AO3 News

Post Header

Kampanya Para Sa Pagiging Kaanib ng OTW, 17-19 Oktubre 2025

Ang Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) ay patuloy na lumalaki at nagtatamo ng mga bagong tagumpay. Ngayong taon lamang, ipinagdiwang namin ang pagkakaroon ng siyam na milyong tagagamit, isang milyong Mandarin Chinese na hangang-katha, at 15 milyong hangang-katha—nagtataka ka ba kung paano kami nakakasabay sa lahat ng nagaganap?

Ang isa sa mga pinatutunguhan ng iyong mga mabuting donasyon ay ang aming Komite ng Sistema, na masipag na nagtatrabaho sa pag-upgrade ng mga server na nagpapanatili ng mga database at sistema ng paghahanap, para makasabay sa tumataas na bilang ng mga tagagamit at aktibidad.

Ang Sistema ang siyang nagpapanatili ng imprastraktura na nagtataguyod ng mga proyekto ng OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha), pati na rin ang mga sistemang panloob. Kasama rito ang aming mga tatlong server rack, maraming mga server, at networking equipment, na makikita sa ibaba. Ang aming pangkat ng mga boluntaryo ay regular na nagsusuri ng aming mga server at tumutugon agad sa mga aberya upang maibalik ang serbisyo. Bukod dito, nagsasagawa rin sila ng mga regular na upgrade at maintenance para siguraduhing patuloy na magamit ang mga proyekto ng OTW. Paminsan-minsan, naglalathala rin sila ng mga postmortem at presentasyon ukol sa imprastraktura ng AO3 sa kanilang AO3_Systems AO3 account.

Mga server rack ng AO3.

Kami'y naghanda rin ng iba't ibang mga regalo para sa mga donasyon! Tulad ng dati, mayroon kaming US$45 na koleksyon ng mga sticker. Sa antas ng US$75, may pin kami para sa taong ito (ang logo ng AO3 na nakatago sa anyo ng paruparo!) at ang isang bagong umiikot na keychain na may mga logo ng AO3 at OTW. Sa buwang ito, pinalitan namin ang dating duffel bag ng kombinasyon ng tubigan + pin.

Isang paruparong pin na may kulay ng bahaghari, at ang katawan nito ay ang logo ng AO3. Isang pilak na bilog na keychain na may dalawang ring na umiikot sa magkasalungat na direksyon. Naka-ukit ang logo ng AO3 sa isang gilid at ang logo ng OTW sa kabila nito. Isang insulated na metal na tubigang pula ang katawan at itim ang takip. May nakasulat dito na 'archiveofourown.org' na puting letra. Ang 'o' sa 'own' ay ang kudos na logo ng AO3, at ang 'o' sa 'org' ay ang logo ng OTW.

Kung nais mo ng isang regalo ngunit hindi mo gustong mag-abuloy nang isang bigayan, maaari kang lumikha ng umuulit na donasyon at mag-ipon para sa regalong nais mo. Mangyaring piliin lamang ang regalong nais mo sa form ng donasyon, at kung 'di mo pipiliing magbigay para sa regalo nang isang bigayan, awtomatikong magiging umuulit na donasyon ito. Para sa inyong nasa U.S., maaari niyong doblehin ang iyong donasyon sa pamamagitan ng employer matching: mangyaring makipag-ugnayan sa inyong HR deparment upang malaman kung ito maaari mo itong gawin.

Ang donasyong US$10 o higit pa ay magpapahintulot sa iyong maging kaanib ng OTW. Ang mga kaanib ng OTW ay may karapatang bumoto para sa Lupon ng mga Tagapangasiwa—ang namumunong lupon ng OTW. Mayroon ka hanggang Hunyo 30, 2026 upang maging kaanib kung nais mong bumoto sa halalan sa susunod na taon, na magaganap sa Agosto.

Habang umaasa kaming marami sa inyo ang kukunin ang pagkakataong ito para makapagbigay ng donasyon at makasali sa OTW, nagpapasalamat kami sa suporta ng lahat ng kasapi ng komunidad na ito, sa ano mang paraan ito ipinagkaloob! Kung kayo ay lumilikha, nagbabahagi, nagko-komento, o nagku-kudos ng mga hangang-katha sa AO3; pumapatnugot sa Fanlore; nagbabasa ng Transformative Works and Cultures – TWC (Nagbabagong Katha at Kultura - TWC); o namamahagi ng impormasyon mula sa Legal Advocacy (Ligal na Pagtataguyod), kayo ay tumutulong sa pagbuo ng OTW at ng mga proyekto nito araw-araw. Taos-puso kaming nagpapasalamat sa inyong oras, enerhiya, at pakikiisa!


Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.