Post Header
Simula nang itatag ito noong 2007, ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) ay pinapatakbo ng mga tagahanga, para sa mga tagahanga. Labis naming ikinagagalak ang patuloy na paglaking interes at suporta ng mga tagahanga ng iba’t ibang henerasyon sa buong mundo sa aming mga proyekto, at lubos din kaming nagpapasalamat sa pinansyal na suporta mula sa mga miyembro at tagapagbigay ng donasyon ng OTW, na siyang tumulong sa pagbuo ng reserbang pondo habang patuloy naming tinutustusan ang pang-araw-araw na gastusin ng aming mga proyekto. Ang mga pondo na ito at ang inyong bukas-palad na suporta at kabutihan ay mahalaga kapag nakakaranas ng mga isyu ang isa sa aming mga proyekto, katulad ng pagtigil ng operasyon at panahon ng pagbagal na naranasan ng Archive of Our Own - AO3 (Ating Sariling Sisidlan) sa nakalipas na mga buwan. Patuloy naming isinasagawa ang mga mahalagang hakbang upang masolusyunan ang mga problemang ito at nananatiling lubos na nagpapasalamat sa inyong suporta at pasensya sa panahong ito.
Habang ang aming mga boluntaryo ay patuloy na nagsusumikap upang mapanatili ang katatagan ng AO3, muling pinatunayan ng panahong ito ang lakas at tibay ng mga tagahanga. Salamat sa inyong mga bukas-palad na donasyon at patuloy na suporta, nagawa naming mapanatili ang AO3 at ang aming iba pang mga proyekto, na tumatakbo bilang isang organisasyong di-pangkalakal na pinangangasiwaan ng aming mga boluntaryo. Dahil dito, nais naming hikayatin kayo na magbigay ng donasyon at maging miyembro sa aming kauna-unahang naming kampanya para sa pagiging kaanib ngayong taon!
Tulad ng dati, naghanda kami ng iba't ibang mga regalo para sa mga donasyon:
Nais mo bang ipakita ang iyong pagmamahal para sa AO3 kahit saan ka man pumunta? Gamit ang isang donasyon na naghahalagang US$100, maaari mong nang isulat ang iyong mga tala at dalhin ang bahagyang piraso ng iyong fandom sa iyong bag gamit ang isang bagong 5.5"×7.5" (14 cm x 19 cm) na AO3 na kuwaderno!
Sa pamamagitan ng pag-donate ng US$45, maaari kang makakuha ng seleksyon mula sa aming koleksyon ng sticker (humanda para sa isang sorpresa)!
Maaari ka ring maging miyembro ng OTW sa pamamagitang ng donasyon na naghahalagang US$10 o higit pa. Mangyaring tandaan na ang pagiging miyembro ng OTW ay hindi katulad ng pagkakaroon ng account sa AO3—ang mga miyembro ng OTW ay maaaring bumoto para sa taunang halalan ng Lupon ng mga Tagapangasiwa ng OTW, at ang kanilang impormasyon ay hindi nakaugnay sa iba nilang mga account sa AO3, Fanlore, o sa iba pa naming mga proyekto.
Maaari ka ring magtayo ng umuulit na donasyon at mag-ipon para sa regalong nais mo. Matapos mong piliin ang regalong gusto mo, ang iyong mga donasyon sa hinaharap ay maaaring idagdag sa kabuuan, kahit hindi sapat ang donasyon mo sa kasalukuyan. Para sa inyo na nasa U.S., maaari niyong idoble ang iyong donasyon sa pamamagitan ng pagtugma ng donasyon ng tagapag-empleyo: mangyaring makipag-ugnayan sa iyong departamentong HR upang malaman kung ito ay maaari mong gawin.
Interesado ka bang malaman kung paano nagagastos ang mga donasyon? Bisitahin ang aming mga pinaskil na badyet sa nakaraan o mga taunang ulat para sa karagdagang impormasyon. Kung may iba ka pang mga tanong tungkol sa mga donasyon at pagiging miyembro, maaari mong bisitahin ang aming FAQ o makipag-ugnayan sa Pagpapaunlad at Kaaniban.
Habang ang aming mga miyembro at kanilang mga donasyon ay mahalaga upang mapanatili naming tumatakbo ang aming mga proyekto tulad ng Fanlore, Open Doors, Legal Advocacy (Ligal na Pagtataguyod), Transformative Works and Cultures - TWC (Nagbabagong Katha at Kultura), at ang AO3, huwag magambala kung hindi ka makakatulong sa pinansyal na pamamaraan! Kami’y nagpapasalamat sa walang-sawang suporta at paninindigan ng komunidad na ito: sa pamamagitan man ng paglathala o pagkomento sa isang katha sa AO3, pamamatnugot sa Fanlore, o pakikipag-ugnayan sa Open Doors tungkol sa mga sisidlan ng mga hangang-katha na nanganganib.Maaari mo ring tignan ang aming Pahina ng Pagboboluntaryo para malaman kung paano mas makilahok sa pamamagitan ng mga pagkakataon sa bolunterismo.
Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.
