘yon, kaya’t mabilis kang lumalabas ng bahay niyo bago mo pa hindi mapigilan ang sarili mo.

Mabilis ang mga hakbang mo, kasing bilis ng pagbagsak ng mga luha mo, agad kang pumara ng tricycle, hindi mo alam kung paano makapunta sa bahay ng magulang mo, hindi mo kabisado ang daanan pero ipinagpasadiyos mo na lang ‘yon.

Nang makarating ka sa bahay niyo ay para bang nakakita ng multo ang mga magulang mo, pati ang mga kasambahay ay para bang hindi makapaniwala na makita ka ulit nila.

Nakita mong may bumagsak na luha sa mga mata ng mommy mo noon, nagtatakbo siya sa’yo para yakapin ka habang ang daddy mo naman ay nakatingin lang sa’yo. Hindi alam ang sasabihin, hindi alam ang gagawin.

Hinawakan ng mommy mo ang mukha mo habang tinatanong kung saan ka nagpunta, sobrang nag-alala raw sila sa’yo, hindi ka sumagot sa kanila, sabi mo lang ay pagod ka na at gusto mo nang magpahinga, kahit nagkatinginan silang dalawa ng daddy mo ay wala silang nagawa kundi ang tumango at pabayaan kang mamahinga muna.

Pagdating mo sa loob ng kwarto mo ay agad kang nahiga at napatulala sa kisame, hindi mo alam kung bakit pakiramdam mo ay hindi mo na kilala ang bahay na kinalakihan mo, para bang bisita ka na lang sa lugar na ‘yon, hindi na siya pamilyar sa’yo.

Noong sinubukan mong pumikit ay agad mong naalala si Owen at Paopao, sumakit na naman ang dibdib mo dahil alam mo sa sarili mong sila na ang tinuturing mong tahanan.

At hindi ka na ulit makakauwi sa tahanan mo.

Lumipas ang ilang araw, palagi kang sinusubukan kausapin ng mommy mo, tinatanong ka niya kung anong nangyari at bigla kang nawala sa baryo, noong una ay iniiwasan mo ang tanong nila, pinapaalam din nila sa’yo na panay ang tawag ni Jasper sa bahay niyo pero iniiwasan mo rin siyang kausapin, pakiramdam mo nung mga panahon na ‘yon ay patay ka na. Wala ka nang nararamdamang kahit ano noon, lumilipas na lang ang mga araw mo na parang walang nangyayari.

Gusto mo na lang sanang magkulong sa loob ng kwarto mo noon palagi pero hindi pwedeng mawalan ng saysay ang pag-alis mo kaya’t agad mong inayos ang sarili mo, agad mong kinuha ang pera sa bangko mo at pinadala ‘yon sa dati niyong bahay.

Patuloy pa rin sa pag-contact si Jasper sa’yo, nakiusap na nga sa’yo ang mommy mo na kausapin siya dahil nag-aalala na rin siya kay Jasper pero tumanggi ka, palagi mo lang siyang binababaan ng tawag lalo na nang malaman mong kaya walang alam ang pamilya mo sa nangyari sa’yo sa baryo ay dahil si Jasper ang dahilan kung bakit namatay si Carlos.

Nalaman mong lahat ng ‘yon nang minsang sinabi sa’yo ng daddy mo habang kumakain kayong tatlo na masaya siya na bumalik si Jasper sa Pilipinas dahil napakalaki raw ng naging tulong nito sa paghahanap sa’yo, kinuwento pa niya kahit hindi ka nagsasalita na si Jasper ang nagpa-imbestiga ng nangyari sa’yo sa baryo, kaya’t nalaman nilang kasalanan nung Carlos ang pagkawala mo.

Inabot ka ng ilang araw bago mo sinagot ang tawag ni Jasper sa’yo, nakahiga ka noon sa kama mo habang pinapakinggan mo si Jasper. Nakatulala ka sa kisame niyo habang tinatanong ka niya kung bakit mo iniwan si Paopao, nagagalit siya sa’yo. Ramdam mo ang galit niya sa tono ng boses niya kahit kalmado ang pagkakatanong niya, halatang hindi siya makapaniwala sa ginawa mong pag-iwan sa anak mo.

Ikaw man… hindi ka makapaniwala na nagawa mo ‘yun.

Tinanong ka niya kung paano gagaling si Paopao sa sakit niya kung na kay Owen siya? Mas mabuti raw na kunin mo ‘to, dahil mas mapapagamot mo siya kaysa kay Owen, ang dami niyang sinabi, ang dami niya ring tanong sa’yo, wala kang sinasagot kahit isa, nakikinig ka lang sa lahat ng sinasabi niya kahit ramdam na ramdam mo ang frustration niya sa kabilang linya, sabi pa niya’y mas gaganda ang buhay ng anak mo kung kinuha mo siya, kung nag-aalala ka raw na hindi matatanggap ng mga magulang mo ang anak mo ay siya raw ang bahala, aakuin niya raw ‘to.

Aakuin niya si Paopao.

Unti-unting bumagsak ang luha mo nang marinig mo ang huling sinabi ni Jasper.

Hindi mo pinansin ‘yon, sa halip ay diniretsa mo na lang siya ng tanong na noon mo pa gustong itanong sa kanya.

Tinanong mo siya kung bakit…

Bakit niya pinatay si Carlos?

Tumahimik ang kabilang linya ng ilang segundo bago siya natawa nang mahina, aniya’y tinupad niya lang ang pangako niya, mas lalong bumagsak ang mga luha mo kaya’t napatakip ka sa mata mo gamit ang isang kamay mo, habang ang isa ay nanatiling nakahawak sa telepono.

Tinanong mo rin siya kung siya ba ang dahilan kung bakit bumagsak ang lahat ng negosyo ng magulang ng mga dati mong kaibigan, hindi siya nagsalita kaya’t alam mong siya nga…

Siya ang dahilan kung bakit ka hinahabol ng mga ito ngayon, sila… sila ng mga magulang mo ang dahilan kung bakit nagkakamatay ang mga pamilya at kamag-anak ng mga dati mong kaibigan, dinadamay nila lahat.

Gusto mong magpasalamat sa kanya kasi nagawa ka niyang pagtakpan sa mga magulang mo, pero hindi mo nagustuhan ang iba pa niyang ginawa. Hindi mo gustong humantong pa sa ganoon.

At kahit alam mong ginagalang ni Jasper ang mga desisyon mo ay wala ka pa ring tiwala sa kanya dahil hindi mo alam kung sino ba talaga ang mas kinakampihan nito, kung ikaw ba o ang mga magulang mo.

Hindi mo gustong malaman kung bakit niya ginagawa lahat ng ‘yon para sa’yo, ayaw mong malaman, kasi may ideya ka na pero nagbubulagbulagan ka lang, pero noong araw na ‘yun, habang magkausap kayo sa telepono, nakiusap ulit siya sa’yo na balikan mo si Paopao, siguro napamahal na rin si Jasper sa anak mo dahil siya ang nag-aalaga dito sa ospital, mas madalas pa nga yata niya itong makita noon kaysa sa’yo dahil pabalik-balik ito sa ospital nila. Kahit hindi sabihin ni Jasper ay alam mong napamahal na siya sa anak mo. Kaya naman naiintindihan mo kung bakit ito nag-aalala sa kanya.

Ang hindi mo lang maintindihan noon ay bakit siya nakikialam.

Kaya’t aksidente mo siyang natanong kung bakit? Bakit kailangan niya ng paliwanag mula sa’yo? Si Owen nga hindi mo nabigyan ng paliwanag kung bakit ka umalis kaya bakit? Bakit kailangan ni Jasper noon? Bakit siya ng hihingi noon?

Hindi mo gustong pagtaasan siya ng boses noon pero kasi nung mga oras na ‘yun, nagpapatong-patong na ang mga emosyon mo, pagod ka na, pagod ka na sa buhay, at galit ka na rin, galit ka na sa sarili mo dahil sa lahat ng ginawa mong kasalanan sa mag-ama mo. Kaya’t punong puno ka na noon at wala ka nang mapagbuntungan ng galit bukod kay Jasper, kasi bakit ba kasi nakikialam siya?

Natahimik na naman siya noong narinig niyang tumaas ang boses mo, ilang segundo ang nakalipas bago siya sumagot.

Sabi niya…

Gusto ka niya.

Napapikit ka nang mariin noon, nakita mo na, naramdaman mo na, hindi mo lang pinapansin kasi kailangan mo siya noon, at oo aminado ka naman na ginamit mo siya, aminado ka sa sarili mo na ginamit mo ‘yung tulong niya para sa pamilya mo, pero huli na nung napagtanto mo ‘yun, desperado ka na nung mga oras na nalaman mo ‘yun.

Sabi pa niya ay kaya siya bumalik sa Pilipinas dahil gusto niyang ligawan ka, gusto niyang mag-settle kasama ka, handa naman na raw siyang mag-asawa at ikaw ang unang taong pumasok sa isip niya, aniya’y matagal ka na niyang gusto, kahit hindi kayo nagkikita sa personal noong nasa Australia siya ay hindi ka naman daw nawala sa isip niya, hindi ka nagbago sa paningin niya kahit noong nalaman niya lahat, ikaw pa rin ang gusto niya.

Pinapakinggan mo lang lahat ng sinasabi niya habang rumurolyo na ang mga luha mo pababa at hindi mo ‘yon pinapansin.

Tinanong mo siya kung handa pa rin ba siyang pakasalan ka.

Hindi siya sumagot.

Walang nagsasalita sa inyo ng ilang segundo hanggang sa muli na naman siyang natawa nang mahina.

Handa pa rin daw siya, pero tinanong ka niya kung handa ka rin daw ba?

Hindi.

Hindi ka handang magpakasal sa iba.

Hindi ka magiging handa kahit kailan kung hindi si Owen ang papakasalan mo.

Pero kung iisipin mo nung mga oras na ‘yun, ang pinakamagandang solusyon sa lahat ng problema mo ay ang pakasalan si Jasper. Kapag kinasal ka sa kanya ay titigilan na ng magulang mo ang pangingialam sa buhay mo, gusto nila si Jasper para sa’yo, halata naman dahil sa dalas nilang banggitin ito, idagdag mo pa na halos kasing yaman niyo siya, marami siyang koneksyon, kaya niyang patahimikin ang lahat ng mga tao para mapagtakpan ang nakaraan mo, paniguradong mababawasan na rin ang usap-usapan tungkol sa’yo kapag kinasal ka sa kanya kasi kilala rin siya, alam ng lahat na mabait siya, mataas din ang edukasyong natapos niya, at marami siyang pagmamay-aring ospital, mababago ang tingin sa’yo ng mga tao kapag kinasal ka sa kanya.

Ganoon naman ‘di ba? Nagbabago ang tingin ng mga tao sa inyong mga omega dipende sa antas ng alphang kasama mo.

At higit sa lahat… kilala niya sina Owen at Paopao.

Kilala niya ang mag-ama mo, handa nga rin siyang akuin si Paopao dahil napamahal na siya dito. Ibig sabihin ay alam mong mapapapayag mo siya kung sakali mang magpadala ka palagi ng pera sa anak mo, hindi mo kailangan i-sikreto sa kanya ‘yon, pwede ka pang magpatulong sa kanya pero…

Pero hindi mo kayang manakit pa ulit ng tao.

Gusto ka niya. Masasaktan lang siya.

Alam mong kahit kailan ay hindi mo na magagawang magmahal pa ulit ng iba.

Muli na namang nagsalita si Jasper nang mapansin niyang wala kang balak magsalita.

Bigla na lang niyang binanggit na pinuntahan daw siya ni Owen sa ospital, gusto mo siyang patigilin pagkukwento pero hindi mo nagawa, hindi mo siya nagawang pigilan kasi gusto mo ring mapakinggan ang sasabihin niya, gusto mong malaman kung ano na bang kalagayan nila, pero pagkasabi pa lang ni Jasper na lumuhod ito sa harapan niya ay mabilis mo ng pinatay ang tawag.

Napahinga ka nang malalim bago ka na napahampas sa dibdib mo ng isang beses… dalawa… tatlo… hanggang sa magsunod-sunod na ang paghampas mo sa dibdib mo dahil ayaw mawala ng sakit nito, kahit ilang beses mong hampasin ‘yon ay ayaw mawala kaya’t napahagulgol ka ma lang.

Muling tumawag sa’yo si Jasper, hindi mo ‘yun sinasagot pero hindi niya rin tinitigilan kaya naman nang marindi ka na ay sinagot mo ulit ‘yon, hindi ka nagsasalita pero bumabagsak ang luha mo at pinipigilan mong humikbi para hindi ito marinig sa kabilang linya.

Hindi na niya tinuloy ang kwento niya, sinabi niya lang sa’yo na handa siyang pakasalan ka kahit kailan, kaya niyang maghintay, hindi naman daw siya aalis, kahit abutin pa ng ilang taon, maghihintay siya sa’yo, ang kapalit lang ay dapat hindi mo na mahal si Owen kapag kinasal kayo.

Papakasalan ka lang daw niya kapag wala ng iba sa puso mo, dahil ayaw niyang mahalin ka niya nang hindi ka pa tapos magmahal ng iba.

Nung mga oras na ‘yon, alam mong imposible na ang plano mong magpakasal kay Jasper.

Hindi ka na lang ulit sumagot, kaya’t napabuntong hininga na lang siya sa kabilang linya bago niya sinabi sa’yo sa huling pagkakataon na balikan mo na si Paopao at ang asawa mo bago pa mahuli ang lahat.

Pinatay niya agad ang tawag kaya’t naiwan kang nakatulala lang sa huling sinabi niya.

Akala mo ay mababaling mo pa sa iba ang atensyon mo pagkatapos ng araw na ‘yun, pero kahit sobrang dami mong inasikaso ay naalala mo pa rin sila, kahit noong humanap ka na ng tao na mapagkakatiwalaan upang tulungan ka na magpadala kay Owen ng pera nang hindi niya malalaman kung saan iyon nanggagaling ay silang dalawa pa rin ang nasa isip mo, kasi hindi pwedeng malaman ni Owen.

Alam mong hahanapin at hahanapin ka niya, hindi siya pwedeng makita ng magulang mo, alam mo ang kaya nilang gawin, at alam mong hindi nila magugustuhan si Owen kahit anong mangyari dahil ganoong klase ng tao ang mga magulang mo, kaya’t hangga’t maaari, gagawin mo ang lahat para hindi nila makilala si Owen.

Kung ayaw mong magaya siya kay Carlos.

Kailangan magawan mo ng paraan para hindi magkasalubong ang landas nila.

Pero kahit sobrang abala mo sa dami mong inaasikaso ay hindi pa rin sila mawala-wala sa isip mo, lalo na kapag mag-isa ka na lang sa kwarto mo, kapag nakahiga ka na sa kama at ipipikit mo na ang mga mata mo, maalala mo siya… maalala mo sila, mapapaisip ka kung kumain na kaya sila? Kung natutulog ba sila nang maayos? Kung napapainom ba ni Owen si Paopao ng vitamins araw-araw? Kung tumigil na ba si Owen sa pag-inom niya? O kung kanino ba iniiwan ni Owen si Paopao kapag magtatrabaho siya? Kay Rica siguro ‘no? Sana hindi kinukurot ng mga anak ni Rica ang pisngi ni Paopao kasi baka mamula na naman ‘yon.

Bumalik na rin kaya si Owen sa trabaho niya sa bar? Malaki sweldo niya doon, tas nakakapagluto pa siya katulad ng gusto niya. Kumusta na kaya ‘yung sugat ni Owen na nakuha niya nung nadulas siya sa banyo? Sana hindi mag-peklat ‘yon.

Ang dami mong tanong sa isip mo na alam mong hindi mo na masasagot.

Akala mo ay doon lang matatapos ang pag-iisip mo pero hindi, babalik pa ‘yon sa nakaraan kung saan maalala mo lahat ng masasayang alaala mo kasama si Owen at ang anak mo, pati ang mga alaala niyong dalawa sa baryo kasama ang pamilya niya, kasama si Mutya, kasama si Joyjoy, pagkatapos ay iikot ‘yon pabalik, pabalik sa pangarap mo, mangangarap ka kung anong mangyayari sa inyo ni Owen kung hindi ka umalis.

Hindi ka na makakatulog dahil mas pinipili mong manatiling gising para mangarap, babalik ka na lang sa reyalidad sa tuwing tumutunog na ang alarm mo hudyat na kailangan mo nang asikasuhin ang mga plano mo.

Ang plano mo ay linisin ang pangalan mo gamit lahat ng koneksyon ng mga magulang mo, planong mong humarap sa mga tao at baliktarin ang sitwasyon mo kahit gumamit ka na ng maruming paraan katulad ng ginawa ni Jasper, wala ka ng pakialam, kailangan mong mahalin ka ng mga tao, pagkatapos ay magbubusiness ka, gagamitin mo ang simpatya nila sa’yo para makabenta ka, wala ka ng pakialam kung ginamit mo ang sarili mong nakaraan para kumita ng pera kasi kailangan mong kumita ng marami, ayaw mo rin kasing manggaling sa mga magulang mo ang perang pinapadala mo sa mag-ama mo, kasi gusto mong mai-ahon sila sa hirap na hindi nang gagaling sa mga magulang mo ang pera.

Ibibili mo sila ng bahay at ng sasakyan, pag-aaralin mo sa magandang paaralan si Paopao, at hindi mo na pagtatrabahuhin si Owen sa dami ng ipapadala mo, hindi na sila ulit maghihirap.

Ibibigay mo ang lahat para sa kanilang dalawa, lahat-lahat ng kaya mong ibigay.

Ikaw na ang magtatrabaho para sa inyong tatlo para hindi na mahirapan si Owen.

Gagawin mong lahat ng ‘yon nang hindi malalaman ng magulang mo, kailangan hindi nila malaman dahil alam mong masisira ang lahat ng pangarap mo sa oras na malaman nila, alam mo kung gaano kadelikado ang mga magulang mo kaya’t kailangan mo na namang humingi ng tulong kay Jasper dahil siya lang naman ang nag-iisang taong kayang pantayan ang magulang mo.

Tinawanan ni Jasper ang plano mo, hindi siya naniniwalang mag-su-succeed ang plano mo na ‘yon pero tinulungan ka pa rin niyang mag-asikaso, tinulungan ka niya sa magiging press conference mo, siya ang nag-ayos at naghanap ng abogado mo, alam mong gumagamit siya ng maruming paraan pero nagbubulag-bulagan ka na nung mga oras na ‘yon. Wala sa isip mong gumanti sa mga taong nanakit sa’yo dati, pero hindi mo akalain na kahit papaano ay unti-unti rin palang gagaan ang pakiramdam mo habang nakikita mong nahihirapan sila.

Habang inaasikaso mo ang lahat noon… noon mo lang unti-unting napagtanto na hindi mo kasalanan ang lahat ng nangyari sa’yo.

Noong una ay ginagawa mo lang ‘yon para sa mag-ama mo, pero hindi mo napapansin na ginagawa mo na rin ‘yun para sa sarili mo… alam mong hindi na mababawi ng pagsampa ng kaso ang lahat ng sakit at trauma na dinulot nila sa’yo pero kahit papaano ay may kakaiba sa pakiramdam nang makita mo silang nasa likod ng rehas.

Noong lumuhod sa’yo ang mga magulang ng dati mong mga kaibigan para makiusap na babayaran ka na lang nila ay wala kang naramdaman na kahit ano.

Awa? Lungkot? Galit? Wala kahit isa, para ka na lang garapon na walang laman sa loob, nagawa mo pa nga silang tingnan ng diretso sa mga mata nila kahit blangko lang ang ekspresyon ng mukha mo bago mo sila nilagpasan.

Hindi mo nga alam kung kailan ka pa natutong umarte, paano naman kasi ay kahit wala ka ng nararamdaman sa loob mo ay nakangiti ka pa ring humaharap sa mga camera, nakangiti kang humaharap sa mga tao, para bang okay na okay ka, para bang masaya ka na… pero hindi.

Wala ka ng nararamdaman.

 

Kahit sa mga nakakasilaw na flash ng mga camera ay wala ka ng nararamdaman.

Kung siguro dati ay mababaliw ka na kapag nakakita ka ng isang flash pero ngayon ay wala na, wala ka ng pakiramdam sa tuwing halos mabulag ka na dahil sa pagkasilaw sa paulit-ulit na flash na sumasalubong sa’yo halos araw-araw.

Sobrang bilis na nga ng paglipas ng mga araw noon sa’yo, pero kahit mabilis ‘yon ay sobrang bigat ng bawat araw na nagdaraan para sa’yo. Walang araw na hindi mo sila naalala, para bang bawat segundong wala sila sa tabi mo ay unti-unti kang pinapatay, pero hindi ka mamatay-matay kahit nararamdaman mo ang sakit ng pagpatay sa’yo hanggang sa mamanhid ka na.

Kaya’t kahit ang malakas na sampal ng daddy mo sa mukha mo ay hindi mo na halos maramdaman.

Nakabukas ang TV noon sa salas niyo at nakabagsak ang mga dyaryo sa lamesa niyo, nabasag rin ang malaking vase sa tabi mo dahil tumama doon ang kamay ng daddy mo sa pagkabwelo niya ng sampal sa’yo, kahit halos mangapal na ang mukha mo sa lakas ng sampal nito ay nakita mo pa rin sa gilid ng mata mo na nagliparan ang ilang piraso ng vase sa buong bahay niyo.

Tinanong ka niya kung bakit mo pa inungkat ang nakaraan na matagal na niyang pinagtakpan, nagagalit siya dahil sinira mo na naman ang pangalan niya, dinumihan mo na naman ang pinakakamahal niyang apelyido niya, at wala na namang ginawa ang mommy mo kundi panoorin ang asawa niya kung paano ka nito saktan.

Tiningnan mo lang siya, hindi makapaniwala sa ginawa niya sa’yo.

Hindi mo na nga maintindihan kung mahal ka ba talaga ng mga magulang mo, o mas mahal nila ang pangalan nila kaysa sa’yo?

Hinanap ka nila ng pagkatagal-tagal pero ngayong nakita ka na nila ay halos palayasin ka na naman nila dahil sa galit, at imbes na tulungan ka nilang bumangon noon at hanapin ang hustisya ay mas pinili nilang itago ka at ang nakaraan mo para hindi mo madumihan ang pangalan nila.

Ano ba kasing mayroon sa pangalang Beaufort na ‘yan at mahal na mahal nila?

Nang sinabi nilang pumunta ka munang Cebu hangga’t hindi humuhupa ang mga balita ay pumayag ka na lang, hindi dahil sumasang-ayon ka sa pagtatago ulit nila sa’yo kundi dahil alam mong sa mga oras na ‘yun ay kalat na ulit ang mukha mo sa buong Maynila, baka nga buong bansa pa, kaya ibig sabihin ay hindi malabong makarating ‘yon kay Owen.

Kapag nakarating kay Owen ‘yon, alam mong maaaring hanapin ka niya, kaya’t pumayag kang umalis muna sa Maynila para hindi ka niya mahanap.

Hangga’t hindi natatapos ang lahat ng ‘yon, kung maaari, hindi ka muna magpapahanap.

Lumipad ka agad patungo sa Cebu kinabukasan pagkatapos noong araw na kinompronta ka ng mga magulang mo, ngunit ilang araw lang ay sumunod din sila agad sa’yo roon para ibalitang maganda ang naging reaksyon ng mga tao sa naging press conference mo.

Niyakap ka ng mommy mo sa sobrang saya niya at tinapik ka pa ng tatay mo sa braso habang nakangiti siya, na para bang hindi ka sinampal ng kamay niya na ipinangtatapik niya sa’yo.

Tinanong ka pa nila kung anong plano mo, kahit wala kang ganang kausapin sila ay sinabi mong plano mong mag-business, proud silang ngumiti sa’yo bilang pag sang-ayon sa gusto mo. Tinanong ka rin nila kung si Jasper daw ba ang tumulong sa’yo noon sa kaso, tumango ka sa kanila at bigla na lang nilang sinabi sa’yo kung gaano kabuting tao si Jasper at kung gaano kayo kabagay na dalawa. Sabi pa ng daddy mo na mukhang magiging mabuting asawa si Jasper sa’yo, pilit mong iniwasan na sagutin ‘yon.

Lumipas ang mga araw habang nasa Cebu ka na wala kang ibang ginawa kundi ang magbasa lang ng mga balita tungkol sa’yo at umiwas sa mga magulang mo sa tuwing binabanggit nila si Jasper sa’yo, hindi mo naman iniiwasan si Jasper, sa totoo lang ay siya ang kausap mo palagi dahil sinasabi niya sa’yo ang mga nangyayari sa Maynila. Ayaw mo lang talaga sa tuwing pinapamukha sa’yo ng mga magulang mo na gusto ka na nilang mag-asawa, kaya ganoon mo na lang kung iwasan sila kahit nasa iisang bahay lang kayo.

Akala mo nga ay tatahimik na sila sa wakas noon, pero nagulat ka na lang ng may isang umaga na bumaba ka sa inyo at nakita mo si Jasper sa salas niyo.

Napataas pa ang kilay niya nang makita ka niyang bumababa sa hagdan, napakunot naman ang kilay mo habang pinagmamasdan mo ang mga magulang mo na may malawak na ngiti sa inyong dalawa nung lumapit si Jasper sa’yo para bumeso at i-abot ang bulaklak na hawak niya.

Inirapan mo siya ng patago nang maghiwalay kayo sa yakap pero sinigurado mong nakita niya ‘yon, narinig mo na lang ang mahinang tawa niya bago siya lumapit ulit sa mga magulang mo para kumustahin din sila.

Inimbita pala nila si Jasper at tumugon naman si gago, buong pagkain niyo ng dinner ay nag-uusap lang silang tatlo, panay ang pagpuri nila kay Jasper at pagpapasalamat sa lahat ng tinulong nito sa’yo. Hindi ka kumikibo at halos paglaruan mo na lang ang mga pagkain mo kasi gusto mong magalit nung mga oras na ‘yon pero wala ka na talagang nararamdaman, mukhang napapansin nga ni Jasper ang pagtahimik mo noon kaya’t ilang beses siyang napatingin sa’yo at patagong sinisipa ang paa mo sa ilalim ng lamesa.

Noong iniwan kayo ng mga magulang mo para makapag-usap kayo ni Jasper ay dumiretso kayong dalawa sa labas ng bahay, naglalakad kayo sa may gilid ng swimming pool at wala kayong ibang pinag-usapan kundi tungkol lang sa mga nangyayari sa Maynila. Hindi mo nga alam kung bakit para sobrang formal ng pag-uusap niyo noon, kaya’t hindi mo alam kung paano humantong ang usapan niyo sa ibang bagay.

Noong nasa gitna na kayo sa gilid ng malawak na swimming pool niyo ay naramdaman mong hinawakan ni Jasper ang kamay mo pagkatapos mong magpasalamat sa kanya sa lahat ng ginawa niya para sa’yo, pati na rin sa pagtugon sa imbitasyon ng magulang mo kahit mas maganda sana kung hindi na lang siya pumunta, wala ka ng lakas para iwakli ang kamay niya sa’yo, medyo tulala ka pa rin kasi noon kaya’t hindi rin agad nag-sink in sa utak mo na nakahawak siya sa kamay mo noong sinabi niya na gagawin niya lahat para sa’yo. Hindi rin daw siya pumunta sa’yo sa Cebu dahil sa mga magulang mo, kaya nga raw niyang kalabanin ang mga ito, sabihin mo lang.

Basta’t huwag kang mahihiyang humingi ng tulong sa kanya.

Kahit ano pa ‘yan… kahit itakas ka pa raw niya pabalik sa mag-ama mo, gagawin niya.

Kung gusto mo raw, kukuha niya ng passport ang dalawa, tapos ikaw ay igagawa niya ng bagong passport sa pangalan mong Haviel, ihahanap niya kayo ng bagong bahay sa ibang bansa kung saan walang nakakakilala sa inyong tatlo, dadalhin niya kayo doon para makapamuhay kayong tatlo ng magkakasama. Malayo sa gulo, malayo sa mga magulang mo, at sa mga taong nakakaalam ng nakaraan mo.

Parang may kumirot sa puso mo nung narinig mo ‘yon, hindi mo naiwasang mangarap agad kahit hindi mo naman alam kung matatanggap ka pa ba ulit ni Owen pagkatapos mo siyang iwan.

Naisip mo na agad pwede nga ‘yon, tumakas na lang kayong tatlo sa bansa, kahit wala kayong alam sa lenggwahe ng bansang lilipatan niyo ay ayos lang, pwede niyong pag-aralan ‘yon ni Owen ng sabay tapos ituturo niyo na lang kay Paopao paglaki niya, pwede ka rin magtakas ng pera ngayon sa mga magulang mo, kukunin mo ang mga pera mo sa bangko para makapag simula kayo ni Owen sa ibang bansa, ‘yung business mo para sa make up brand ay pwede mong kunin para makapagtayo kayo ng ibang business do’n. Pwede na siguro ‘yung maliit na restaurant ‘no? Masarap magluto si Owen, paniguradong papatok ‘yon kahit sa ibang bansa, tsaka siguro pwede ka rin magtahi doon, o gumawa ng mga sapatos na maliliit na pwede mong ibenta. Magpapalit ka rin ng pangalan mo, at hinding-hindi mo na ulit maririnig ang apelyido ng daddy mo.

Natawa ka nang mahina sa sinabi niya, ‘yung tawa na walang kasamang humor noong binawi mo ang kamay mo sa kanya.

Gusto mo man ang offer niya ay hindi ka naman naniwala sa mga sinabi niya, masyadong maganda ‘yung offer ni Jasper sa’yo, parang imposibleng mangyari, pagkatapos ng lahat ng nangyari sa inyo ni Owen? Si Jasper lang ang solusyon? Bullshit.

Anong mapapala niya kapag ginawa niya ‘yon para sa inyo ni Owen? Bukod pa roon ay kilala mo ang mga magulang mo, hindi sila titigil sa paghahanap sa’yo, paniguradong taon-taon ay lilipat kayo ng ibang bansa para lumipat ng bagong tirahan dahil mahahanap na kayo ng mga magulang mo, mapapagod kayong tatlo kakalipat, hindi mo mabibigyan nang maayos at tahimik na buhay si Paopao dahil taon-taon ay para lang kayong tumatakas sa nakaraan mo na patuloy kang hinahanap.

At isa pa, sige ipagpalagay na natin na hindi kayo mahahanap ng magulang mo sa bansang makikita niya, pero hindi mo kilala ng lubusan si Jasper.

Alam mong una palang tinutulungan ka niya pero marumi siyang magtrabaho, marami siyang tinatapakan at hindi niya tinitingnan ang mga masasagasaanan niya, marami rin siyang sinisikreto sa’yo noon kahit tinutulungan ka niya kaya’t wala kang tiwala sa kanya.

Kaya siya umuwi ng Pinas ay para pakasalan ka, kaya ka rin niya tinutulungan ay dahil kinukuha niya ang loob mo, wala rin siyang ibang ginawa kundi ang sumipsip sa parents mo. Mas madalas pa nga niyang kausap ang mga magulang mo kaysa sa’yo kaya wala kang makitang dahilan para tulungan ka niyang bumalik kay Owen.

Kaya litong lito ka na kay Jasper.

Hindi mo alam kung kanino ba talaga siya kakampi, hindi mo alam kung kailan ka niya ilalaglag, para siyang bomba na maraming wire, hindi mo alam kung sasabog ba siya o hindi sa tuwing pinuputol mo ang mga wire niya kaya wala… wala kang tiwala sa kanya.

Kasi paano kung katulad lang din pala siya ng mga dati mong kaibigan? Na ginagamit ka lang din nila para makuha ang gusto nila? Na nagsisinungaling sila sa’yo para lang makuha ka nila? Hindi mo alam kung kaya mo pa bang magtiwala lalong lalo na sa mga alphang katulad niya.

Hindi ka nga rin naniwala sa kanya nang sinabi niya sa tawag pagkauwi niya galing Cebu na nagkita raw sila ni Owen.

Pinuntahan daw siya ni Owen sa ospital para ipasabi sa’yo na umuwi ka na, hihintayin ka raw nito sa linggo. Natatandaan ko pang hindi ka naniwala noon kay Jasper dahil ilang araw ka nang pinipilit ng mga magulang mo noon na umuwi sa Maynila dahil naghahanda sila ng party para sa’yo noong linggo rin na ‘yon, party kung saan imbitado lahat ng mayayaman nilang kaibigan, kaya’t napagtanto mong inutusan lang ng mga magulang mo si Jasper para pabalikin ka.

Kaya’t hindi mo akalain na babalik agad si Jasper sa Cebu para tagpuin ka.

Mas lalong hindi mo inaasahan nang makita mo ang kasama niya.

Halos tumigil ang paghinga mo nang magtama ang mga mata niyo ni Owen nung araw na ‘yon. Hindi ka agad nakagalaw dahil hindi mo akalain na pagkatapos ng ilang buwan ay makikita mo ulit siya, pakiramdam mo ay nakalutang ka lang sa ere, parang nanaginip ka lang.

Ang dami mong gustong gawin noon, gusto mo siyang yakapin, halikan, at huwag nang bitawan, gusto mong itanong kung kumusta na siya? Kung kumakain ba siya sa tamang oras? Nakakatulog na ba siya nang maayos? Nakapagbayad na ba sila sa renta ng bahay? Magaling na ba ang anak niyo? Malaki na ba si Paopao? Tumaba ba lalo ang pisngi niya? Nakakain na ba siya ng pagkain ng bata? Sino nang mas kamukha niya? Ikaw ba o si Owen?

Gusto mong itanong lahat ng ‘yon, pero walang lumabas sa bibig mo. Hindi ka rin nakagalaw sa pwesto mo dahil unti-unti mong napagtanto ang sitwasyon niyo at kung nasaan ka, nasa vacation house kayo na pagmamay-ari ng magulang mo, at nasa taas lang sila, hindi nila pwedeng makita si Owen— hindi nila pwedeng malaman kung sino si Owen dahil ayaw mong madamay sila ng anak mo.

Kaya’t mabilis kang natungo kay Jasper, hindi mo magawang tingnan ulit si Owen dahil nanghihina na ang katawan mo, gusto mo na lang siyang yakapin nang mahigpit dahil miss na miss mo na siya, at kailangan mong pigilan ang sarili mo dahil natatakot ka para sa kanya.

Nakiusap ka kay Jasper na huwag ka niyang iwan, hindi niya kayo pwedeng iwan ni Owen na kayong dalawa lang, maghihinala sila sa inyo, maraming mga helper ang nakatingin sa inyo nung mga oras na ‘yon kaya’t hindi mo pinapansin si Owen kahit gustong gusto mo siyang tingnan nung mga oras na ‘yon, umaarte ka na kasama lang siya ni Jasper at si Jasper lang ang kakilala mo kaya naman halos magmakaawa ka na kay Jasper kahit hindi mo ito sinasabi, pinipilit mong maintindihan ni Jasper ang ekspresyon ng mukha mo at ang pagpigil mo sa braso niya pero mukhang hindi niya ito naiintindihan.

Hanggang sa napatigil ka na lang sa pamimilit kay Jasper nang maramdaman mo si Owen sa tabi mo, napalingon ka sa kanya at halos tumigil ang pagtibok ng puso mo nang makita mo kung gaano siya kalapit sa’yo. Hinawakan pa niya ang kamay mo para alisin ang pagkakahawak mo kay Jasper bago ka niya niyakap nang mahigpit.

Tuluyan na nga yatang tumigil ang paghinga mo noong hinawakan pa niya ang batok mo papanik sa buhok mo, sumalubong pa sa’yo ang pamilyar na scent niya na hindi mo pa rin nakakalimutan noon. Halos matunaw ka na sa yakap niya noon, gustong gusto mo siyang yakapin pabalik pero hindi mo magawa. Hindi mo magawa dahil alam mong maraming nakatingin sa inyo, at alam mong hindi ka na muling bibitawan kapag ginawa mo ‘yon kaya’t kahit nanginginig na ang mga kamay mo sa pagpipigil mo sa sarili mo ay pinilit mo pa rin.

Pinilit mong manatili lang sa pwesto mo kahit noon binulong na niya sa’yo na miss na miss ka na rin niya, gusto mo ring sabihin ‘yon sa kanya pero kinagat mo na lang ang bibig mo hanggang sa magdugo iyon.

Paulit-ulit siyang nakaiusap sa’yo na umuwi ka na, ilang beses na ring nabasag ang boses niya noon habang sinasabi niya ‘yon, ilang beses ring nabasag ang puso mo dahil gusto mo na ring umuwi kasama niya pero alam mong hindi pwede. Kaya’t kahit gustong gusto mong pakalmahin siya at ibulong sa kanya na oo, uuwi ka na pabalik sa kanya, pabalik sa kanila ni Paopao ay hindi mo nagawa.

Ang kalahating segundo na nagpadala ka sa mga yakap niya na maaari ka pang tumakbo kasama siya ay agad ding naputol nang makita mo sa gilid ng mga mata mo ang magulang mong naglalakad pababa ng malaking hagdan niyo.

Marahan mong itinulak si Owen papalayo sa’yo, dinadahan-dahan mo lang dahil natatakot kang masaktan si Owen sa pagtulak mo, kahit alam niyong pareho na nung oras palang na lumayo ka ay nasaktan na siya sa ginawa mo. Bago pa magkagulo ay mahina mong binulong kay Owen na umalis na siya, alam mong hindi mo mapipilit si Owen kaya’t kay Jasper ka bumaling ng tingin mo noon, muli kang nakiusap sa kanya na umalis na lang silang dalawa. Ikaw nang bahalang magpaliwanag sa mga magulang mo, wala ka pang naiisip na paliwanag noon pero alam mong sa oras na komprontahin ka na nila ay makakaisip ka na ng palusot, pero bago ang lahat, kailangan mo munang mapauwi si Owen, hindi siya pwedeng makilala ng mga magulang mo.

Bumibilis na ang pagtibok ng puso mo nung mga oras na ‘yon, nanlalamig na rin ang kamay mo dahil hindi mo alam kung paano mo mapapalusutan pa ‘yon sa mga magulang mo lalo na ng nagtatanong na sila kung sino si Owen.

Hindi mo sinasagot ang tanong nila, maski si Jasper ay hindi sumasagot dahil para bang hinihintay nitong ikaw ang sumagot, pero anong sasabihin mo?

Hindi mo kayang madamay sila ni Paopao, hindi mo kayang mas lalong gumulo ang buhay nila ng dahil sa’yo kaya’t kahit kumirot ang puso mo nung lumabas ang mga salitang ‘yon sa bibig mo ay wala kang nagawa kundi hayaan na lang na madurog ang puso mo ng tuluyan nung sinabi mong hindi mo siya kilala…

Hindi mo kilala si Owen?

Alam mong bawat parte ng katawan mo ay kilalang kilala siya, buong katawan mo man ay laging hinahanap-hanap siya, at bawat sulok ng utak mo ay puro siya lang ang naalala, kaya kilalang kilala mo siya Adi. Mas pinili mo lang sabihin na hindi.

Kasi ‘yon lang ang nag-iisang paraan na nakikita mo nung mga oras na ‘yon.

Kaya’t ipinagdarasal ko ngayon na sana hindi mo na naalala kung paano mo nakitang unti-unting nabalot ng lungkot ang mga mata ni Owen pagkatapos mong bitawan ang mga salitang ‘yon.

Kung alam mo lang Adi kung gaano mo siya kagustong yakapin nung mga oras ‘yon para mawala lahat ng sakit at lungkot na nararamdaman niya, kung naalala mo lang… paniguradong pagsisisihan mo ulit kung bakit mo ginawa ‘yon.

Dahil nakita mo rin kung papaano unti-unting napalitan ng galit ang pagmamahal sa mata ni Owen.

Lahat ng sinabi niya nung araw na ‘yon.

Nagkatotoo.

Totoong hindi ka na ulit naging masaya, totoo ring naalala mo sila sa lahat ng bagay na nakikita mo, at totoong bawat araw, bawat okasyon, at bawat pasko ay pinagsisisihan mo na iniwan mo sila.

Siguro maiisip mo ngayon habang binabasa mo ‘to na kung maibabalik ang panahon, kung pinagsisihan mo naman pala, ay paniguradong hindi mo na uulitin ang naging desisyon mo noon, itatama mo na ang lahat. Itatama mo kasi mali ang naging desisyon mo, mali kaya ka nagsisisi.

Pero ako? Sigurado akong uulitin mo pa rin ang naging desisyon mo noon lalo na nang makita mo kung paano itrato ng magulang mo si Owen at Jasper noon, kung paano mo nakita ang pinagkaiba kung paano hawakan ng mga guwardiya si Owen at Jasper. Kung papaanong halos idukdok na nila sa sahig si Owen at kung paano nila bitawan agad si Jasper nang iwinakli niya ang kamay ng mga ito. Ibang-iba nila itrato.

Kung naalala mo lang kung gaano mo kagustong itulak lahat ng guwardiya papalayo kay Owen noon, kung naalala mo lang kung papaano mawasak ang puso mo dahil hindi mo kayang makitang nagkakaganoon ang taong mahal mo, kung naalala mo lang… alam mo ring wala kang ginawa noon.

Wala kang ginawa kahit noong nilait-lait nila si Owen sa harapan mo pagkatapos mong itanggi siya at ang anak mo sa mga magulang mo.

At kung naalala mo pa, Adi.

Noong araw na ‘yon ay nagkaroon ka ng tiwala kay Jasper nang ipinagtanggol niya si Owen sa mga magulang mo, noong sumigaw siya at pinagbantaan niya ang mga magulang mo na magsasampa siya ng kaso sa oras na may humawak pa kay Owen.

Halos tumigil ang pagtibok ng puso mo noon dahil may umusbong na kaunting pag-asa sa dibdib mo, tiningnan mo si Jasper ay nakita mo ang galit sa mga mata niya pero bahagya siyang ngumiti sa’yo ng tipid, para bang pinapaalam niya na ginawa niya ‘yon dahil alam niyang iyon ang gusto mong gawin nung mga oras na ‘yun, halos maramdaman mo na nga ang nangingilid na luha mo noon dahil gusto mong magpasalamat kay Jasper dahil pinatigil niya ang mga guwardiya sa ginagawa nila kay Owen.

At nang magtama ang mga mata ninyo ni Owen ay… hindi ko na magawang ipaliwanag kung gaano kasakit ang naramdaman mo nung mga oras na ‘yon, kahit yata ang salitang pinapatay ay hindi na matutumbasan ang sakit na naramdaman mo nang makita mo kung gaano kabasag na si Owen nung mga oras na ‘yon.

Para bang basag na basag na siya, para bang… walang wala na siya.

Kaya’t kahit ikaw sa sarili mo ay hindi mo siya magawang tingnan sa ganoong kalagayan niya, dahil sa oras na makita mo pa siya ng mas matagal ay alam mong ipagpapalit mo ang lahat para sa kanya, at alam mo ring hindi magiging maganda ang magiging resulto sa oras man lang na lumapit ka kay Owen sa harap ng mga magulang mo kaya’t niyakap mo na lang nang mahigpit ang mommy mo para hindi mo na ulit magawang balingan ng tingin si Owen.

Nanghihina na rin ang tuhod mo nung mga oras na ‘yon at kailangan mo na lang ng makakapitan dahil malapit ka nang bumagsak. Noong nakita ni Jasper ang sitwasyon mo ay hinila na niya si Owen palabas ng bahay niyo.

Mabuti na lang dahil noong nakaalis sila ay tsaka ka pa lang bumagsak sa sahig.

Simula nung araw na ‘yun, para ka na lang bangkay.

Ibinalik ka nila sa Maynila pero hindi ka lumalabas ng kwarto mo, hindi ka halos natutulog at kumakain kahit lagi kang dinadalhan ng pagkain ng mga kasambahay niyo, araw-araw ay nagwawala at umiiyak ang omega sa loob ng katawan mo. Kung dati ay pinapatay mo ‘yon, ngayon ay ito ang pumapatay sa’yo.

Wala kang kinakausap kahit na sino simula nung araw na ‘yun, gusto mo nang bumalik sa kanila kasi napagtanto mong hindi mo kaya, hindi mo kayang mawala sa kanila, hindi mo kayang nasasaktan si Owen, noong nakita mo siyang nagkakaganoon, noong nakita mo ang mukha niyang parang sinaktan ng paulit-ulit ay ayaw nang mawala sa isip mo noon, dumilat ka man o pumikit, takpan mo man o buksan ang tenga mo, nakikita at naririnig mo pa rin ang desperasyon niya noon sa Cebu.

Pero kahit gusto mong bumalik, pagkatapos ng ginawa mong pagtanggi sa mag-ama mo, paano ka pa nila matatanggap? Sinaktan mo na sila ng sobra, iniisip mo noon na hinding hindi ka na nila matatanggap, galit na lang ang nararamdaman ni Owen sa’yo.

‘Yung galit niya habang binibitawan niya ang mga huling sinabi niya sa’yo.

Nasasaktan ka sobra, pero anong karapatan mong masaktan noon? Tama ba na masaktan ka kung ikaw ang nang-iwan? Desisyon mo ‘yun kaya’t bakit ka nasasaktan na para bang ikaw ang iniwanan at itinanggi?

Galit na galit ang magulang mo kay Jasper noon, tandang tanda ko pa kung paano nila inagaw ang telepono sa’yo noon at binasag iyon sa harapan mo nung makita ka nilang kausap si Jasper, umiiyak ka noon at nagmakakaawa kay Jasper na sabihin sa’yo kung ano na ang kalagayan nina Owen at Paopao, gusto mo lang marinig kung anong ginagawa nila kasi pakiramdam mo noon ay mababaliw ka na, dahil habang tumatagal ay pakiramdam mo panaginip na lang sila dahil malapit ka nang mawala sa reyalidad sa oras na hindi mo malaman kung anong nangyayari sa kanila, kailangan mo lang ng patunayan na totoo sila kasi… kasi hindi mo na alam kung anong reyalidad sa hindi.

Noong binasag ng daddy mo ang telepono ay napasigaw ka na lang habang pinupulot mo ang pirapiraso noon kahit alam mong hindi mo na ‘yun mabubuo, hinawakan ka pa ng mommy mo para pigilan ang pagpulot mo noon at nang maalala mong may telepono pa kayo sa ibang parte ng bahay mo ay agad kang nagtatakbo patungo doon ngunit napigilan ka ng mga magulang mo.

Napabagsak ka nalang sa sahig sa sobrang lakas ng pagkabig sa’yo ng daddy mo, ngunit ng sinubukan mong tumayo ay biglang dumilim ang gilid ng mga mata mo hanggang sa wala ka nang makita.

Paggising mo ay nasa loob ka na ng kwarto mo, mabigat ang ulo mo at halos hindi ka makagalaw, may nakatusok sa’yong swero at wala kang kasamang tao sa kwarto. Sinubukan mong gumalaw pero nahilo ka lang ulit kaya’t ipinikit mo ang mga mata mo at nang makakalma ka na ay tsaka ka dahan-dahang bumangon. Sobrang tahimik nang kapaligiran mo, hindi mo alam pero pakiramdam mo ay nanaginip ka pa noon.

Nang inalis mo ang swero mo ay naramdaman mong humapdi ang kamay mo, noon mo lang napagtantong hindi ka na nanaginip. Bumangon ka at dahan-dahan kang lumabas ng kwarto mo, naririnig mong nagtatalo ang mga magulang mo sa baba, malakas ang boses nila at halos mag-echo ‘yon sa bahay niyo. Nagtatalo ang mommy at daddy mo noon tungkol sa bata, dahil sabi ng mommy mo ay apo pa rin daw nila ang bata, habang ang daddy mo ay ayaw tanggapin ‘to dahil masisira ang pangalan niyo kapag nalaman na nabuntis ka ng taong hindi mo mate, at kapag kumalat ‘yon ay muli kayong masisira dahil mapapatunayan lang noon ang mga chismis tungkol sa kung anong klase kang omega.

Hindi mo alam na kaya pa pala ulit kumirot ng puso mo noon, akala mo kasi ay namanhid na ‘yun nang tuluyan. Alam na ng mga magulang mo ang tungkol kila Owen, paniguradong nagpa-imbestiga na sila.

Inaasahan mo naman nang hindi nila matatanggap ang mag-ama mo, pero hindi mo akalain na mas masakit pala kapag narinig mo na nanggaling mismo sa kanila.

Babalik ka na sana sa kwarto mo pero bigla mong narinig ang sinabi ng mommy mo na nasa ospital si Paopao, kaya’t agad kang nagtatakbo pababa, nagulat ang magulang mo nang makita ka nilang tumatakbo pero nilagpasan mo sila at nagtungo ka sa labas ngunit bago ka pa tuluyang makalabas ay hinarang ka na ng mga guwardiya niyo.

Pilit kang kumawala sa kanila, desperado ka nang makita ulit sila, ayos lang sa’yo kung hindi ka na nila tanggapin ulit, gusto mo lang sana sila makita at masiguradong okay lang sila. Kaya’t pilit mong tinulak ang mga guwardiya kahit nanghihina ka pa rin, siguro ay mukha ka nang baliw sa paningin ng mga helper na pinapanuod ka nung mga oras na ‘yon, paano naman kasi ay iyak ka nang iyak at desperado ka nang makaalis sa bahay niyo.

Nang bitawan ka nang mga guwardiya pagkatapos maisarado ang pinto ay agad kang nagtatakbo pabalik sa harap ng magulang mo para lumuhod. Patuloy ang pagbagsak ng mga luha mo noon habang nagmamakaawa sa kanila na hayaan ka na nilang bumalik sa mag-ama mo. Kitang kita ang desperasyon sa mukha mo noon na kahit mismo ang mommy mo ay kailangan pa niyang mag-iwas ng tingin sa’yo para hindi niya makita kung gaano ka ka-desperado noon.

Nakiusap ka sa kanila na pabalikin ka na lang nila sa mag-ama mo, kasi hindi mo pala kaya na wala sila sa tabi mo, na hindi mo kaya na hindi mo alam kung okay lang ba sila o hindi. Kailangan mo sila, kailangan mo silang makita kasi hindi mo na kaya, kailangan ka rin nila, kailangan ka ni Owen sa tabi niya, kailangan ka lalo ng anak mo, mahina ‘yung katawan ni Paopao, kaya kailangang kailangan ka ng apo nila.

Nangako ka sa kanila na kapag pinayagan ka nilang bumalik ay magtatago ka kasama ‘yung mag-ama mo, na hindi ka na nila kailangan intindihin, hindi nila kailangan intindihin ang mga isyu mo, at ang lahat ng problemang idinulot mo sa kanila dahil tapos naman na, nalinis mo na ang pangalan mo, sasabihin mo na lang sa publiko na lilipad ka sa ibang bansa para magkaroon ng tahimik na buhay, at hindi ka na nila makikita ulit habang buhay.

Kaya’t nakiusap ka, nagmakaawa ka.

Kailangan mo sila, kailangan ka nila, hindi mo kaya na wala sila kasi mahal na mahal mo sila, mahal mo si Owen.

Sinabi mo ‘yun sa mga magulang mo, sa harap ng mga helper at guwardiya niyo.

Hindi ka basta nabuntis lang ng kahit sino, kasi mahal mo ‘yung tatay ng anak mo.

Mahal na mahal mo.

Sobra.

Sobrang mahal mo.

Paulit-ulit mong sinasabi ang mga ‘yon habang umiiyak ka sa harapan ng mga magulang mo at pilit na hinahawakan ang kamay ng daddy mo na panay ang iwas sa’yo.

Iyon ang simula ng araw na pagsisisi mo sa pag-iwan sa kanila.

At hindi natapos ‘yon…

Hindi pa natatapos… hanggang ngayon habang sinusulat ko ‘to.

Kung inaakala mong pumayag ang magulang mo pagkatapos mong magmakaawa sa kanila, pwes tumingin ka sa paligid mo ngayon… bakit mag-isa ka lang d’yan?

Hindi sila pumayag, Adi. Ikinulong ka nila sa bahay niyo, hindi mo magawang lumabas dahil may mga bantay sa bawat pinto ng bahay niyo, sinubukan ka ulit kausapin ng mommy mo nung kayong dalawa na lang ang nasa loob ng kwarto mo, sabi niya ay pinakiusapan niya ang daddy mo na patuloy na magpadala ng pera sa anak mo, tutulong daw sila sa pag-abot ng pera dahil ini-launch na rin naman daw nila ang bagong business mo, gusto mong umiling sa kanya dahil ayaw mong tulungan ka nila, ayaw mong magkaroon pa ng utang na loob sa kanila pagkatapos ng ginawa nila sa’yo, pero nung mga oras kasi na ‘yun ay tulala ka pa, kaya’t wala kang naging reaksyon, hindi mo pinapansin ang mommy mo noon hanggang sa mapabuntong hininga na lang siya at tuluyang lumabas sa kwarto mo para hayaan kang mapag-isa, nakaupo ka lang sa kama mo at nakayakap sa tuhod mo habang patuloy kang umiiyak.

Mabuti na lang ay naalala mo ang cellphone ni Jasper sa loob ng bag mo kaya’t agad kang bumangon at nagtatakbo patungo sa kabinet mo para hanapin ang bag na ‘yon. Pagkakita mo pa lang sa cellphone ay nagsimula nang kumalabog ulit ang dibdib mo, sinubukan mong buksan ‘yon at nang bumukas ay halos mapasigaw ka, mabuti na lang at tinakpan mo agad ang bibig mo para hindi ka makagawa ng kahit anong ingay.

Sinubukan mong tawagan si Jasper ngunit hindi siya sumasagot, napabagsak ka na lang sa upuan mo habang umiiyak dahil nawalan ka na naman ng pag-asa, ngunit sa kalagitnaan ng pag-iyak mo ay biglang tumunog ang cellphone mo, mabilis mong pinunasan ang luha mo at sinagot ang tawag ni Jasper.

Agad bumungad ang nag-aalalang boses niya nang marinig ang paghikbi mo, tinanong ka niya kung nabasa mo raw ba ang sulat na pinadala nila kaya ka tumawag, ngunit agad nalaglag ang puso mo sa sinabi niya.

Anong sulat?

Hindi mo alam ang sulat na tinutukoy niya kaya’t agad napamura si Jasper sa kabilang linya, sabi niya ay nagpadala sila ng sulat sa’yo dahil hindi na sila makatawag sa bahay niyo simula noong nakaraan na bigla na lang naputol ang tawag niyong dalawa, sabi rin niya ay sinampahan siya ng restraining order ng pamilya mo kaya’t hindi siya makalapit sa’yo.

Unti-unting bumigat ang paghinga mo noon dahil sigurado kang itinago o tinapon na ‘yon ng mga magulang mo.

Tinanong ka ni Jasper kung ayos ka na raw ba? Napapanuod ka raw niya sa TV nung mga panahon na ‘yun kaya’t mas lalong napakunot ang noo mo, hindi mo alam kung anong tinutukoy niya dahil hindi ka pa nanunuod ulit ng TV, siguro ay mga magulang mo ang may pakana ng mga ‘yon, iniwasan mo na lang ang tanong ni Jasper nung nangamusta siya sa’yo dahil ayaw mong magsinungaling sa kanya na ayos ka lang.

Kaya tinanong mo na lang si Jasper kung okay lang ba si Paopao, natahimik siya sa kabilang linya bago niya sinabi sa’yo na ayos na raw ito, nakalabas na ng ospital. Maganda na rin ang kalagayan ni Paopao, mukhang nagiging healthy na ito at lumalakas na ang katawan. Habang sinasabi ni Jasper sa’yo ‘yon ay nararamdaman mong nag-iinit ang dibdib mo, dahil masaya ka na okay na ang anak mo.

Sunod mong tinanong si Owen, hindi agad nakasagot si Jasper, sabi niya’y hindi niya masabing ayos lang dahil nagsisinungaling siya kung iyon ang sasabihin niya, kaya’t agad nawala ang saya sa puso mo at napalitan iyon ng hapdi, pero sabi ni Jasper ay mukhang medyo okay naman na raw ito kumpara dati na halos hindi na nila makausap, nakakapag-focus naman na raw si Owen lalo na kapag tungkol kay Paopao.

Mukhang nagsisisi raw kasi ito nang sobra nang minsan niyang mapabayaan si Paopao sa bahay niyo, mabuti na lang at napuntahan ni Jasper kaya’t naisugod niya sa ospital si Paopao. Napuno ka pa rin ng pag-aalala noon kahit alam mong tapos na ‘yun nung ikinuwento ni Jasper sa’yo.

Alam mong mahal na mahal din ni Owen si Paopao, kaya’t para bang hindi mag-sink in sa utak mo kung gaano kalala ang sitwasyon para kay Owen… para makalimutan niya ang anak niyo.

Unti-unti na namang bumagsak ang luha sa mga mata mo noon pero pinipigilan mo pa ring humikbi nang humikbi dahil baka marinig ka ng magulang mo sa labas.

Kailangan ka nilang dalawa, at kailangan mo rin sila.

Nakiusap ka kay Jasper na kung pwede ka niyang itakas sa bahay niyo, hindi kumikibo si Jasper nang ilang saglit bago siya napabuntong hininga at sinabing susunduin ka niya ng alas singko, kapag wala ka pa ng alas singko sa labas ng bahay niyo ay aalis na siya. Sabi niya ay may passport na rin kayo nila Paopao, matagal na niyang pinagawa ‘yon, baka sakali lang na magamit niyo.

Muli ka na namang napahagulgol nang marinig mo ang sinabi niya, paulit ulit kang nagpasalamat sa kaniya pero aniya’y hindi niya raw ginawa ‘yon para sa’yo, ginawa niya raw ‘yon para kay Paopao. Basta’t siguraduhin mo lang daw na hindi magiging malusog si Paopao sa ibang bansa, okay na raw na kabayaran ‘yon para sa lahat ng ginawa niya.

Agad kang tumango kahit alam mong hindi ka niya nakikita, nagpaalam kay kay Jasper at ganoon din siya sa’yo, kinuha mo lang ang isang maliit na bag mo para ilagay doon ang ilang damit at gamit mo, konting pera, at ang mga picture ng mag-ama mo. Wala ka ng ibang dinala pa bukod doon.

Halos hindi ka mapakali habang hinihintay mong mag-alas singko, pabalik-balik ang tingin mo sa labas niyo para tingnan ang mga guwardiya, at nang makita mong mag-aalas singko na at tinawag ng hardinero ang guwardiya sa may gate upang magpatulong sa pagbuhat sa mga paso ay agad kang bumaba sa bintana mo sa kwarto, mataas ‘yon at nakakalula pero wala ka nang nararamdamang takot noon dahil gusto mo na lang makaalis sa bahay.

Ilang beses ka pang muntik mahulog pero pinipigilan mo ang mapasigaw, noong bumagsak ka sa mga halaman ay agad kang nagtago doon hanggang sa makita mo ang pamilyar na kotse ni Jasper, abala pa rin ang mga guwardiya kaya’t agad mong sinamantala ang pagkakataon upang magtatakbo patungo sa kotse ni Jasper, nang makita ka niya ay agad niyang binuksan ang pinto noon upang makapasok ka agad bago niya pinaharurot nang mabilis ang sasakyan niya.

Napalingon ka pa sa likuran mo upang tingnan kung may sumusunod ba sa inyo at nang makita mong wala ay tsaka ka palang napahinga nang malalim bago ka tumingin kay Jasper na kanina pa sumusulyap sa’yo.

Alam kong nakita mo ang asawa sa kaniya, panigurado ay dahil sa itsura mo, alam mo namang nanunuyo pa rin ang mga labi mo, nangingitim ang ilalim ng mga mata mo at namamaga pa rin iyon dahil sa pag-iyak, sigurado ka ring hindi ka na mabango dahil ilang araw ka nang hindi nakakaligo, panigurado ring namumutla ka pa rin dahil ilang beses ka nang hinimatay dahil sa pagiging lowblood mo, nag-iwas ka na lang ng tingin sa kanya, panigurado rin namang hindi niya babanggitin ‘yon sa’yo dahil may iba pa kayong ibang kailangan pagtuonan ng pansin kaysa sa itsura mo.

Inabot niya sa’yo ang passport niyong tatlo nila Paopao pati ang ticket patungo sa Switzerland, tiningan mo pa isa-isa ang mga passport niyo, hindi mo alam kung paano nakakuha ng picture at thumb mark niyo si Jasper, pero kahit hindi mo tinanong ‘yon ay sinabi niyang ninakaw niya sa mga files niyo sa ospital at pinagaya niya ‘yon, tumango ka na lang sa kanya hanggang sa mapatitig ka sa passport mong Haviel Alonzo ang pangalang nakalagay.

Naalala ko pa kung paano bumagsak ang luha mo habang nakatitig doon. Pakiramdam mo nung mga oras na ‘yun ay iyon ang totoong pangalan mo. Mabilis mong pinunasan ang luha mo noon bago mo ipinasok ang passports at tickets sa bag mo.

Mabilis ang pintig ng puso mo nung mga oras na ‘yun habang papalapit kayo nang papalapit sa apartment niyo ni Owen. Hindi ka sigurado kung matatanggap ka pa ba ni Owen, kahit ilang beses ka namang in-assure ni Jasper noon na tatanggapin ka pa nito, ay hindi mo maialis sa isipan mo ang mga sinabi niya nung huling pagkikita niyo.

Alam mong galit na siya, alam mong nasaktan na siya, kaya nahihiya ka nang magpakita pero…

Hindi mo rin kayang hindi sila makasama.

Kaya’t kahit nanginginig ang mga kamay mo noong pumanik kayong dalawa ni Jasper sa dating apartment niyo ni Owen ay nilabanan mo ‘yun, nilabanan mo lahat ng takot at pangamba, ngunit mas lalo lang lumala ‘yon nang makita mong naka-lock ang pinto sa apartment niyo.

Gusto niyo sanang magtanong sa kapitbahay niyong matanda ngunit naka-lock din ang pinto nito, mukhang wala ring tao.

Sabi ni Jasper ay baka pumasok ka lang sa trabaho kaya’t agad nitong tinawagan si Rica, nagulat ka pa nga nang malaman mong may number na rin siya ni Rica, siguro ay naging close na rin sila simula noong umalis ka dahil silang dalawa ang madalas na bumibisita kay Owen at Paopao nung mga panahong wala ka. Ilang saglit lang ay dumating din si Rica sa apartment dala-dala ang tatlo niyang anak at ang spare key ng apartment niyo na binigay ni Owen sa kanya kung sakali mang magkaroon ng emergency. Mayroon din daw si Jasper noon, pero nakalimutan niya lang dalhin.

Hindi ka man nagsasalita nung mga oras na ‘yun, malaki ang pasasalamat mo sa kanila na nandyan sila palagi para kay Owen… lalo na nung mga panahong wala ka sa tabi niya.

Napakunot lang ang noo ni Rica sa’yo nung dumating siya pero hindi ka nito kinausap o pinansin, naiintindihan mo naman dahil kaibigan siya ni Owen, naiintindihan mo na maging ganoon ang turing niya sa’yo pagkatapos ng lahat ng ginawa mo. Binuksan niya ang pinto at sinabi niyang hindi naman daw iniwan ni Owen si Paopao sa kanya nung araw na ‘yun, pero pumasok na raw kayo at sa loob na lang kayo maghintay ni Jasper dahil baka makita pa kayo ng mga magulang mo sa labas.

Pagkapasok niyo sa loob ng bahay ay naramdaman mong bahagyang kumalma na ang puso mo noon, lalo na nang makita mo ulit ang mga larawan niyong nakadikit sa salamin niyo sa tabi ng pinto, mukhang nakita ka nitong pinagmamasdan ang mga larawan niyo kaya’t sinabi niyang mabuti na lang daw at hindi pa nakakaalis si Owen noon, may plano pa naman daw itong umalis at lumipat ng ibang lugar.

Agad kang napalingon sa kanya nang sinabi niya ‘yon, nakita mo siyang nakasandal sa pader habang nagsisindi ng sigarilyo, inabutan pa niya si Jasper at nagulat ka nang makita mong tinanggap niya ito, hindi mo na nga kinuwestyon ang paninigarilyo ni Jasper kahit isa siyang doctor, o ang paghahabulan ng mga anak ni Rica sa loob ng bahay niyo pagkatapos silang sabihan ni Jasper na lumayo sa kanila, dahil para bang nag-echo na sa isip mo ang sinabi ni Rica na may plano si Owen na umalis.

Ilang segundo kang nakatulala habang naririnig mo na ang kabog ng dibdib mo hanggang sa makita mo ang pangalawang anak ni Rica na nagtatakbo patungo sa kanya na may hawak na sobre, pinapabuksan iyon ng bata kaya naman agad na binuksan ni Rica ‘yon bago muling inabot sa anak niya, pero bigla itong natigilan at muli niyang hinablot ang sobre sa anak niyang umiyak dahil sa gulat sa biglang pag-agaw ng nanay niya.

Mabilis niyang tinanong ang anak niya kung saan niya ‘yon nakita, kaya’t mukhang kahit si Jasper ay nakaramdam ng kakaiba dahil sa tono ng pagkakatanong ni Rica, agad na tumakbo si Rica sa loob ng kwarto niyo ni Owen nang ituro iyon ng batang umiiyak, nagkatinginan kayo ni Jasper at agad niyo siyang sinundan sa loob.

Pagpasok niyo at nakita niyo si Rica na may hawak-hawak na dalawang sobre habang nakatingin sa iyo na may malungkot na ekspresyon sa mga mata niya, unti-unting nanghina ang tuhod mo nang mapatingin kay sa kabinet niyo ni Owen na nakabukas ngunit wala ng laman.

Agad na nagtungo si Jasper kay Rica para basahin ang mga nakasulat sa letter, tatlo ‘yon, para sa inyong tatlo.

Rinig na rinig mo ang malutong na mura ni Jasper nang mabasa niya ang lahat ng letter, dahil sa tatlong letter na ‘yon, wala kahit isang nakasulat kung saan sila lumipat ni Paopao.

Napabagsak ka na lang sa sahig pagkatapos sipain ni Jasper ang kama niyo sa sobrang inis, nakailang suklay na rin siya sa buhok niya habang patuloy na nagmura, kahit si Rica ay hindi na makapagsalita nung mga oras na ‘yon kahit nag-iiyakan na ang mga anak niya dahil sa pagwawala ni Jasper nung mga oras na ‘yon, mukhang kahit siya ay hindi niya maproseso sa utak niya na nakaalis na sina Owen at Paopao nang hindi man lang nagpapaalam nang maayos sa kanila.

Habang ikaw, nakatulala ka lang.

Hindi mo alam ang gagawin mo kasi hindi pa nag-si-sink in sa’yo na wala na si Owen… wala na sila ni Paopao.

Lumipas ang ilang araw na nanatili ka sa loob ng apartment niyo, paminsan minsan ay binibisita ka ni Rica at dinadalhan ka ng pagkain, hindi makapunta si Jasper dahil nalaman niyang pinapaimbestigahan na siya ng mga magulang mo pagkatapos nitong malamang nawawala ka, pero tumatawag pa rin ito kay Rica para ipaalam kung ano nang balita sa paghahanap niya kina Paopao.

Sobrang bagal nang paghahanap niya dahil nagiging maingat siya lalo na’t tinatago ka rin niya sa mga magulang mo.

Ang dami nilang ginawa ni Rica para sa inyo noon, gusto mo silang pasalamatan talaga pero nung mga oras na ‘yon ay hindi mo magawang magpasalamat sa kanila dahil wala ka pa sa sarili noon. Hindi ka na makapagsalita, nakatulala ka lang palagi, buong araw ka lang nakahiga sa dating kama niyo ni Owen, hinihintay siyang bumalik kahit alam mong wala ka ng hinihintay.

Minsan ay naririnig mo si Rica na kausap si Jasper sa cellphone, o di kaya’y kausap nito ang nagpapaupa sa apartment para sabihing babayaran nila ang isa pang buwan kaya’t hindi pa nila ito pwedeng ibenta sa iba.

Hindi mo alam kung nakailang basa ka na ba sa sulat ni Owen para sa’yo, halos katulad lang ito ng sulat na iniwan mo sa kanya noon.

Maiksi lang ito, humihingi lang siya ng tawad sa lahat ng sinabi niya sa’yo sa Cebu at nagpapasalamat siya sa lahat ng perang ipinadala mo para kay Paopao tapos… tapos iyon lang, nagpaalam na siya at sinabi niya lang na sana ay maging masaya ka kung nasaan ka man.

Sana maging masaya ka raw…

Pero paano mo gagawin ‘yun nang wala sila?

Paano? Paano nga ba?

Kasi hindi ko rin alam, Adi. Hindi ko alam kung paano mo gagawin ‘yun.

Hanggang ngayon hindi ko alam.

Kahit noong nagising ka na sa ospital ni Jasper dahil nawalan ka na naman ng malay, kahit noong nakita mong pumasok si Jasper sa loob ng kwarto mo sa ospital nang nakaposas siya at may kasama siyang mga pulis, kahit noong pinosasan din nila si Rica na nagbabantay sa’yo nung mga oras na ‘yon sa ospital, kahit noong pinakawalan sila ng magulang mo pagkatapos mong makiusap at mangakong hindi ka na muling magpapakita sa kanilang dalawa huwag lang nilang idamay ang dalawa.

Kahit noong lumipas ang mga araw, buwan, at taon… limang taon na nagpatuloy ka sa buhay mo na parang palaging may kulang sa’yo.

Kahit noong naging abala ka na sa business na itinayo ng mga magulang mo para sa’yo, kahit noong umaasa ka pa rin na hahanapin ka ni Owen kapag nakita niya lahat ng posters, billboard, at TV commercials mo dahil hindi mo siya magawang hanapin sa kabila ng lahat ng perang mayroon ka. Hindi mo siya magawang hanapin dahil parang kahit anong gawin mo ay nakatutok sa’yo ang mga magulang mo.

Hindi mo pa rin alam kung paano ka magiging masaya.

Kahit palagi kang nakangiti sa harap ng camera, kahit palagi kang nakangiti sa harap ng mga tao. Hindi mo alam.

Kaya’t noong nalaman mong gumaganti na sa’yo ang mga gamot na ininom mo noon para mapatay ang omega mo, dahil ikaw naman na ang pinapatay nito, ay para bang hindi ka na natakot kahit noong sinabi sa’yo ng doctor na pupwede kang mamatay kung hindi ka pa maghahanap ng mate mo.

Gusto mong tawanan ‘yon ng sarkastiko. Anong klaseng ka-bullshit-an ‘yon?

Pero kahit natawa ka nang mahina noon ay seryoso pa rin ang mukha ng doctor at ng mommy mo. Seryoso pa ring nilang pinag-uusapan ang sitwasyon mo, nagtataka kasi ang doctor pati ang mommy mo nang malaman nilang isa sa dahilan ang broken bond sa paghina ng katawan mo, hindi ka naman namarkahan ni Owen pero nararamdaman mo sa buong katawan mo ang pagkawala niya. Sabi pa ng doctor ay mas maganda sa lalo’t madaling panahon ay makahanap ka na ng alpha mo dahil kailangan mo na talagang tigilan ng tuluyan ang suppressants mo.

Dalawang taon mo ring kinalaban ang mga magulang mo sa ideyang kailangan kang ikasal sa iba, dalawang taon mong tiniis lahat ang pagsakit ng ulo mo, dalawang taon kang umiiyak sa loob ng kwarto sa tuwing hindi mo na maigalaw ang katawan mo, dalawang taon… dalawang taon ka lang naghintay at naghanap sa mag-ama mo.

Hanggang sa napagtanto mo noong nakahiga ka sa loob ng malaking banyo niyo, nakatitig sa kawalan at halos hindi na makahinga habang nababasa ka na ng tubig na umaapaw sa bathtub dahil hindi mo na maigalaw ang mga katawan mo… na hindi mo sila makikita kung patay ka na.

Kaya’t magpipitong taon na si Paopao noon…

Pitong taon na ring hindi mo sila nakikita ni Owen noong kinasal ka sa ibang alpha.

Marco David ang pangalan niya.

Mabait siya, gwapo rin, mayaman katulad ng gusto ng magulang mo.

Nagkakilala kayo sa business party na inihanda nila, hindi man nila sabihin ay alam mong sinasadya nila na ipakilala kayo sa isa’t isa ni Marco noong araw na ‘yon. Buong gabi na ‘yon ay formal siyang nakikipag-usap sa’yo, mukhang wala siyang ideya sa plano ng mga magulang niyo. Nakinig ka sa mga sinasabi niya kahit hindi ka interesado sa kanya, sa tuwing mapapansin niyang hindi nakatulala ka lang ay tinatanong ka niya kung ayos ka lang, tumatango ka lang na parang robot at muli kang nakikinig sa mga sinasabi niya tungkol sa business.

Gusto mo ngang matawa nung mga oras na ‘yon, ‘yong tawa na walang halong humor, dahil hindi mo akalain na para kang babalik sa nakaran mo kung saan kinokontrol ka ng mga tao para masunod ang gusto nila, para ka na lang manika na may nagmamay-ari sa’yo, gagawin nila kung anong gusto nila at wala kang magagawa dahil manika ka lang.

You’re on your early 30’s na nung mga panahon na ‘yon. Si Marco ay mas matanda lang ng dalawang taon sa’yo katulad ni Owen. Nakatitig ka pa sa kanya noon dahil naaawa ka sa kanya, kasi ikaw? Aware ka na nakino-control ka, samantalang siya ay walang ideya.

Sinubukan mong sabihin sa kanya ‘yon nung inimbitahan siya ng magulang mo sa bahay niyo, naglalakad kayo sa garden ng bahay ng bahay niyo noon pagkatapos ng dinner dahil pinilit nila kayong maglakad-lakad muna dahil may pag-uusapan. Hindi mo nga akalain na tatawanan ka lang niya noon bago niya sabihing hindi siya inosente para hindi mapansin ang ginagawa ng mga magulang niyo.

May ideya na siya, hinahayaan niya lang dahil wala naman siyang magagawa. Business is business.

Sa totoo lang, Adi. Hindi ka makapaniwala na binigay mo nang ganun-ganun lang sa kanya ang markang matagal mong pinag-isipan ibigay kay Owen. Hindi mo matanggap na ganoon lang pala kadali ‘yon, kaya bakit hindi mo binigay noon kay Owen?

Nagsisisi ka na hindi mo ibinigay kay Owen ‘yon, pero hindi ka rin nagsisisi na ibinigay mo kay Marco ‘yon.

Alam kong medyo magulo intindihin ‘yon, pero maiintindihan mo rin ang ibig kong sabihin.

Kasi kung naalala mo pa siya, naging mabuting business partner siya sa’yo…

Mabuting asawa? Doon ako hindi ako masyadong sigurado.

Basta mabuting tao siya sa’yo ay ayos na ‘yon sa’yo.

Alam mong nararamdaman niyang may mali sa’yo pero hindi ka niya pinipilit na mag-open up sa kanya, lalo na sa tuwing nakikita niyang pinapatay mo ang TV sa tuwing lumalabas ang balita tungkol sa inyong dalawa na para bang hindi mo maatim na mapanuod ‘yon. Palagi rin siyang nagtatanong sa’yo kung ayos lang ba sa’yo ang mga bagay-bagay, inuuna niya palagi ang feelings mo at ginagalang niya lahat ng desisyon mo. Hindi siya nandidiri kahit alam niya ang nakaraan mo. Hindi ka rin niya ginagalaw sa tuwing hindi ka pa nag-hi-heat katulad ng napagkasunduan niyo.

Magaling din siyang magluto, Adi. Pinagluluto ka niya palagi kahit abala siya sa trabaho. Maalaga rin siya at maalam sa lahat ng gawaing bahay. Mahilig nga rin siya sa halaman at bulaklak, kaya’t napuno na niya ang terrace niyo at araw-araw niyang dinidiligan ang mga ‘yon, wala rin nga yatang linggo na hindi siya nag-uuwi ng bulaklak para sa’yo. Tinatawag ka rin niyang honey, sweetheart, at darling kahit wala kayo sa harap ng publiko.

He’s nice.

Nice enough para magbulag-bulagan siya sa tuwing nakikita ka niyang nagtatahi ng damit na pangbata taon-taon tuwing birthday ng anak mo, nice enough para hindi siya magtanong sa tuwing may dumadating na detective sa bahay niyo para magbalita sa’yo tungkol sa paghahanap mo sa mag-ama mo, nice enough para magpanggap na hindi ka niya nakikitang umiiyak tuwing pasko habang hawak-hawak ang picture na matagal mo nang itinatago, nice enough ngumiti lang siya sa’yo at tumango nang sinabi mo sa kanya na hindi mo siya kayang mahalin dahil may iba kang mahal.

Sabi niya ay ayos lang. He’s not expecting it anyway.

Nung araw ‘yon ay nagtiwala ka ulit sa ibang tao.

Hindi mo akalain na magagawa mo pang magtiwala ulit. Ikinuwento mo sa kanya lahat ng nangyari noon, pinakinggan ka niya, pinakinggan ka niyang mabuti at tinulungan ka pa niya sa paghahanap. Mabuti na lang at naging maluwag na sa’yo ang mga magulang mo simula noong kinasal ka kaya’t medyo malaya ka nang maghanap sa mag-ama mo.

Nagagawa mo na ring kitain si Jasper, si Rica man din sana ay gusto mo pang makausap pero wala kang magawa kundi ang igalang ang desisyon nito na huwag nang makipagkita sa’yo dahil umiiwas na ito sa gulo para sa mga bata. Kaya’t si Jasper na lang ang madalas mong katagpuin kahit masama ang loob nito sa’yo na nagpakasal ka sa iba. Aniya’y kung ‘yon lang din pala ang plano mo ay sana siya na lang pala ang pinakasalan mo nung una pa lang, sumang-ayon ka sa sinabi niya at sinabi mong tama siya at sayang kasi hindi mo siya pinakasalan noon, mas madali sana niyong mahahanap sila Owen noon dahil mapapagtulungan niyo agad na dalawa, pero alam mo sa sarili mong kahit maibalik ang panahon ay hindi mo pa rin papakasalan si Jasper noon.

Magkaiba kasi sila ni Marco.

Minahal ka ni Jasper, si Marco hindi.

Masasaktan mo si Jasper kung ginamit mo siya, si Marco hindi.

Ganoon ka rin naman sa kanya, kaya’t kahit alam mong may markang kumukonekta sa inyong dalawa ni Marco ay hindi ka pa rin nasaktan kahit noong may isang maulang gabi na umuwi ka galing sa bahay ni Jasper at nakita mong may bisita si Marco sa salas ng bahay nyo, basang basa pa ang buhok nito pero tuyo na ang suot nitong damit, pamilyar sa’yo ang damit na suot nung binata dahil damit mo ‘yon, mukhang hindi kasi kasya ang damit ni Marco sa kanya kaya’t damit mo ang pinahiram nito, para bang naligo na ang binata pagkatapos nitong maulanan sa labas ng bahay niyo dahil may hawak na rin itong mainit na kape.

Mukhang wala rin namang balak itago sa’yo ni Marco ang nakita mo noong gabi na ‘yon dahil tumayo pa ito para ipakilala sa’yo ‘yung bisita niya, aniya’y dating nagtatrabaho sa kompanya niya ang mas nakababatang omega.

Hindi mo alam kung bakit nakita mo bigla ang sarili mo sa bisita ni Marco, dahil ba suot nito ang damit mo? O dahil ganoong edad ka rin noong nanganak ka kay Paopao?

‘Di hamak na mas bata sa inyo ni Marco ang bisita niya, siguro ay nasa late twenties pa lang ‘to, habang nasa late thirties naman kayo ni Marco noon. Malaki na rin ang batang babaeng dala-dala nito, basa rin ang buhok at mukhang bagong ligo, suot-suot ang isang damit na ginawa mo noon para kay Paopao habang umiinom ng mainit ng gatas. Humingi pa ng tawad si Marco sa’yo dahil nakialam siya sa gamit mo, hinayaan mo na lang dahil ‘yon naman ang unang beses siyang nakialam, at nasa batas namang may karapatan siya sa mga ari-arian mo.

Limang taon na kayong kasal ni Marco noong dumating sila, pero mag-aanim na taon na ang batang babae na kamukhang kamukha ni Marco.

Tinanong ka ni Marco kung pwede silang makitulog muna sa bahay niyo nung gabi na ‘yon dahil malakas ang ulan at wala na silang matutuluyan dahil napalaya sila sa bahay na inuupahan nila, nakayuko lang ang mas nakakabatang omega, hindi nagsalita dahil mukhang nahihiya, habang ang kasama nitong anak ay walang ideya sa mga nangyayari dahil masaya lang itong umiinom na gatas sa malambot na sofa niyo. Tiningnan mo lang mula ulo hanggang paa ang omegang bisita nito bago ka tumango kay Marco at naglakad na patungo sa kwarto niyo.

Ala una na ng umaga noong tumabi si Marco sa’yo, nagulat siya nang makita ka niyang gising pa, casually mo lang sinabi sa kanya na hindi ka niya pwedeng hiwalayan dahil hindi mo pa nahahanap sina Owen.

Hindi siya nagsalita ng ilang segundo, nakatitig lang ito sa iyo kahit na tanging liwanag lang mula sa maliit na lampshade niyo ang nagsisilbing liwanag niyo noon, nang hindi ka magbitaw ng tingin sa kanya ay tsaka lang siya napangiti sa’yo nang marahan bago nito sabihin hindi siya sumisira ng kontrata.

Kaya hinayaan mong tumira sa bahay niyo si Jem at ang anak nitong si Ella ng isang gabi, dalawang linggo, hanggang sa umabot na ‘yon ng ilang buwan. Wala ka namang problema sa kanila, madalas ay nakakulong lang sila sa guest room, hindi sila masyadong lumalabas ng kwarto, hindi rin kayo nagsasabay-sabay kumain, malaki naman ang bahay niyo ni Marco kaya’t kahit nasa iisang bahay kayo ay hindi naman kayo palaging nagkikita lalo na’t madalas ka namang wala sa bahay niyo para mag-asikaso ng trabaho mo, wala rin naman madalas si Marco. Kaya’t silang dalawa ng anak niya ang madalas nasa bahay niyo. Minsan ay nakakalabas ng kwarto si Ella sa tuwing nakakatulog si Jem, hindi niya alam na tumatakas ito para maglibot-libot sa bahay.

Kaya’t madalas ay nakikita mo itong nanunuod sa’yo habang naggagantsilyo ka ng mga bonnet para kay Paopao. Hindi mo na alam kung gaano na ba kalaki si Paopao noon, hindi mo rin alam kung anong paboritong nitong kulay, at kung mahilig ba ‘to sa plain o may design. Kaya naman gumagawa ka nalang ng iba’t ibang klase ng bonnet para kung sakali man ay makakapamili ito ng gusto niya kung magkita man kayo ulit balang araw.

Madaldal na bata si Ella. Lagi siyang curious sa lahat ng bagay, kahit sinusungitan mo ito at hindi pinapansin ay patuloy pa rin ito sa pagtanong sa’yo tungkol sa paggagantsilyo. Minsan ay nagigising si Jem at nakikita niya ang anak niyang nagtatanong sa’yo ng kung anu-ano kaya’t agad niya itong kinukuha at humihingi ng tawad bago niya ito ipasok ulit sa loob ng kwarto nila.

Wala kang nakikitang dahilan para makipag-usap sa kanilang dalawa, hangga’t maaari nga ay iniiwasan mo sila lalo na si Jem dahil wala naman siyang ibang koneksyon sa iyo bukod sa siya ang nagluwal sa anak ng asawa mo. Sa totoo lang ay mas binibigyan ka pa nga ng rason ng set-up niyo na mas umiwas sa kanya pero kasi si Ella…

Hindi mo naman gusto ‘yung batang ‘yun, naiirita ka nga sa kadaldalan no’n, malayong-malayo kay Marco at Jem na parehong hindi masyadong nagsasalita, hindi mo tuloy alam kung kanino ba nagmana ng kadaldalan ‘yon, sunod pa ito nang sunod sa iyo kahit saan ka magpunta sa bahay niyo, nagtatanong din palagi kung para kanino ang mga ginagawa mo. Hindi mo namamalayan na paminsan minsan ay sinasagot mo na ang mga tanong nito para lang tumatahimik na siya, pero ang isang tanong niya ay nasusundan pa ng panibagong tanong hanggang sa magtuloy-tuloy na ang usapan niyo. Hindi mo narin namamalayan na minsan ay ginagawa mo na rin siya ng naliliit na headband niya na may bulaklak na design dahil kahit hindi mo naman gustong malaman ay alam mong mahilig din siya sa mga bulaklak katulad ng tatay niya.

Madalas ay excited niyang pinapakita kay Marco at Jem ang mga ginawa mo para sa kanya, pero mas madalas ay sa’yo siya rumarampa at imino-model ang mga ginawa mong damit para sa kanya, at sa totoo lang. Nalilibang ka na simula nung dumating siya sa bahay niyo, kahit papaano ay nababawasan ang stress mo at pangamba mo sa tuwing pumupunta sa inyo ang detective na naghahanap kay Owen at Paopao na wala pa rin itong balita kung nasaan sila.

Wala kang sinabihan na kahit kanina tungkol kina Jem at Ella, kahit si Jasper ay hindi alam na may ibang nakatira sa bahay niyo bukod sa inyo ni Marco. Ang mga kasambahay na kasamahan niyo ay loyal sa inyong dalawa ni Marco kaya’t walang nakakalabas tungkol doon. Mabuti na lang dahil alam mong hindi magugustuhan ng magulang mo kapag nalaman nila ‘yon lalo na’t matanggal na silang nagpaparinig sa’yo na gusto nila ng apo.

Gusto raw nila…

Tang ina nila. Kung gusto pala nila bakit hindi nila hinayaan na makasama mo noon ang apo nila?

Parang may pumapait sa dibdib mo sa tuwing naririnig mong binabanggit ‘yon ng mga magulang mo, hindi mo alam kung bakit lumalala pa ‘yung pait sa dibdib mo lalo na tuwing nakikita mo si Marco na umuuwi sa bahay niyo na may madala-dalang bulaklak para kay Ella.

Sobra-sobrang pait ang sumasakop sa puso mo sa tuwing sinasalubong ni Ella si Marco sa pintuan pagkauwi nito galing trabaho, lalo na kapag sinusundan siya agad ni Jem upang buhatin at pigilan pagtakbo dahil nahihiya ito sa’yo, ngunit kapag buhat na siya ni Jem ay lalapit pa rin si Marco sa kanila para kunin si Ella sa kanya, pagkatapos ay iaabot niya ang bulaklak na uwi niya para sa kanilang dalawa. Hindi nakakatakas sa paningin mo ay bahagyang pamumula ng pisngi ni Jem sa tuwing inaabutan siya ng bulaklak ni Marco. Hindi rin nakakatakas sa paningin mo kung paano mag-iwas nang mabilis si Marco dito upang ibaling ang tingin sa anak niyang excited magkwento tungkol sa bagong dress niya na ginawa mo.

Palagi mong naabutan ‘yon, palagi mong nakikita ang ganoong eksena nilang tatlo bago bitawan ni Marco si Ella upang magtungo sa’yo upang i-abot din ang bulaklak na uwi niya para sa’yo. Kinukuha mo lang ‘yon at ipinapatong sa katabi mong table bago mo muling binabalik ang atensyon mo sa pagtatahi, nagpapanggap ka na hindi mo sila pinapanuod na tatlo.

Pagkatapos makita ni Ella si Marco ay pinapasok na ulit ni Jem ang anak nila sa guest room upang magtago silang dalawa doon dahil alam mo namang kahit papaano ay may hiya pa rin ito sa iyo. Kahit sino namang nasa sitwasyon niya ay paniguradong mahihiya sa asawa ng tatay ng anak niya, ‘di ba? Lalo na’t nasa puder niyo silang dalawa ng anak niya.

Noong nalaman nga ni Jasper noong aksidente mong naikwento sa kanya si Ella ay kita mo agad ang galit sa mga mata niya, hindi siya makapaniwala na pumayag ka sa ganoong set-up, pero mas lalo siyang hindi makapaniwala kay Marco dahil nagawa niya kayong pagsamahin ni Jem sa iisang bahay.

Pero masisisi mo ba si Marco?

Pinagbawalan mo siyang makipaghiwalay sa’yo, pero hindi mo rin naman siya kayang pagbawalan na makasama niya ang anak niya. Nag-offer din naman siya sa’yo na papatirahin na lang niya sa condo niya ang dalawa pero mas delikado ‘yon lalo na kapag may nakakita sa kanya kasama sila. Pinaka-safe na naiisip mo ay ang tumira sila kasama niyo, ayaw mo rin namang malaman ng publiko na may anak ‘to sa iba dahil mas lalo lang mapapatunayan ang hinala ng mga tao na nagpakasal lang talaga kayo for business.

Kaya sabi mo kay Jasper ay wala ka namang pakialam sa set-up niyo, pero hindi totoo ‘yon.

Dahil ang totoo niyan ay hindi mo maiwasang hindi mainggit sa tuwing nakikita mo silang masayang tatlo sa tuwing naglalaro si Ella ng mga lego habang nakakandong ito kay Marco, pasimple silang pinapanuod ni Jem habang nililigpit na niya agad ang ibang kinalat ng anak nila. Hindi mo maiwasang hindi pansinin ang ngiti nito sa labi sa tuwing napapatingin siya sa dalawa.

Hindi naman naglalandian sina Marco at Jem, nanatili silang civil sa isa’t isa kahit may anak silang dalawa, parang kayo ni Marco. Ganoon din naman kayo.

At sa pagkakaalam ko nga ay wala rin naman talaga silang relasyon kahit noon pa lang dahil nabuntis lang ni Marco si Jem bago kayo ikasal nito.

Hindi ko alam ang kwento nila, wala rin akong balak alamin.

Pero kung natatandaan mo pa, Adi. Inggit na inggit ka sa kanila.

Naisip mo nga bakit ganoon? Hindi ba parang ang unfair naman ng mundo? Bakit sila masaya? Bakit sila nakakapagsama-sama sila kahit magulo rin naman ang simula nila? Kasal pa nga sa’yo si Marco pero bakit sila nakakapagkita-kita pa rin?

Naiinis ka.

You’re sick of seeing them happy habang ikaw miserable.

Kaya’t hindi ko nga rin alam kung bakit mo ginawa ‘yon noon, Adi.

Kung bakit mo sila pinaghiwalay.

Malungkot ka na nga at miserable, nanakit ka pa ng iba.

Sa totoo lang ay hindi pa rin kita napapatawad sa ginawa mo noon, pero ano pa bang magagawa ko? Nagawa mo na. Pinaghiwalay mo na sila. Sinira mo na rin sila dahil lang naiinggit ka sa kanila.

Naalala mo ba ‘yung ginagawa mo? ‘Yung sinabi mo sa harap mismo ni Jem na kung pupwedeng umalis muna sila ni Ella sa bahay dahil malapit ka nang mag-heat at hindi mo gusto na may ibang omega sa bahay niyo sa oras ng heat mo? Nahihiyang tumango sa’yo si Jem noon bago siya naglakad patungo sa kwarto nila upang kunin ang anak niya at ang mga gamit nila, nakita mo ang gulat at pagtataka sa mukha ni Marco dahil pagkatapos mong sabihin ‘yon ay walang emosyon kang umalis at nagtungo sa kwarto niyo.

Kinabukasan noon ay inilipat ni Marco ang dalawa sa condo niya.

Pagkabalik niya sa bahay niyo ay tinatanong ka niya agad kung may nagawa raw ba siyang hindi mo nagustuhan? Mayroon daw ba siyang pagkakamali? O bagay na nagawa na nakasakit sa’yo? Kitang kita mo ang pag-aalala sa mukha ni Marco dahil paniguradong naninibago siya sa inasta mo sa harap ni Jem, pero hindi mo sinagot ang mga tanong niya dahil gusto mo na lang matapos ang gabing ‘yon, kaya’t hindi kayo nag-usap noon kahit may nangyari sa inyo.

Hindi ka na rin naman niya magawang tingnan sa mata, hindi ka na niya rin naman tinatawag na honey, sweetheart, o darling. Wala lang naman sa’yo ‘yon, napagkasunduan niyo lang din naman ‘yon dahil kailangan ka niyang tawagin ng ganoon sa harap ng camera, napansin mo lang na isa ‘yon sa lahat ng nagbago sa kanya simula noong dumating si Jem.

Nakakatawa lang isipin na ikaw ang asawa niya pero pakiramdam mo ay noong gabi na ‘yon, kaya ka niya hindi magawang tingnan sa mata ay dahil pakiramdam niya ay nag-chi-cheat siya sa tuwing hinahalikan ka niya.

Pero sabagay, ikaw din naman ‘di ba?

Naalala mo ba nung bagong kasal pa lang kayo ni Marco? Halos gabi-gabi kang umiiyak, halos hindi mo na rin matingnan ang sarili mo sa salamin, hindi mo na nga yata kilala ang sarili mo noon. Pakiramdam mo ay nagtataksil ka hindi lang kay Owen kundi pati na rin sa anak mo noong kinasal ka kay Marco.

Noong mga panahon nga na ‘yon ay ilang beses nang pumasok sa isip mo na hindi ka na nila matatanggap kung sakali mang magkatagpo man ulit ang mga landas niyo, dahil nagawa mong magpakasal sa iba.

Unti-unti ka nang nawawalan ng pag-asa noon, sa totoo lang tanggap mo na nga sarili mo na hindi ka na nila matatanggap pa, pero gusto mo lang silang makita ulit. Kahit isang beses lang, kahit saglit lang, gusto mo lang silang makita, gusto mo lang marinig din ang boses ni Paopao, wala ka kasing ideya kung anong boses nito, o kung anong itsura nito noong nagbibinata na siya, iniisip mo nga kung matambok pa rin ba ang pisngi nito o hindi na, kung matangkad ba siya gaya ni Owen o maliit lang kagaya mo?

Hindi mo alam, kaya’t gusto mo lang siyang makita ulit sana.

At kung mapagbibigyan ka pa, gusto mong marinig din sana ang boses ni Owen, gusto mong maamoy ulit ang scent niya, malapitan man lang kahit saglit para matitigan ang mukha niya, kasi habang tumatagal para bang nawawala na sa isip mo kung gaano kalambing ang boses niya, kung gaano katamis ang scent niya, at kung paano mamula ang pisngi niya kahit moreno siya.

Natatakot ka na balang araw ay tuluyan mo nang hindi maalala ‘yon. Kaya naman gusto mo silang makita ulit. Gusto mong manatili sila sa isipan mo, kahit hindi mo na sila makasama, kahit hindi ka na nila matanggap. Gusto mo lang makitang okay sila.

Kaya alam mo kung gaano kahirap na malayo sa taong mahal mo, sobrang hirap… kaya bakit ginawa mo rin sa ibang tao ‘yon? Bakit hindi ka nakontento na pamilya mo lang ang sinira mo? Bakit kailangang manira ka pa ng iba?

Bakit kailangan mong sampalin nang malakas si Marco nang makita mo siyang hinalikan si Jem sa labas ng building ng kompanya nila? Wala naman kayong relasyon ni Marco, hindi mo rin naman siya mahal kaya’t bakit? Bakit naging ganoon ‘yung inasta mo noon?

Sigurado naman akong hindi selos ‘yon, inggit siguro?

Valid naman ang sampal mo noon kasi asawa ka ni Marco at nagkasundo kayo na hindi sila pwedeng makitang magkasama ng mga tao… pero valid ba talaga kung ikaw naman mismo ang palaging naglilinaw kay Marco na ‘di mo siya talaga asawa dahil may mahal kang iba? Valid ba kung ikaw nga ‘tong walang ibang ginawa kundi ang hanapin ang taong mahal mo at ang anak mo kahit may asawa ka? Wala kang pakialam sa magiging image niyong dalawa ni Marco kapag nalaman ng mga tao ang paghahanap mo sa mga anak mo, pero bakit bigla kang nagkapake nung nakita mong hinahalikan niya si Jem?

Miserable ka lang yata talaga noon at gusto mong mandamay ng iba.

Kaya nga siguro nag-walk out ka lang noong nag-sorry sa’yo si Jem habang umiiyak ito, hindi mo na nga pinakinggan ang sasabihin pa ni Marco nang sinubukan kang tawagin nito nang paulit-ulit.

Umuwi si Marco noong gabi na ‘yon, huminga siya ng tawad sa’yo na may hinalikan siyang iba kahit kasal kayo, nakikiusap din ito sa’yo nang maayos at kalmado, ipinaliwanag niya sa’yo na wala silang relasyon ni Jem noon kahit nakita mo silang naghahalikan, noong araw lang din kasi niya na ‘yon napagtanto na mahal niya si Jem at gusto niyang makompleto ang pamilya niya, kaya’t nakiusap ito sa’yo na kung maaari ay mag-divorce na lang kayo, may kilala siyang sikat na doctor na kayang magtanggal ng bond ninyong dalawa, hindi ka naman daw niya pababayaan at tutulungan ka pa rin niya sa paghahanap sa mag-ama mo.

Hindi ka pumayag.

Hindi dahil masisira ka na naman sa publiko kapag nalaman nilang iniwan ka ni Marco, ikaw pa ang mas mapagdidiskitan ng publiko… alam mo ang takbo ng utak ng mga tao, mas sinisisi nila ang omega palagi, at wala silang masasabi kahit isa sa alpha.

Hindi mo magawang sirain ang image na matagal mong binuo para magkaroon ulit ng tiwala sa’yo ang mga magulang mo nang sa ganoon ay maging malaya ka na ulit. Ngayon ka pa lang nakakapaghanap nang maayos kina Owen, hindi mo kayang mawala pa ulit ‘yung pagkakataon. Wala ka nang pakialam kung may naapakan kang ibang tao na walang ibang ginawa kundi ang intindihin ka at maging mabuting tao sa’yo.

Hindi makapaniwala si Marco sa naging desisyon mo, kalmado pa rin ito pero ramdam mo ang mabibigat na paghinga niya kaya’t sabi niya ay bibigyan ka muna raw nito ng space upang makapag-isip ka. Iniwan ka nito sa bahay niyo buong gabi.

Kinabukasan paggising mo ay narinig mong may kumakatok sa pinto ng kwarto mo, binuksan mo ‘yon at agad bumungad sa iyo ang isang kasambahay niyo at si Ella na may hawak na bag na malaki. Napakunot ang noo mo sa pagtataka kaya’t agad mong tinanong ang kasambahay niyo kung nasaan ang kasama nito ngunit si Ella ang sumagot sa’yo.

Sabi niya’y hinatid siya ng Dada Jem niya sa bahay niyo ni Marco dahil may pupuntahan daw itong importanteng trabaho, kaya’t tinanong mo si Ella kung ang importanteng trabaho ba na tinutukoy ng Dada Jem niya ay matagal at marami siyang dalang damit?

Nakangiting tumango si Ella at walang ideya na iniwan na siya ng tatay niya.

At ikaw ang dahilan kung bakit nangyari ‘yon.

Nakita mo kung papaano halos mabaliw si Marco kakahanap kay Jem noon, palagi itong tuliro at halos wala na sa sarili. May kirot sa puso mo sa tuwing nakikita mo ang itsura ni Marco na halos hindi mapakali palagi sa loob ng bahay niyo. Hindi mo alam kung bakit biglang bumalik ang mga alaala mo noon sa panahong iniwan mo sina Owen. Pamilyar na kasi sa’yo ang eksena.

Pamilyar na pamilyar na.

At kasalanan mo na naman.

Gusto mo mang humingi ng tawad kay Marco noon dahil alam mong kasalanan mo ay hindi mo naman magawa, walang araw na hindi mo sinisisi ang sarili mo sa pagkawala ni Jem. Ang tanging paraan mo lang para makabawi kay Marco noon ay ang alagaan si Ella dahil hindi na siya magawang alagaan ni Marco sa sobrang abala nito sa trabaho niya at sa paghahanap kay Jem. Lumalala pa kasi ang problema nito sa kompanya dahil napapabayaan na niya, nagkakapatong patong pa ang mga isipin niya.

Hindi nagalit sa’yo si Marco, hindi ka naman nito sinisi, pero hindi na kayo kasing okay katulad ng dati, civil pa rin naman kayo sa isa’t isa, nag-uusap pa rin kayo tungkol sa business at sabay pa rin kayong humaharap sa pamilya niyo at sa publiko. Kumalat na rin nga ang balita na may tinatago daw kayong anak ni Marco nang minsang may makakuha ng litrato mo habang buhat-buhat mo si Ella sa isang bakery malapit sa bahay niyo, saktong sinundo pa kayo ni Marco noon kaya’t maraming nagsabing anak niyo ito bago kayo ikasal, maraming nag-expeculate sa social media na kaya raw kayo ikinasal agad noon ay hindi dahil arrange marriage kayo kundi dahil nabuntis ka raw ni Marco. ‘Yung mga panahon na hindi ka lumalabas ng bahay dahil sa sakit mo ay siyang naging patunay ng mga publiko sa hinala nila sa inyo.

Hindi naman kasi maipagkakaila ang resemblance ni Marco kay Ella, kaya’t para bang siguradong sigurado sila agad na anak niyo ito.

Nang malaman ng magulang mo ‘yon ay agad kayong nagsinungaling ni Marco sa kanila, napagkasunduan niyo pa na sabihin na anak ito ng dating empleyado ni Marco sa kompanya niya pero nakiusap muna sa inyo ito na alagaan niyo si Ella dahil kailangan nitong mag-ibang bansa. Wala kayong choice kundi ang magsinungaling dahil naipit na kayong pareho ni Marco, kailangan niyong magpanggap hangga’t hindi niyo nahahanap si Jem at ang mag-ama mo. Napaniwala niyo naman ang mga magulang niyo at hindi na kayo kinuwestyon nito, mukha pa ngang natuwa sila kaya’t wala man lang silang naging plano at aksyon para patigilin ang mga kumakalat na balita, sabi pa nila’y hayaan na lang habang tumatawa sila.

Kaya hinayaan niyo na lang.

Hinayaan niyo hanggang sa umabot na ng ilang taon.

Hanggang sa mag-high school na si Ella.

Wala na ngang nag-bi-bring up noon sa sobrang tagal na ng balita na ‘yon.

Samantalang kahit anong balita tungkol kay Owen at Paopao ay wala kang matanggap kahit isa. Hindi mo alam kung bakit inabot na ng ilang taon pero wala pa ring kahit anong balita o impormasyon na nakakapagturo sa kanila ng anak mo. Kahit sa ibang bansa ay pinahanap mo na rin sila pero wala… wala pa rin.

Hindi mo alam, Adi… Bakit ganoon?

Nalaman mo lang ‘yung dahilan nang minsan kang umuwi sa bahay ng mga magulang mo para sana bisitahin sila noon dahil ilang taon ka na rin nilang pinipilit na bisitahin mo sila, kaya’t pinagbigyan mo na. Naisipan mo lang talaga bigla noon kaya’t hindi ka na nakapagsabi na pupunta ka.

Noon mo nakita ang kotse ng detective na kinuha mo para sa paghahanap kina Owen at Paopao na paalis sa bahay niyo.

Napaisip ka na agad noon kung anong ginagawa niya sa bahay niyo hanggang sa kinutuban ka na.

Natawa ka ng sarkastiko nang inihinto mo ang sasakyan mo sa gitna ng kalsada kahit halos nasa tapat ka na ng bahay niyo. Hinampas mo nang malakas ang manubela ng sasaktan mo bago mo isinandal ang katawan mo sa car seat upang ikalma ang sarili mo, nakatingala ka lang habang dinadama mo ang mainit na luhang bumabagsak sa mga mata mo, sumisikip ang dibdib mo dahil sa ilang taong pagtatrabaho sa’yo ng detective na ‘yon ay naging malapit na rin ang loob mo sa kanya, kahit papaano ay itinuring mo na ring siyang kaibigan kaya hindi ka makapaniwala na mayroon na namang tao na pinagkatiwalaan mo ang mangloloko sa’yo.

Bago ka pa tuluyang sumabog ay mabilis mong pinunasan ang luha mo at tsaka mo mabilis na inikot ang sasakyan mo paalis sa tapat ng bahay niyo, nagtungo ka sa ospital ni Jasper, wala kang pakialam kahit maraming nakakakita sa’yong naglalakad nang mabilis patungo sa opisina nito. Wala kang pakialam kahit malaman ng pamilya mo na nagkikita ulit kayo.

Nang makarating ka sa tapat ng opisina niya ay hindi mo na nagawang kumatok pa, binuksan mo na lang ‘yon agad at doon mo nakita na may kausap siyang alpha, napatigil sila sa pag-uusap nang makita ka nila, nanliit ang mata ni Jasper sa’yo nang makita niya ang itsura mo kaya’t nakiusap muna siya sa alphang kasama niya na umalis muna habang nakatitig siya sa namumulang mga mata mo. Napakunot ang noo ng lalaki kay Jasper bago ka niya tiningnan mula ulo hanggang paa, napairap na lang ito nang wala siyang nagawa kundi ang umalis na lang.

Pagkasaradong pagkasarado ng pinto ay tinanong ka ni Jasper kung ano ang dahilan nang bigla mong pagsugod, pero hindi mo sinagot ang tanong niya sa halip ay tinanong mo siya kung may kilala pa ba siyang naghahanap ng mga tao, wala ka nang pakialam kahit mga assassin o mafia pa ang makuha niyang tao, basta’t mababayaran sila ng pera at wala silang gagawing masama sa mag-ama mo, kukunin mo sila.

Napataas bigla ang kilay ni Jasper nang marinig ang sinabi mo, hindi ito nagsalita ng ilang segundo dahil bukod sa nagulat siya ay mukhang mayroon din siyang iniisip. Idinekwatro niya ang kanyang binti bago siya sumandal sa kanyang swivel chair, nakatingin ito sa’yo na para bang may konting amusement sa mukha niya kahit mukhang seryoso itong nag-iisip. Tinuro niya ang pinto sa’yo at sinabing sinuswerte ka dahil ganoon ang trabaho ng alpha na kausap niya kanina.

Paglipas lang ng isang linggo ay laking gulat mo nang makita mo ulit si Jem na nakatali sa gitna ng isang abandonadong gusali kung saan kayo madalas nagkikita ni Silas, ang alpha na hindi mo alam saan nanggaling at bakit kilala siya ni Jasper.

Nag-aalala mong tiningnan si Jem ngunit hindi mo maiwasang hindi mapansin ang nanlilisik nitong mata sa’yo habang tinatanggal mo ang tali sa kamay niya. Kahit tinanggal mo na ang telang nakatali sa bibig niya ay hindi pa rin ito nagsasalita, para bang pinapatay ka na lang niya sa tingin niya.

Nang dumating si Silas ay tinuro pa niya si Jem, anito ay hindi naman daw mahirap hanapin ang isang ‘yan dahil nasa Maynila lang din, nagtatago lang sa mga sulok-sulok ng mga nagliliwanagang club. Napapikit ka na lang noon upang ikalma ang sarili mo dahil sa sobrang iritasyon mo sa lintek na Silas na ‘yon. Wala sa usapan niyo na dakpin si Jem, at mas lalong wala sa usapan niyo na itali ito sa gitna ng lumang gusali na hindi mo alam kung kailan pa siya nandoon.

Tinulungan mong tumayo si Jem ngunit hinawi lang niya ang kamay mo bago niya pinilit tumayo nang kusa ngunit bumagsak siya dahil sa panghihina niya, mabuti na lang ay nasapo mo siya agad. Napapikit ka na lang nang mariin nang marinig mong mahina pang natawa ang Silas na ‘yon nang makita niyang muntik na kayong mabuwal na dalawa ni Jem.

Tinanong mo siya kung bakit niya dinakip si Jem kung wala naman ‘yon sa usapan niyo? Pero tinanong ka lang niya pabalik kung bakit ka naman daw nagagalit, hindi raw ba mas importante na nasa harapan mo na ang hinahanap mo?

Kaya’t binantaan mo siya, binantaan mo siya na sa oras na subukan niyang ulitin ang ginawa niya, lalo na sa mag-ama mo, hindi ka magdadalawang isip na ipapatay siya.

May kakaibang ngisi sa labi niya habang nakatitig siya sa’yo, nakatagilid ang ulo niya at para bang may kakaibang iniisip, pamilyar sa’yo ang ganoong ekspresyon ng mukha dahil parehong-pareho sila ni Jasper.

Pinipigilan mo ang sarili mong magsalita pa ng masama dahil hindi mo alam ang kaya niyang gawin, tsaka nasa teritoryo nila kayo, may kasama siyang mga lalaki na mahigit sa sampo, lahat sila ay walang ginagawa para tulungan kayo ni Jem ngunit nang biglang sumulpot si Jasper kung saan man para sapakin si Silas sa panga ay tsaka lang sila kumilos, tinaas nilang lahat ang tinatagong baril nila at itinutok ‘yon kay Jasper na mukhang hindi man lang natinag sa dami ng baril na nakatutok sa kanya. Pumutok ang labi ni Silas pero nagawa pa nitong tumawa bago niya sinenyasan ang mga kasamahan niya na ibaba ang mga baril nila.

Umirap lang si Jasper bago ka niya tinulungan na buhatin si Jem na mukhang nawalan ng malay nang makita ang mga baril. Nagawa pang magbiro nung Silas na ‘yon kung gusto niyong magpahatid dahil delikado na sa labas ngunit tinaasan lang siya ng middle finger ni Jasper bago niya kayo mabilis na hinila palabas ng lugar na ‘yon.

Naiinis ka sa lalaking ‘yon, mukhang si Jasper man ay kumukulo rin ang dugo sa kanya, wala kang tiwala sa kanya at alam mong hindi magandang makipag-negosyo pa sa kanya dahil hindi mo nga alam kung anong klase siyang tao.

Delikado siya pero desperado ka na.

Kaya’t maniniwala ka ba kapag sinabi kong tatlong araw matapos ang insidenteng iyon ay tinatawagan mo ulit siya para ipahanap sila Owen?

Wala eh.

Siya na lang ang nakikita mong pag-asa noon, kasi siya lang ang kilala mong hindi mahahagilap ng mga magulang mo.

Nagpapanggap ka na nga lang na kinakausap ang dati mong detective para hindi makahalata ang mommy at daddy mo, hindi ka pa rin nga makapaniwala na alam nila ang lahat panigurado, pati kung anong mayroon kina Marco at Jem. Hindi mo alam kung anong klaseng pananakot ang ginagawa nila kay Jem at kung bakit pagkatapos gamutin ni Jasper sa ospital nila ay nawawala na naman ito kinabukasan.

Pero kahit magtago nang magtago si Jem ay palagi siyang nakikita ni Silas kaya’t ipinagdarasal mo na lang na makita rin nito sina Owen. Nagmakaawa ka na lang talaga sa kanya na huwag niyang papakialaman ang mag-ama mo.

Pumayag naman siya, hindi nga niya pinakialaman sina Owen kahit nakita nito ito matapos lang ang isang buwan.

Tama.

Nakita niya ang mag-ama mo.

Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag sa’yo kung anong naramdaman mo nung araw na ‘yun. Noong pumunta si Silas sa bahay niyo nang walang pasabi, pumasok sa loob ng kwarto niyo ni Marco at hinagis ang envelope kung saan nakalagay ang impormasyon ng mag-ama mo.

Kahit si Marco na kakalabas lang ng banyo noon ay biglang napatigil sa gulat nang makakita ng ibang tao sa loob ng kwarto niyo. Nginisihan pa nga siya ni Silas nang habang tinitingnan niya mula ulo hanggang paa ang naka-topless na si Marco bago niya hinagis ang isa pang envelope dito kung saan nakalagay ang impormasyon ng bagong pinagtataguan ni Jem.

Hindi mo pa kasi nabubuksan ang envelope noon kaya’t napanuod mo pa ang eksena na ‘yon.

Pero nung oras kasi na nabuksan mo na ang envelope na hawak mo ay bigla ka na lang nawala sa reyalidad, hindi mo na napapansin ang mga nasa paligid mo, para bang ikaw na lang ang natitirang tao sa mundo, wala ka nang naririnig, kahit ang ugong ng aircon at ingay ng ibon sa labas ay hindi mo na marinig, hindi mo alam kung bakit para ka lang nanaginip habang nakatitig ka sa picture ng isang pamilyar na lalaki, sobrang pamilyar niya sa’yo sa puntong pakiramdam mo ay namamalik-mata ka na lang, hindi masyadong pansin ang tinanda nito, mas lumaki lang ng kaunti ang katawan niya kumpara dati pero wala pa ring pinagbago sa kislap ng mata niya at sa tamis ng kanyang ngiti. May buhat-buhat siyang isang sako ng bigas sa tapat ng isang karinderya doon sa larawan, nakatingin ito at nakangiti sa katabi niyang binata na may hawak ding isang sako ng bigas, halos kasing tangkad na niya ‘yung binata ngunit nakatalikod ito sa camera kaya’t hindi mo nakita ang mukha nito.

Hindi mo namamalayang bumabagsak na pala ang mga luha mo habang nakatitig ka roon.

Tandang tanda ko pa kung paano kumalabog ang dibdib mo habang unti-unting nag-si-sink in sa’yo na si Owen nga ang lalaking nasa larawan na hawak-hawak mo.

Hindi ka makagalaw sa pwesto mo noon, nakatulala ka lang sa larawang hawak mo na unti-unti nang nababasa ng luha mo, hindi mo na rin pinansin na lumapit na sa tabi mo si Marco para tapikin ang likod mo, at mas lalong hindi mo pinansin si Silas kahit nakikita mo sa gilid ng mga mata mo na pumasok pa ito sa walk-in closet niyo para manguha ng mga mamahaling alahas at relo doon, ang huli ko na lang natandaan ay tiningnan ka lang nito habang inaamoy niya ang mga pabangong nakapatong sa kabinet niyo bago niya ito kunin, pati ang mga scented candles niyo ay hindi niya pinalagpas bago siya umalis na ng tuluyan sa bahay niyo.
Alam mo ba, Adi? Kahit ilang linggo mo nang alam kung nasaan sila Owen noon ay hindi mo pa rin siya magawang puntahan?

Ilang beses kang nag-attempt, pero hindi mo alam kung bakit umuurong ka palagi. Minsan ay nasa kalagitnaan ka na ng byahe patungo sa probinsya kung saan na nakatira si Owen ngunit pinapahinto mo palagi ang sasakyan para pabalikin sa bahay niyo.

Naduduwag ka.

Hindi mo alam kung paano sila haharapin.

Paano nga ba? Paano mo gagawin ‘yun kung kasal ka na sa iba? Anong sasabihin mo sa kanya? Anong una mong gagawin? Pwede mo kaya siyang yakapin sa unang pagkikita niyo? Papayag kaya siya? Makakapagsalita ka kaya kapag nakatayo ka na sa harapan niya? Matutuwa kaya siya kapag nakita ka niya? Magagalit ba siya? Pagtatabuyan ka ba niya? O maayos ka kaya niyang kakausapin? Sa tingin mo ipapakilala ka niya kay Paopao? Tsaka sa asawa niya?

May… asawa na kaya siya?

Paano kung may asawa na nga siya? Kung may mahal na siyang iba? Kakayanin mo ba? Kakayanin mo bang makita siyang may iba ng mahal?

Nakakatawa nga eh ‘no, Adi?

Natatakot kang malaman kung may asawa na ba siya noong panahon na may asawa ka na.

Kaya ka siguro takot na takot noon kahit matagal mo nang pinagdarasal at pinapangarap na makita ulit sila kasi alam mo sa sarili mo na kasal ka na sa iba, pwede mo naman siyang hiwalayan, handa kang hiwalayan si Marco anumang oras, ang hindi ka lang handa ay kapag nalaman mong hindi ka na kayang tanggapin ulit ni Owen kapag nalaman mong galit siya sa’yo, kasi sa totoo lang, tumatakbo pa rin sa isipan mo kahit nung mga panahon na ‘yon ang lahat ng sinabi ni Owen sa’yo sa Cebu…

Haharap ka sa kanya at mapapatunayan mo sa kanya na totoo ang lahat ng sinabi niya noon… na walang araw na hindi ka nagsisisi na iniwan mo sila… na walang araw na hindi mo sila naalala… totoo ‘yon, aminado ka doon. Natatakot kang makita ang galit sa mukha ni Owen, kaya pinanghihinaan ka ng loob na makita sila.

Kung hindi ka pa sapilitang hinila ni Jasper pagkatapos niyang mairita sa’yo nang malaman niyang palagi kang hindi tumutuloy sa pagpunta patungo sa probinsyang tinitirhan ni Owen, ay hindi mo sila magagawang puntahan. Nanginginig ang kamay mo at halos hindi ka mapakali sa upuan mo habang papalapit kayo nang papalapit sa address na ibinigay sa’yo ni Silas. Nakailang pakiusap ka na nga kay Jasper kung pupwede sa ibang araw na lang dahil hindi ka pa handa pero hindi ka nito pinapansin, pinapaharurot niya lang ang kotse niya hanggang sa makarating kayo sa lugar malapit sa address ng bahay ni Owen.

Pahigpit nang pahigpit ang hawak mo sa paper bag kung saan nakalagay ang mga cap at bonnet na itinahi mo para kay Paopao simula noong baby siya hanggang sa magbinata na siya. Hindi mo pa dala ang lahat, konti pa lang ‘yon, hindi na kasi kasya sa paper bag, tsaka plano mo pa sanang bumalik… kung papayagan ka nilang bumalik.

Inihinto ni Jasper ang sasakyan niya sa may malawak na lote, hindi na raw niya mapapasok pa ‘yon sa kalye dahil masikip na kaya’t pinababa ka na nito, hihintayin ka na lang daw niya sa doon, mag-text ka na lang daw kung wala ka nang balak umuwi pa kung sakali mang maisipan mong sumama na sa kanila. Agad ka namang umiling kay Jasper at sinabi mong hintayin ka niya dahil sigurado ka namang imposible ‘yung sinasabi niya, pero hindi mo pa rin maiwasang hindi kumabog ang dibdib mo pagkatapos niyang sabihin ‘yon.

Halos sipain ka na ni Jasper palabas ng kotse niya nang mapansin niyang ayaw mo pa ring lumabas, wala ka tuloy nagawa kahit nanginginig pa rin ang kamay mo pati ang tuhod mo kundi ang lumabas na ng sasakyan. Alam mo ba ‘yung pakiramdam na parang matatae ka? Ganoon ang pakiramdam mo noon, halo-halo na nga sa totoo lang dahil sa sobrang kaba mo.

Pinipilit mo na lang maging positive.

Habang naglalakad ka patungo sa address ay hindi mo maiwasang hindi mapatingin sa probinsyang nilipatan nila Owen, masarap ang simoy ng hangin doon dahil mahalaman din katulad sa dati niyong baryo, marami ring tao sa labas ng mga bahay, may mga naglalaro ring mga bata sa kalsada, pinagtitinginan ka nga ng ilang mga nakatambay dahil naka-facemask at cap ka kahit umagang umaga. Napansin mo ring may mga TV sa loob ng bahay, kaya’t mas lalo mong inayos ang pagkakasuot ng cap mo dahil sa takot na baka makilala ka nila.

Binilisan mo pa ang lakad mo hanggang sa matigilan ka nang makita mo ang karinderyang nasa larawan. Naramdaman mong nanlambot agad ang tuhod mo nang makita mong nakabukas ‘yon, katabi noon ay isang maliit na bahay… iyon ang address na binigay ni Silas sa’yo.

Tandang-tanda ko pa, Adi.

Para kang napako noon sa kinatatayuan mo, hindi ko alam kung bakit hindi mo na maiangat pa ang paa mo noon para humakbang papalapit sa bahay nila, nandoon ka na… malapit ka na sa kanila, pero huminto ka pa.

Uurong ka na sana dahil pinanghihinaan ka na naman ng loob. Kumakalabog na naman ang dibdib mo, kaya sigurado ka nang hindi mo kaya, tatalikod ka na sana pero natigilan ka nang makita mo ang isang binatang lalaki na lumabas sa katabing bahay ng karinderya, nakasuot ito ng uniform at bag, may tulak-tulak itong bike, at may kulay itim na pusa at puting asong nakasunod dito na tahol nang tahol. Halos tumigil ang paghinga mo nang sawayin niya ang aso sa pagtahol, hindi ka napatigil dahil sa gulat, kundi napatigil ka nang marinig mo ang pangalan ng aso.

Parang may kumurot sa puso mo noon nang mapagtanto mong si Paopao ang binatang nasa harapan mo.

Nakilala mo siya dahil sa pangalan ng aso niya… kasi… ‘yun ang pangalang sinabi mo kay Owen noon.

Unti-unting bumagsak ang luha sa mga mata mo pero mabilis mo ring pinunasan ‘yon dahil hindi ka pwedeng humarap sa kanila nang umiiyak.

Kahit nasa malayo ka ay hindi mo maiwasang hindi pagmasdan nang mabuti ang mukha ni Paopao… parang may pumipiga sa puso mo habang pinagmamasdan mo siya, ‘yon kasi ang unang beses mong nakita ang mukha ni Paopao noong malaki na siya.

Kamukhang kamukha niya ang Papa niya… kamukhang kamukha niya si Owen.

Kuhang kuha niya ang kutis, tangkad, ilong, at labi ni Owen.

Lalong lalo na ang mata nito… ‘yung malaki, maganda, at malamlam na mata nito… kamukhang kamukha talaga ng kay Owen.

Nakikita mo rin ang pagkakahawig ninyong dalawa ni Paopao pero hindi mo alam kung dapat ka bang matuwa doon lalo na’t pakiramdam mo ay wala ka namang karapatan na maging kamukha ka ng anak mo pagkatapos ng lahat ng ginawa mo.

Pero… kahit pakiramdam mo ay wala kang karapatan ay hindi mo maiwasang hindi maging masaya noong araw na ‘yon.

Iyon ang unang beses mong nakita ang mukha ni Paopao at ang unang beses mong narinig ang boses niya.

Gusto mo siyang lapitan at yakapin… ‘yung mahigpit… sobrang higpit, ‘yung tipong hindi mo siya bibitawan hangga’t hindi mo nababawi ang lahat ng araw na hindi mo siya kasama, gustong-gusto mo… kahit ang mahawakan man lang siya kahit saglit pero…

Pero hindi mo ginawa.

Dahil natuon ang atensyon mo sa lalaking lumabas mula sa karinderya.

Halos malagutan ka ng hininga nang makita mo ulit siya…

Hindi mo akalain na ganun pa rin ang epekto niya sa’yo… ganoong ganoon pa rin… pati ang nararamdaman mo para sa kanya… ganun na ganun pa rin.

Gusto mong umiyak ng mga oras na ‘yon dahil sa nararamdaman mo, para kang sasabog sa hindi malamang dahilan. Sa tagal mo siyang hindi nakita ay pakiramdam mo ay hindi totoo ang mga nangyayari sa’yo noon, kahit titig na titig ka sa kanya ay pakiramdam mo hindi pa rin totoo ang mga nakikita mo, kahit siyang-siya na nga ang nakikita mo.

Moreno pa rin siya ngunit kitang kita pa rin kagaya ng dati ang kulay pulang tinta sa pisngi niya sa tuwing naiinitan siya, matangos pa rin ang ilong nito, hindi na kasing lambot tingnan kagaya ng dati ang labi nito pero maganda pa rin ito lalo na kapag ngumingiti, medyo humaba rin ang buhok niya ngunit magulo pa rin ito kagaya ng dati, medyo mas lumaki pa ang katawan niya at walang nagbago sa height niya. Nakasuot ito ng puting plain shirt at jersey shorts katulad ng paborito niyang suotin dati, may suot rin siyang apron na kulay pula, cap na kulay puti, at silver na dog tag necklace, halos lahat ay suot niya bukod sa singsing.

Wala siyang suot na singsing..

Kung anu-ano na ang tumatakbo sa isip mo noon kahit nakatulala ka pa rin sa mukha ni Owen mula sa malayo. Humigpit ang hawak mo sa hawakan ng paper bag at sinubukan mong ihakbang pa ang mga paa mo patungo sa kanila dahil kahit papaano ay nagkaroon ka ng lakas ng loob pero napatigil ka nang lumapit si Paopao kay Owen pagkatapos niyang itayo ang bike niya sa harap ng karinderya. Parang may mainit na kumalat sa dibdib mo nang makita mong nag-mano si Paopao kay Owen bago ito umalis, pero hinabol pa siya ni Owen para tanggalin ang suot niyang cap at isuot ito kay Paopao, dahil aniya’y maiinitan daw ito sa pagba-bike kapag wala itong suot na kahit ano sa ulo, pero mabilis inalis ni Paopao ang cap para ibalik iyon sa ulo ni Owen.

Sabi niya ay alam naman daw nito na ayaw niyang nagsusuot ng cap o ng kahit ano abubot sa ulo niya dahil mas naiinitan siya kapag may suot-suot siya. Tinawanan lang siya ni Owen bago nito sinabing bahala ito sa kung anong gusto niya habang ginugulo ang buhok niya. Agad nagreklamo si Paopao dahil aniya’y isang oras niyang inayos ang buhok niya, pero tinawanan lang ulit siya ni Owen lalo na nang makita niya ang nakangusong mukha ni Paopao.

Naalala ko pa kung paano napaurong ng isang hakbang ang paa mo nang marinig mo ang usapan nila, dahan-dahan ring lumuwag ang pagkakahawak mo sa paper bag na dala-dala mo, mas lalo ring sumakit ang kurot at hapdi sa puso mo, napalunok na lang noon bago napaiwas ng tingin dahil nararamdaman mo na ang pangingilid ng mga luha mo.

Noon lang pumasok ng tuluyan sa isip mo na hindi mo kilala ang anak mo…

Paano ka haharap sa kanya at sasabihin sa kanya na ikaw ang isa pa niyang tatay kung hindi mo naman siya kilala? Wala kang alam na kahit ano sa anak mo bukod sa pangalan niya, birthday niya, at ang edad niya. Kaya paano mo masasabing tatay ka niya?

Ni hindi mo nga alam na ayaw niyang magsuot ng cap, tapos ang regalo mo pa sa kanya ay sandamakmak na cap.

Ang isang hakbang mong inurong noon ay unti-unting naging dalawa, tatlo… hanggang sa tuluyan ka nang umurong at nagtatakbo pabalik sa sasakyan ni Jasper. Nakita mo siya sa labas ng sasakyan niya habang naninigarilyo, ngunit agad itong napatigil nang makita ka niyang mabilis na pumapasok sa loob ng sasakyan niya, agad niyang inupos ang sigarilyo niya at tsaka siya pumasok sa loob para tingnan ka, balak niyang magtanong pa sana pero nang makita niya ang pagbagsak ng luha mo ay hindi na siya nagtanong pa, pinaandar na lang niya ang sasakyan at hinatid ka nito sa bahay niyo ni Marco.

Pagdating mo sa loob ng bahay niyo ay agad kang sinalubong ng yakap ni Ella na umiiyak nung mga oras na ‘yon. Wala ka pa sa sarili noon dahil masyado ka pang overwhelmed sa mga nakita mo. Ang utak mo ay punong puno pa ng imahe ng mag-ama mo, kaya’t hindi mo agad napansin si Ella na umiiyak.

Nang mapalingon ka sa kanya ay agad siyang nakiusap sa’yo na ayaw niyang umalis.

Hindi mo siya naintindihan nung una pero nang mapalingon ka sa gilid mo at nakita mo si Marco na may hawak-hawak na mga maleta ay naintindihan mo na ang nangyayari, lalo na nang makita mo si Jem sa likuran niya na mukhang hindi alam ang gagawin habang nakatingin kay Ella na nakayakap sa’yo.

Hindi mo alam na may mas idudurog pa pala ang puso mo nung araw na ‘yun nang sinabi ni Ella na ayaw niyang sumama sa kanila dahil hindi niya kilala si Jem. Pilit pa nitong iginigiit na ikaw ang Dada niya at hindi ang taong katabi ni Marco noon.

Agad kang napatingin kay Jem na mabilis na nag-iwas ng tingin noon pagkatapos sabihin iyon ni Ella, kitang kita mo kung papaano niya hinawakan ang bibig niya para pigilan ang pag-iyak niya bago siya tumagilid para hindi niya makita ang anak niya na nagmamakaawa sa’yo.

Sinubukang kausapin ni Marco si Ella ngunit umiiwas ito sa Daddy niya, pilit itong yumayakap sa’yo kaya’t mas lalo lang nadudurog ang puso mo para kay Jem. Bumagsak ang luha mo sa’yong mga mata habang pinagmamasdan mo si Ella na panay ang giit sa’yo na hindi siya sasama sa kanila dahil hindi naman niya kilala ‘yon, ikaw ang kilala niya, ikaw ang kasama niya, sa’yo siya lumaki, at hindi niyo siya mapipilit na sumama sa taong hindi niya kilala.

Kaya’t agad mong pinunasan ang luha sa mga mata ni Ella at sinabi mo sa kanya na kasama naman niya ang Daddy Marco niya ngunit mas lalo lang itong umiling dahil ikaw ang gusto niyang kasama at hindi sila.

Hindi mo na napigilan ang mapahagulgol noon, napatingin ka kina Jem at Marco na parehong nasasaktan sa sinasabi ni Ella, sa sobrang panghihina mo ay napabagsak ka na lang sa sahig habang nakayakap pa rin sa’yo ito. Nakaluhod kang humarap kina Marco at tsaka ka paulit-ulit na humingi ng tawad sa kanila.

Kasalanan mo, kasalanan mo lahat. Kung ‘di dahil sa’yo hindi sila masisira, kung sana ay hinayaan mo sila noon, hindi sana sila masasaktan ng ganoon.

Sobrang sumisikip na ang paghinga mo noon kasi naiintindihan mo sila… naiintindihan mo ‘yung nararamdaman nila nung mga oras na ‘yun, at kung ikaw ang nasa sitwasyon nila ay paniguradong hindi mo kakayanin na marinig ‘yung mga salitang ‘yon na manggagaling sa bibig ng anak mo.

Kahit punong puno ng luha ang mga mata mo ay tiningnan mo pa rin nang mabuti sina Marco. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita mong umiyak si Marco, hindi ito humahagulgol, nakatitig lang ito sa’yo habang bumabagsak ang mga luha sa kanyang mata, walang reaksyon ang mukha niya pero alam mong nasasaktan siya dahil nanginginig ang mga kamay niya habang si Jem… si Jem ay hindi ka magawang tingnan, nakatalikod ito pero alam mong umiiyak siya dahil nanginginig ang buong katawan niya, pero pinigilan niya ang sarili niyang humagulgol habang si Ella ay nakayakap pa rin sa’yo.

Kinagabihan noon ay nahiga ka sa kama mo na katabi si Ella, mahimbing itong natutulog habang nakayakap sa’yo nang mahigpit, para bang natatakot na mawala ka. Bago pa nga ito pumikit ay nakiusap pa siya ulit sa’yo na kahit anong mangyari ay huwag mo siyang iiwan.

Hindi ka nangako sa kanya.

Patuloy lang siya sa pag-iyak hanggang sa makatulog na siya ng tuluyan at nang makatulog na siya ay noon ka pa lang ulit umiyak. Nakatulala ka sa kisame niyo noon habang sinusuklay mo ang buhok ni Ella gamit ang isang kamay mo. Pawis na pawis ito at basang-basa na ang damit mo dahil sa mga luha niya at sa luha mong walang tigil sa pagbagsak.

Iniisip mo pa lang na sa oras na makita ka ni Paopao…

Magiging katulad din kaya ni Ella ang reaksyon niya?

Magagalit din ba siya sa’yo? Masasaktan? Maguguluhan dahil bakit nandoon ka kahit hindi ka naman niya kilala?

Hindi mo rin masisi si Ella na naging ganoon ang reaksyon niya, limang taon pa lang siya nung umalis si Jem, buong akala niya ay babalik si Jem ngunit hindi na siya nagpakita ulit hanggang sa sa’yo na ‘to lumaki. Hindi mo rin siya mapilit na magtiwala ulit kay Jem pagkatapos ng lahat ng nangyari, wala rin namang kasalanan si Ella kung naging man ganoon ang reaksyon niya, biktima lang din siya sa mga maling desisyon mo.

Hindi dapat si Jem ang ka-ayawan niya, kundi ikaw.

Ikaw dahil ikaw ang may kasalanan ng lahat.

Nung gabi na ‘yon Adi ay mayroon ka na namang pusong sinaktan.

Iniwan mo si Ella na natutulog sa kama niyo ni Marco, hinalikan mo lang ang noo niya ng isang beses bago mo inayos ang kumot niya.

Paglabas mo ng kwarto ay nakita mo si Jem na nakatayo sa balcony, may hawak-hawak itong mainit na kape habang nakatulala lang, mukhang malalim ang iniisip pero bakas pa rin ang pamamaga ng mata nito dahil sa pag-iyak.

Mukhang napansin ka niya kaya’t napalingon siya sa’yo, ngumiti ka lang sa kanya ng matipid bago ka tuluyang umalis. Sinundan ka niya para tanungin kung saan ka pupunta, kaya naman mabilis mo lang sinabi sa kanya na aalis ka na.

Si Ella… Paano raw si Ella?

Pinigilan mo ang pag-iyak mo nung mga oras na ‘yon pero paniguradong kumikislap na naman ang mga mata mo sa dilim dahil muli na naman iyong nababasa ng luha.

Humingi ka lang ulit ng tawad kay Jem, hindi mo kayang sagutin ang tanong niya. Wala na siyang nagawa nang umalis ka na ng bahay.

Isang linggo kang nag-stay sa hotel na pagmamay-ari ng mga magulang mo.

Hindi ko na masyadong matandaan ang mga nangyari nung mga panahon na ‘yon dahil ang naalala ko lang ay madalas ka lang tulala noon sa kwarto, sobrang dami mo kasing iinisip noon, nagkapatong patong na sila sa isip mo sa puntong hindi mo na alam kung ano bang nangyayari sa buhay mo.

Nakita mo na sina Owen at Paopao noon, dapat ay maging masaya ka dahil iyon naman ang matagal mo ng hiling. ‘Yung makita man lang sila kahit isang beses at ngayong nangyari na ay parang hindi pa rin sapat sa’yo ‘yon. Gusto mo silang mayakap at makausap, pero sa tuwing naiisip mo ‘yon ay bigla mo na lang naalala ang naging reaksyon ni Ella sa pagbabalik ni Jem.

Naguguluhan ka noon… hanggang ngayon naman, hindi mo maipaliwanag ang mga nangyayari, parang hindi mo na napag-iisipang mabuti ang lahat.

Kaya gusto mo sanang maging maayos muna bago ka muling humarap kay Owen at sa anak mo.

Hindi pwedeng humarap ka sa kanila na ganyan ang kalagayan mo at marami kang bitbit na problema. You want them to see the best version of you para kung sakali mang pumayag sila na makausap ka ay maayos kang makakaharap sa kanila.

Gusto mo rin noon na ihanda ang sarili mo sa oras man na tumanggi sila na makita o makausap ka, kailangan matanggap mo sa sarili mo kung ganoon man ang maging desisyon nila.

Nakakausap mo pa rin naman si Marco noon, nagkaka-text kayong dalawa dahil pinag-uusapan niyo na ang divorce niyo noon. Kinukumusta mo rin palagi si Ella sa kanya, hindi makasagot nang maayos sa’yo si Marco dahil hindi okay si Ella simula nung iniwan mo ‘to, nalulungkot ka man pero ‘yon ang naiisip mong tamang desisyon noon.

Wala ka namang balak na takbuhan si Ella, magpapakita ka pa rin naman sa kanya at kung papayag sila Marco ay maglalaan ka naman ng araw para magkasama kayong dalawa.

Thankfully, pumayag sila. Sinabi rin nila ‘yon kay Ella, noong una ay iniiwasan sila nito sa tuwing sinasabi nila ‘yon sa kanya pero paglipas ng ilang araw ay pumayag din si Ella dahil hindi niya matiis na hindi ka niya makita. Hindi mo alam kung anong ginawa mo para mahalin ka ng batang ‘yon. Hindi mo rin alam kung deserve mo ba ang pagmamahal na natatanggap mo sa kanya.

Nalulungkot ka para kay Jem pero alam mong balang araw ay magiging ayos din sila ni Ella.

Medyo kumalma na ang utak mo nung nanirahan ka sa hotel, siguro ay nakatulong din ang pagiging mag-isa mo noon para makapag-isip isip. Handa ka rin naman maghintay katulad ni Jem kahit abutin ng ilang taon bago ka matanggap nila Owen. Kung kailangan pa nilang mag-adjust sa oras na bumalik sa kanila ay handa mong hintayin gaano man katagal. Sinusubukan mong maging positive sa pagpapakita sa kanila, ayaw mo na sanang maulit ang nangyari noong nakaraan na pinangunahan ka ng takot at lungkot noong nakita mo sila.

Ayaw mo nang umurong sa pangalawang pagkakataon.

Kaya’t inayos mo na ang lahat, ang divorce niyo ni Marco, ang bagong bahay na lilipatan mo, ang sarili mo… inaayos mo na ang sarili mo, pumayag ka na rin sa wakas sa gusto ni Jasper na magpa-therapy.

Ayos na eh…

Ayos na sana.

Everything was fine…

Until it’s not.

Ang sunod ko nang naalala sa mga nangyayari na ‘yun ay ang mga nakakasilaw na flash ng camera na naman.

Parang bangungot…

Katulad nang unang beses kumalat ang mga video at picture mo noon, ganoong ganoon ang eksaktong eksena na naabutan mo. Paglabas na paglabas mo ng kompanya niyo ay nasa labas noon ang kotse ni Marco, may mga nakapaligid sa kanyang mga bodyguard na itinutulak ang bawat reporter na nag-aabang sa’yo sa labas ng building.

Mabilis mong tinakpan ang mukha mo gamit ang iyong kamay dahil kahit ang tinta ng suot mong shades ay hindi natatalo ang mabibilis at nakakasilaw na liwanag ng mga flash ng camera. Halos mabulag ka na at hindi mo na makita ang kapaligiran mo, para ka nang nalalasing at nawawala sa sarili sa bilis ng mga liwanag na ‘yon.

Kung hindi ka pa hinatak ni Marco at niyakap habang naglalakad patungo sa loob ng kotse niya ay baka hinimatay ka na sa dami ng taong nakapaligid sa’yo, dahil kahit maraming bodyguard ang nakasunod sa’yo ay hindi nito mapigilan ang dami ng mga reporter na parang umaalon sa paligid mo.

Kahit noong naipasok ka na ni Marco sa loob ng sasakyan ay parang wala ka pa rin sa sarili mo, kahit ipikit mo man ang mga mata mo ay para bang nakikita mo pa rin ang mga flash ng camera na halos bumulag na sa mga mata mo.

Tinanong ka ni Marco kung okay ka lang ba noong nakalayo-layo na kayo, may ilang mga sumusunod pa rin pero alam mong hindi na sila makakasunod pa hanggang bahay ni Marco dahil sa higpit ng security sa lugar na ‘yon.

Hindi ka nakasagot noon at napapikit ka na lang nang mariin.

Lahat ng mga ginawa mo para maging maayos ka ulit ay biglang nawala lang nang ‘sing bilis ng liwanag na nagmula sa camera.

Simula noong namatay ang mga magulang mo sa loob ng isang sikat na 5 star hotel, parehong dilat at may tama ng baril sa gitna ng kanilang ulo, ay hindi mo na alam kung paanong muling bumilis ang paglipat ng mga araw mo.

Kahit saan ka lumingon at bumaling ng tingin ay tanging camera lang ang nakikita mo. Maliwanag, nakakasilaw. Hindi na nawala sa isip mo at tunog at ang liwanag nito. Bawat click ng camera ay lumilipas ang araw mo, para kang nanaginip. Nakakahilo, nakakabaliw. Hindi mo na alam kung anong araw na ba no’n, anong buwan? Anong taon? Kilala mo pa ba ang sarili mo no’n? Hindi ako sigurado. Kahit nakikita mo naman ang sarili mo sa dyaryo, billboard, at TV ay para bang hindi mo na makilala ang sarili mo.

Hindi mo na namamalayan ang pagdaan ng bawat araw dahil bawat lipat mo ng kalendaryo ay naglilipat ka rin ng mga pahina ng papel na kailangan mong pirmahan. Lumilipat ka rin ng mga building, korte, at interview na kailangan mong attend-an. Halos lahat simula noong namatay ang mga magulang mo ay ikaw na ang umasikaso.

Hindi ka rin hinahayaang lumabas ni Marco ng bahay mo noon ng ikaw lang mag-isa, bumibisita siya sa’yo ngunit hindi niya nagagawang isama si Ella dahil sa takot na baka madamay ito, hindi niyo alam kung sinong kalaban mo, hindi mo alam kung may gusto rin bang pumatay sa’yo. Madalas ay bumibisita sa’yo si Jasper kasama ang mga tao niya na pinamumunuan ni Silas upang bantayan ka kung sakali mang pagtangkaan ka rin ng taong nagpapatay sa mga magulang mo, hindi na rin natuloy agad ang divorce niyo ni Marco dahil inuna niyong asikusuhin ang mga kailangan asikasuhin sa pagkamatay ng magulang mo, kasama na rin doon ang pag-alam kung sino ang tao sa likod ng pagkamatay nila.

Ang tanging dahilan na lang kung bakit ka nanatiling nasa tamang pag-iisip noon ay sa tuwing naalala mo sina Owen at Paopao…

Sa tuwing nakahiga ka na sa malaki at malambot mong kama sa’yong bagong bahay, habang nakatulala sa kisame at pinagmamasdan na naman ang mga alikabok na lumilipad sa liwanag ng ilaw, hindi iniinda ang hapdi sa pampakalmang nakatusok sa braso mo kahit ilang oras na ‘yong nandoon.

Sa tuwing gabi kung saan hinihintay mo na lang matapos ang magulong araw mo ay nangangarap ka na lang na makikita mo ulit sila.

Habang hawak-hawak mo ang lumang larawan ni Owen sa kanang kamay mo ay hindi mo maiwasang hindi isipin ang buhay kung saan hindi magulo, tahimik, at hindi ka nahihirapan…

Bumabalik ang isipan mo patungo sa dating baryo nila Owen, sa likod ng bahay nila kung saan kinuhanan ang larawang hawak-hawak mo, sa lugar kung saan maliwanag, maaliwalas, at maganda… Kung saan na nakikita mo siyang naglalakad sa gitna ng mahalamang kapaligiran, hawak-hawak ang isang piraso ng sunflower, at kahit nakatalikod ka sa kanya ay alam mong naglalakad siya papalapit sa’yo, yayakapin ka niya mula sa likuran at iaabot niya ang sunflower sa’yo, mapapangiti ka at haharap ka sa kanya tsaka mo sisiilin ng halik ang kanyang malambot na labi… dahan-dahan pero malalim, sinusulit mo ang bawat segundo na hinahalikan mo siya, ngingiti ka sa kanya pagkatapos ay pagmamasdan mo ang mukha niya, hindi mawawala ang tingin niyo sa isa’t isa hanggang sa marinig niyo si Paopao na tumatakbo papalapit sa inyo, sabay kayong lilingon sa anak niyo at makikita niyo siyang masayang kumakaway sa inyo, kasunod niya ang aso’t pusang alaga niyo na masaya ring tumatakbo.

Gabi-gabi, gising ka man o tulog, palagi kang nalululong sa kathang isip na ‘yon, hindi ka makaalis, para na siyang naging bisyo, hindi natatapos ang araw mo na hindi ka bumibisita sa lugar na kung saan ikaw lang ang nakakaalam. Sa tuwing nagigising ka ay wala ka nang ibang gustong hilingin kundi ang sumapit ulit ang gabi upang makabalik ka doon, dahil doon masaya ka, doon kasama mo sila, doon ay nakakatakas ka sa putanginang reyalidad.

Ayaw mo nang magising, gusto mo na lang manatili doon, kaya’t pinagbigyan mo ang sarili mo, pinagbigyan mong manatili ka sa kathang isip na ‘yon sa gitna ng magulo mong buhay na kung saan para ka na lang robot na nagpapatangay sa agos ng buhay mo— hanggang sa nagising ka…

Nagising kang mag-isa sa malaking mansyon mo sa gitna ng Maynila.

Marami kang pera ngunit hindi ka masaya.

Wala na si Marco dahil umalis na siya sa ibang bansa kasama ang bago niyang pamilya… kasama si Ella na hindi mo na muling nakausap pa…

Wala na si Jasper, hindi mo na alam kung saan siya nagpunta pagkatapos niyong magka-away nang paulit-ulit dahil tumanggi kang magpagamot sa kanya.

Wala ka ng mga magulang dahil nga pinatay sila… pinatay sila ng isang businessman na nakaalitan nila dahil sa pera. Hindi mo man lang nakuha ang matagal mo ng pinapangarap na sorry mula sa kanila, iniwanan ka pa nila ng malaking gulo na inabot ng sampung taon bago maayos.

Pero ilang taon pa ulit ang kailangan maubos bago mo mai-ayos ulit ang sarili mo?

Kailangan mo na silang makita, kailangan mo na silang makausap. Kumukulubot na ang ilang parte ng mukha mo pero wala ka pa ring aksyon na ginagawa para balikan ang mag-ama mo.

Kaya’t pinilit mo. Pinilit mo ang sarili mong bumangon, pinilit mong kumawala sa trabaho mo, at pinilit mong umalis sa paulit-ulit na cycle ng buhay mo.

Ilang taon na ba ang nakalipas noon? Graduation na siguro ni Paopao noon sa kolehiyo.

Sumikip na naman ang dibdib mo. Hindi ko alam kung bakit basag na basag na ang puso mo pero patuloy pa ring may nababasag dito sa tuwing mapapagtanto mong lumilipas ang araw na hindi mo sila kasama.

Ilang pasko na ba ang nagdaan na naalala mo sila? Ilang birthday na ba nila ang nalagpasan mong umiiyak ka? Ilang importanteng okasyon na ba na wala ka sa tabi nila?

Hindi ko na rin alam, Adi.

Kasi noong bumalik ka sa bagong baryo na tinitirahan nila ay wala ka pa rin sa sarili mo, hawak-hawak mo na ang bulaklak na pinitas mo galing sa mga halaman sa likod ng bahay mo, inaalagaan mo ang mga ‘yon at sinasadya mong pitasin ‘yon sa araw ng graduation ni Paopao.

Sa pagkakaalam mo kasi noon ay June 25 ang graduation ng anak mo.

Kaya’t kahit wala kang ibang dala bukod sa isang bouquet ng bulaklak at isang katiting na pag-asa na pagbibigyan ka nilang kausapin sila ay naglakas loob ka pa ring pumunta doon.

Ngunit pagdating mo sa tapat ng bahay nila ay nakasarado iyon.

Kumabog ang dibdib mo noon, kaya’t agad kang nataranta. Ilang taon na rin ang nakalipas at wala ka nang masyadong balita sa kanila, may ibang detective ka na ulit na kinuha pagkatapos ni Silas pero ang huling sabi rin nila sa’yo ay doon pa rin naman nakatira ang mag-ama mo kaya’t bakit nakasarado ang bahay nila? Kahit ang karinderya sa tabi ng bahay nila ay nakakandado rin.

Unti-unting bumilis ang paghinga mo noon, para kang sinasakal dahil nasa kalagitnaan ka ng pagpapanic mo, nanginginig ang tuhod mo pero hindi mo maigalaw ang buong katawan mo, para kang na-paralyzed sa tapat mismo ng bahay nila.

Hanggang sa matuon ang atensyon mo sa tarpaulin ni Paopao na nakasabit sa bintana ng bahay nila, napangiti ka na lang habang nakatitig ka sa larawan ni Paopao. Muling umayos ang paghinga mo noon, dahan-dahan lang pero kumakalma ka na. Binata na talaga siya, may kirot man sa puso mo pero masaya ka na lumaki siyang gwapo at matalino, ka-mata niya rin talaga ang tatay niya, manang-mana kay Owen, pero medyo kahawig mo rin siya sa graduation picture niya. Kaya’t medyo namula pa ang pisngi mo noon dahil nahihiya ka na kamukhang kamukha mo rin ang anak mo, kahit parang wala ka namang karapatan para maging kamukha niya, pero hindi mo maiwasang hindi mapangiti habang pinagmamasdan siya.

Hanggang sa nawala ang ngiti sa labi mo nang makita mong hindi ito para sa graduation niya, dahil para ito sa pagkapasa niya sa licensure exam. Hindi mo alam kung kailan siya nag-exam? Tapos na ba ang graduation niya? Hindi ba parang ang bilis naman dahil exam na agad?

Para kang nakakarinig na naman nang matinis na linya sa kung saan man, lumalabo na rin ang gilid ng mga mata mo, mabuti na lang at may nagtanong sa’yo kung hinahanap mo raw ba ang mga Magdayao, kaya’t bigla kang bumalik sa ulirat.

Napalingon ka sa Aleng nakangiti sa’yo, mukhang nakatingin siya sa bulaklak na hawak mo kanina bago niya ibalik ang tingin sa mga mata mo. Inulit niya ang tanong niya nang makita niyang nakatulala ka lang noon sa kanya, kaya’t tinanong niya ulit kung ang mag-amang Magdayao raw ba ang pinunta mo at kahit wala ka pa sa sarili mo ay dahan-dahan akong tumango.

Sabi niya ay wala sina Owen Magdayao sa bahay nila dahil kasal ni Paolo nung araw na ‘yon.

Kasal…

Kasal ni Paolo…

Kasal ng anak mo?

Para bang bigla kang nahilo noon, muling napabalik ang tingin mo sa tarpaulin ni Paopao, noon mo lang napansin ang pag-pi-fade ng kulay nito, pati na rin ang butas-butas na parte nito, kagaya ng tarpaulin noong unang beses mong nalaman ang pangalan ni Owen, luma na at ginagamit na lang pangtabing sa bintana.

Pabilis nang pabilis na naman ang tibok ng puso mo dahil hindi mo makuha nang maayos ang bagong impormasyong nalaman mo.

Kasal?

KASAL?

Itinuro mo ang tarpaulin sa Ale at tinanong mo sa kanya kung kailan pa ‘yon nandoon, nagtataka ang Ale sa tanong mo pero aniya’y matagal nang pumasa si Paolo sa exam. Mga pitong taon na ang nakalipas.

Kayang mabilis mong tinanong ang ale kung anong date na? Ang pagkakaalam mo kasi noon ay June 25 palang naman, kahit naguguluhan ay tumango ang ale, sabi niya ay tama ka naman daw, June 25 pa lang.

June 25…

June 25?

Kinuha mo ang cellphone mo sa’yong bulsa noon, tiningnan mo ang kalendaryo at tama namang June 25 ngunit ilang taon na ang nakalipas. Halos mabuwal ka sa pagkakatayo mo noon nang mapagtanto mo kung gaano na kahabang taon ang nakalipas, mabuti na lang ay nahawakan ka ng ale kaya’t hindi ka tuluyang bumuwal.

Tinanong mo ang ale kung saan ang reception ng kasal ng anak mo ngunit hindi niya alam dahil hindi naman siya imbitado, talaga lang suki siya sa karinderya ni Owen kaya’t nagagawi siya sa lugar na ‘yon, kaya’t tumango ka na lang sa kanya at nagpaalam na sa ale.

Muli mong sinulyapan ang bahay at ang karinderya ni Owen bago ka tuluyang naglakad papalayo.

Pasikip nang pasikip ang puso mo bawat hakbang mo.

Huli ka na.

Bakit magpapakita ka pa?

Wala ka sa sariling naglalakad sa gilid ng kalsada, ilang beses ka nang binusinaan ng mga dumadaang tricycle dahil muntik ka na nilang masagasaanan pero hindi ka pa rin bumabalik sa ulirat, ang tanging nakapagpabalik lang sa’yo sa reyalidad ay nang may marinig kang hiyawan at malakas na palakpakan pagkatapos banggitin ang apilyidong Magdayao.

Napatigil ka sa paglalakad at napatingin ka sa kung saan nanggagaling ‘yon. Nakita mo ang covered court sa tabi ng baranggay na may kasiyahan. Hindi mo alam kung bakit dinala ka ng mga paa mo patungo doon, ngunit hindi ka tuluyang lumapit nang makita mo kung gaano karami ang tao. Sa likod ng isang malaking puno ng mangga ay doon ka napahinto. Sumilip ka sa doon at unang bumungad sa’yo ang mga lamesang may kulay dilaw at puting mantel, may tig-iisang pirasong sunflower din sa ibabaw ng bawat table, sinamahan ito ng ibang maliliit na bulaklak ngunit mas nangingibabaw pa rin ang mga malalaking sunflower.

Inilibot mo pa ang paningin mo sa buong lugar, may mga lobo na kulay dilaw at puti rin, mga mga regalo at mga handang pagkain, may isang malaking cake rin sa harapan, luma na ang style noon ngunit malaki ito, sa harapan ay may malaking disenyo sa gitna ng mga speaker, mas maraming disenyong bulaklak na sunflower ngunit sa tingin mo’y karamihan doon ay peke na ngunit maganda pa rin naman ‘yong tingnan, pinagmasdan mo lang ang buong paligid pati na rin ang mga taong nagtatawanan, mukhang lahat sila doon ay masaya.

Hindi ko nga alam bakit nagbubulagbulagan ka pa noon kahit may nakikita ka nang isang malaking Mr. & Mrs. Magdayao sa gitna ng stage na ginawa. Nanlalamig na nga ang mga kamay mo habang patuloy ka lang sa paglibot ng paningin mo hanggang sa makita mo siya. Nakita mo siya malapit sa unahan, kausap niya ang isa pang tao na kanina mo pa gustong makita.

Nakatayo si Paolo malapit sa unahan, nakasuot ito ng kulay itim na suit na bagay na bagay sa kanya habang hawak-hawak ang kamay ng babaeng nakaputing bestida, nakikipagtawanan ito sa isang lalaki na malayo ang edad sa kanya, na nakaupo ito sa upuang may nakabalot din na puting tela, nakasuot din ito ng itim na suit kagaya ni Paopao at kahit na may iilang kulay puti na sa buhok nito ay wala pa ring pinagbago sa mga ngiti niya.

Imbes na manikip ang dibdib mo ay naramdaman mong unti-unting lumuwag ang paghinga mo, kahit na namumuo ang luha sa mga mata mo ay sigurado kang hindi lungkot ang nararamdaman mo.

May isang babae ang nag-abot ng mic kay Paopao, kinuha niya ‘yon at inimbitahan niya sa harap si Owen na ayaw pang sumama sa kanya, kung hindi pa siya pinilit ng mga bisita ay hindi nila ito maaayang pumunta sa harapan. Hindi ko nga alam kung naalala mo pa pero napangiti ka noon nang makita mong nahihiyang tumayo si Owen sa tabi ng anak niyo at ng asawa nito.

Pinakinggan mong mabuti ang speech ni Paopao na nagsimula lahat sa biruan, nagtatawanan at naghihiyawan ulit ang mga bisita ngunit unti-unti iyong nawala nang maging seryoso na ang mga sinasabi nito sa bandang dulo, lalo na nang nagpasalamat na si Paopao kay Owen sa pagpapalaki sa kanya.

Unti-unting humigpit ang pagkakahawak mo noon sa puno, kahit magaspang at nagsusugat na ang kamay mo ay hindi mo iyon napansin dahil mas nangibabaw na naman ang kirot sa puso mo.

Hindi ko alam kung anong karapatan mo para marinig kung gaano naging kabuting ama si Owen kay Paopao sa puntong hindi niya naramdaman na may kulang sa kanya, pero dahil desperado kang makaalam ng kahit anong impormasyon tungkol sa kanila ay pinili mo pa ring makinig.

Alam mong ikaw ang tinutukoy ni Paolo doon, sa sinasabi niyang kulang sa kanya, kaya’t hindi mo maiwasang hindi mahiya at masaktan kahit wala ka namang karapatan, pero buti na lang ay mas nangibabaw ang mainit na pakiramdam na kumalat sa dibdib mo nang malaman mong namuhay silang dalawa ng masaya.

Kahit hindi na ikaw.

Kahit sila na lang…

Masaya ka na nakatakas sila sa lahat ng problema na hinarap mo mag-isa, masaya ka na hindi nila naranasan lahat ng naranasan mong bangungot sa industriya, hindi sila nasilaw sa paulit-ulit na flash ng camera, at hindi nila naranasan ang gulo at ingay sa alon ng mga peryodista, ang magitgit sa puntong hindi na sila makahinga, ang pabalik-balik na byahe sa bahay at sa pulisya, ang pagpyestahan ng mga tao ang bawat galaw mong ginagawa.

Kaya’t masaya ka na namuhay sila ng normal at matiwasay katulad ng mga pinangarap niyo ni Owen noon… masaya ka natupad nila ang mga pangarap niyo kahit sila na lang dalawa… masaya ka na hindi naramdaman ni Paolo na may kulang sa kanya.

Masaya ka na hindi sila natulad sa’yo.

Masaya ka na hindi sila kulang kagaya mo.

Kaya’t noong araw na ‘yon, pagkatapos mong pagmasdan kung gaano kasaya ang mag-ama mo, noon mo napagtanto na hindi mo na kailangan pang bumalik sa buhay nila, hindi mo na kailangan sirain at guluhin pa ulit sila.

Kahit na may bumabagsak na luha sa mga mata mo ay napangiti ka.

Nakapagdesisyon ka na…

Sa likod ng isang malaking puno, kung saan walang nakakita sa’yo bukod sa ibong nakadapo dito. Pinunasan mo ang luhang rumurolyo sa pisngi mo, pinagmasdan mo sa huling pagkakataon ang masayang ngiti ng mag-ama mo bago ka unti-unting tumalikod.

Kagaya ng ginawa mo noon.

Iniwan mo sila, iniwan mo silang dalawa.

Isang linggo pagkatapos noon ay lumipad ka patungo sa Switzerland. Doon ka bumili ng bagong lupain at bahay, halos murahin ka na ni Ella na nang malaman niya kung saan ka lumipat dahil isang buwan lang pagkatapos mong umalis sa Maynila ay umuwi siya doon para ipagpatuloy ang pag-aaral niya sa medisina. Tinatawanan mo lang siya sa telepono dahil kahit ilang beses ka niyang pakiusapan ay desidido ka nang huwag bumalik doon.

Naging pribado ang buhay mo pagkatapos noon, sabagay… simula noong namatay ang mga magulang mo ay pinilit mo naman talagang maging pribado na ang buhay mo, tinatakasan mo na talaga ang mga bagay na magiging paraan para pagpyestahan ng mga tao sa telebisyon ang buong pagkatao mo, kagaya ng paghihiwalay niyo ni Marco na napagkasunduan niyong itago, at ang biglaang pag-alis mo sa Maynila para makalayo na, marami ka namang ipong pera, sa tingin ko nga ay hindi mo mauubos na ‘yon dahil wala ka namang paglalaanan ng ganoong kalaking pera, wala ka na ring mga magulang na nagkokontrol ng buhay mo, kaya mo nang magpakalayo-layo at hindi magpakita sa mga tao nang sa gayon ay maging tahimik na talaga ang buhay mo.

Mahina ang wifi sa parte ng lugar na nilipatan mo, mahina rin ang signal ng kahit TV o Radyo, wala ka rin masyadong kapit-bahay dahil halos buong lupain ay pagmamay-ari mo pero sakto lang ang laki ng bahay mo. Sakto lang para sa inyo sana ng pamilya mo. Minsan nga ay naiimagine mong nandoon sila…

Si Owen at Paopao.

Pero bago mo pa ipagpatuloy ang pagbuo ng imahinasyon mo ay iniinom mo na lang ang gamot na ini-reseta sa’yo ng doctor. Hindi naman ganoon kadaling alisin sila sa alaala mo, wala ka rin namang balak na alisin sila, sa totoo lang ay nag-alaga ka rin nga ng kulay puting aso at itim na pusa doon sa bagong bagay mo, pinangalanan mo rin sila katulad ng pangalan ng aso’t pusa nila, kailangan mo lang din talaga ng kasama lalo na kapag nagdidilig ka ng mga halaman at bulaklak sa likod at harap ng bagong bahay mo.

Wala ka na rin kasi talagang nakakausap noon, hindi mo na alam kung nasaan si Jasper, gusto mo mang makausap ulit siya at kumustahin ay hindi mo na magawa dahil bigla na lang siyang naglaho, isa na rin siguro ‘yon sa mga bagay na pinagsisisihan mo dahil may isa na namang taong nawala sa’yo, pero ganoon siguro talaga ang buhay, para bang kahit masakit ay tanggap mo na kung mawawala man ang mga taong importante sa’yo.

Hindi mo na rin nakakausap si Marco, ang huling balita mo sa kanila ay nakatira pa rin sila sa ibang bansa ni Jem, may mga mas batang kapatid na si Ella doon kaya’t doon na sila nanirahan ng tuluyan, mabuti na lang ay pinayagan nila si Ella na bumalik sa Maynila kaya’t kahit papaano ay nabibisita ka pa rin nito kahit isang beses lang sa isang taon.

Kahit kila Owen at Paopao ay wala ka nang balita, sinasadya mo ngang umalis sa Pilipinas para sa dahilan na ‘yon, alam mo kasing kung ‘di ka magpapakalayo-layo ay mananatili kang nakasunod sa kanila, paniguradong aalamin at aalamin mo ang mga nangyayari sa kanila kung nandoon ka pa rin, hindi sila matatahimik kapag ginawa mo ‘yon, alam mo rin na hindi maganda na pasundan sila sa mga detective, unfair din ‘yon sa kanila, pero kung ‘di ka aalis, paniguradong gagawin mo ‘yon dahil hindi ka makakatiis na hindi malaman kung kumusta na ang kalagayan nila…

Dahil mahal mo pa rin sila.

Sinubukan mo lumayo pero hindi sila nawala sa sistema mo, naalala mo sila sa lahat ng bagay ngunit ang kaibahan lang ay nagiging maaayos na ‘yon kumpara sa dati, hindi siya malala na halos hindi ka na nakakagawa ng mga dapat mong gawin sa buhay dahil mas nanatili ka na lang sa imahinasyon mo.

Kung naalala mo pa, Adi… Wala kang ibang ginawa noon sa bagong bahay mo kundi ang magluto ng menudo, umay na umay ka na sa lasa noon pero patuloy ka sa pagluluto noon dahil gusto mong maging perfect ang lasa noon pagdating ng pasko. Naalala mo kasi si Owen at ‘yung pangako niya na ipagluluto ka niya noon, alam mong hindi iyon kasing sarap ng luto niya pero kahit papaano ay edible naman ‘yon. Kasama mong mag-celebrate ang dalawang alaga mo sa bawat okasyon na nagdaraan.

Hindi mo maiwasang hindi isipin kung anong pakiramdam kaya kung kasama mo rin sina Owen at Paopao, pero agad mo ring inaalis sa isipan mo ‘yon dahil alam mong masaya na sila.

Bawat araw, buwan, at taon na nagdaan ay naalala mo pa rin sila, pero hindi ka na masyadong nasasaktan…

Dahil alam mong masaya sila at namumuhay ng normal.

Pinilit mo rin maging katulad nila, pinilit mo ring mamuhay ng normal sa kabila ng lahat ng nangyari sa’yo. Nakikisalamuha ka rin sa mga tao, hindi man madalas pero sinusubukan mo na ulit kung papaano mamuhay ng normal, ang hindi matakot sa mga tao, ang lumabas ng bahay ng hindi nagtatago, marami kang naging kaibigan pero wala kang naging karelasyon, kasi hindi mo kaya.

Hindi mo kayang magmahal ng iba.

Ayos naman na ang buhay mo, mahal mo pa rin siya… mahal mo pa rin sila pero hindi na masakit sa tuwing naalala mo sila, namumuhay ka na ulit ng normal at malayo sa gulo.

Hindi ka naging lubusang masaya pero pwede na.

Pwede na.

Iyon ang tamang term sa klase ng buhay na mayroon ka.

Pwede na kasi paminsan minsan ay nagiging masaya ka, pwede na kasi nalilibang ka naman sa alagang aso’t pusa mo, pwede na kasi natututo ka nang magluto at maglaba, pwede na kasi nakakaya mo nang mag-isa, pwede na kasi hindi ka na natatakot sa lahat ng bagay, pwede na kasi sinusubukan mo nang mabuhay.

‘Yung mabuhay talaga.

‘Yung hindi dahil pinipilit mo lang na gumising sa umaga, kundi kusa ka nang bumabangon para masilayan ang araw sa labas ng ‘yong bintana.

Sinubukan mong kalimutan ang mga masasamang alaala mo para maipagpatuloy mo ang buhay mo nang wala ng halong sakit at kirot, itinira mo na lang sa isipan mo ang mga magagandang alaala na mayroon ka…

Kaya itinira mo si Owen at Paopao.

Hindi mo sila kinalimutan.

Gusto mo sanang mamuhay noon bilang si Haviel, pero natawa ka na lang mag-isa noon dahil hindi ka si Haviel kung wala sina Owen at Paopao, kaya’t nanatili ka sa pangalang Adriel.

Ikaw si Adriel…

Adriel Beaufort.

Pero kinalumutan mo na ang lahat ng masasamang alaalang naka-akibat sa pangalan mo.

Hindi man ngayon, pero siguro paglipas ng ilang taon ay mabubura na rin iyon sa alaala ng mga tao. Makakalimutan na rin nila ang mga masasamang alaala na nakadugtong pa rin sa pangalan mo. Balang araw ay makakalimutan na nila ang pangalang Adriel…

Kagaya mo…

Balang araw ay makakalimutan mo na rin ang pangalan mo…

Sobrang bilis rin kasi talaga nang paglipas ng panahon, hindi mo na namamalayan na mas marami na ang kulay puti sa buhok mo at marami na rin ang kulubot sa balat mo. Ganoon pa rin ang itsura mo ngunit hindi pa rin maipagkakaila ang ilang pagbabago nito.

Kaya’t naniniwala ka rin na malaki na ang pinagbago ng mga tao kagaya mo, kaya baka magawa mo nang maglakad nang malaya sa Maynila.

Alam mong wala naman nang ibang dahilan para bumalik ka pa ng Maynila pero sa hindi malamang dahilan ay ayaw mong mamatay sa ibang bansa.

Gusto mo rin namang makita pa ulit si Ella.

Gusto mong masilayan pa ulit sila… kahit saglit lang…

Gusto mong makita ang itsura ng apo mo, gusto mong makita kung ilan ba sila? Sinong kamukha nila? Si Paolo ba?

Alam mong wala kang karapatan na makita sila pero…

Pero ganoon yata talaga ang mga tao, hindi sila nakukontento, kagaya mo, hindi ka kuntento sa nangyari noon, hindi ka nakuntento kahit sinabi mong hindi mo na ulit sila babalikan pa pagkatapos ng araw na ‘yon.

Kasi ang totoo niyan ay gusto mo pa ulit silang makita.

Hindi ka naman magpapakita, pero…

Gusto mo silang makita bago ka tuluyang mawala.

Matanda ka na, hindi mo alam kung kailan ka magkakasakit, hindi mo na alam kung kailan ka mawawala sa mundo, kaya’t bumalik ka sa Maynila matapos mamatay ng alagang pusa mo sa sakit, matagal nang patay ang aso mo kaya’t nang namatay ang pusa mo ay wala ka nang ibang rason pa para manatili sa ibang bansa.

Lumipad ka pabalik sa Maynila at sinalubong ka ni Ella na isa ng doktora, kakabalik lang din niya sa Pilipinas dahil bumisita siya sa pamilya niya sa Amerika noon, hindi mo na binalikan ang mga dati mong bahay sa’yo pa rin nakapangalan ang lahat ng ‘yon, pero umupa ka na lang ng isang maliit na bahay kung saan ka pwedeng manirahan sa nalalabi mong taon.

Malusog ka pa naman noon, wala ka pa masyadong nararamdaman sa katawan mo, nagagawa mo pa ngang maglakad-lakad na sa Maynila at sa unang pagkakataon ay walang nakakilala sa’yo kahit na sino, walang matang nakamatyag sa ginagawa mo, walang camera na nakasunod sa’yo.

Pagbalik mo sa Maynila ay maraming masasayang balita ang bumungad sa’yo, gaya na lamang na ikakasal na si Ella dahil nag propose na siya sa beta girlfriend niya, at inimbitahan ka ni Jasper na bumisita sa bahay niya pagkatapos niyong hindi mag-usap ng ilang taon.

Ngunit may isang balita kang natanggap habang matiwasay kang nagkakape sa veranda ng inuupahan mong bahay sa Maynila.

Sa edad na walumpu’t pito, namatay si Owen.

Hindi agad nag-sink in sa’yo ang balita na ‘yon, noong una ay iniisip mo na baka niloloko ka lang ng detective na nakuha mo, kaya naman agad kang bumyahe patungo sa probinsya kung saan sila nakatira, kasama mo si Ella na siyang nag-drive sa’yo patungo doon.

Inihinto ni Ella ang sasakyan sa may malawak na lote dahil hindi na ‘yon makakapasok pa sa eskinita, ngunit kahit nakahinto doon ang sasakyan ay tanaw na tanaw mo pa rin ang kulay puting tent na nakatayo sa harap ng bahay nila, may mga naglalaro ng mahjong doon at may mga nagbebenta ng balot, at dahil gabi na kayong nakarating ni Ella ay kitang kita mo ang maliwanag na ilaw na nanggagaling sa loob ng bahay nila.

May dalawang lalaki na nakatayo at nag-uusap sa harap ng tarpaulin na nakalagay sa harapan, kaya’t nang umalis sila ay naramdaman mo na ang mainit na luhang rumolyo sa’yong pisngi.

Nakita mo sa tarpaulin ang larawan niyang nakagitna sa langit nitong disenyo, nakasulat doon ang pangalan niya at ang taon kung kailan siya pinanganak, pati na rin ang petsa ng araw na ‘yon kung kailan ka pumunta, wala siyang kahit anong kolorete sa mukha doon sa larawan, nakasuot lang siya ng kulay puting shirt at nakangiti, kulay puti na ang buhok niya at wala na ang makinis niyang balat pero gaya ng larawan niya sa tarpaulin noon sa dating baryo ay napakagwapo pa rin niya.

Simula noon, hanggang sa mga huling araw niya, napakagwapo pa rin talaga ni Owen.

Naramdaman mong unti-unting yumakap si Ella sa’yo ngunit hindi nawala ang tingin mo sa larawan niya. Hindi mo namalayan na pinipigilan mo lang pala ang pag-iyak mo kaya’t nang yumakap na sa’yo si Ella ay tsaka mo lang naramdaman ang lahat.

Napahagulgol kang bigla habang pilit kang kumakapit sa braso ni Ella na nakayakap sa’yo dahil pakiramdam mo ay babagsak ka kung ‘di mo siya hahawakan, halos mag-echo ang pag-iyak mo sa lahat ng sulok ng loob ng sasakyan pero hindi mo alintana ‘yon dahil wala namang makakarinig sa’yo bukod kay Ella.

Nakahinto lang ang sasakyan ni Ella sa bakanteng lote buong gabi noon, ilang beses lumabas noon si Ella upang bumili ng tig lilimang pisong kape sa maliit na vending machine sa tabi ng isang bakery, bumili na rin siya ng ilang tinapay na hindi mo rin naman nakain dahil nakatitig ka lang sa tarpaulin ni Owen magdamag, wala kang ganang gumawa ng kahit anong bagay noon, literal na nakaupo ka lang at nakatula.

Hindi mo rin nakitang lumabas ng bahay si Paopao noon.

Kinaumagahan ay kailangang umuwi ni Ella sa Maynila dahil sa kanyang trabaho, nakiusap ka sa kanya na kung maaari ay manatili ka muna doon, ayaw niyang pumayag dahil wala kang kasama ngunit wala rin siyang nagawa nung huli na. Walang hotel sa lugar na ‘yon kaya’t hinanap ka pa niya ng apartment na mauupahan muna bago ka niya iniwan doon. Malayo ‘yon sa bahay nila Owen kaya’t nung umalis na si Ella ay naglakad ka pa pabalik sa tapat ng bakanteng lote upang muling masilayan ang burol nito.

Bumalik din naman si Ella kinabukasan noon, may dala na siyang mga damit, kakaunti lang ‘yun, sapat lang para sa ilang araw, bumalik din siya agad sa Maynila pagkadala niya ng mga damit dahil sa kanyang trabaho.

Sa loob ng apat na araw ay nagbabalik-balik ka sa bakanteng lote, sa likod ulit ng puno, at nagtatago ulit sa mga tao.

Pinagmamasdan mo lang siya sa malayo, pinagmamasdan mo lang ang kabaong ng taong mahal mo mula sa malayo.

Bumabalik ka rin naman sa apartment kapag napapansin mong maraming tao na ang tumitingin sa’yo, may ilang tao na rin ang lumapit sa’yo at nagtanong kung sino ka, o kung anong ginagawa mo doon ngunit sinasabi mo lang na napadaan ka lang kaya’t umaalis ka na agad bago ka pa nila makilala.

Pero noong lamay na niya ay hindi ka na umalis.

Buong gabi kang nakatayo lang sa bakanteng lote, pinagmamasdan mo si Paopao na abalang nag-aasikaso sa mga nakipag-lamay sa kaniya, katuwang niya ang asawa niya at ang dalawang anak nila, ngunit ng nag-alas diez na ng gabi ay inakyan na ng asawa ni Paopao ang mga anak nila kaya’t siya nalang ang naging abala sa pag-asikaso sa mga tao.

Sa loob ng apat na araw na ‘yon ay may ibang tao ka pang inaasahang makita ngunit hindi mo sila nakita, hindi mo alam kung bakit hindi mo sila nakita, iniisip mo pa lang ang mga posibleng dahilan ay sumisikip na agad ang puso mo, tanging si Paopao at ang asawa niya lang ang pamilyar na mukha na nakita mo doon.

Pansin mo ang pagod sa katawan ni Paopao noon, namumula at namamaga pa rin ang mga mata niya pero nakangiti niyang binabati ang mga nakikilamay, gusto mo sana siyang lapitan at tanungin kung kumain lang ba siya o uminom ng tubig dahil mukhang nakalimutan na niya, ngunit hindi mo nagawa.

Hindi ka naman kasi makalapit…

Hindi mo alam kung bakit ka hindi makalapit…

Gusto mong makita si Owen, gusto mong lumapit sa kanya kahit sa huling pagkakataon.

Buong gabi mong pinag-isipan ‘yun, buong gabi mong tinantya kung kaya mo bang maglakas ng loob na lapitan siya, hanggang sa inabutan ka na ng pagsikat ng araw, umuwi ka na noon pero hindi pa rin mawala sa isipan mo si Owen.

Gusto mo siyang makita.

Gusto mo siyang malapitan.

Iyon na ang huling araw niya…

Hindi ko alam kung anong sumapi sa’yo noon at bakit bigla kang nagtatakbo patungo sa bahay nila, nahihirapan ka na sa pagtakbo mo dahil sumasakit na ang tuhod mo ngunit wala kang pakialam, pagkarating mo sa bahay nila ay nakita mong wala na sila doon. May ilan na lang tao ang naiwan upang magligpit ng mga gamit, agad mo silang tinanong kung nasaan na si Owen at ang sabi nila ay naka-alis na daw ito.

Tinanong mo sa kanila kung saan siyang sementeryo ililibing ngunit nag-aalangan silang sabihin ito sa’yo dahil sa isang pamahiin, nag-aalala lang daw sila para sa’yo ngunit agad kang umiling sa kanilang kailangan mong makita si Owen.

Kaya’t wala na silang nagawa kundi sabihin sa’yo kung saan ito inilibing, itinuro nila ang daan at agad kang sumakay sa isang tricycle, sila pa ang tumawag nito para sa’yo dahil alam nilang nahihirapan ka nang maglakad dahil sa’yong edad.

Inihinto ka ng tricycle driver sa loob mismo ng sementeryo, halos makahinga ka na ulit nang maayos nang makita mong naabutan mo silang nagmimisa pa sa harap ng puntod nito, nasa labas pa rin ang kabaong at nagdarasal ang mga tao.

Dahan-dahan kang lumapit patungo sa kanila, hindi ka napapansin ng mga tao dahil nakapikit silang lahat, kaya’t sinamantala mo na ang pagkakataon upang sumilip sa kabaong nito.

Unti-unting bumagsak ang luha sa mga mata mo nang makita mo siya. Napahawak ka sa bibig mo dahil pinipigilan mong gumawa ng kahit anong ingay upang hindi ka nila marinig.

Nakita mo si Owen sa huling pagkakataon pero hindi ka na niya nakikita.

Gusto mong sampalin ang sarili mo noon dahil ang una mo na namang napansin sa kanya noong tinitigan mo ang malamig na katawan niya ay ang shade na naman ng lipstick niya, hindi na naman bumagay sa moreno niyang balat, at ang foundation sa mukha niya ay hindi na naman pantay sa leeg pero kahit na ganoon… napakagwapo pa rin niya.

Napakagwapo pa rin ng mahal mo.

Inilibot mo ang tingin mo sa buong kabaong, iniisip mo kung kumportable ba siya doon? Ayaw pa naman ni Owen ng puting punda dahil dumihin daw ‘yon, mahirap labhan, bakit puting punda lang ang nakalagay doon sa kabaong? Pinagmasdan mo rin ang mga pangalang nakalagay sa kabaong niya.

Nandoon ang pangalan ng nanay at tatay niya pati ni Mutya, pero wala sila sa libing nito, nandoon rin ang pangalan ni Paolo at ng asawa niyang si Kathleen, pati ang pangalan ng mga anak nila.

Hindi mo alam na marami ka pa palang kayang ilabas na luha noon lalo na nang makita mo ang pangalan ng mga anak ni Paopao.

Oliver ang pangalan ng panganay niyang lalaki.

Hannah Vien ang pangalan ng bunsong babae.

Muntik ka nang mabuwal noon sa sobrang pag-iyak mo, halos lumabo na rin ang salamin ng kabaong ni Owen dahil napupuno na ito ng luha mo, dahan-dahan mong pinunasan ang salamin ng kabaong habang pinagmamasdan mo ang mataimtim niyang mukha mo.

Hindi mo na namalayan kung ilang segundo kang nakatitig sa kanya habang umiiyak nang walang tunog, halos pigain mo na ang puso mo noon dahil sa sobrang pagpipigil.

Gusto mong sumigaw, humagulgol, magwala, maglupasay— kahit ano! Gusto mong gawin lahat ng pwede mong gawin para mailabas mo lang ang sakit na nararamdaman mo pero hindi mo magawa.

Hindi mo magagawa dahil wala kang karapatan na gawin ‘yon.

Hindi ka kaano-ano ni Owen.

Napatigil ka noon sa pag-iyak nang mapatingin ka sa paligid mo, tapos na pala silang lahat na magdasal kaya’t lahat ng tao ay nakatingin na lang sa’yo.

Agad kang napayuko at napapunas sa luha mo, nahiya ka noon dahil sa eksenang ginawa mo. Kaya’t mabilis kang umalis sa tapat ng kabaong ni Owen at naglakad papalayo ngunit agad kang hinabol ng anak mo.

Hinabol ka ni Paopao…

Hinawakan niya ang braso mo nang marahan upang tanungin ka, halos tumigil ang paghinga mo noon nang maramdaman mo ang kamay niya sa’yong braso, dahan-dahan kang humarap sa kanya at pakiramdam mo ay nanaginip ka lang nang makita mo siya nang malapitan.

Nakita mo na sa wakas nang malapit ang anak mo.

Napakagwapong bata.

Gusto mong hawakan ang pisngi niya at titigan pa nang mas matagal ang mukha niya… pero hindi mo ginawa.

Kaya’t napatulala ka lang sa kanya, hindi mo alam ang gagawin mo, para kang nawala bigla sa mundo. Hindi mo na tuloy namalayan na ilang beses ka niyang tinanong.

Hanggang sa marinig mo na tinanong ka niya kung anong pangalan mo…

Alam ng kahit sinong Diyos na nakakakita sa inyo nung mga oras na ‘yun na gusto mong sabihin sa kanya ang pangalan mo…

Haviel.

Gusto mong sabihin na Haviel ang pangalan mo dahil baka sakaling hayaan ka niyang yakapin mo siya kapag ‘yon ang sinabi mo, baka sakaling makilala ka niya, at baka sakaling matanggap ka niya pero…

Pero huli na ang lahat.

Dahan-dahan mong pinunasan ang luha mo noon at ngumiti ka sa kanya bago mo sinabing Adriel.

Adriel ang pangalan mo.

Napakunot ang noo niya at mukhang marami pa siyang gustong itanong ngunit tinatawag na siya ng asawa niya dahil ipapasok na ang kabaong ni Owen sa ilalim ng lupa. Ilang beses pa siyang napatingin sa’yo ngunit sinuklian mo lang ito ng matamis na ngiti kahit patuloy lang ang pagbagsak ng mga luha mo noon.

Hindi mo na nakita kung paano ibinaba si Owen sa lupa dahil tumalikod ka na noon.

Bawat hakbang mo papalayo ay naalala mo lahat ng pinagsamahan niyo, bawat hakbang ay naalala mo rin ang bawat hakbang na ginawa mo noong iniwan mo sila, lahat-lahat ay naalala mo, kahit halos wala ka nang makita sa dinadaanan mo ay patuloy ka lang sa paglalakad papalayo kahit patuloy lang ang pagkadurog ng puso mo.

Hindi ko na alam kung paano ka nakabalik noon sa apartment na inupahan ni Ella, ang naalala ko na lang ay nakaluhod ka nalang noon sa sahig habang umiiyak, inaalala mo lahat ng mga alaala mo kasama si Owen.

Masaya man o malungkot.

Sa hirap man o ginhawa.

Inalala mo lahat nung araw na ‘yun.

Ayokong makalimutan mo lahat ng ‘yon kaya’t isinulat ko ‘tong liham na ‘to para sa’yo, Adriel.

Ito na lang ang mga natatandaan ko sa ngayon pero sa tingin ko ay sapat na rin ‘to para maalala mo ang lahat.

Lalong lalo na siya…

Si Owen.

Siguro ngayon ay nagtataka ka na kung sino ako? Baka naguguluhan ka na rin kasi baka hindi mo na talaga maalala lahat ng ‘to, o baka napapaisip ka na kung sino ba naman ‘tong gago na ‘to at bakit alam niya lahat ng tungkol sa’yo?

Hindi naman mahalaga kung sino ako, balang araw ay makakalimutan mo rin naman lahat ng ‘to. Hindi ko alam baka nga sa puntong ito ay makalimutan mo na rin kung paano ang magbasa o kung papaano humawak ng papel.

Pero kung nababasa mo pa ‘to, Adi.

Sana pilitin mong alalahanin pa rin ang lahat.

Kahit makalimutan mo na ang pangalan mo, huwag mo sanang kalimutan ang pangalan niya.

Owen Magdayao.

Tandaan mo sana lahat, tandaan mo simula noong unang beses mo siyang nakita, noong unang beses tumama ang labi niya sa labi mo, noong naramdaman mo kung paano ka niya yakapin, kung paano ka niya mahalin, lahat Adi…

Alalahanin mo lahat kahit ang mga masasakit na alaala.

Nakikiusap ako sa’yo, kung nababasa mo pa ‘to.

Please, Adriel…

Please…

Alalahanin mo siya at ang anak mo.

Nakikiusap ako na kahit makalimutan mo na kung papaano ang huminga, sana ay sila pa rin ang huling natitirang memorya sa isipan mo.

Kasi ngayon, Adi? Sila lang ang nasa isip ko ngayon.

Kahit ngayon…

Ngayong tumungtong na rin ako sa edad na walumpu’t pito, at nalaman kong mayroon na akong Alzheimer’s Disease, sila pa rin ang nasa isip ko.

Hindi ako natatakot mamatay, Adi.

Ang kinakatakot ko lang ay ang makalimutan ko sila.

Natatakot akong makalimutan ‘yung mga taong mahal ko kaya nakikiusap ako sa’yo.

Kung nababasa mo pa ‘to, kung naiintindihan mo pa ‘to…

Please Adriel…

O Haviel.

Alalahanin mo.

Notes:

Thank you for reading this story! This is going to be the last part of Haviel. Wala na pong kasunod talaga, dito na lang 'yon hehe. Thank u ulit! XOXO ♡

— Heart.