Post Header
Tapos na ang Kampanya Para Sa Pagiging Kaanib ng OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) para sa buwan ng Abril, at ikinatutuwa naming ipahayag na tayo ay nakakalap ng US$362,171.85, higit pa sa ating inaadhikang halaga na US$150,000.00. Ang mga donasyon ay nanggaling sa 9,702 na katao mula sa 87 na bansa. Maraming salamat sa bawat isa sa kanila, pati na rin sa lahat ng nagpaskil at nagbahagi tungkol sa kampanya!
Ikinalulugod namin na 8,035 na nagkaloob ng donasyon ay piniling maging kaanib o ipagpatuloy ang pagiging kaanib ng OTW. Hindi mabubuhay ang OTW kung wala ang mga tagagamit nito, at ang inyong patuloy na pagsuporta ay aming ipinagmamalaki at ikinagagalak! Natutuwa kaming malaman na ang aming misyon na patuloy na suportahan, protektahan, at magbigay-daan sa kasaysayan ng hangang-katha at kultura ng mga tagahanga ay patuloy na tinatangkilik ng mga taong aming pinangangahalagahan: ang mismong mga tagahanga.
Kung ikaw ay nagbabalak na magbigay ng donasyon o maging kaanib at hindi pa ito nagagawa, huwag mag-alala! Buong taon tumatanggap ng mga donasyon ang OTW, at pwede mong piliin na maging kaanib kung ang iyong donasyon ay US$10 o higit pa. Ang iyong pagiging kaanib ay tatagal ng isang kalendaryong taon mula sa petsa ng iyong donasyon, kung kaya ikaw ay magbibigay-donasyon ngayon, maaari kang bumoto sa Halalan para sa Lupon ng mga Tagapangasiwa ng OTW ngayong 2026, na mangyayari sa Agosto. Makukuha mo rin ang aming mga eksklusibong regalo bilang pasasalamat kapag ikaw ay nagbigay ng donasyon!
Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.
