Post Header

Kung sakaling hindi niyo napansin, noong unang bahagi ng buwang ito, lumabas na sa open beta ang Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan)! Kamakailan lamang ngayong taon, umabot na rin tayo ng 10 milyong tagagamit at 17 milyong hangang-katha. Manghang-mangha kami sa lahat ng mga tagumpay na ating nakamit bilang isang komunidad, at gaya ng lagi, lubos na nagpapasalamat sa lahat ng inyong pagtataguyod.
Ang mga tagumpay na ito ay hindi magiging posible kung wala ang mga masisipag na boluntaryo ng OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na bahagi ng Komite ng Aksesibilidad, Disenyo at Teknolohiya. Ang Aksesibilidad, Disenyo at Teknolohiya ay ang pangkat na nasa likod ng pagde-develop, pag-update, at pagpapanatili ng software at imprastraktura ng AO3, na maaari niyong sundan sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga paskil na release notes na naglilista ng mga pagbabago sa code at mga pagkukumpuni. Kamakailan lamang, nilipat ng aming mga boluntaryo at kontribyutor mula sa Aksesibilidad, Disenyo at Teknolohiya ang mga koleksyon sa Elasticsearch, gayundin, pagpapabuti ng pag-uuri at pagsasala ng palatandaan.
Kung pamilyar ka sa pag-code at nais niyong tumulong, malugod kaming tumatanggap ng mga kontribyusyon mula kanino man! Sumangguni sa Mga Patnubay sa Pag-aambag at iba pang mga dokumentasyon sa aming GitHub. Kinikilala at linilista ang lahat ng mga kontribyutor sa aming mga release note.
Kung interesado ka sa pagtulong sa AO3 ngunit wala kang karanasan sa pag-code, maaari kang mag-ambag sa AO3 sa ibang pamamaraan, gaya ng pag-abuloy!
Naghanda rin kami ng mga bagong regalo para sa Kampanyang ito, gaya ng US$350 Fix-It Kit, para kung kailangan niyo ng fix-it para sa canon; at ang US$80 na tech travel para sa iyong mga pangangailangan sa pagbabasa at pagsusulat ng mga katha at paggawa ng iba pang mga hangang-katha!
Gaya ng dati, may sticker set kaming US$45, na ngayon ay may temang pinagdiriwang ang likas na makataong at kapwa-taong taglay ng kulturang tagahanga at fandom, at naghihikayat ng mga bagong pagsisimula.
Ang Fiber Art Weavers, na dating nagbigay ng mga kumot na gawa sa recycled cotton na may temang OTW, ay malugod na nag-abuloy muli ng ilan pa para sa Kampanyang ito! Kami'y sabik na idagdag ang mga ito sa aming mga regalo sa antas na US$600, ngunit pakitandaan na limitado lamang ang mga ito at hindi maaaring pag-ipunan gamit ang paulit-ulit na donasyon tulad ng ibang mga regalo. Muli, salamat sa donasyon ng Fiber Art Weavers!
Kung nais niyo ang isang regalo ngunit hindi niyo gustong mag-abuloy nang isang bigayan, maaari kang lumikha ng umuulit na donasyon at mag-ipon para sa regalong nais ninyo. Mangyaring piliin lamang ang regalong nais ninyo, at kapag sapat na ang "na-ipon" ninyo, makatatanggap kayo ng email mula sa Pagpapaunlad at Kaaniban upang tiyaking tama ang iyong address para sa pagpapadala ng regalo. Kailangang sumagot kayo sa email na ito para mapadala ang regalo sa iyo. Para sa inyong nasa U.S., maaari niyong doblehin ang iyong abuloy sa pamamagitan ng employer matching: mangyaring makipag-ugnayan sa inyong HR na departamento upang malaman kung maaari ninyo itong gawin. Para sa karagdagang impormasyon ukol sa mga abuloy, sumangguni na FAQ ukol sa mga Donasyon at Pagkamiyembro.
Ang donasyong US$10 o higit pa ay magpapahintulot sa iyong maging kaanib ng OTW. Ang mga kaanib ng OTW ay may karapatang bumoto para sa Lupon ng mga Tagapangasiwa—ang namumunong lupon ng OTW. Mayroon kayong hanggang Hunyo 30, 2026 upang maging kaanib kung nais ninyong bumoto sa halalan sa susunod na taon, na magaganap sa Agosto. Para sa karagdagang impormasyon ukol sa mga halalan ng OTW, sumangguni sa aming website para sa mga halalan.
Habang umaasa kaming marami sa inyo ay sasamantala sa pagkakataong ito para makapagbigay ng abuloy at maging kaanib sa OTW, nagpapasalamat kami sa pagtataguyod at suporta ng lahat ng kasapi ng komunidad na ito, sa ano mang paraan ito ipinagkaloob! Kung kayo ay lumilikha, nagbabahagi, nagko-komento, o nagku-kudos ng mga hangang-katha sa AO3; pumapatnugot sa Fanlore; nagbabasa ng Transformative Works and Cultures – TWC (Nagbabagong Katha at Kultura); o namamahagi ng impormasyon mula sa Legal Advocacy (Ligal na Pagtataguyod), kayo ay tumutulong sa pagbuo ng OTW at ng mga proyekto nito araw-araw. Taos-puso kaming nagpapasalamat sa inyong oras, enerhiya, at pakikiisa!
Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at nakadepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.




