Post Header
Ngayong tapos na ang Halalan 2024, ikinalulugod naming ibahagi sa inyo ang mga estadistika ukol sa pakikilahok ng mga botante!
Nagtala ang Halalan 2024 ng kabuuang 14,959 na mga rehistradong botante. Sa mga botanteng ito, 3,415 ang nagpasa ng balidong balota, na kumakatawan sa 22.8% ng mga potensyal na botante.
Mas mababa ang pakikilahok ng mga botante ngayon kumpara sa nakaraang taon, na may pakikilahok na 27.8%.
May nakitang pagbaba ng bilang ng mga ipinasang balota, mula 4,247 hanggang sa 3,415, na aabot sa -19.6% na pagbaba.
Patuloy na magsisikap ang Komite ng Halalan na makipag-ugnayan sa aming mga rehistradong kasapi upang mahikayat ang lahat na bumoto sa mga halalan. Mayroong malaking impluwensiya ang sinumang mailuloklok sa Lupon ng Pangangasiwa lalo na sa pangmatagalang kalusugan ng mga proyekto ng OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha), at nais naming magkaroon ang lahat ng aming mga kasapi ng bahagi rito.
Sa mga kasaping nais malaman ang bilang ng mga botong natanggap ng bawat kandidato, mangyaring tandaan na ginawa ang proseso ng halalan para magkaroon ng pagkakapantay-pantay at makabuluhang pagtutulungan ang lahat ng mga kasapi ng Lupon, kaya hindi namin ilalathala ang impormasyong iyon. Hindi rin namin ibubunyag kung sinu-sino sa mga nabigong kandidato ang nakatanggap ng mga mabababang boto, sa kadahilanang hindi namin sila nais na panghinaan ng loob kung sakaling tatakbo silang muli sa hinaharap, kung saan may malaking posibilidad na magbabago ang sitwasyon at ang interes ng mga kasapi.
Muli, isang malaking pasasalamat sa lahat ng mga nakilahok sa bawat hakbang ng halalang ito! Nawa'y makita namin kayo muli sa susunod na taon.
Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.