Actions

Work Header

budol

Summary:

AU kung saan tiga-Manila daw sina Than, Meg at Zag, tapos K-pop fan si Meg. Tapos gastador din si Zag tapos medyo kuripot rin si Than.

(here's the english translation! thanks, mog!!)

Notes:

sana matuwa ka mog wahahaha

(See the end of the work for other works inspired by this one.)

Work Text:

Tama si Meg—dapat umalis sila ng mas maaga pa. 

Eh, ano ba naman ang malay ni Than kung gaano kalaki ang fanbase ni EURY? Ni hindi nga niya masyado napakinggan ang mga kanta nito, maliban na lang sa breakup song niya kay Orpheus (na apparently ay sikat rin pala sa larangan ng teatro). Pero heto siyang naglalakad nang mabagal papunta sa likuran ng pila at wow , pila pa ba ito?! Kung iyong mga tao ay pinuno na ang buong venue mismo! Lahat sila nakaharap sa kani-kanilang kaibigan, nakasuot ng hairband na may imahe ni EURY at namamaypay gamit ang plastic na pamaypay na may litrato din ni EURY… 

Lord , sila lang ba ni Zag ang hugis lalaki dito?! 

“Uy, Than! ‘lika nga rito! Tsaka isara mo ‘yang bunganga mo at ibaba mo na rin ‘yung payong mo. Mukha kang tanga.”

Kahit na hindi nagustuhan ni Than ang pananalita ni Meg sa kanya, sumunod na rin ito at tinanggap na lang niya ang ugali ng kaibigan. Palibhasa ay araw niya ‘to—isang buwan nang nakabilog ang petsa sa kalendaryo nila. Sa araw na ito, lahat ng bumili ng ticket sa concert ni EURY ay may tsansang makanalo ng isa sa sampung VIP tickets . At siyempre, down ang website sa mahalagang araw na ito. At siyempre pa—mas maraming kaibigan, mas maraming chances of winning

Kaya heto ngayon si Than, tinitiklop ang payong habang papalapit kina Meg at Zag. Kung saan man sila nakatayo, siguro ay nahanap nila ang dulo ng isang pila na sana ay papunta sa isa sa mga nakasaradong bintana ng ticket booths

“Anong oras pa raw sila magbubukas?” ang tanong ni Than. 

At dahil si Meg ay umiinom pa sa termos (na binudbod ng stickers ni EURY galing sa kalilipas lang na Komiket), si Zag ang sumagot na walang bahid ng takot sa katawan niya. “ Ten oʼ clock nung huling tingin ko.” Ten oʼ clock—

Ten oʼ clock —alas diyes?!” Hindi na napigilan ni Than ang boses niya. Tumungo na lamang si Zag at dahil ‘di pa rin nagustuhan ni Than ang sagot nito, humarap siya kay Meg na tinitigan na naman siya ng masama habang umiinom pa rin. 

Pakiramdam ni Than ay unti-unti na siyang nawawalan ng pag-asa. Hinugot niya ang cellphone niya sa likurang bulsa niya at hinanap ang oras. “Diyos ko, wala pang alas siyete y media.” Sa isang banda, at least matatahimik na siya na kahit ano pang aga ang alis nila sa apartment ay ganitong senaryo rin ang madadatnan nila. 

Pero sa kabilang banda— “Anong gagawin natin dito sa dalawaʼt kalahating oras?!” 

“Maghihintay ng bukasan!” ang tugon ni Meg habang isinusuksok ang bote sa eco bag ni Zag. Awa ng Diyos ay hindi na ito EURY (pero may tote bag si EURY na ibebenta mamaya na malamang sa malamang ay bibilhin din ni Meg). “Ano ba, Than? Parang di ka informed .”

“Hindi nga ako informed! ” sumagot si Than. Lumingon siya ngayon kay Zag at tinanong ito, “Baʼt mo alam? Baʼt ‘di mo ako nasabihan?” 

“Nasabihan kaya kita kagabi!” ang depensa ni Zag. At unti-unti siyang ngumiti nang dinagdag niya, “Kaya lang, tutok na tutok ka ‘ata sa yawi na binabasa mo, ‘di mo ‘ko narinig—” 

‘di ‘yun yawi, para sa klase ko ‘yun! ” 

“Huy!” sinutsutan sila bigla ni Meg, nakakunot na naman ang ulo. “‘Wag nga kayo! Nakakahiya kayo, dalawang oras pa tayo dito.”

“Sino ba naman kasiʼng nagsabing pumunta na tayo ng ganitong oras?” Bumuntong-hininga si Than at napakamot sa ulo. “May gagawin pa ako mamaya!” 

“Sabado naman, Than, wala pa naman tayong ibang lakad today .” Siniko siya nang bahagya ni Zag. “Hayaan mo na! Habang nandito tayo eh kumain na lang rin tayo ng masarap. Tapos mag-shopping na rin tayo!”

“Ayan ka na naman sa luho mo eh.”

“Bakit, nabayaran naman na natin ang bills tsaka rent , ‘di ba?” 

“Alam mo? Sadyang pinagtagpo kayong dalawa nina Meg ng mga bituin.” Tinuro muna ni Than ang isa bago ang isa pa. “Ang gagastos ninyong dalawa!” 

“Hindi mali ang gastusin ang pinag-ipunan,” pinunto ni Meg at napamaywang rin siya. “Ikaw ba? Kung mamatay ka ba, madadala mo kayamanan mo sa kung saʼn ka man mapapadpad?” 

“Grabe naman ‘to sa ‘kung saʼn mapadpadʼ.” Napaubo ng kaunti si Zag. “Hindi pwedeng dumiretso muna sa langit?” 

“Ang sa akin lang, hindi rin naman mali ang mag-ipon-ipon at mag-tipid-tipid,” tugon ni Than. “Ikaw, Zag, kakakuha mo pa lang ng allowance mo galing kay Tito Hades, iwawaldas mo na agad. Kaya, pagkatapos nito, imbis na magliwaliw, uuwi na tayo.” 

“Than naman!” ang protesta ni Zag, sabay kapit nito sa braso ni Than na parang bata. “KJ yarn?” 

“KJ mo mukha mo.” Sinubukang bawiin ni Than ang siko niya pero medyo clingy ang isang ‘to. “Anu-ano ba ang kailangan mong bilhin dito na ‘di mo mahahanap malapit saʼtin?” 

“Malay mo!” Defensive na naman si Zag—nakakunot ang noo at nakausli ang nguso. Parang bata talaga. “Baka may sale , o may magandang shirt or rubber shoes .” Bigla niyang kinumpas ng malamya ang kamay niya sa direksyon ni Meg. “Yung tote bag ni EURY, medyo kyut.”

“Sinasabi mo lang yan dahil nangangati na naman ang mga kamay mong gumastos.” Humalukipkip si Than. “Bakit, ano bang kantang alam mo kay EURY?” 

Tumingin si Zag, una kay Meg at pabalik kay Than. Tapos habang nahihiyang ngumiti, iyong tipong gusto niyang pagtawanan ang sarili pero pinipigilan ito, umawit siya ng, “ Na-na, na-na, doot-doot-do.

Sabay tumugon sina Meg at Than. “Gago, Blackpink ‘yun,” ang puna ni Meg. 

“Akala ko ba Blackpink ‘yun?” naman ang batikos ni Than. 

Pero sa kanilang dalawa, si Than lang ang piniling sagutin ni Zag. Malaki ang ngiti niya at kumikinang ang mga mata niyang ‘di pantay ang kulay. “Akala ko ba wala kang alam sa K-pop! ” At masaya pa siya nung sinabi niya ito. Ang totoo, siyempre, ay walang alam si Than sa K-pop . Dapat wala siyang alam. 

Kaya lang, tandang-tanda niya ang isang gabi kung saan pinapanood niyang mamuti ang mga letra sa telebisyon habang sumasayaw ang banda sa likuran nito. 

Napatameme na lang si Than bago siya nagkibit-balikat. “Wala, alam ko lang.”

Ahhh! ” Winagayway ni Zag ang hintuturo niya. “‘Yun ba yung unang beses tayong nag- date sa RomBa— ” 

Shhh!” Mabilis na tinapik ni Than ang daliri niya sa labi niya. “Tumahimik ka nga, ‘di pa alam ng parents ko!” 

“Kung maka-parents ‘to, ano ‘yan? Yamanin?” Ang sita ni Meg. “Tsaka may punto si Zag. Andito na tayo, eh! Tapos minsan lang tayo mapadpad dito. Sulitin na natin para ‘di sayang pamasahe!” 

“Oo nga, Than!” Kumapit na naman si Zag sa braso ni Than para hila-hilahin ‘to. “Sige naaa, mahal mo naman kami, ‘di ba?” Kung ‘di lang talaga. 

Pero kaya nga siya nandito eh—dahil hindi niya sila mahindian. “Hay!” Bumuntong-hininga si Than habang kinakamot ang noo. “Oo na, sige na! Kung ‘di lang talaga.”

Nagbunyi sina Meg at Zag at nag-apir sa isaʼt-isa. Ngayong ‘di na sila susuwayin ni Than ay nilabas na ni Meg ang cellphone niya para mag-check ng mga messages niya. Siya nga pala—

“Meg, ‘yung mga kapatid mo pala?” tanong ni Than. “‘Di sila mahilig? Baʼt di na lang sila ang sinama mo—” 

“Than.” Humingang malalim si Meg bago pa niya ‘to tiningnan sa gilid ng kanyang mga mata. Nagbababala. “Mamili ka: mahal o sampal?” Matalinong tao si Than— at least iyon ang gusto niyang isipin. 

Kaya pinili na lamang niyang manahimik. 

Works inspired by this one: