Chapter Text
Nagwawalis si Mariano sa entrada ng Casa de los Reyes. Kasalukuyang hinahanda ang bahay para sa pagbabalik ng kanilang binatang amo.
Senyor?” laking gulat na sambit ni Mariano nang may biglang pumasok na karwahe. Sa upuan ng kustsero ay walang iba kundi ang kanilang senyor na si Don Fidel de los Reyes y Maglipol.
“Mariano,” bati nito habang tinuluyan na pinahinto ang kabayo.
“B-buenas dias, Senyor,” sagot ni Mariano habang pinagmasdan ng maigi ang karwahe. “Ngunit… nasaan po si Berto? Bakit kayo lang po ang nagmamaneho?”
Bumaba ang senyor at dumiretso na patungo sa bahay. Iwinawasiwas niya ang kanyang kanang kamay, “Tinakasan ko muna. Hayaan mo na iyon.”
Dahil hinahawakan pa ni Mariano ang tali ng kabayo, wala siyang ibang magawa kundi sumigaw, “Sandali, Senyor! Naiwan po ba talaga si Berto sa Maynila?”
“Siyang tunay, Mariano!” pilyong sagot ng amo.
Napakamot na lamang ng ulo si Mariano.
Sinuri ni Mariano ang mga bagahe sa likod ng karwahe. Kaunti lang naman ang dala ng Senyor. Subalit, bakit niya iniwan si Berto kung siya lang mag-isa ang umuwi sa San Diego at wala naman siyang ibang dala?
Kilala rin ni Mariano si Berto. Takot iyon sa kanilang amo. Kung nanaasin ni Don Fidel na siya lamang ang magmamaneho ay hindi naman lubusang tatanggi ang kasamahan niyang kutsero.
Hindi rin gawain ng kanilang solterong senyor ang pagsasayang ng cuarta, panahon o tauhan. Hindi nito iiwan si Berto kung wala itong mabigat na dahilan.
Dinala ni Mariano ang karwahe patungo sa silong upang tanggalin na ang karwahe mula sa kabayo.
Baka inihatid na ng Senyor ang mga dala niya sa tindahan bago pa ito pumarito sa kanyang tahanan?
O baka…
May babae itong kinasama at iniwan kung saanman?
Nagpailing-iling si Mariano habang pinakukuha sa mga kasambahay ang konting bagahe at pasalubong ng Senyor. Inatasan niya ang mga ito na dalhin na sa itaas ng bahay.
Ngunit kahit kailan ay wala pa siyang naibalita na may sinusuyo na dalaga ang senyor. Wala pa ring narinig si Mariano na may iniuwi itong mujer libre. Kahit na gawain iyan ng mga mayayaman na binata na tulad ng kanilang amo, lalung-lalo na’t mga binata na nakapag-aral sa ibang bansa, kahit kailan ay hindi niya namalayang o narinig na ginagawa ito ng Senyor.
Baka sadyang malihim lang?
Si Senyor Fidel? And amo niya na inalaagan na niya simula sa pagsilang? Ang binatang Makadiyos, matalino at may malaking kumpiyansa sa sarili? Nag tatago ng babae?
O Baka isang kriminal?
Dito na natawa si Mariano sa kanyang sarili. Tinitignan na rin siya ng kabayo na dinadala na niya patungo sa kuwadra na tila siya ay totoong nahihibang. Kasi naman, hinding-hindi gagawin ng kanyang amo iyon. Hindi ito gagawa ng kahit anong ikakapahamak niya at ang mga taong malapit sa kanya.
Kahit ano pa mang dahilan iyon, sana ay hindi pa rin iniwan ni Senyor Fidel si Berto. Mas dadami na naman ang trabaho ni Mariano dahil kulang sila ng kutsero.
…………………………….
Gabi na noong isinara ni Mariano ang pintuan ng kuwadre ng mga kabayo nang makarinig siya ng mga papalapit na yapak.
“Anecita, Magandang gabi,” bati niya sa kanyang asawa na kasintagal niya na ring naninilbihan bilang utusan ng mga de los Reyes. Si Anecita at ang kanyang mga nakababatang katulong ang mga naging abala sa paghanda ng bahay at makakain ng Senyor.
“Hinintay mo na lang sana ako. Tapos na rin ako sa aking mga gawain.”
Sa gabi, tangi ang Senyor na lang ang nanatili sa bahay, maliban na kung kailangan talaga niya si Mariano na doon magpalipas ng gabi.
Nang hindi umimik ang asawa ay tinignan siya ng mabuti ni Mariano.
“May problema ba, Anyang?”
“Ano ba kasi ang nangyari sa Senyor, Mariano?” balisa ang tanong ng asawa.
“Ano’ng ibig mong sabihin?”
Sumandal sa pader ng kuwadra si Anecita.
“Hindi ba’t kagagaling lang niya mula sa Maynila? Bakit hapong-hapo siya? Alam mo ba na kaunti lang ang kinain niya? Kalahati lang ng vino ang kanyang nainom. Pagkatapos niyang linisin ang sarili niya ay agad na rin siyang natulog. Ang aga pa ah?”
Tulad ni Mariano, matagal na rin nito inalaagaan ang Senyor. Halos anak na rin ang turing ng kanyang asawa sa binata.
Lumingon si Anecita sa paligid.
“At tsaka, nasaan si Berto? Hinintay ko pa naman siya upang bigyan ng kanyang parte ng naluto kong ulam eh. Dinala ko nalang sapagkat sayang naman kung walang kakain nito. Dagdag pagkain nalang din para sa atin.”
Nagkibit-balikat si Mariano. “Iniwan ni Senyor Fidel si Berto sa Maynila. Siya lang mag-isa ang nagdala ng karwahe at mga bagahe dito sa San Diego,” sagot ni Mariano sa nag-aalalang asawa.
“Ha?” di-makapaniwala si Anecita.
“Ang ipinagtataka ko lang, Anyang, kaunti lang ang dala niyang bagahe. Sabi ni Jose, na siyang nanggaling sa bodega at sa tindahan, na hindi naman dumaan ang Senyor doon buong araw.”
“Pero naiwan si Berto?”
“Oo, iniwan pa rin niya si Berto sa mga kamag-anak niya sa Maynila.”
Inilahad ni Mariano ang kanyang kamay at tinanggap naman ito ni Anecita. Kahit matatanda na sila ay magkahawak-kamay pa rin silang nagtutungo sa kanilang kubo na nasa lupain lang din ng mga de los Reyes.
“Ano ba ang nangyayari sa Senyor natin, Mariano?” tanong ni Anecita habang binitawan ang kanyang kamay at pinag-krus ang kanilang mga braso.
“Baka may pinagdadaanan, Anyang,” sabi ni Mariano habang marahan na tinatapik ang braso ng asawa.
“Huling beses siyang gumawa ng ganito, buhay pa ang Donya at pinipilit ng Senyorito na ipagsabay-sabay ang lahat ng gawain at responsibilidad niya sa commercio.”
Napatigil si Mariano. “Oo nga, ano?” gulat niyang tugon. Tumuloy na din silang dalawa na dahan-dahang maglakad. “Nakalimutan ko na yata ang mga panahong iyon dahil matagal nang napatunayan na ng Senyor ang kanyang sarili. Alam na niya dapat na kailangan rin ng sapat na pahinga palagi.”
“Kaya nga ako’y nag-aalala,” tugon ni Anecita habang papalapit na sila sa kanilang kubo.
“Mabuti pa kung sinamahan ko na lang siya sa bahay siguro, ano? Para hindi siya mapag-isa kahit sa gabing ito lang.”
“Alam mo naman ang batang iyon, ayaw magpasama kung hindi niya sasabihin. Nagtatampo.”
“Ang batang iyon ang amo natin, Anyang.”
Inirapan lang siya ng asawa.
“Tay! Nay!” Bati ng kanilang binatang anak na si Hilario sabay pagmano sa kanilang mga kamay. Sumunod na rin ang mga kapatid ito na bumaba at nagmano.
……………………………………
Habang sila’y naghahapunan, naikwento ni Hilario na may mga mamimili at kasamahan nilang indio na nakakita kay Senyor de los Reyes na may inihahatid na Ginoong Mestizo Espanyol at mestizang intsik sa bahay ng mga Ibarra.
“Ah nagbalik na pala ang tagapagmana ni Don Rafael Ibarra,” pagtataka ni Aniceta.
“’Yong mayaman na namatay sa cuartel noong isang taon po?”
“Siya nga Hilario. Naku! Kalaban pa naman ng mga prayle iyon.”
“Di ba delikado ‘yon para sa kay Senyor Fidel? Na makisama sa anak nito?”
“Naku, anak,” kinurot ni Aniceta ang binata. “Kababata ‘yon ng Senyor. Matalik na kaibigan. Hindi niya matitiis ‘yon.”
“Eh, yung mestizang intsik?” dagdag ni Hilario.
Tumingin si Aniceta sa asawa. Kumurap si Mariano. “Ah… ang Senyor Ibarra ay naipagkasundo na sa dalagang anak ni Kapitan Tiago. Hindi iyon mestizang intsik. Mayaman iyon na india naturales.”
“Eh, bakit may ibang kasamang babae ang Senyor Ibarra na iyon sa bahay?” kumunot ang noo ni Anecita.
Umiiling-iling nalang si Mariano, “Alam mo naman ang mga mayayamang ‘yan. Pag gusto nila pagsabay-sabayin ang mga babae, eh walang makakapigil sa kanila.”
“Pero bawal ‘yon sa Diyos!” nagprotesta ang anak.
“Galing Europa di naman iyon, anak. Baka nahawa,” Malumanay na sagot ni Aniceta sa nag-aalibughong anak.
“Di naman siguro papayag ang Senyor de los Reyes ng ganoon. Malapit siya sa cura hindi ba? Di ‘yon susuporta ng mga bagay na ayaw ng cura. Nagpapasalamat pa nga ang cura sa kanya sa tuwing may sermon, eh,” muling pagasalungat ng anak na may malaking paghanga sa amo.
Tinapik ni Mariano ang balikat ng asawa. “O siya, siya. Tanging ang mga senyor lang ang nakakaalam ng katotohanan. Usapang mestizo na ‘yan. Hindi na tayo dapat makilahok. Magtrabaho na lamang tayo at mamuhay ng payapa.”
“Mariano, naman, eh. Kuwentuhan lang.”
“Kumain na lang tayo. Ang sarap ng luto mo ngayon. Dapat natin namnamin.”
Kinurot ni Aniceta ang asawa. “Huwag kang bolero ha.”
Natawa ang kanilang anak.
“Kaya pala naiwan si Berto,” sabi ni Mariano pagkatapos ng pagninilay-nilay.
“Bakit, Mariano?”
“Kung mayroon nang dalawang pasahero ang Senyor, eh, wala nang lugar para sa kutsero sa harapan,” pagpapaliwanag nito
“Ito marahil ang dahilan kung bakit pagod-na-pagod ang Senyor. May dalawa palang sumakay sa kaniya, sabay pa ang mga bagahe ng mga bagong salta,” dagdag pa ni Anecita.
“Kaya’t huwag ka nang mag-alala ng masyado, Anyang. Hindi pala iyon gumagawa ng kababalaghan. Makakatulog na rin tayo.”
“Ikaw ‘yong nag-iisip ng masama sa alaga mo, eh.”
Talo na naman si Mariano sa asawa. Mabuti nalang at mahal na mahal niya ito.
